Ika-7 Linggo ng Karaniwang Panahon(B)
Febrero 22, 2009
Mga Pagbasa: Isaias 43:18-19, 21-22, 24b-25 / 2 Cor 1:18-22 / Mk 2:1-12
Pagpapanibago ang paksang lumulutang sa mga pagbasa. Mula kay Isaias, isang paanyaya ang paulit-ulit natin narinig: “Huwag alalahanin … huwag alintanain … huwag dibdibin.” Linya ng isang lumang kanta ni Rico Puno ang sumasagi sa aking isipan … “huwag damdamin ang kasawian; may bukas pa sa iyong buhay.”
Hindi tayo bago nang bago sa takbo ng buhay. Hindi tayo lahat isinilang kahapon. Alam natin ang kalakaran ng buhay … puno ng hilahil, tigib ng suliranin, napalilibutan ng pagbabata, pagdaralita, o pasakit. Hindi na ito dapat pang ipagkaila. Marami ang nawawalan ng trabaho. Marami ang wala nang malamang gawin matapos pasikipin ang sinturon, bawasan ang pagkain, at palawigin ang kakarampot na kinikita upang ipagtawid-buhay.
Iisa ang balitang tinutumbok ni Isaias … na kung paanong puro dalita ang karanasan ng mga Israelita sa ilang … kung paanong dinala ng Diyos sila sa kadiliman sa ilang, ay ganuon din sila ihahatid ng Diyos upang makatawid nang maluwalhati tungo sa kaligtasan. Magandang balita ang hatid ni Isaias sa likod ng matinding dalita!
Si Pablo naman ay ang katangian ng Diyos na malapit sa mga nagdadalamhati ang paksa – ang katapatan Niya. Tatlo ang patunay ni Pablo sa katapatang ito: una, ang katauhan ni Jesus na Kanyang bugtong na Anak; ang ikalawa ay ang katuparan ng Kanyang mga pangako sa pagdaan ng panahon; at ang ikatlo ay ang kaloob ng Espiritu Santo. Ang Espiritu, aniya, ay katumbas ng tinatawag ngayong “signature” o “selyo” sa mga produktong mahalaga, maganda, at matibay sa ating panahon.
Ang katapatang ito ng Diyos, ang kanyang pagkamahabagin, ay ipinamalas ni Kristo sa pagpapagaling sa paralitiko. Dalawang karanasan ng pagdaralita ang laman ng kwento, na ang isa ay mas masahol kaysa sa isa pa: ang pagiging paralitiko at ang kasalanang pinaniniwalaang nasa likod ng kanyang paghihirap. Kapangyarihan at kakayahan ng Diyos ang tugunan ang pareho. Subali’t hindi madaling makita ang pagpapatawad ng kasalanan; mas madali makita ng balana ang pagpapagaling.
And dalita ay tinugunan ni Kristo ng isang magandang balita – ang kakayahan ng Diyos na hanguin ang tao hindi lamang sa pasakit na pisikal, kundi at lalung higit, sa pinakamatindi at masahol na pagdaralita – ang pagiging malayo sa biyaya ng Diyos.
Dito ngayon pumapasok ang konsepto at diwa ng salita. Pinangatawanan ni Kristo ang kanyang pagiging Verbo (Salita) ng Diyos na nagkatawang-tao. Si Kristo ang balita. Siya rin ang tagapaghatid ng balita. Si Kristo ang kaganapan at katuparan ng Balita. Siya ang mensahe at siya rin ang mensahero, at siya ring katuparan ng mensahe o pangako ng Diyos.
Maraming salita ang naririnig tungkol sa napakaraming bagay sa mundo. Maraming salita na ang ginugol tungkol sa maraning sitwasyon, o katotohanan ng katiwaliang palasak at talamak sa lahat ng antas ng lipunan natin. Kay daming mga testigo ang nagwika na – sa ilalim ng panunumpang tila nawalan na ng kahulugan at kabuluhan. Puro salita, nguni’t wala namang bunga sa gawa.
Pati itong ating pagdiriwang na ito ay umiinog sa salita. Katatapos lang natin marinig ang tatlong pagbasa. At ang ginagawa ko ngayon ay ang pagpira-pirasuhin ang salitang narinig natin.
At ang salitang tumatambad sa ating liturhiya ay walang iba kundi ang magandang balita tungkol sa Diyos na nakipamayan sa atin kay Kristo.
Nagdaralita ang ating lipunan, hindi sa salita, kundi sa gawa. Naghihikahos tayo hindi sa kakulangan ng mga malalalim at makapangyarihang mga salita, kundi sa mga taong handang ang kanilang buhay ay gawin nilang isang magandang balita, at hindi lamang isang trompeta o batingaw na tumuturo sa ibang salita ng ibang tao.
Napapanahon na na dapat nating harapin ang katotohanan. Napapanahon na rin, na sa pagtanggap ng katotohanan, ay makita natin ang higit na masahol na kasalatan o pagdaralita sa daigdig – ang kawalan ng Diyos, ang kawalang pananalig sa Diyos. Masama ang pagdaralita. Nguni’t higit na masama ang pagdaralitang walang pinanghahawakang salitang nakapagaangat, nakapagtataas, at nakapagpapagaan sa buhay natin. Hindi sapat ang dami ng salita. Hindi sapat ang mabibigat na salita. Ang kailangan natin ay ang mga wasto at tamang salita na gumaganap at nagpapaganap sa atin.
Sa dami ng salitang naririnig natin sa ating paligid, madaling mabulid sa paniniwalang lutas na ang mga problema natin. Nguni’t hindi ito ang nangyayari. Dapat natin pakinggan, hindi ang dagdag pang mga salita, kundi ang Salitang nagbibigay-buhay – tulad ng salitang naging magandang balita ni Jesus sa taong paralitiko: “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan, pulutin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”
Ito ang pinanghahawakan natin sa araw na ito …. Sa likod ng dalita, may tangan tayong magandang balita, ang Salita ng Diyos na nagbibigay-buhay.