frchito

Posts Tagged ‘Pagpapahayag ng Panginoon’

BUMANGON AT MAGLIWANAG!

In Epipaniya, Homily in Tagalog, Tagalog Homily, Taon K on Enero 3, 2013 at 10:59

epiphanyausEPIPANIYA (DAKILANG PAGPAPAHAYAG NG DIYOS)

Enero 6, 2013

Mga Pagbasa: Is 60:1-6 / Efeso 3:2-3a, 5-6 / Mt 2:1-12

BUMANGON AT MAGLIWANAG!

Noong araw, ang Pasko ay laging maaliwalas, malamig, at walang anumang ulap na lumalambong sa himpapawid. Maganda ang sikat ng araw, pero hindi mainit. Sa panahon natin, makulimlim, kahit sa araw na ito. Sa nakaraang dalawang taon, binagyo at hinagupit ng matinding paghihirap ang mga taga Mindanao, bago sumapit ang pasko.

Pero hindi lamang klima ang nagdidilim. Pati kabatiran at kamalayan nating mga Pinoy ay tila nalulukuban ng madidilim na alapaap. Hindi pa rin tayo nagkakaisa. Maraming mga isyu ang nagdudulot ng pagkakahati-hati natin. Ang kulay politika ay patuloy na nababalot ng hidwaan at pagkakanya-kanya … pana-panahon o weder-weder lang, ika nga, na wari baga’y ang lahat ay nakadepende kung sino ang naghahari, at puedeng mabago ang takbo ng lahat, segun sa takbo ng dibdib at isipan ng bagong naghahari.

Bukod sa rito, sa panahon natin, ang tama ay nagiging mali at ang mali ay nagiging tama, dahil sa makapangyarihang social networking at mass media. Ang turo ng Simbahan ay nagiging katawa-tawa, kalibak-libak, at ang tumatayo at naninindigan para sa katotohanang moral ay pinagbibintangang makaluma, hindi angkop sa modernong panahon, at kung hindi naman ay itinutulad sa mga Taliban na mapagdiin sa sariling isipan at uri ng pamumuno.

Tapos na ang lahat ng dakilang bagay na nagpalambot sa puso natin. Tapos na ang Pasko sa isipan ng marami, at kung ang susundin natin ay ang mundo ng komersyo, ang dapat paghandaan na ay ang Valentine’s Day, para kumita muli ang mga malls. Nguni’t sa araw na ito, pista ng pagpapakita o pagpapahayag ng Panginoon (Epipaniya), ay paskong-pasko pa rin, bagama’t wala na ang mga imaheng siyang kinagisnan nating nagbibigay-diwa sa pasko.

Magandang isipin na ang epipaniya ay naganap sa kasimplehan, sa kapayakan. Wala na ang larawan ng nagkakantahang mga anghel. Wala na rin ang nagtatakbuhan at nagmamadaling mga pastol. Wala na ang mga hayop sa sabsaban – mga larawang magandang ipakita sa pamamagitan ng makikintab ng mga palara at mga kumu-kuti-kutitap ng mga munting ilawan, at ang nasa gitna ay isang kyut na munting sanggol, na napaliligiran ni Maria at Jose, at iba pa.

Ang nakikita natin ngayon ay isang di kilalang bayan, ang Betlehem, at di kilalang siyudad ang Jerusalem. Nakikita natin ang larawan ng mga Mago na papalapit, naglalakbay, naghahanap, at sa isang sandali ay nakatagpo, hatid ng isang maliwanag na tala.

Marahil ay dapat nating tularan ang mga Mago – naglakbay, naghanap, nagsikap! Marahil ay dapat nating bigyang-pansin ang ating tala – na naghahatid sa kung ano ang dapat nating makita at malaman tungkol sa Diyos at sa ating sarili.

Marami ang dapat nating maunawaan tungkol sa Diyos. Marami rin ang dapat nating malaman tungkol sa ating sarili bilang tao. Maraming mga kadiliman sa buhay nating ngayon ang dapat masinagan ng tala ng katotohanan, at tala ng tunay na kalayaan. Maraming kadiliman ang dulot ng mundo ng pamamahayag, na tulad ng lahat ng aspeto ng ating kulturang Pinoy, ay nabahiran na rin ng korupsyon. Maraming mga bahagi ng ating lipunan ay hindi nalalayo sa Belen na napaligiran ng kadiliman at kasalanan!

Tayo ang mga pinaghahanap ng tala. Tayo ang nangangailangan ng kanyang liwanag. At ang paghahanap ng mga mago ay siya ring dapat nating paghahanap rin at pagsisikap upang mapanuto ang ating bayan sa malinaw at tumpak na daan.

Pag-asa ang turo ng mga pagbasa … hindi kalungkutan at kawalang tiwala sa gitna ng kadiliman. Ito ang nais nating dalhin pauwi mula sa simbahang ito: “
Bumangon at magliwanag na tulad ng araw!”

Bumangon! Nadapa tayo at nasadlak sa maraming pagkakamali at kasalanan … lahat tayo. Magliwanag! Nabalot tayo ng dilim ng pangamba, kawalang tiwala at pag-asa at maging pagtatampo sa Diyos na tila walang kapangyarihang pumuksa sa katiwalian.

Bumangon at magliwanag, kapatid! Hindi pa huli ang lahat at hindi kailanman magagapi ang Diyos. Bagama’t siya ay nakikitan nating isang sanggol na bagong silang, may pangakong nakalaan para sa akin at sa iyo: “Poon, maglilingkod sa Iyo tanang bansa nitong mundo!”

