frchito

Posts Tagged ‘Pagbabagong-Anyo ni Jesus’

TUMINDIG, HUWAG MATAKOT!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Marso 17, 2011 at 12:26

Ika-2 Linggo Kwaresma(A)
Marso 20, 2011

Mga Pagbasa: Genesis 12:1-4a / 2 Tim 1:8b-10 / Mateo 17:1-9

Takot ang bumabagabag sa puso ng marami sa mga araw na ito. Sunod-sunod na sakuna at trahedya sa maraming lugar sa mundo ang tumatambad sa ating paningin, at sumasagi sa ating isipan. Para sa maraming may kamag-anak sa Libya, sa Saudi, sa Bahrain, sa Japan, sa New Zealand at marami pang lugar, pangamba, kundi pighati ang namumuo sa puso nila.

Nakapagtatakang isipin na kahit ang tatlong disipulong nakatunghay, nakakita, at nakaranas ng pahimakas ng luwalhati ng Diyos sa bundok ng Tabor, sila man ay sinagian ng takot at pangamba. Hindi nila nakayanan ang pangitaing tumambad sa kanilang paningin – ang pagbabagong-anyo ng Panginoon.

Kung minsan, mayroon tayong hindi makayanan. Kung minsan may mga larawan na ipinapaskil sa Facebook na hindi ko matingnan – mga kahindik-hindik na mga pangyayaring hindi na dapat ipakita sa balana. Minsan rin, may mga pangyayari sa buhay na matapos natin maranasan ay pinapanawan tayo ng lakas, kundi ng ulirat. Hindi natin makayanan isipin kung anong posibleng sakuna ang muntik nang maganap. At sa mga pagkakataong ito, hindi tayo makatayo, hirap tayong manatiling nakatindig, at kung minsan ay nawawalan tayo ng malay.

Ito ang mga pagkakataong kailangan natin ng tapang. Ito ang pagkakataong kailangan nating tumindig o manindigan. Ito ang mga pagkakataong ang panlulumo o panghihina ang pinakahuli nating dapat maranasan.

Hanga ako sa mga kapatid nating Hapon … Sa kabila ng matinding paghihirap, kawalan ng lahat, at kakapusan na hindi nila kinasanayan, matapos ang lindol at tsunami, matapos maglaho ang lahat, pumipila pa rin sila … walang nag-uunahan … walang nagnanakawan … at walang nagwawala dahil sa isang bagay na wala silang kayang baguhin o gawan ng paraan.

Tapang at katatagan ng loob ang kanilang ipinapakita … Tiim ang bagang at tikom ang bibig, hinaharap nila nang buong tapang ang anumang dagok na hatid sa kanila ng kalikasan.

Nguni’t nais kong isipin na ang tapang na ito na bahagi ng kultura o kalinangan o yaman ng pagkatao ng Hapon ay isang makataong katangian lamang, kamangha-mangha man. Bunga ito ng edukasyon. Bunga ito ng wastong pagpapalaki at paghubog ng lipunan. Ito ay isang katangiang maaaring matutunan na nananalaytay sa dugo ng buong bansang Hapon.

Sa araw na ito, isang higit na mataas na antas ng katapangan ang binibigyang-pansin ng mga pagbasa, lalu na ng ebanghelyo. Ito ay tapang na hindi bunga ng edukasyon lamang. Ito ay tapang na hindi galing lamang sa kalinangan o kultura ng isang lahi. Ito ay isang saloobing naka-ugat sa higit na malalim na pundasyon o batayan. Ito ay tapang na nakasalalay, hindi sa nakasanayang gawi ng isang bayan, kundi nakasalalay sa pakikipag-ugnayan sa tunay na simulain at may-akda, at dahilan ng tunay at wagas na katapangan at katatagan ng loob.

Masinsin at marami ang dahilan upang manghinawa at panawan ng pag-asa. Parang isang sine ang nagaganap sa Fukushima sa Japan, kung saan ang radiasyon sa instalasyong nuclear ay patuloy na pasama nang pasama. Kung ako ang inyong tatanungin, ang muhi at galit ng ilang mga panatiko laban sa Kristianismo ay nakababahala, tulad ng nakababahala ang gulo sa maraming bansa sa Africa at Gitnang Silangan.

Nguni’t ito ang dahilan kung bakit tayo nagtitipon tuwing Linggo. Ito ang dahilan kung bakit ang paningin natin ay nakatuon ngayon sa isang pahimakas ng luwalhati ng Diyos. At ito ang dahilan kung bakit pinatikim ni Jesus ang tatlong disipulo ng luwalhating nasa Kanya sa mula’t mula pa, luwalhating naghihintay sa Kanya matapos ang kanyang misyon sa mundo.

