frchito

Posts Tagged ‘Pagsubok sa Buhay’

PAGKAPIT SA KATIG NG PANANAMPALATAYA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Oktubre 18, 2013 at 17:59

11-persistent-widow

Ika-29 na Linggo Taon K
Oktubre 20, 2013

KUMAPIT NANG MAHIGPIT SA KATIG NG PANGINOON

Wala akong maisip na mga salita tungkol sa paghihirap na dumalaw sa marami nating kababayan matapos ang hindi inaasahang lindol sa Bohol at mga karatig isla. Isa lamang ang sumasagi sa isipan ko, na siya ring pinapaksa ng mga pagbasa sa Linggong ito … pagsubok o paghamon.

Hindi biro ang sumailalim sa matinding pagsubok. Tulad ng pinagdaanan nina Moises, kung kailang ang mga basagulerong Amalecita ay patuloy na umaatake sa kanila. Pero hindi lahat ng paghamon ay nakukuha sa pakikipagdigma. Hindi lahat ay nalulutas sa pagiging mainitin ang ulo.

Kung minsan, kailangang magpakumbaba at magtiwala sa ibang uring lakas na hindi galing sa ibaba bagkus sa itaas.

Ito ang kapangyarihan ng panalangin. Pero sa araw na ito, hindi lang simpleng panalangin ang paksa. May kakaibang diin … may kakaibang ibig bigyang pansin. At ito ay may kinalaman, hindi sa pananawa, kundi sa hindi panghihinawa sa panalangin sa Diyos.

Mahirap ngayon ang lahat ng bagay sa ating buhay. Trapiko pa lamang saanmang dako ng Pilipinas ay problema na. Problema ring pumila sa lahat, maging sa supermarket, sa palengke, sa sakayan ng traysikel, o dyip, o LRT. Lahat, ika nga, ay “hassle.” Walang pinipili … walang sinasanto … walang itinatangi – tulad ng lindol na walang pakundangang nagpaguho sa yaman, di lamang nating mga katoliko, kundi ng lipunan.

Kung gaano kahirap ang buhay, ganoon naman kadali ang mawalan ng tiwala, ng pag-asa, ng marami pang iba. Mayroon pa kayang tiwalang natitira sa pamahalaan, lalo na sa Senado at Kongreso? Maibabalik pa kaya ang naglahong pananalig na kapakanang pangkalahatan ang kanilang pakay at naisin?

Para sa mga nasawi dahil sa lindol, alam nating walang anumang kataga ang makapagpapagaan ng mabigat na pasaning emosyonal ng mga naiwan.

Bilang pari, ako ay kaisa sa kanilang panimdim at sa kanilang mga pasakit. Pero bilang pari, mahirap man maunwaan ngayon sa gitna ng matinding pagsubok, tungkulin ko ang ipagmakaingay ang magandang balita na siyang maghahatid sa atin sa liwanag, gaano man kalayo, gaano man katagal.

Ito ang mga pahatid sa atin ng mga pagbasa … Una, kailangan nating manatili sa pananalig at sa pananalangin, tulad ni Moises na nanatiling nakataas ang mga kamay bilang tanda ng pagsamo sa Diyos.

Ikalawa, kailangan natin ng katatagan, tulad ng paalaala ni Pablo: “Ipangaral mo ang ang salita ng Diyos, napapanahon man o hindi; hikayatin mo, pagsabihan, at patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo.”

Alam kong lumang tugtugin na ito, pero ito ang malinaw na turo sa atin ngayon … “huwag mong tatalikdan ang mga aral na natutuhan mo at matibay na pinananaligan, yamang kilala mo ang nagturo nito sa iyo.”

Katatagan … katapatan … kalakasan ng loob at ng pananampalataya at pag-asa …

Sukdulan ang halimbawang dulot ng Panginoon … isang balo na hindi nanghinawa, nagpumilit, nangulit, patuloy na nanggambala, at walang patid na nagpahatid ng hinaing … Ito ang larawan ng isang taong may pananampalatayang hindi nabubuwag ng pagsubok, gaano man kapait.

Marami sa atin ang nakakaranas ng matinding pagsubok sa buhay. Hindi ko batid ang nilalaman ng puso ng lahat ng kaharap ko ngayon o nagbabasa nito. Pero ito lamang ang masasabi ko … Alam ng Diyos ang lahat. Naranasan din ng Panginoon ang lahat ng ito. Kaisa natin siya … kasama … kabata … kalakbay at kapanalig.

Hindi siya nagsasawa. Hindi nanghihinawa. Sa habag at pag-ibig sa tanan, kahit na hindi natin ngayon nakikita o nararamdaman.

Manatili sana tayong naka-katig sa kanyang timon. Tularan si Moises, si Aaron, Hur, Pablo, at ang hindi kilalang balo sa ebanghelyo. Kumapit tayong mahigpit sa katig ng pananampalataya sa Panginoon.

AMININ. AKUIN. IPAHAYAG!

