frchito

Posts Tagged ‘Pagninilay sa Ebanghelyo’

BUKAS-LOOB, BUKAL SA LOOB, KALOOB

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Marso 4, 2009 at 20:45

image1362-transfiguration2a

Ikalawang Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 8, 2009

Mga Pagbasa: Genesis 22:1-2, 9a, 10-13, 15-18 / Roma 8:31b-34 / Marco 9:2-10

Ang katagang “loob” sa mga Tagalog at sa kulturang Pinoy ay hitik na hitik sa kahulugan. Kumakatawan ito sa kaganapan at kabuuan ng kung sino ang isang tao at ano siya sa harap ng ibang tao. Naglalaman ito hindi lamang ng iniisip ng isang tao, kundi pati na rin ang angking yaman ng pagkatao na bumubukal sa kaibuturan ng puso at kaisipan ng isang Pinoy. Ang mababa ang loob ay isang taong mapagpakumbaba, mahinahon, at hindi marahas at matangas sa pagsasalita at pagkilos. Ang masama ang loob ay isang taong may kinikimkim na negatibong damdamin laban sa anuman o sinoman. Ang panatag ang loob ay isang taong hindi balisa, hindi magulo ang isip at damdamin, bagkus banayad ang takbo ng buhay at walang anumang pabugso-bugso ang damdamin at isipin. Ang isang taong may mabuting kalooban ay may angking yamang hindi agad matutumbasan … isang taong maganda ang hangarin at balakin, pansarili man o pang-ibang tao.

Panay may kinalaman sa “loob” ang mga pagbasa natin sa araw na ito.

Simulan natin sa unang pagbasa. Narinig natin kung paano sa kabila ng tindi at hirap na ialay na sakripisyo ang sariling anak, si Abraham ay nagpamalas ng kabukasan ng loob – ang kahandaang ibigay sa Diyos ang Kanyang kahilingan. Akma na siyang yuyurakan sana ang bugtong na Anak nang ipamalas naman ng Diyos ang Kanyang pagkilala sa kabukasang-palad ni Abraham. “Huwag mo nang pagbuhatan ng kamay ang bata … batid ko na kung gaano ka kadeboto sa Diyos, sapagka’t hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong tanging anak.”

Ang Diyos na kumilala sa kabukasang-loob ni Abraham ang siya namang itinatanghal ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga Roma. Dito naman, kung paanong si Abraham ay nagpamalas ng kahandaang mag-alay sa Diyos, ani San Pablo, ipinamalas naman ng Diyos ang bukal sa loob Niyang pag-aalay sa Kanyang bugtong na Anak. “Siya na hindi nagkait ng Kanyang sariling Anak, bagkus inialay para sa ating lahat, hindi ba Niya ipagkakaloob rin ang lahat ng iba pa kasama ni Jesus?”

Kung ano ang pamana ng Ama ay siyang pamalas ng Anak. Kung paanong naging handa si Abraham na umakyat sa bundok ng Moriah para mag-alay, ganuon din ang kahandaang ipinamalas ni Jesus na mag-alay ng sarili sa bundok ng Tabor. Subali’t tila nagpaligsahan ang mag-Ama sa kabukasang-palad. Ang kahandaan ni Jesus ay nilampasan pa ng kahandaan ng Ama na magkaloob, bilang tugon sa pagkakaloob ng Kanyang Anak. Nagbagong-anyo si Kristo. At sa pagbabagong-anyong ito ay nabunyag, hindi lamang ang katunayan kung sino siya, kundi ang katotohanan tungkol sa Diyos. Nabunyag ang likas na katangian ng Diyos na mapagkaloob, bukas ang loob, at bukal sa loob ang kagalingan at kabutihan, at may angking wagas na pag-ibig sa Kanyang bayan: “Ito ang aking pinakamamahal na Anak. Pakinggan ninyo siya.”

Nagsimula ang kwaresma sa isang tanda – ang tanda ng krus na ipinahid sa pamamagitan ng abo sa ating noo. Ang abo ay walang halaga, walang anumang silbi. Ito ang natitira kapag naipagkaloob ng kahoy ang lahat. Ang kahoy o anumang natutupok o nasusunog ay nag-aalay ng lahat lahat na. Walang natitira kapag sinunog ang anumang katawang-lupa liban sa abo. Itong abong ito ang naging tanda ng pagpasok at pagpapasinaya ng kwaresma.

Sa lumang tipan ang abo ay tanda ng pagbabalik-loob sa Diyos. Ang mga nagsisisi ay naliligo sa abo at nagsusuot ng sako. Ang walang silbing bagay ay naging tanda ng pagkakaloob ng buong sarili, mula sa kaibuturan ng puso at damdamin ng isang tao. Ang walang halaga ay naging mahalagang tanda ng pag-aalay ng sarili sa Diyos na pinahahalagahan.