Bagama’t natigilan sila at hindi nila lubos na nakayanan ang pangitain, tapang ang kapalit ng kanilang panandaliang pangamba.

Lahat ng pinagdadaanan natin ngayon ay ganito – panandalian … hindi mananatili nang matagal. Hindi maglalaon ay mapapawi ang lahat ng ito. Hindi magtatagal at makakamit natin ang inaasam natin nang higit sa lahat.

Tumindig tayo at huwag matakot! Ito ang aral mula sa transfiguracion ng Panginoon. Ito ang matinding pangaral ng kanyang pagbabagong-anyo. Ito ang pagpapahalagang dulot sa atin ng Panginoon na nakasalalay hindi lamang sa kultura kundi sa pananampalataya.

BUKAS-LOOB, BUKAL SA LOOB, KALOOB

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Marso 4, 2009 at 20:45

image1362-transfiguration2a

Ikalawang Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 8, 2009

Mga Pagbasa: Genesis 22:1-2, 9a, 10-13, 15-18 / Roma 8:31b-34 / Marco 9:2-10

Ang katagang “loob” sa mga Tagalog at sa kulturang Pinoy ay hitik na hitik sa kahulugan. Kumakatawan ito sa kaganapan at kabuuan ng kung sino ang isang tao at ano siya sa harap ng ibang tao. Naglalaman ito hindi lamang ng iniisip ng isang tao, kundi pati na rin ang angking yaman ng pagkatao na bumubukal sa kaibuturan ng puso at kaisipan ng isang Pinoy. Ang mababa ang loob ay isang taong mapagpakumbaba, mahinahon, at hindi marahas at matangas sa pagsasalita at pagkilos. Ang masama ang loob ay isang taong may kinikimkim na negatibong damdamin laban sa anuman o sinoman. Ang panatag ang loob ay isang taong hindi balisa, hindi magulo ang isip at damdamin, bagkus banayad ang takbo ng buhay at walang anumang pabugso-bugso ang damdamin at isipin. Ang isang taong may mabuting kalooban ay may angking yamang hindi agad matutumbasan … isang taong maganda ang hangarin at balakin, pansarili man o pang-ibang tao.

Panay may kinalaman sa “loob” ang mga pagbasa natin sa araw na ito.

Simulan natin sa unang pagbasa. Narinig natin kung paano sa kabila ng tindi at hirap na ialay na sakripisyo ang sariling anak, si Abraham ay nagpamalas ng kabukasan ng loob – ang kahandaang ibigay sa Diyos ang Kanyang kahilingan. Akma na siyang yuyurakan sana ang bugtong na Anak nang ipamalas naman ng Diyos ang Kanyang pagkilala sa kabukasang-palad ni Abraham. “Huwag mo nang pagbuhatan ng kamay ang bata … batid ko na kung gaano ka kadeboto sa Diyos, sapagka’t hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong tanging anak.”

Ang Diyos na kumilala sa kabukasang-loob ni Abraham ang siya namang itinatanghal ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga Roma. Dito naman, kung paanong si Abraham ay nagpamalas ng kahandaang mag-alay sa Diyos, ani San Pablo, ipinamalas naman ng Diyos ang bukal sa loob Niyang pag-aalay sa Kanyang bugtong na Anak. “Siya na hindi nagkait ng Kanyang sariling Anak, bagkus inialay para sa ating lahat, hindi ba Niya ipagkakaloob rin ang lahat ng iba pa kasama ni Jesus?”

Kung ano ang pamana ng Ama ay siyang pamalas ng Anak. Kung paanong naging handa si Abraham na umakyat sa bundok ng Moriah para mag-alay, ganuon din ang kahandaang ipinamalas ni Jesus na mag-alay ng sarili sa bundok ng Tabor. Subali’t tila nagpaligsahan ang mag-Ama sa kabukasang-palad. Ang kahandaan ni Jesus ay nilampasan pa ng kahandaan ng Ama na magkaloob, bilang tugon sa pagkakaloob ng Kanyang Anak. Nagbagong-anyo si Kristo. At sa pagbabagong-anyong ito ay nabunyag, hindi lamang ang katunayan kung sino siya, kundi ang katotohanan tungkol sa Diyos. Nabunyag ang likas na katangian ng Diyos na mapagkaloob, bukas ang loob, at bukal sa loob ang kagalingan at kabutihan, at may angking wagas na pag-ibig sa Kanyang bayan: “Ito ang aking pinakamamahal na Anak. Pakinggan ninyo siya.”

