frchito

Posts Tagged ‘Pagsunod sa Kalooban ng Diyos’

PAGTALIMA AT PANANAMPALATAYA

In Uncategorized on Agosto 24, 2012 at 16:50

Image

Ika-21 Linggo ng Taon (B)

Agosto 26, 2012

Mga Pagbasa: Jos 24:1-2.15-17.18 / Ef 5:21-32 / Jn 6:60-69

PAGTALIMA AT PANANAMPALATAYA

 

Magkahalong lungkot, dalamhati at pasasalamat ang nadarama ko sa mga araw na ito. Magmula nang mabalitang naglaho ang eroplanong sinasakyan ni Jesse Robredo, nagsusun-suson ang mga damdaming may kinalaman sa pangamba, taimtim na pananalangin sa Diyos para sa kanyang kaligtasan, na di naglaon ay napalitan ng dalamhati, panghihinayang, at ngayon ay pasasalamat sa Diyos.

Isa sa mga angkin nating karapatan bilang tao ay ang makadama maging ng mga emosyong magkakasalungat sa takbo ng ating buhay. May pagkakataong magkahalong galit at lungkot ang nadadama ninuman. Sumasagi sa ating puso ang magkahalong lungkot at tuwa, pangamba at pagkasabik, at iba-iba pang mga damdaming makatao.

Sa harap ng mahahalagang pagpapasya … sa harap ng mahahalaga ring pagpili mula sa hanay ng mga tila baga’y pawang magagandang gawain o anuman, di miminsang ang kalooban ng tao ay hati … at ang puso ay nagsasalawahan, o kung minsa’y namamangka rin, ika nga, sa dalawang ilog.

Ito ang hinarap ng mga Israelita matapos pamunuan ni Josue tungo sa lupang pangako.  Hindi kaila sa atin na ang bayan ng Diyos ay hindi miminsang nagsalawahan. Hindi rin kaila sa atin, na bilang tao, sila man ay namangka sa dalawang ilog … tumalima at nakinig sa mga diyus-diyusan, at nakibagay sa gawi ng mga pagano nilang mga kapit-bayan, at tumulad sa kanilang pagsamba sa mga pekeng diyus-diyusan.

Nguni’t sa araw na ito, hinarap ni Josue ang kanyang bayan at pinagpasya, hindi lamang pinapili. Pinag-desisyon niya ang kanyang mga kababayan. “Kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, sabihin ninyo kung kanino kayo maglilingkod.”

Mahirap mamili. Mahirap magpasya … lalu na’t kung ang puso at damdamin ay nahati na sa harap ng dalawang tila magkasing timbang o magkasing halaga. Tulad nga ng madamdaming awit na malimit nating marinig, kung minsan ay patambis at madulain nating sambit: “Bakit ngayon ka lang dumating sa buhay ko?”

Sa ikalawang pagbasa, pagpapasya rin ang turo sa atin ni San Pablo. Hindi niya tayo pinamimili sa pagitan ng babae o lalake. Hindi niya tayo pinagpapasya kung sino sa kanila ang dapat maghari, o mangibabaw sa kung kanino. Hindi niya tayo pinagtatagubilinang sundin lamang si Adan, at siphayuin si Eva. Maraming pagkakataong mali ang pagkaunawa ng marami sa pagbasang ito, na tila baga, batayan ito ng pagiging hari, pagiging mapaniil, at pagiging lampas o labis ang kapangyarihan ng mga lalaki sa mga kababaihan.

Pagpapasya ang nais sa atin ni San Pablo sa siping ito, na mahihinuha natin sa unang pangungusap ng pagbasa: “Pasakop kayo sa isa’t isa tanda ng inyong paggalang kay Kristo.” Pasakop sa isa’t isa. Ang mahalaga ay ang samahan, ang relasyon, ang pagkakaniig sa pagitan ng lalaki at babae pati sa samahang mag-asawa, at hindi sa kung sino ang mas mataas, at lalung hindi kung sino dapat ang maghari at magpakita ng kapangyarihan sa bahay at sa lipunan.

Subali’t tatapatin ko kayo. Mahirap ang magpasakop sa isa’t isa. Lahat tayo sa mundong ito ay ipinaglihi sa kapangyarihan. Walang may gusto na maging sunud-sunuran lamang. Walang may nais na manatiling tagasunod lamang, o tagapakinig. Lahat tayo ay mayroong maling akalang tayo ay dapat na nasa harap lagi ng camera, o may tangang mikropono sa tuwina. Walang may gusto na laging supporting actor o actress lamang. Lahat tayo ay gustong gustong maging bida, maging sentro ng samahan, o nasa rurok ng tagumpay, at hinahangaan ng lahat ng tao.

Sa buhay natin, marami ring mahirap tanggapin. Ako na ang mauunang umamin. Mahirap maging Kristiyano. Mahirap ang sumunod sa kagustuhan ng Diyos. Mas madali ang sumunod sa sariling kagustuhan, ang magpakasasa sa karangyaan, at luho. Walang sinuman ang may nais mabuhay sa kasalatan at kawalan, at kahirapan. Walang sinumang nais tasahan ang kakayanan natin magpakaligaya, at gumawa ng anumang magbibigay ng kasiyahan sa atin.

