frchito

Posts Tagged ‘Paglilingkod’

KABIGUAN SA KAPALALUAN; BUHAY SA KATAPATAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Oktubre 4, 2013 at 16:18

prev99Ika-27 Linggo ng Taon K
Oktubre 6, 2013

KABIGUAN SA KAPALALUAN; BUHAY SA KATAPATAN!

Medyo nagmamadali si Habacuc. Parang hindi siya makahintay sa kanyang matinding panalangin: “Panginoon, hanggang kailan ako daraing sa iyo at di mo diringgin?” Malinaw at tahasan ang sagot sa kanya ng Diyos: “ang hambog ay mabibigo sa kanyang kapalaluan, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa kanyang katapatan.”

Para tayong si Habacuc lahat. Nagpupuyos ang damdamin natin ngayon sa balitang may kinalaman sa pagkagahaman ng ilang mga namumuno sa atin kasabwa’t ang matatalinong taong ginamit ang talino sa kasamaan, at hindi sa katapatan.

Pero hindi pagpupuyos ng damdamin laban sa ibang tao ang tila sagot sa atin ng mga pagbasa. Sa ikalawang pagbasa, ipinakikilala sa atin si Timoteo, isang batang-batang disipulo ni Pablo. Ano ang tagubilin ni Pablo sa kanya? “Maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo.”

Bata pa noon si Timoteo, tulad ng bata pa rin noong araw ang maraming tumanda na sa paglilingkod daw sa bayan. Bata rin ang marami sa aking mga tagabasa, at bata noong araw ang kagaya kong tumanda na sa anumang larangang pinasukan nating lahat sa lipunan.

Subali’t bata man o matanda, hindi karanasan ang pinag-uusapan natin ngayon kundi katapatan. Kababaang-loob ang ating pakay ngayon, at hindi kapalaluan. Pagiging mahinahon at mapagmatyag, hindi ang pagiging padahas-dahas at pabigla-bigla.

Sa ating panahon, malakas ang hila ng pagiging marahas, ng pagiging mapusok, ng pagiging mapaghamon. Galit ang marami. Nawala ang tiwala sa gobyerno, lalo na sa mga mambabatas. Madali ang mapadala sa poot, sa galit, at sa kawalan ng pasensya.

Pero ngayon, ang pagbasa ay may aral na higit pa sa pagiging mapusok at puno ng poot. Ang turo sa atin ay kababaang-loob, kahinahunan, hindi kahambugan at kapalaluan.

Totoo ba kaya ito? Tingnan natin batay sa aking karanasan. Isang dating OFW sa Italya ang naglingkod ng tapat sa kanyang amo. Pinamanahan siya ng malaking salapi. Isang tagapangalaga kamakailan ang pinamanahan rin sa America ng malaking halaga ng kanyang among mayaman. Mayroon akong iba pang kilala na pinagkalooban ng kahit anong bagay dahil sa katapatan sa paglilingkod.

May katuturan ang kababaang-loob at kahinahunan. May mararating ang pagiging tapat at katiwa-tiwala. Hindi lahat ng madaya ay nananagana at nakaririwasa. May kasabihan tayo sa Tagalog, ang taong nagpakain sa anak ng nakaw ay magbubunga rin iba pang magnanakaw.

Si Mother Teresa ng Calcutta ay isang halimbawa ng katapatan at kababaang-loob. Si San Francisco de Asis, bagama’t may kaya ang magulang at may inaasahang mana, ay nilisan ang lahat para sa isang payak na pamumuhay.

Tayo kaya ? May turo ba tayong mapupulot sa isang utusang sa halip na umupo at makisabay sa pagkain ng amo ay patuloy na naglingkod?

At nang purihin siya sa kanyang paglilingkod, dagdag pang kababaang-loob ang kanyang binitiwang salita: “Ako’y isang aliping walang kabuluhan; tumupad lamang ako sa aking tungkulin.”

Ang mga hambog ay masaya ngayon lamang at dito. Ang mga mababang-loob at tapat ay silang tunay tagapagmana ng matuwid at tunay na kadakilaan.

LAB KO ‘TO: AGAHAN SA DALAMPASIGAN

In Panahon ng Pagkabuhay, San Pedro, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Abril 12, 2013 at 12:02

peterIkatlong Linggo ng Pagkabuhay (K)

Abril 14, 2013

LAB KO ‘TO: AGAHAN SA DALAMPASIGAN!

Masaya sinuman kapag naka libre sa McDonalds, lalu na noong isang araw sa buwan ng Marso kung kailan namigay ng libreng agahan ang McDonald’s. (Puede ring Jollibee!).

