frchito

Posts Tagged ‘Pag-asa’

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO!

In Uncategorized on Nobyembre 14, 2015 at 09:33

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Unknown

Ika-33 Linggo ng Taon B

Nobyembre 15, 2015

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO!

Bihira na ngayon ang batang marunong kumilala ng puno. Hindi na nila alam ang kaibahan ng puno ng santol at puno ng mangga. Asa pa ba kayong masabi nila ang kaibahan sa kambing at sa tupa?

Lumaki akong nagtatanim ng sari-saring puno: kape, kakawate, chico, at mga halamang-laman tulad ng kamote, balinghoy at iba pa. Isa sa aking natutuhan ay ito … hindi komo naitanim mo na ay hahayaan mo na. Dapat kang tumingin sa mga senyas, sa mga palatandaan at kung hindi ka marunong tumingin sa mga tanda ng kalikasan ay wala kang mapapala sa iyong ipinunla. Kapag naunahan ka ng ulan bago umani, ay wala kang aanihin.

Mga senyas at tanda ang paksa ng mga pagbasa ngayon …

Ang buhay natin ngayon, sa totoo lang, ay puno ng senyas. Mahigit nang 100 ang namatay sa mga pasabog ng terorista sa Paris, Francia. Huwag na tayo lumayo sa Pilipinas. Araw-araw, panay kabuktutan, kadayaan at panlalamang ang laman ng balita. Ang mga tanda na nakikita natin ay nagtuturo lahat sa isang katotohanang hindi natin maipagkakaila.

Ang lipunan natin ay nababalot ng kasalanan. Ang kultura ng kasalanan, na nakikita sa katiwalian ay palasak na kahit saan ka magpunta: mga kalyeng nagiging paradahan lang ng sasakyan … mga bangketang nagiging barangay outposts, at mga liwasan at sementeryong nagiging bahayan. Kahit saan ka magpunta ay tila dapat mong bantayan ang kapaligiran mo sapagka’t hindi mo alam kung sino ang sunod na titira sa iyo. At wala nang lugar na pinipili ang masasamang loob – tulad ng airport at iba pa.

May mga tanda na ang bunga ay pangamba. May mga tanda na ang bunga ay paghahanda, pagsisikap, at pagpupunyagi. Depende ang lahat kung ano ang ating nababasa sa likod ng tanda.

Sa mga pagbasa ngayon, tandang maliwanag ang natutunghayan natin – mga tanda na nagtuturo sa wakas ng panahon, at sa darating na kaligtasang dulot ng Diyos.

Sa marunong bumasa, pananampalataya ang hatid. Sa marunong kumilatis, pag-asa ang bunga. Sa mga taong mababaw ang pananampalataya, takot ang namamayani.

Marunong ka bang magbasa? Sabi ng Panginoon na unawain daw natin ang aral mula sa puno ng igos.

Nababasa ba natin? Ang kanta dati ng mga Pinoy ay ito: Wala ka bang napapansin?

Wala ka ba talagang napapansin? Na palasak na sa atin ang kultura ng kasalanan? At bihasa na tayong makakita ng kasamaan at hindi na tayo natitinag sa kasamaan?

Atin sana bigyang pansin ang tanda na hatid sa atin ng mga pagbasa. “Yaong may pagkaunawa at umakay sa marami tungo sa kabutihan ay magniningning naparang tala sa kalangitan magpakailanman.”

Hindi na tayo dapat maghintay pa na dumilin ang araw, at hindi magliwanag ang buwan at magkamdahulog ang mga bituin. Marami na tayong tanda. At lahat ng ito ay tumutuon na ang paghahari ng kasalanan at kasamaan ay hindi pang magpakailanman.

Ang lahat ay tanda na ang Diyos ay tagapaglitas, at malapit na siyang dumating.

Unawain ang aral mula sa puno!

PAGLISAN AT PAGTANGGAP

In Uncategorized on Agosto 8, 2015 at 09:45

O Jesu vita mea

bread-of-life-1

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-19 na Linggo Taon B

Agosto 9, 2015

PAGLISAN AT PAGTANGGAP

Para sa aming mga pari at relihiyoso, bihasa kami sa palipat-lipat ng misyon. Pabago-bago ang aming tungkulin, at palipat-lipat kami tuwina ng ginagalawan.