Ayaw natin ang abo. Galit tayo sa anumang may bahid ng pagiging basura. Ayaw natin ng tirang pagkain. Ayaw natin ng damit na pinaglumaan na. Ayaw natin ng anumang bagay na gamit na kumbaga, o bagay na katumbas na ng abo – luma na, nahiratsa na, napagsawaan na.

Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi tayo maka-usad-usad bilang isang bayan. Gusto natin ay laging buo, ganap, bago, at hindi pa napagsasawaan. Ayaw natin ng upos na … ayaw natin ng paubos na at wala nang halaga tulad ng pulbos na gabok na wala nang silbi.

Subali’t hindi abo lamang ang hiningi ng Diyos kay Abraham. At lalung hindi upos ang ipinagkaloob ng Ama sa Kanyang bayang hinirang. Hindi gabok ang inialay ng Ama para sa atin …. “Ito ang pinakamamahal kong Anak …”

Inialay Niya sa atin ang kasukdulan ng lahat na … ang tangi at bugtong Niyang Anak.

Ito ang diwa ng pagpepenitensya sa panahon ng Kwaresma – ang bukas-loob, ang bukal sa loob at wagas na pagkakaloob ng sarili. Lubos, hindi lang talbos o upos, ang ating bigay sa Diyos. Tagos sa kalooban at mula sa isang pusong talos ang tunay na halaga ng ipinagkakaloob sa Diyos … tulad ni Abraham na handang ipagkaloob ang anak na si Isaac ayon sa habilin ng Diyos.

Napakadamot natin bilang tao. Napakakipot at napakaliit ang mga niloloob natin. Mapagkait tayo sa Diyos. Hindi man lamang natin kayang ipagkaloob ang isang oras bawa’t linggo sa pagdalo sa Misa. Napakakipot at napakakitid kung minsan ang isip natin – hirap tayong buksan ang isip at kalooban sa walang pasubaling pagkakaloob ng sarili. Sobra kung minsan ang pagpapahalaga natin sa sarili.

Hindi abo ang turing natin sa sarili. Ang tingin natin sa ating sarili ay malayo sa alabok. Mataas ang pagpapahalaga natin sa sarili. Mapag-imbot at palalo tayong lahat, tulad ng hari ng kasinungalingan na nagmataas at nagmatigas sa kanyang desisyon: “Hindi ako maglilingkod sa Diyos.” (Non serviam!)

Itong mga palalong kagaya nito ang siyang lalong napapariwara. “Binuwag ng Diyos ang mga palalo, at iniangat sa trono ang mabababang-loob.”

Sa Miercoles ng abo ay binigyang-tandang maliwanag ang kung sino tayo … “Alalahanin mo tao, na ikaw ay alabok at sa alabok ka muling magbabalik.”

Sa tandang ito ng kawalan, ng kababaan, at kawalang silbi ay nabunyag ang kung sino tayo sa harapan ng Diyos – taga-sunod at kapatid ng Kanyang bugtong na Anak na Kanyang “pinakamamahal.” Sa pamamagitan ni Kristo, at dahil sa biyayang kaloob ng Diyos sa ngalan ni Kristo, ang abong ito ay nagiging isang mahalagang diamante sa harapan ng Ama. “Kung ang Diyos ay nasa ating panig, sino ang sasalungat sa atin?”

DALITA, BALITA, SALITA!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Taon B on Pebrero 17, 2009 at 16:30

isaiah-6012_1407_1024x7682

Ika-7 Linggo ng Karaniwang Panahon(B)
Febrero 22, 2009

Mga Pagbasa: Isaias 43:18-19, 21-22, 24b-25 / 2 Cor 1:18-22 / Mk 2:1-12

Pagpapanibago ang paksang lumulutang sa mga pagbasa. Mula kay Isaias, isang paanyaya ang paulit-ulit natin narinig: “Huwag alalahanin … huwag alintanain … huwag dibdibin.” Linya ng isang lumang kanta ni Rico Puno ang sumasagi sa aking isipan … “huwag damdamin ang kasawian; may bukas pa sa iyong buhay.”

Hindi tayo bago nang bago sa takbo ng buhay. Hindi tayo lahat isinilang kahapon. Alam natin ang kalakaran ng buhay … puno ng hilahil, tigib ng suliranin, napalilibutan ng pagbabata, pagdaralita, o pasakit. Hindi na ito dapat pang ipagkaila. Marami ang nawawalan ng trabaho. Marami ang wala nang malamang gawin matapos pasikipin ang sinturon, bawasan ang pagkain, at palawigin ang kakarampot na kinikita upang ipagtawid-buhay.

