frchito

Posts Tagged ‘Misa de Gallo’

PAGSUYO, HINDI PAGSAWAY!

In Adviento, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 20, 2010 at 08:44

Ika-6 na Araw ng Simbang Gabi (A)
Disyembre 21, 2010

Mga Pagbasa: Awit ng mga Awit 2:8-14 / Lucas 1:39-45

Bagama’t panay ang ulan sa atin, ngayong papalapit ang Pasko, na dati-rati ay hindi nangyayari, laman ng unang pagbasa ang mga larawan ng magandang pag-asa. Sa matulaing panulat ni Solomon, sa Awit ng mga Awit, isang larawan ng pag-asa ang namumulaklak sa mga labi ng manunulat …

Iisa ang pakay ng pagbasang ito, ang pukawin ang natutulog nating pag-asa na may darating na tiyak na kaligtasan … ang kabatirang ang Mesiyas ay tiyak na darating upang tuparin ang mga pangakong nilalaman ng mga pangaral ng mga propeta.

Sa panahon natin, kailangan natin ang patuloy na paalaala. Madali tayong lumimot, kay bilis manghinawa, at magsawa sa paggawa ng mabuti. Madali tayong lipasan ng pag-asa, at mabilis tayong panawan ng kakayahang magtiis.

“Hanggang kailan, Panginoon” ang malimit nating tanong sa gitna na sari-saring paghamon sa buhay. Pagtangis at pagtatanong ang malimit na laman ng puso at kaisipan natin. May pag-asa pa kaya si Lauro Vizconde na malaman ang tunay na salarin na walang awang pumatay sa kanyang asawa at dalawang anak? May mahihintay pa kayang mabilis na kalutasan ang walang pakundangan at walang-awa ring pagpatay sa 57 katao sa Maguindanao? May magbabayad pa kaya sa mga bilyon-bilyong ninakaw sa taong bayan sa dinami-dami ng mga katiwaliang naganap sa mga nagdaang administrasyon?

Unos, ulan, baha, at lahat ng uri ng pagkawasak ang nakikita natin sa kapaligiran. Mayroong mga isla na alam ng mga paham na maglalaho sa mapa, di maglalaon, tulad ng Marshall Islands sa Pacifico. Alam natin na sa walang ampat na pagtaas ng temperatura sa buong mundo, ay hinahagupit ng mga unos at bagyo at kalalabisan sa klima ang maraming bahagi ng planeta. At hindi pa natin pinag-uusapan ang mga panukalang batas na walang paggalang sa inosenteng buhay ng mga hindi pa isinisilang!

Ito ang dahilan kung bakit paborito kong panahon sa taon ng pagsamba ang Adviento o Pagdating. Tigib na tigib ng pag-asa at pag-aasam sa lahat ng urin ng napipintong kabutihan ang dulot sa atin. At lalung lalo na sa simbang gabi …

Sa araw na ito, pinupukaw muli ng pagbasa ang katiyakan na dapat ay laman ng puso at damdamin ng bawa’t kristiyano … huhupa ang unos … matatapos ang ulan … at tayo ay makakaranas ng masugid na pagsuyo ng Diyos na lubhang nagmamahal sa atin.

Sinuyo ng Diyos si Maria … Huwag kang matakot Maria …. Iyan ang mensahe ng anghel … Sinuyo ng Diyos rin si Jose … Huwag kang matakot, Jose, na tanggapin siya bilang iyong esposa … Alam natin ang nangyari … Isinama ni Jose si Maria sa kanyang tahanan. Sumagot ng “Oo” si Maria sa kanyang “fiat.” Naganap ang pangarap ng Diyos, sapagka’t nakipagtulungan si Maria at Jose!

Nais kong isipin na tayo ngayon ay sinusuyo rin ng Diyos. Sinuyo Niya tayo upang gumising ng maaga sa loob ng siyam na araw. Sinusuyo pa rin niya tayo upang tumugon sa abot ng ating makakaya sa kanyang paanyaya. Sinusuyo Niya tayo upang maging tagapaghatid ng kanyang magandang balita ng kaligtasan. Sinusuyo Niya tayo upang hadlangan ang anumang masamang balak ng mga taong tampalasan at hindi maka-Diyos.

Sinusuyo Niya tayo tulad ng pagsuyo na binabanggit sa matulaing awit ng mga awit ni Solomon.