Nagsimula ang kwaresma sa isang tanda – ang tanda ng krus na ipinahid sa pamamagitan ng abo sa ating noo. Ang abo ay walang halaga, walang anumang silbi. Ito ang natitira kapag naipagkaloob ng kahoy ang lahat. Ang kahoy o anumang natutupok o nasusunog ay nag-aalay ng lahat lahat na. Walang natitira kapag sinunog ang anumang katawang-lupa liban sa abo. Itong abong ito ang naging tanda ng pagpasok at pagpapasinaya ng kwaresma.

Sa lumang tipan ang abo ay tanda ng pagbabalik-loob sa Diyos. Ang mga nagsisisi ay naliligo sa abo at nagsusuot ng sako. Ang walang silbing bagay ay naging tanda ng pagkakaloob ng buong sarili, mula sa kaibuturan ng puso at damdamin ng isang tao. Ang walang halaga ay naging mahalagang tanda ng pag-aalay ng sarili sa Diyos na pinahahalagahan.

Ayaw natin ang abo. Galit tayo sa anumang may bahid ng pagiging basura. Ayaw natin ng tirang pagkain. Ayaw natin ng damit na pinaglumaan na. Ayaw natin ng anumang bagay na gamit na kumbaga, o bagay na katumbas na ng abo – luma na, nahiratsa na, napagsawaan na.

Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi tayo maka-usad-usad bilang isang bayan. Gusto natin ay laging buo, ganap, bago, at hindi pa napagsasawaan. Ayaw natin ng upos na … ayaw natin ng paubos na at wala nang halaga tulad ng pulbos na gabok na wala nang silbi.

Subali’t hindi abo lamang ang hiningi ng Diyos kay Abraham. At lalung hindi upos ang ipinagkaloob ng Ama sa Kanyang bayang hinirang. Hindi gabok ang inialay ng Ama para sa atin …. “Ito ang pinakamamahal kong Anak …”

Inialay Niya sa atin ang kasukdulan ng lahat na … ang tangi at bugtong Niyang Anak.

Ito ang diwa ng pagpepenitensya sa panahon ng Kwaresma – ang bukas-loob, ang bukal sa loob at wagas na pagkakaloob ng sarili. Lubos, hindi lang talbos o upos, ang ating bigay sa Diyos. Tagos sa kalooban at mula sa isang pusong talos ang tunay na halaga ng ipinagkakaloob sa Diyos … tulad ni Abraham na handang ipagkaloob ang anak na si Isaac ayon sa habilin ng Diyos.

Napakadamot natin bilang tao. Napakakipot at napakaliit ang mga niloloob natin. Mapagkait tayo sa Diyos. Hindi man lamang natin kayang ipagkaloob ang isang oras bawa’t linggo sa pagdalo sa Misa. Napakakipot at napakakitid kung minsan ang isip natin – hirap tayong buksan ang isip at kalooban sa walang pasubaling pagkakaloob ng sarili. Sobra kung minsan ang pagpapahalaga natin sa sarili.

Hindi abo ang turing natin sa sarili. Ang tingin natin sa ating sarili ay malayo sa alabok. Mataas ang pagpapahalaga natin sa sarili. Mapag-imbot at palalo tayong lahat, tulad ng hari ng kasinungalingan na nagmataas at nagmatigas sa kanyang desisyon: “Hindi ako maglilingkod sa Diyos.” (Non serviam!)

Itong mga palalong kagaya nito ang siyang lalong napapariwara. “Binuwag ng Diyos ang mga palalo, at iniangat sa trono ang mabababang-loob.”

Sa Miercoles ng abo ay binigyang-tandang maliwanag ang kung sino tayo … “Alalahanin mo tao, na ikaw ay alabok at sa alabok ka muling magbabalik.”

Sa tandang ito ng kawalan, ng kababaan, at kawalang silbi ay nabunyag ang kung sino tayo sa harapan ng Diyos – taga-sunod at kapatid ng Kanyang bugtong na Anak na Kanyang “pinakamamahal.” Sa pamamagitan ni Kristo, at dahil sa biyayang kaloob ng Diyos sa ngalan ni Kristo, ang abong ito ay nagiging isang mahalagang diamante sa harapan ng Ama. “Kung ang Diyos ay nasa ating panig, sino ang sasalungat sa atin?”