BUMANGON AT MAGLIWANAG!

In Catholic Homily, Epipaniya, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon B on Enero 7, 2012 at 13:48

Kapistahan ng Epipaniya(B)
Enero 8, 2012

Mga Pagbasa: Is 60:1-6 / Ef 3:2-3.5-6 / Mt 2:1-12

BUMANGON AT MAGLIWANAG!

Hindi ko maiaalis na sumagi sa aking isipan ang malungkot na nagaganap sa maraming mga Kristiyano sa ilang lugar sa buong mundo – ang katotohanang sa maraming lugar, ang mga kristiyano ay muling humaharap sa pag-uusig o tinatawag nating persekusyon. Malaon nang nangyayari ito sa Iraq, sa ilang bahagi ng India, sa Palestina, sa maraming lugar sa Africa, at mismo sa tinatawag nating Holy Land, kung saan nagsimula ang pananampalataya natin.

Hindi ko maialis sa aking isipan sapagka’t sa araw na ito, ang dakilang kapistahan ng pagkakahayag at pagpapakilala kay Kristo bilang Diyos, ay sumailalaim rin siya mismo sa isang matamang pag-uusig, mula kay Haring Herodes.

Magaling magtago sa mistulang kaliwanagan ang sinumang may maiitim at madidilim na balak. “Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio?” ang tanong niya. “Hanapin ninyo at ibalita rin sa akin, upang ako man ay makasamba sa kanya.” Subali’t alam natin ang kanyang naging pakay. At alam natin na ipinapaslang niya ang mga sanggol na lalaking dalawang taon pababa, upang masiguro niyang nailigpit niya ang kanyang karibal, at banta sa kanyang paghahari.

Ang araw na ito ay araw ng kagalakan at pagbubunyi, nguni’t ang pagbubunyi at kagalakang karapatan nating lahat bilang Kristiyano, sa mula’t mula pa ay nabahiran na ng pangamba at tila nagwawaging puwersa ng kadiliman.

Ito ang masamang balita!

Nguni’t para sa Diyos, ang masamang balitang kaakibat ng kasalanan ng tao at pagkamakasarili ay may katapat. At ang katapat na ito ay walang iba kundi ang kanyang sinugo – ang kanyang Anak na naging tao, si Jesus, na ngayon ay natanghal bilang Anak ng Diyos at bilang Mananakop.

Ito ang magandang balita!

Dangan nga lamang at para aking mabigyang pansin ang magandang balita, ay dapat kong ikwadro ito sa konteksto ng masamang balita. Ang magandang balita ay tinatawag na mabuti o maganda sapagka’t ito ang kabaligtaran ng lahat ng nagaganap na may kinalaman sa kadiliman ng kasalanan.

Malungkot ang nagaganap sa mga lugar kung saan ang kristiyano ay pinag-uusig. Mapait na katotohanan ang tanggapin na darating na muli ang araw kung kalian tulad ng isang libong taon na ang nakalilipas, ay muling yuyurakan ng pagkamuhi ang pananampalataya natin, at lalong yuyurakan ng higit pang pagkamuhi ang mga tagasunod ni Kristo. Tila malinaw ang kahihinatnang sasapitin ng ating Inang Santa Iglesya. Ngayon pa man, maging sa sarili nating bayan, may mga palatandaang ang pananampalataya natin ay makararanas ng matinding persekusyon, at nakararanas na kung makikita natin sa dumaragdag na bilang ng mga galit sa Simbahan at sa mga alagad ng Diyos, dahil hindi sila sang-ayon sa turong moral ng Santa Iglesya.

Ngunit ang Diyos ay tumutugon sa ating mga pangangailangan sa pangkalahatan at sa paglawig ng panahon. Ang Diyos ay Panginoon ng kasaysayan at siyang naggagabay sa takbo ng kasaysayan na ang puno at dulo ay walang iba kundi siya.

Sa araw na ito, hinihiling ko sa aking mga tagabasa, na pagyamanin at tahasang bigyang pansin ang pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias, na puno ng pag-asa. “Bumangon ka Jerusalem at magliwanag na tulad ng araw. Nililiwanagan ka ng kaningningan ng Panginoon.”

Batid kong marami sa atin ay nanghihinawa at nanghihina. Batid kong, tulad ko, lahat tayo ay tigib ng pangamba. May Diyos ba talagang nag-aakay sa kasaysayan ng mundo? May Diyos ba talagang naghahatid sa mga tao sa kapayapaan?

Ang kapistahan ngayon ay isang pagtugon ng mataginting na “oo.” Siya ay nahayag at nakilala ng mundo, kahit na mayroon pa ring hindi kumikilala. Ang kanyang pagka Diyos ay hindi depende sa ating pagtanggap. Siya ay Diyos tanggapin man natin o hindi. Siya ay Panginoon kilalanin man natin o hindi.
Siya ang Panginoong ng kasaysayan. At bagama’t mistulang lumalayo ang takbo ng kasaysayan ng tao sa kanyang daan o landas, ito ang pangako niya sa kanyang bayan. Magaganap. Mangyayari. Maghahari siya magpasawalang hanggan.

Kung kaya’t “bumangon ka, kaibigan, at magliwanag na tulad ng araw!”

Salesian Retreat House
Cheung Chau Island
Hong Kong