Ang tanong kung gayon ay ito … Handa ba tayong sumagot sa kanyang pagsuyo? May pitak ba sa puso natin ang Diyos na patuloy na nagsusuyo at nagsusumamo upang tayo ay mabilang sa kanyang angkan?

Tayo ba ay mga pasuyuin na tumatalima o mga pasaway na nag-aalma ang puso at kaisipan? Tayo ba ay mga magaang dalahin o mabigat na pasanin ng Diyos?

Sa Paskong ito, hindi si Santa Claus at ang kanyang pabor ang dapat nating hanapin. Ang siya natin dapat bigyang pansin ay ang pagsuyo ng Diyos sa kanyang mahal na bayan… Pagsuyo hindi pagsaway … pagsunod, hindi pagtanod sa mga pansarili nating kagustuhan …. Pagtalima, hindi pagiging pakawala sa harap ng kagustuhan at kalooban ng Diyos!

PINAGMULAN, KATUTURAN, KAHULUGAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Taon A on Disyembre 16, 2010 at 07:14


Ika-2 Araw ng Simbang Gabi
Disyembre 17, 2010

Mga Pagbasa: Gen 49:2, 8-10 / Mateo 1:1-17

Sa ikalawang araw ng paghahanda natin sa Pasko, sa pamamagitan ng Simbang Gabi, isang numero ang tumatambad sa ating guni-guni – catorce! … labing-apat. Di miminsang binanggit sa ebanghelyo ni Mateo ang ilang tig lalabing-apat na salinlahi magmula kay Abraham hanggang sa pagsilang ng Mesiyas.

Hindi ako isang paham sa Biblia upang gumawa ng isang edukadong hula tungkol sa kahulugan ng pagpapangkat-pangkat na tig lalabing-apat ne henerasyon na ginawa ni Mateo. Siguradong mayroon siyang gustong ipahiwatig, at sapagka’t kinasihan ng Diyos ang nagsulat ng banal na kasulatan, posibleng ang sagisag ng 14 ay may kinalaman sa kabuuan ng mensaheng gustong ipahatid sa atin ng nagsulat, bukod sa kung anong mahalagang pahatid na ang Diyos mismo ang may gusto.

Pero, madaling mahinuha ang buod ng kanyang gustong ipabatid sa atin. Kung mayroong walang patid na linya mula kay Abraham hanggang sa pagsilang ng Mesiyas, madaling maunwaan ang katotohanang kung ano ang inihula sa Lumang Tipan, magmula kay Abraham, kay Moises, kay David, at pababa hanggang sa kay Jose na asawa ni Maria, ay malinaw na nagkatotoo sa pagsilang at pagkatao ni Kristo Jesus.

Sa madaling salita … ito ang buod ng pahayag ni Mateo. Hindi singaw si Jesus. Hindi siya isang figurang lumitaw na lamang at sukat sa kasaysayan, na biglang gumawa ng isang masalimuot na kwento at naghabi ng isang hindi kapani-paniwalang istorya ng kanyang buhay.

Si Kristo ay totoong mula sa kasaysayan, na bunga ng tatlong tig lalabing-apat na salinlahi, at may pinagmulan, may katuturan, may kahulugan para sa atin.

Himayin natin ang tatlong katagang ito na para sa akin ay siyang tinutumbok ng pagbasa, lalu na ng ebanghelyo.

Pinagmulan … uso ngayon ang plagiarismo, o kopyahan. Sa 33 taon kong pagtuturo, ang hindi ko maunawaan ay kung bakit sa ngayon, tila talamak na ang pangongopya, ang pagkuha ng hindi niya gawa sa pamamagitan ng “cut and paste” sa kompyuter. Pati sa Korte Suprema, nangongopya ang mga husgado. At ang masaklap nito ay nagpalusot pa! Sa siyentipikong panulat, mayroon tayong tinatawag na “provenance.” Sa salitang Tagalog, ito ay walang iba kundi “pinagmulan.” Mahalaga na malaman ng mambabasa ang pinagmulan ng datos. Kailangan na ituro ng manunulat ang pinagkunan ng anumang ideya, anumang datos, anumang “katotohanang” binabanggit sa panulat.

Si Kristo Jesus, ay may pinagmulan … Bilang anak ng Diyos, siya ay nagmula sa Ama. Bilang ikalawang persona sa iisang Diyos, siya ay Diyos sa mula’t mula pa. Bilang tao, siya ay isinilang, at naging bahagi ng isang walang patid na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay Jose, sa angkan ni Juda, na binabanggit sa unang pagbasa.