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Taon K on Pebrero 15, 2013 at 11:28

The-temptation-of-Christ-1024x947Unang Linggo sa Kwaresma (K)

Febrero 17, 2013

Mga Pagbasa: Deut 26:4-10 / Rom 10:8-13 / Lk 4:1-13

AMININ. AKUIN. IPAHAYAG

Nakakatawa at nakakalungkot isipin ang mga tapunan ng sisi, batuhan ng mga bintang na nagaganap sa pagitan ng mga pulitiko na tinatawag nating “kagalang-galang.” Hindi ko na uulitin pa ang naririnig naman ninyo sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Pero sa dinami-dami ng mga imbestigasyon na ginawa ng senado at kongreso, wala pa akong natatandaang sinuman na umamin sa anong katiwalian. Pati ang mga pumatay sa mahigit na 50 katao sa Mindanao ay malayo pa sa kaliwanagan.

Subali’t ang pagtanggap ay kapatid ng pag-amin. Wala tayong matatanggap na hindi muna natin inaamin sa sarili. At matapos natin maamin at matanggap, ay handa na tayong magpahayag.

Isa ito sa pangunahing liksyon sa unang Linggo ng Kwaresma. Taon-taon, ito ang pagbasa sa ebanghelyo – ang isa pang katotohanang dapat natin aminin at akuin – ang katotohanang hindi lamang ang Panginoon ang tinukso. Pati tayo, ay patuloy na nakakaranas ng tukso, ng panghahalina ng masama, at hindi angkop sa kagustuhan ng Diyos.

Huwag na tayo magmaang-maangan pa. Sa tatlong tuksong pinagdaanan ng Panginoon, lahat tayo ay tinatamaan kumbaga. Isa-isahin natin …

Ang una ay ito … bato na gusto nating maging tinapay. Sa dami ng naghihirap ngayon, at sa dami naman ng puedeng mabili, tulad ng mga naggagaraang mga cellphone at tablets, gusto ng lahat ay biglang yaman. Ano ba ang Amalilio scam na pati isang artistang laging laman ng TV screen ay nawalan ng 50 milyon? Ano ba ang iba pang mga biglang naglahong mga pyramidal scheme na naganap paulit-ulit sa bayan natin? Di ba ito ay walang iba kundi kasakiman, katakawan, at ang paghahanap ng mabilisang pera na walang iniwan sa bato na gusto nating maging tinapay, ngayon, hindi sa isang linggo?

Di ba’t tayong lahat ay sinasagian ng kagustuhan ng pita ng laman, at mabilisang pagpaparaos ng kati ng kalamnan? Di ba’t kahapon, ayon sa mga ulat, ay buhol-buhol ang trapiko kung saan maraming motel? Di ba’t ito ang dahilan kung bakit mabilis na naipasa ang RH law? Sapagka’t naghahanap ang tao ng sex na walang pananagutan; sarap na walang responsibilidad? At di ba’t ito ang dahilan kung bakit gusto nating merong mamigay at magpa-alagua ng condom tuwing Valentine’s Day? Di ba’t ito rin ang dahilan kung bakit sa kabila ng tradisyon ng pag-aayuno at pag-abstinencia o hindi pagkain ng karne, ay tuloy-tuloy pa rin ang benta ng Chicken Joy? Ayaw natin ng bato … gusto natin ay tinapay.

Ang ikalawa ay palasak rin – kapangyarihan at kadakilaan. Ano sa palagay ninyo kung bakit nagkakandarapa tayo para ma-promote, kung bakit nagkukumahog tayo para makilala sa TV, at makilala bilang magaling at dakila at maganda o guapo? Di ba’t ito ay tulad ng tukso kay Jesus na bibigyan daw siya ng kadakilaan kung siya ay sasamba sa diyablo? Bakit sa palagay ninyo ang mga larawan sa facebook ay laging iyong wala kang tagyawat at laging balingkinitan at walang kabahid-bahid ng dungis ang mukha? Bakit sa palagay ninyo ang mga nasa facebook ay pawang magagaling daw mag Greek, mag Pranses,  at nag-aral daw sila sa iba-ibang lupalop ng daigdig? Bakit ang gagaling at ang gaganda ng ating profile sa mga social networking sites?

Ang ikatlo ay alam rin natin … ang ipasa ang pananagutan sa iba. Itapon mo sarili sa templo at ikaw ay hindi pababayaan ng mga anghel. Kainin mo gusto mo, kahit na bawal, at hindi ka naman magkakasakit. Gawin mo ang gusto mo, at kapag nagkasakit ka ay idemanda mo ang restoran, o ang gobyerno, o ang ibang tao. Huwag kang matakot. Problema nila yan … Ito ang mga katagang naririnig sa mga taong walang pananagutan sa sarili.

Matindi ang pinagdadaanan natin. Aminin. Tayong lahat ay makasalanan at di miminsang nabubulid sa tukso. Akuin at tanggapin. Pero may maganda bang balita?

Oo. Ito ang ipahayag. Matapos ninyo tanggapin na ang lahat ay galing sa Diyos ay nag-alay kayo sa altar, ayon sa Deuteronomio, “saka kayo lumuod upang sambahin ang Panginoon.”

Ipagbantog … “Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso.” “Kung inyong ipahahayag ng iyong mga labi na si Jesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.”

Ito ang magandang balita. Pero nagmumula ito sa isang mahirap angkinin, mahirap akuin, mahirap tanggapin … na tayong lahat ay makasalanan, na tayo rin ay nasisilaw sa pera, at tayo ay nasisilo ng pita ng laman, at ng tawag ng kayamanan, kapangyarihan, at kadakilaan … Aminin. Akuin. Tanggapin, at ipahayag ang dakilang habag ng Diyos!