frchito

Posts Tagged ‘Miercoles ng Abo’

PAKITANG-TAO, PAGGAWA, PAGSISISI

In Uncategorized on Pebrero 21, 2012 at 18:18

Image

Miercoles ng Abo

Pebrero 22, 2012

Mga Pagbasa: Joel 2:12-18 / 2 Cor 5:20 – 6:2 / Mt 6:1-6, 16-18

 

Nasa kwaresma na naman muli tayo. Apatnapung araw na paghahanda para sa mga Mahal na Araw, na ang tugatog at hantungan ay ang minimithi ng ating pananampalataya – ang muling pagkabuhay ni Jesus! Para tayong paakyat sa Jerusalem, tulad ni Jesus, na unti-unti nating maririnig na paakyat sa banal na lungsod, kung saan siya pahihirapan, at makakaranas ng sukdulan ng pag-uusig mula sa mga kaaway ng katotohanan.

Subali’t bago tayo mag-asam na tumingala sa itaas, at mag-asam na makarating sa tuktok ng bundok, mayroon tayong dapat munang gawin – ang tunghayan ang katotohanang tayo magpahangga ngayon, ay nasasadlak pa sa lupang ibabaw, sa lupang bayang kahapis-hapis, sa mundong iniikutan natin, na nababalot ng sari-saring mga suliranin.

Ano ba ang natutunghayan natin dito sa kapatagan, sa ibaba, sa kalagayan natin bilang taong pawang hindi naka-abot sa luwalhati ng Diyos? Hayaan natin magwika ang mga pagbasa …

Ayon kay Joel, mababaw tayo … mapagkunwari … Mungkahi niya sa atin ay simple: “Warakin ang puso, hindi ang kasuotan!” Ano naman ang sabi ni Jesus? Huwag aniya masiyahan sa paimbabaw na mga pakitang-tao … ang pananatili sa mga pa-ekek na pagtunog ng mga trompeta at ang pagtindig sa mga luwasan at pampublikong lugar upang makita ng madla at mapalakpakan.

Malinaw ang tinutumbok ng Panginoon … paggawa, pagsisisi, hindi pakitang-tao!

Liksiyong malinaw ang sagisag ng abo. Mula sa apoy, tinupok at tinusta … abong natira sa pagsusunog ng mga palaspas … walang kwenta, walang silbi, walang anumang gamit.

Ito ang larawan natin, walang kwenta kumpara sa Diyos, walang silbi kung susuriin, walang anumang gamit, liban sa paalalahanan tayo ng isang mataginting na aral: “Alalahanin mo tao, na ikaw ay abo, at sa abo ka muling magbabalik!”

Matayog ang ating pangarap. Nag-aasam tayong lahat na makarating sa langit, kapiling ng Diyos. Nag-aasam tayong lahat na pumailanlang sa luwalhati kasama ang Diyos. Ako man ay nag-aasam. Ako man ay nangangarap. Subali’t bilang isang trekker noong araw, na marami na ring bundok na naakyat, walang pagtungo sa tuktok, kung hindi nagmumula sa paanan ng bundok. Bilang isang malimit na manlalakbay, walang eroplanong pumapailanlang kung hindi nagmumula sa paliparan sa kapatagan.

Tayo na’t umakyat sa bundok ng Panginoon! Magsimula tayo sa tila kawalan, tila walang kabuluhan … sa abo! Alalahanin mo tao na ikaw ay abo, at sa abo muling magbabalik!

TAPAT, SAPAT, DAPAT

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Pebrero 23, 2009 at 20:31

ash_wedsm

Miercoles ng Abo (Taon B)
Febrero 25, 2009

Mga Pagbasa: Joel 2:12-18 / 2 Cor 5:20 – 6:2 / Mt 6:1-6, 16-18

Simula na naman ng Kwaresma – kwarentang araw ng paghahanda sa pinakadakilang kapistahan ng pananampalatayang Kristiyano, ang muling pagkabuhay ng Panginoong Jesucristo. Ang simula ay pinasisinayaan ng isang tradisyong matagal nang panahon ang pinagdaanan – ang pagpapahid ng abo sa noo ng mga sumasampalataya.

Nagsisimula ang kwaresma sa isang tanda. Isa ito sa maraming pang tanda na matutunghayan natin sa kabuuan ng panahong ito. At sa unang araw na ito, ang malalim na kahulugan ay binibigyang-liwanag ng mga pagbasa. Simulan natin kay Propeta Joel.