Katuturan … Nguni’t ang kasaysayan ng pagiging tao ng anak ng Diyos ay hindi lamang isang teleserye. Hindi ito isang telenobelang ang puno at dulo ay ang bigyang-aliw ang mga nahuhumaling dito gabi-gabi. Hindi lamang ito isang istorya na nagpapaiyak sa atin, at naghuhugot sa atin mula sa mapait na katotohanan, kahit sumandali lamang. Hindi ito isang kwentong nagtatanggal sa atin mula sa burak ng totoong pang-araw-araw na buhay, at naglalagak sa atin sa alapaap ng imahinasyon, tulad ng mga nobela tungkol kay Harry Potter. Sa katunayan, pati ang numerong 14, at ang makatatlong salinlahi na tig lalabing apat, ay hindi isang gimik o pakagat sa isang nobela. May katuturan ang lahat. May katuturan ang buhay ni Jesus. At ang katuturang ito ang siya natin ngayon ipinagdiriwang sa darating na Pasko.

Kahulugan … Marami tayo ngayong mga katanungan. Kung hindi sina Webb ang maysala, sino kaya? Kung walang kinalaman ang dating presidente at ang isa pang dating presidente sa mga katiwalian, sino kaya? Kung bakit nag-welga ang mga customs personnel sa NAIA, dahil sa hindi sila binayaran ng overtime, paano na kaya ang Pilipinas? Saan kayang kangkungan tayo pupulutin kung ganito nang ganito ang takbo ng bayan natin? Maraming bagay na tila walang kahulugan. Hindi natin alam kung paano nakuha ng isang pamilya ang pumatay ng 57 katao, at patuloy na nagpapanggap sa sila pa ngayon ang biktima! Walang kahulugan ang pagbabatuhan ng sisi ng mga politico at ang isa pang masahol na bagay, ay ang pag-aastang tila baga lahat ng problema ng bansa ay kagagawan ng naunang regimen. Walang kahulugan ang pagkamatay ng napakarami matapos pasabugin ng dalawang higanteng eroplano ang World Trade Center. Walang katuturan … walang kahulugan!

Kailangan natin bumalik sa pinagmulan. Kailangan natin magbalik sa kasaysayan. At ito ang turo ng kasaysayan … Totoo si Jesus. Totoo na siya ay bunga ng kasaysayang walang patid. Hindi siya hibla lamang ng imahinasyon. Bunga siya at bahagi ng angkan ni Juda. Kailangan natin bumaling muli sa turo ng kasaysayan. At sa ating pag-aaral, ito ang tampok sa ating kamalayan – si Kristo ang nasa sentro, nasa gitna ng kasaysayan! May pinagmulan … may sinimulan …

Ngunit hindi lamang ito … may katuturan! Dito ngayon papasok ang mata ng pananampalataya. Ang Biblia ay hindi lamang isang telenobela. Ang Biblia ay pahatid sulat ng Diyos sa taong naguguluhan, nagugulumihanan, at nagsasalawahan. Nagsasalawahan tayo sa gitna ng kawalang katiyakan ng maraming bagay. Naguguluhan tayo sa gitna ng napakaraming walang saysay na kaganapan sa buhay ng tao. Nanghihinawa tayo dahil sa napakaraming tila walang saysay na pangyayaring nagpapa-agnas sa ating pag-asa.

Katuturan at kahulugan ang hanap natin. Katiyakan at katiwasayan ang hiling natin. Sa gitna ng lahat ng uri ng kaguluhan, isang pangako at hula ang pinanghahawakan natin … catorce … labing-apat na tatlong susong salinlahi ang turo sa atin ngayon. May pinagmulan ang tagapagligtas natin. May katuturan ang kanyang pagsilang, pagkabuhay, at pati ang kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay. Hindi lamang ito isang teleseryeng magpapaiyak sa atin at magpapatawa sa atin, o magbibigay lamang ng isang pansamantala at ampaw na munting kasiyahan sa loob ng isang oras.

May katuturan at kahulugan ang lahat. At walang iba ito kundi ang hula na siya nating tugon sa unang pagbasa: “maghahari ang katarungan sa kanyang panahon, at ang kaganapan ng kapayapaan magpasawalang hanggan!”

Ano pang kahulugan ang hanap mo?