frchito

Posts Tagged ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’

KUMAKALINGA SA TUMATALIMA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Hulyo 2, 2010 at 15:20

Ika-14 na Linggo ng Taon (K)
Julio 4, 2010

Mga Pagbasa: Is 66:10-14c / Gal 6:14-18 / Lk 10:1-12, 17-20

Maganda ang unang mga yapak ng bagong presidente. Nangako siya na ang gobyerno ay isang pamahalaang makikinig, isang pamahalaang hindi magbibingi-bingihan sa mga hinaing ng taong-bayan. Noong bata pa ako, isa sa mga parusang aking natanggap ay kapag tinatawag ng magulang at nagkukunwaring hindi namin naririnig. Matay kong isipin, hindi nga naman susunod ang bata kung hindi nya naririnig ang utos, di ba? Walang pagtalima, kung walang pandinig.

Ang mga pagbasa natin sa araw na ito ay may koneksyon sa pagtalima, na may kaugnayan din sa pakikinig.

Sa unang pagbasa, matulain at marubdob na pagmamalasakit ang dulot ni Isaias sa kanyang bayan. Pahatid nyang balita ang kagalakan para sa lahat: “walang katapusang pag-unlad, kayamanang dadaloy na tila agos ng ilog,” at mga larawan ng isang sanggol na busog na busog at panatag ang kalooban.

Pero may kabilang dako ang lahat ng ito… may kailangang gawin … may dapat gampanan ang bayan na hindi natin dapat kaligtaan. Kakalinga ang Panginoon, diumano, sa mga tumatalima sa Kaniya!

Noong bata kami, may dahilan kami para magbingi-bingihan. Mahirap kapag tumawag ang mga nakatatanda. Simple lang yan … may utos. At kapag may utos, tapos na ang laro … tapos na ang masasayang sandali. Mayroong dapat gawin. Mayroong dapat asikasuhin: magsibak ng kahoy, umigib ng tubig, magbunot ng sahig, o kumuha ng dahon ng saging, o mangahoy sa bukid! Mahirap ang makarinig ng tawag. May kaakibat na tungkulin … may kaakibat na krus!

Ito naman ang paalala ni Pablo sa mga taga Galatas … Nang dinggin ni Pablo ang tawag at paanyaya ni Kristo, krus ang kanyang sinapit … krus ang naging pasanin niya … krus din ang umutas sa kanya! Subali’t sa kanyang tumalima, ay pagkalinga ng Diyos ay ipinagkaloob. Ito ang dahilan kung bakit ngayon, “ang krus lamang ng Panginoon ang siya niyang ipinagmamapuri!” Ano ang naging bunga ng pagkakalingang ito ng Diyos? Siya na rin ang sumagot: “Ang mahalaga’y ang pagiging bagong nilalang!” Bagama’t may pilat sa katawan, itinuring niyang isang biyaya, maging ang pilat at pasakit sa katawan at kaluluwa.

Si Pablo ay isa sa mga haligi ng simbahan. Kasama ni Pedro, silang dalawa ang tambalan na nagpalaganap nang ganap sa Inang Santa Iglesya. Sa pamamagitan nilang dalawa, at ng mga apostoles at mga disipulo noong una, naipakita ng Diyos kung paano siya magkalinga sa kanyang bayan na marunong tumalima.

Ito ang dahilan kung bakit sa kanyang pagmamalasakit sa kawan, ay hiniling niya sa ebanghelyo natin ngayon: “Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin.”

Tambak ang trabaho ng mga sugo niya. Susun-suson ang pagsubok na pinagdadaanan ngayon ng mga Obispo at mga pari sa buong mundo, dahil sa kawalan ng pagtitiwala ng marami bunsod ng kawalang pananagutan ng ilan sa amin. Mahirap ang landas na tinatahak ngayon ng sugo ng Panginoon. Matinik ang landas, at puno ng dawag at nababalot ng matinding pangamba. Hirap kami magpagal sa isang “bukirin” na pinamumugaran ng internet, social networking sites, at personal entertainment saan ka man sumuling at lumingon. Sa “bukiring” ito, hirap na ang mga kabataan sa pakikinig, tulad ng hirap kami noon na makinig sa tawag ng magulang.

Ang pandinig ng mga kabataan ngayon ay nakatuon sa Ipod, cellphone, cyberspace, 3G at 4G na mga celfon, at marami pang iba. Bagama’t kakaunti na sa kanila ang nanonood ng TV, marami pa silang larangan ng personal entertainment. Sa medaling salita, ibang iba na ang mundo nilang iniikutan.

Ito ang bukirin kung saan kami isinusugo ng Panginoon …

Ito ang bagong Areopagus, kung saan nangaral si Pablo …

Kung hirap ngayon ang mga taong makinig, lalung hirap ang mga tao upang tumalima. Walang pagsunod kung walang pandinig.

Sa kabila nito, malinaw ang kagustuhan ng Diyos … “Sinusugo ko kayong parang kordero sa gitna ng mga asong gubat.”

Sa araw na ito, paki-usap ko sa lahat. Huwag nyo akong tularan sa aking pagbibingi-bingihan. Makinig tayo sa tawag ng Diyos. Bigyan nating pansin ang kanyang hinaing, tulad ng pakiki-usap ng bagong Presidente Aquino, na magsasama-sama sa isang panibagong umaga, sa isang panibagong pamahalaan na hindi nagbibingi-bingihan sa hinaing ng taong-bayan.