Nananawagan si Joel sa isang malawakang pag-aayuno, pagsisisi sa kasalanan, at pagbabalik-loob sa Diyos. Walang pag-aatubili ang kanyang pagpapasyang manawagan ng ganoon. Ni isa mang hibla ng pagdududa ay makikita sa kanyang mga kataga. Tapat ang kanyang pagkakilala sa Diyos. At tinatapat din niya ang mga nakikinig sa kanya. Tapatan niyang ipinangaral ang katotohanan tungkol sa Diyos: “Sapagka’t lubha Siyang maawain, banayad sa pagkagalit, mayaman sa kabaitan, at madaling maglubag ang kalooban.”

Ito ang tapat na pangaral at pagkakilala ni Propeta Joel sa Diyos ng mga Israelita. Tapat ding tinugunan ng Diyos ang pagkakilalang ito: “Natinag ang Panginoon at ito ay naghatid sa kanya upang magdalang-habag sa kanyang bayan.”

Ang tapat na pagkakilalang ito ni Joel sa Diyos ay tinapatan din ni Pablo. Hindi na siya naghanap pa ng iba. Ang pagiging tapat ng Diyos ay naging sapat na sa kanya. Sapat na itong pagkabatid at pagkakilala sa Diyos upang magbunsod kay Pablo na manghinuhod sa kanyang ngalan upang magbalik-loob ang lahat sa Diyos. At sapat na rin sa kanya ang pangkasalukuyang panahon. Ang “ngayon” aniya, ang tamang oras upang maligtas. “Ang araw na ito ay kaaya-ayang panahon; tingni, ito ang araw ng inyong kaligtasan.”

Ngayon, hindi bukas … sapat na ang araw at sandali na ito. Hindi na dapat maghanap pa ng iba.

Ang ebanghelyo naman ay isang aral tungkol sa kung ano ang dapat. Kung tapat ang Diyos at hindi mapagbalatkayo … kung tapat ang kanyang pag-ibig at pagpapatawad … kung sapat na ang kanyang pag-ibig at pagmamalasakit sa atin, ay mayroon namang dapat tayong gampanan. Mayroon tayong dapat na pagsikapan, na humihigit sa pakitang-tao lamang.
Una sa lahat, dapat na gumawa ng tama at magaling … para sa Diyos at sa kapwa, hindi para makita lamang ng tao. Dapat na kung magbibigay ng limos ay wala nang mga tarpaulin na nagsasabi sa lahat na ito ay proyekto ng kagalang-galang na politico o sino man. Dapat na kung magdarasal, ay hindi na sa Luneta, o sa Shangri-La hotel, upang makita ng ABS-CBN network. Dapat na kung mag-aayuno din lamang, ay hindi na mag-aayos at magagayak na parang inabuso at nilampaso, bagkus dapat magsuklay at mag-ayos ng sarili bilang maikubli sa madla ang pagpapakasakit na ginagawa.

Tapat ang Diyos. Tapat ang kanyang pag-ibig. Sapat na ang katotohanang ito para sa atin. Wala na dapat tayong hahanapin pa.

Ang penitensya na kaakibat ng kwaresma ay hindi lamang mga pagpapahindi sa sarili na madaling sukatin at bilangin. Hindi lamang ito mga gawaing madaling ipeke, madaling gayahin, tulad ng mga pekeng mga polo, mga cellphones, at kung ano-ano pa na galing sa Tsina.

Ang penitensya na kaakibat ng kwaresma ay panloob muna bago ito maging panlabas. Bago ito maging dapat, ito muna ay kinakailangang maging tapat. Kung ito ay tapat, wagas, at tunay, ay wala nang dapat hanapin pa. Sapat na ito sa Diyos. Sapat na ito sa Kanya na ngayon mismo sa araw na ito ay nagdudulot ng kaligtasan sa atin: “Sa isang kaaya-ayang panahon ay dininig kita; sa araw ng kaligtasan ay tinulungan kita.”

Tapat ang Diyos sa atin. Sapat nang salaysay ito. Wala nang pasakalyeng kailangan; wala nang dugtong ang kailangan pa. Ang kulang na lamang ay kung ano ang dapat … ang dapat nating gawin upang maging makatotohahanan sa buhay natin ang kaligtasang kaloob Niya.

ICM House of Prayer
C. M. Recto, Baguio City
February 23, 2009