frchito

Posts Tagged ‘Wakas ng Panahon’

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO!

In Uncategorized on Nobyembre 14, 2015 at 09:33

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Unknown

Ika-33 Linggo ng Taon B

Nobyembre 15, 2015

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO!

Bihira na ngayon ang batang marunong kumilala ng puno. Hindi na nila alam ang kaibahan ng puno ng santol at puno ng mangga. Asa pa ba kayong masabi nila ang kaibahan sa kambing at sa tupa?

Lumaki akong nagtatanim ng sari-saring puno: kape, kakawate, chico, at mga halamang-laman tulad ng kamote, balinghoy at iba pa. Isa sa aking natutuhan ay ito … hindi komo naitanim mo na ay hahayaan mo na. Dapat kang tumingin sa mga senyas, sa mga palatandaan at kung hindi ka marunong tumingin sa mga tanda ng kalikasan ay wala kang mapapala sa iyong ipinunla. Kapag naunahan ka ng ulan bago umani, ay wala kang aanihin.

Mga senyas at tanda ang paksa ng mga pagbasa ngayon …

Ang buhay natin ngayon, sa totoo lang, ay puno ng senyas. Mahigit nang 100 ang namatay sa mga pasabog ng terorista sa Paris, Francia. Huwag na tayo lumayo sa Pilipinas. Araw-araw, panay kabuktutan, kadayaan at panlalamang ang laman ng balita. Ang mga tanda na nakikita natin ay nagtuturo lahat sa isang katotohanang hindi natin maipagkakaila.

Ang lipunan natin ay nababalot ng kasalanan. Ang kultura ng kasalanan, na nakikita sa katiwalian ay palasak na kahit saan ka magpunta: mga kalyeng nagiging paradahan lang ng sasakyan … mga bangketang nagiging barangay outposts, at mga liwasan at sementeryong nagiging bahayan. Kahit saan ka magpunta ay tila dapat mong bantayan ang kapaligiran mo sapagka’t hindi mo alam kung sino ang sunod na titira sa iyo. At wala nang lugar na pinipili ang masasamang loob – tulad ng airport at iba pa.

May mga tanda na ang bunga ay pangamba. May mga tanda na ang bunga ay paghahanda, pagsisikap, at pagpupunyagi. Depende ang lahat kung ano ang ating nababasa sa likod ng tanda.

Sa mga pagbasa ngayon, tandang maliwanag ang natutunghayan natin – mga tanda na nagtuturo sa wakas ng panahon, at sa darating na kaligtasang dulot ng Diyos.

Sa marunong bumasa, pananampalataya ang hatid. Sa marunong kumilatis, pag-asa ang bunga. Sa mga taong mababaw ang pananampalataya, takot ang namamayani.

Marunong ka bang magbasa? Sabi ng Panginoon na unawain daw natin ang aral mula sa puno ng igos.

Nababasa ba natin? Ang kanta dati ng mga Pinoy ay ito: Wala ka bang napapansin?

Wala ka ba talagang napapansin? Na palasak na sa atin ang kultura ng kasalanan? At bihasa na tayong makakita ng kasamaan at hindi na tayo natitinag sa kasamaan?

Atin sana bigyang pansin ang tanda na hatid sa atin ng mga pagbasa. “Yaong may pagkaunawa at umakay sa marami tungo sa kabutihan ay magniningning naparang tala sa kalangitan magpakailanman.”

Hindi na tayo dapat maghintay pa na dumilin ang araw, at hindi magliwanag ang buwan at magkamdahulog ang mga bituin. Marami na tayong tanda. At lahat ng ito ay tumutuon na ang paghahari ng kasalanan at kasamaan ay hindi pang magpakailanman.

Ang lahat ay tanda na ang Diyos ay tagapaglitas, at malapit na siyang dumating.

Unawain ang aral mula sa puno!

Advertisements

MAGBANTAY SA LIWANAG!

In Adviento, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Nobyembre 29, 2014 at 09:43

Background___Advent_2010_537661558

Unang Linggo ng Adbiyento – Taon B
Nobyembre 30, 2014

MAGBANTAY SA LIWANAG!

Lahat ngayon sa buong Pilipinas ay nagbabantay sa liwanag. May ilang linggo na ring nagkakabit ng maraming pailaw at pakutitap sa lahat ng dako ng mga pangunahing lungsod sa buong kapuluan. Hindi masama ang magbantay sa liwanag. Pati mga taong naninirahan sa mga liblib na lugar ay nabibighani sa magagarang mga ilawan tuwing darating ang Kapaskuhan.

Pero sapagka’t hindi pa Pasko ngayon, at simula pa lamang ng panahon ng Adbiyento o Pagdating, na nangangahulugang kailangan natin ang gawang paghihintay o pagbabantay, dapat marahil natin maunawaan ang tunay na diwa at kahulugan ng Panahon ng Pagdating.

Isa sa mga mahirap gawin sa ating bansa ang mag-maneho sa gabi, lalu na sa mga liblib na lugar. Sobrang dilim. At maraming mga hambalang sa kalye ang hindi mo inaasahang makita. Sa mga nagmamaneho, dapat sila laging magbantay … sa mga sasakyang nakaparada na walang EWD (early warning device!); sa mga iba pang sagabal na basta na lamang iniwang nakabalandra sa lansangan, tulad ng kulahan, tindahan, mga pira-pirasong kahoy na basta na lamang itinapon sa daan. Kailangang magmatyag. Kailangang magbantay – sa ilaw na kumukutitap, o sa ilaw na dapat ay naroon pero wala.

Matay nating isipin, ito mismo ang paksa ng mga pagbasa natin ngayon. Himayin natin nang isa-isa ang mga ito. Sa unang pagbasa, liwanag ng wastong pagkilala at kabatiran sa sarili ang paksa. Sino sa atin ang tanggap ang liwanag ng katotohanang tayo ay “tuloy pa rin sa pagkakasala, at ang ginawa nami’y talagang masama mula pa noong una” … “kahit anong gawin namin ay duming di hamak.” Marami ang nabubuhay sa kadiliman, at ang kadilimang ito ay may kinalaman sa hindi pagtanggap sa tunay nating katatayuan sa harapan ng Diyos.

Sa ikalawang pagbasa naman, mula sa liham sa mga taga-Corinto, ang liwanag ng biyaya ng Diyos ang siyang malinaw na paksa: “sa mga pagpapala sa pamamagitan ni Kristo Jesus” … “mga kaloob na espiritwal, habang hinihintay nating mahayag ang ating Panginoong Hesukristo.”

Pero ang pinakamatindi at pinakamahalaga ay ito … ang nilalaman ng ebanghelyo … isang EWD o maagang babala tulad ng “early warning device.” Ito ang tunay na kahulugan ng mga ilaw na darating, sa Pista ng Dakilang Liwanag sa araw ng Paskong pinakahihintay natin … “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras.”

Ewan ko lang sa inyo, pero ito ang pakahulugan ko sa Panahon ng Adbiyento o Pagdating … ang pagiging mapagmatyag, mapagbantay, mapag-ingat at mapag-paanyo. Ito ang panahon ng Pagdating at kung may darating ay may naghahanda at nag-aayos. Tama ang hiling natin sa Aleluya bago binasa ang ebanghelyo: “Pag-ibig mo’y ipakita, lingapin kami tuwina, iligtas kami sa dusa.” Halina, Panginoon, halina!