Ang puno at dulo ng lahat ng ito ay iisa … Karugtong nito ay isang pangako ng buhay …

Ang Panginoon ay nagkakalinga sa mga tumatalima sa Kanya!

LANGIT ANG TUNAY NATING BAYAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Taon K on Pebrero 23, 2010 at 07:21

Ikalawang Linggo ng Kwaresma(K)
Pebrero 28, 2010

Isa sa mga palatandaan ng postmodernismo ay ang palaisipang ang mahalaga ay ang nakikita, ang nahihipo, ang nabibilang, at nasusukat. Ang katotohanan ay hindi tiyak, hindi maipapako sa iisang paka-unawa, at bagay na napapalitan, nababago, at nahuhubog. Ang objetivong katotohanan, ayon sa palaisipang ito, ay hindi makakamtan ninuman.

Isa ito sa pinakamahalagang dahilan kung bakit ang karamihan ng tao ay puno ng pagdududa, at ang pagtitiwala ay tila naglaho nang parang bula. Wala tayong tiwala sa mga namumuno. Wala tayong tiwala sa mga naghahatid ng balita. Ang lahat ng institusyon ay pinagsususpetsahan ng balana. At ang nagsisikap mamuno ay nananalo lamang kung pina-aandar ang pera o dili kaya ay malawakang pandaraya.

Bunga ng lahat ng ito ang paniniwalang ang buhay ay nakatuon lamang dito sa lupang ibabaw. Kung ang mahalaga ay dito at ngayon, ang impiyerno, ang purgatoryo, at ang langit ay hindi na masyadong pinag-uusapan.

Tutumbukin ko na agad ang gusto kong sabihin … May langit, kaibigan. May purgatoryo at may impiyerno. Ito ang turo ng Simbahan magmula pa noong una, sapagka’t ito ang nilalaman ng Banal na Kasulatan.

Ito rin ang paalaala sa atin ng mga pagbasa natin ngayon. Una, si Abraham ay tinawag mula sa Ur upang humayo at maging pinuno ng isang malaking angkan. Pinangakuan siya ni Yahweh, na ang kanyang magiging supling ay higit na marami pa kaysa sa mga bituin sa langit. Larawan ito ng isang malinaw na turo ng Biblia – na ang buhay ay kahalintulad sa isang paglalakbay, at ang hantungan ng paglalakbay na ito ay hindi lamang Canaan o Israel. Ang hantungan ng paglalakbay na ito ay walang ibang kundi ang pakikipagniig sa Diyos sa langit na tunay nating bayan!

Binabanggit ni San Pablo sa liham niya sa mga taga Filipos ang kabaligtaran ng pangaral na ito – ang pagpapahalaga sa mga bagay na makamundo lamang: “Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nila ikahiya at ang pinag-uukulan lang nila ng pansin ay ang mga bagay na panlupa.”

Ang pagpapahalaga lamang sa mga bagay na panlupa ay kawalan ng wastong pananaw – kawalan ng tinatawag nating perspektibo, ang wastong pagtingin at tamang pagturing sa lahat ng nakikita, nahihipo, nabibilang, at nasusukat. Alam nating lahat na ang pera ay nabibilang. Alam nating lahat na may bahay na maliit at may bahay na sobra ang lalaki, kahit tatatlong butil lamang ang nakatira. Alam natin na pangarap ng lahat na magkaroon ng komportableng tirahan, magarang sasakyan, at maraming ipong pera sa bangko. Walang masama sa lahat ng ito. Tungkulin natin ang magsikap upang mapaganda ang kinabukasan natin.

Ngunit ang taong walang wastong perspektibo ay nabubulagan sa lahat ng ito at hindi na nakikita ang higit pa sa ngayon at sa rito.

Sa ebanghelyo isang pahimakas ng katotohanang may langit at may hantungang marangal ang buhay ng tao ang ipinaaalala sa atin. Nang umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin, ayon kay San Lucas, nagbago ang kanyang anyo, nagmistulang bulak o niyebe ang kaputian at naging busilak ang kanyang katawan. Nakatikim si Pedro, Juan, at Santiago ng kung ano ang naghihintay sa kanila at sa atin lahat.

May langit kaibigan. May higit pa kaysa sa politikang pinamumugaran ng mga tampalasan. Bagama’t kay raming kawalan ng katarungan sa mundong ito, alam nating may hangganan ang lahat, may katapusan. At ang wakas ng lahat ay ganap na kapayapaan, katarungan, at kaligayahan para sa naging tapat sa kanya, tulad ni Abraham, tulad ni Pablo at ang mga tagasunod ni Kristo na tumahak sa landas ng Panginoon.

Ang mga salaysay sa Biblia na binabasa natin sa Liturhiya ay salaysay na may kinalaman sa buhay natin lahat. Ang kwento tungkol sa pagtawag kay Abraham ay kwento rin ng patuloy na pananawagan ng Diyos sa kanyang bayang pinili. Ang suliranin at pagsubok na pinasan ng mga Israelita noong araw, ay katumbas ng atin ring mga pasanin noon, ngayon, at bukas.

Subali’t para sa taong may wastong pagtingin at tamang pagturing – mga taong may sapat at tapat na perspektibo sa mga bagay-bagay, ang mga mata nila ay nakatuon, hindi lamang sa lupang ibabaw, kundi “sa langit na tunay nating bayan!”