Pero palagay ko’y hindi ka magkakandarapa upang humabol sa namimigay ng libreng agahan habang buhay. Ang buhay ay hindi lamang libreng pagkain, o libreng cake sa araw ng iyong birthday, (o libreng korona sa iyong burol!).

Lalong hindi tayo magkakandarapa sa isang magandang pangaral o pananalita lamang. Hindi … hindi tayo maghahabol sa isang ideya, kundi sa isang taong alam nating may malasakit at pagmamahal sa atin.

Tunghayan natin sandali ang naganap sa umagang yaon sa dalampasigan. Hindi pa sumisinag ang araw. Madilim pa at pagod na ang mga mangingisda, sa pamumuno ni Pedro. Magdamagan silang nagsikap at nagpagal, nguni’t walang nahuli. Dumating ang isang akala nila sa simula ay isa lamang taong may magandang mungkahi: “Ilaglag ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka.”

Nguni’t namangha sila sa kanilang naging huli – mahigit isang daang mga isda, kung kaya’t hirap silang hilahin ang kanilang huli sa pampang. Medyo ang pokus nila ay ang huli, hindi ang naging dahilan ng kanilang huli. Tanging si Juan, ang pinakabata sa kanila ang nakakilala sa kanya: “Siya ang Panginoon!”

At nagkagulo na sila. Si Pedro na siguro’y naalimpungatan ang unang kumilos. Nag-ayos ng kasuotan at tumalon sa tubig patungo sa Panginoong muling nabuhay, habang ang ibang disipulo ay abalang hinihila ang lambat.

Kung ang akala ninyo ay kababalaghang malaki ang libreng agahan sa pampang, at si Jesus ay nakikain sa kanila, maghintay lamang sa iba pang mga naganap …

Naging tampulan ng atensyon si Pedro. Tanging si Pedro ang kinausap ng Panginoon at pinadaan sa isang masusing pagtatanong nang makaitlong beses: “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Tatlong beses ring nagpahayag si Pedro ng kanyang matimyas na pagmamahal. At tatlong beses ring inulit ng Panginoon ang kanyang dapat gawin: “Pakanin mo … alagaan mo ang aking mga tupa!”

Walang sinumang magtatatakbo dahil lamang tumanggap ng libreng filet-o-fish mula sa kaninuman. Walang taong nagiging tapat sa isang ideya, kahit na ang ideyang yaon ay may kaugnayan sa Diyos. Nguni’t ang isang taong nakaramdam ng matinding pagmamahal sa isang tao at tumanggap rin ng isang tungkuling ang nagmahal at minamahal mismo ang nagbigay, ay hindi puedeng manatiling nakatunganga at walang gagawin.

Kikilos at kikilos ang taong tumanggap ng matimyas na pagmamahal. Tatakbo at tatakbo upang tuparin ang utos at kagustuhan ng isang taong nagpamalas ng matinding pagmamahal sa isang taong tulad ni Simon Pedro.

Hindi tayo kailanman susunod sa isang ideya, kundi sa isang taong may pagtingin at pagpapahalaga sa atin.

Noong isang Linggo, sinabi natin na ang muling pagkabuhay ni Kristo ay may kinalaman sa dalawang bagay: ang pagkatanggal ng mga bato sa pintuan ng puntod. Pero hindi lamang batong panangga ang dapat tanggalin, o bato ng pagluluksa o bato ng katamaran o kawalang-pansin. Dapat ring ang buong buhay natin ay masa isang-tabi at mapawi ang lahat ng balakid sa tunay na pagiging disipulo.

Si Pedro ay naging disipulong pinuno ng lahat. At ito ay hindi nangyari dahil lamang tumanggap siya ng libreng agahan sa dalampasigan. Siya ay isang saksi, hindi sa agahan sa pampang, kundi sa pag-ibig sa kanya ng Panginoon, na siyang nag-atang sa kanyang balikat ng pananagutan para sa mga tupa, at upang mangamoy tulad ng tupa, gaya ng sinabi ni Papa Francisco kamakailan.

Wag tayong masiyahan sa libreng sandwich … Wag tayong matuwa na lamang sa pabuyang dumarating panaka-naka. Kailangan natin mag-asal Pedro, na nag-alaga sa mga tupa ng Panginoon!

Hindi lang dapat “lab ko ‘to” ang ating sambit. Lab ko siya! At gagawin ko ang dapat upang maging tulad ni Pedro at tulad niya mismo sa pagmamahal sa kawan! Hindi araw-araw ay libre ang agahan sa McDonald’s, pero araw-araw ay tinatawagan tayo upang maglingkod sa kanya bilang mga pastol tulad niya.

May pagmamahal ka ba sa Diyos? Hali at gumawa … Pakanin, alagaan … ang kanyang mga tupa!