Iisa ang balitang tinutumbok ni Isaias … na kung paanong puro dalita ang karanasan ng mga Israelita sa ilang … kung paanong dinala ng Diyos sila sa kadiliman sa ilang, ay ganuon din sila ihahatid ng Diyos upang makatawid nang maluwalhati tungo sa kaligtasan. Magandang balita ang hatid ni Isaias sa likod ng matinding dalita!

Si Pablo naman ay ang katangian ng Diyos na malapit sa mga nagdadalamhati ang paksa – ang katapatan Niya. Tatlo ang patunay ni Pablo sa katapatang ito: una, ang katauhan ni Jesus na Kanyang bugtong na Anak; ang ikalawa ay ang katuparan ng Kanyang mga pangako sa pagdaan ng panahon; at ang ikatlo ay ang kaloob ng Espiritu Santo. Ang Espiritu, aniya, ay katumbas ng tinatawag ngayong “signature” o “selyo” sa mga produktong mahalaga, maganda, at matibay sa ating panahon.

Ang katapatang ito ng Diyos, ang kanyang pagkamahabagin, ay ipinamalas ni Kristo sa pagpapagaling sa paralitiko. Dalawang karanasan ng pagdaralita ang laman ng kwento, na ang isa ay mas masahol kaysa sa isa pa: ang pagiging paralitiko at ang kasalanang pinaniniwalaang nasa likod ng kanyang paghihirap. Kapangyarihan at kakayahan ng Diyos ang tugunan ang pareho. Subali’t hindi madaling makita ang pagpapatawad ng kasalanan; mas madali makita ng balana ang pagpapagaling.

And dalita ay tinugunan ni Kristo ng isang magandang balita – ang kakayahan ng Diyos na hanguin ang tao hindi lamang sa pasakit na pisikal, kundi at lalung higit, sa pinakamatindi at masahol na pagdaralita – ang pagiging malayo sa biyaya ng Diyos.

Dito ngayon pumapasok ang konsepto at diwa ng salita. Pinangatawanan ni Kristo ang kanyang pagiging Verbo (Salita) ng Diyos na nagkatawang-tao. Si Kristo ang balita. Siya rin ang tagapaghatid ng balita. Si Kristo ang kaganapan at katuparan ng Balita. Siya ang mensahe at siya rin ang mensahero, at siya ring katuparan ng mensahe o pangako ng Diyos.

Maraming salita ang naririnig tungkol sa napakaraming bagay sa mundo. Maraming salita na ang ginugol tungkol sa maraning sitwasyon, o katotohanan ng katiwaliang palasak at talamak sa lahat ng antas ng lipunan natin. Kay daming mga testigo ang nagwika na – sa ilalim ng panunumpang tila nawalan na ng kahulugan at kabuluhan. Puro salita, nguni’t wala namang bunga sa gawa.

Pati itong ating pagdiriwang na ito ay umiinog sa salita. Katatapos lang natin marinig ang tatlong pagbasa. At ang ginagawa ko ngayon ay ang pagpira-pirasuhin ang salitang narinig natin.

At ang salitang tumatambad sa ating liturhiya ay walang iba kundi ang magandang balita tungkol sa Diyos na nakipamayan sa atin kay Kristo.

Nagdaralita ang ating lipunan, hindi sa salita, kundi sa gawa. Naghihikahos tayo hindi sa kakulangan ng mga malalalim at makapangyarihang mga salita, kundi sa mga taong handang ang kanilang buhay ay gawin nilang isang magandang balita, at hindi lamang isang trompeta o batingaw na tumuturo sa ibang salita ng ibang tao.

Napapanahon na na dapat nating harapin ang katotohanan. Napapanahon na rin, na sa pagtanggap ng katotohanan, ay makita natin ang higit na masahol na kasalatan o pagdaralita sa daigdig – ang kawalan ng Diyos, ang kawalang pananalig sa Diyos. Masama ang pagdaralita. Nguni’t higit na masama ang pagdaralitang walang pinanghahawakang salitang nakapagaangat, nakapagtataas, at nakapagpapagaan sa buhay natin. Hindi sapat ang dami ng salita. Hindi sapat ang mabibigat na salita. Ang kailangan natin ay ang mga wasto at tamang salita na gumaganap at nagpapaganap sa atin.

Sa dami ng salitang naririnig natin sa ating paligid, madaling mabulid sa paniniwalang lutas na ang mga problema natin. Nguni’t hindi ito ang nangyayari. Dapat natin pakinggan, hindi ang dagdag pang mga salita, kundi ang Salitang nagbibigay-buhay – tulad ng salitang naging magandang balita ni Jesus sa taong paralitiko: “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan, pulutin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”

Ito ang pinanghahawakan natin sa araw na ito …. Sa likod ng dalita, may tangan tayong magandang balita, ang Salita ng Diyos na nagbibigay-buhay.