Hindi ibig sabihing kami ay hindi nahihirapang lumipat o magbago ng trabaho tuwina … lalo na’t nakasanayan mo na ang iyong ginagawa at ginagalawan.

Alam ni Pablo ito … siya na naglibot sa buong daigdig upang ipamahayag ang magandang balita ng kaligtasan. Pero alam rin niyang sapagka’t mahirap ito, narito rin ang luklukan ng mga suliraning may kinalaman sa paglisan, pag-iiwan, at ang iwanan ang dapat iwanan.

Minsan dumarating sa buhay namin na parang ayaw na namin… tao rin kaming napapagod, nanghihina at nanghihinawa. Minsan, sa dinami-dami ng ginagawa namin, parang ang lahat ay binabale-wala at hindi pinahahalagahan. Sa kabila ng marami naming mga sakripisyo, kalimitan ay pinagdududahan pa kami sa aming tunay na balakin o hangarin.

Kaya, gaya nga ng sabi ngayon ng mga bata, “relate much” ako kay Elias. Relate much ako kasi, ako man ay nanghihinawa rin kung minsan. Dumarating ang pagkakataong tinatanong ko ang sarili: “May katuturan pa ba ang lahat?”

Pero nais kong ipabatid sa lahat na relate much din ako sa nangyari kay Elias. Matapos pumunta sa ilang at nagnanais na magwakas na ang kanyang buhay, dumulog naman sa kanya ang mapagkalingang Diyos, na siyang nasa likod ng lahat ng gawang mabuti at gawang makabubuti sa iba …

Nagpadala siya ng anghel na nagdulot kay Elias ng pagkain. Relate much ako dito … Sapagka’t sa buhay ko, itong makalangit na pagkaing ito ang naging dahilan ng aking patuloy na paglilingkod, at patuloy ring pagpupunyagi at pagsisikap para sa kaharian ng Diyos.

Hindi kailang mahirap ang misyon namin. Lalo ngayon, na marami nang pasaway at akala ay alam nilang lahat. Anumang sabihin mo sa ngalan ng tama at wastong pagkilos at asal, ayon sa turong moral ng simbahan ay mayroong sumasalungat, sa ngalan ng personal na kalayaan, at free choice. Ang tama at mali ay ayon na, hindi sa sabi ng iba, kundi ayon sa sariling pagpapasya.

Pero malinaw ang turo ni Pablo sa atin: Lumisan sa dating gawi. Iwan ang mali, at iwanan ang mga hindi nakatutulong … “Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit at poot; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait, at mananakit ng damdamin ng kapwa.”

Pero ang buhay Kristiyano ay hindi panay paglisan, hindi panay pang-iiwan at pag-alis. Ang buhay ng manlalakbay at nababalot rin ng pagtanggap, ng pagkokomunyon sa Diyos na may-akda ng buhay at ganap na buhay …

Dito ngayon pumapasok ang kaloob niyang pagkain … Dito ako relate much … sa Eukaristiya, na pagkaing nagbibigay lakas upang hindi naming lisanin, iwan, at iwanan nang lubusan ang misyong naka-atang sa balikat namin.

Isa sa mga kantang hindi makatkat sa isipan ko ay tungkol sa Eukaristiya, patungkol kay Jesus na pagkain ng mga naglalakbay:

O Jesu, vita mea es tu, sine te est mors.

Tu viaticum es, sine te labor.

Tu laetitia es, sine te dolor.

Quies mea es tu, sine te pugna. O Jesu!

O Jesus, aming buhay, kung wala ka ay kamatayan.

Ikaw ang aming pampalakas, kung wala ka ay panay pagpapagal.

Ikaw ang aming galak, kung wala ka ay panimdim.

Ikaw ang aming pahinga, kung wala ka ay panay pakikitunggali.

O Jesus, tinapay ng buhay, palakasin Mo kami!