Wag na tayong magmaang-maangan pa … mahirap labanan ang pita ng laman, at ang tawag ng kalamnan!

Iyan ang pawang katotohanan … mahirap ang magpaka martir. Mahirap ang maging sunud-sunuran sa kagustuhan ng Poong Maykapal!

Ito rin ang naging suliranin ng mga tagasunod ng Panginoon. Matapos pakanin, matapos busugin, matapos punuin ang tiyan …. Hayan at nagdagsaan ang mga atungal, ang mga reklamo. “Mahirap ang pangaral na ito.” At ayon sa ebanghelyo, ay unti-unti silang nagsipag-alisan.

Parang tayo … hati-hati ang bayan ng Diyos sa Pilipinas. Mayroong Pro-Choice … mayroong Pro-Life … Mayroong Catholics for RH at iba pa. Lahat ay nagsasabing sila ay naniniwala, nguni’t ang kanilang paniniwala ay mapili at hindi pangkalahatan. Susunod lamang ang ilan kung ang pangaral ay angkop sa kanila nang napagpasyahang tama at kaaya-aya.

Wala tayong kaibahan sa mga Israelita na pinagpasya ni Josue. Wala rin tayong kaibahan sa mga Judio na matapos makarinig ng mahirap na pangaral ay isa-isang nagpaalam, isa-isang lumisan.

Wala tayong kaibahan sa mga tao sa Luma at Bagong Tipan na namangka sa dalawang ilog, nagsalawahan, at nagtatwa sa Panginoon.

Ang kaibahan nga lamang ay ito … marunong tayo ngayon magpalusot. “Katoliko pa naman ako, eh. Ang ayaw ko lang naman ay ang pakiki-alam ng Simbahan sa pribado naming buhay!”

“Katoliko naman kami, eh. Pero kung ang pag-uusapan ay ang pagpapasya namin sa kung ilan ang dapat naming anak, wala na ang Simbahan diyan!”

Sa maraming pagkakataon, Katoliko tayo sa ngalan, ngunit hindi katoliko sa pamamaraan. Tagasunod tayong naturingan, pero hindi tayo sumusunod sa mga turo ng Inang Simbahan.

Hinarap rin ni Jesus ang suliraning ito. Kung kaya’t tulad ni Josue, hinarap rin niya ang mga naturingang tagasunod niya. “Ibig din ba ninyo umalis?”

Mayroong nanindigan. Mayroong sumagot at tumalima sa Kanya. Mayroong nagpasya at namili nang tama … Si Pedro, na sa ngalan ng iba pang mga disipulo ay nagwika: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.”

Pagpapasya. Pagtalima. Kaakibat ito ng pananampalataya. Ang disipulo ay tagasunod. Tumatalima. Naniniwala. Sumasampalataya.

Laking pasasalamat ko sa halimbawa ni Jesse Robredo. Sa buhay na simple, na halos walang kibo, walang angal, walang masyadong salita, ay nabunyag ang isang taong hindi ordinaryong Kristiyano … May paninindigan … may sinasandigan …. May pananagutan … Nakinig siya … Tumalima bilang tagasunod at disipulo. Bakit? Sapagka’t ang pagiging disipulo ay hindi kailanman maaring ihiwalay sa pagiging mananampalataya … At ang pananampalatayang ito ay nakikita sa gawa.

Salamat Panginoon sa mataginting na halimbawang ito ni Jesse Robredo!

Taning Ikaw lamang, Panginoon, ang may tangan ng salitang nagbibigay-buhay!

 

Advertisement

INUTUSANG MAGSALITA PARA SA KANYA

In Uncategorized on Hulyo 13, 2012 at 15:04

Image

 

Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon (B)

Julio 15, 2012

 

Mga Pagbasa: Amos 7:12-15 / Ef 1:3-14 / Mc 6: 7-13

 

May kasabihan tayo sa Tagalog na kapag gusto, maraming paraan, pero kapag ayaw, maraming dahilan. Kapag kursunada natin, mabilis pa tayo sa a las kwatro, ika nga. Kapag ayaw natin, mabagal pa tayo sa pagong.

Mahaba-haba na ring panahon akong namuno ng tao at nangasiwa ng mga gawaing nangangailangan ng maraming tao. Matagal-tagal na rin akong nagtuturo. Mula sa sarili kong karanasan at sa karanasan ko sa iba, palagay ko’y madaling maunawaan na mayroong taong napakadulas, parang si Palos, na napakagaling magpalusot. Anumang gusot ang kanilang pasukin, ay laging nakakakita ng palusot, ng paraan para makahulagpos o makaiwas sa kahihiyan. Marami silang naiisip na dahilan … maraming kadahilanan at pangangatwiran.

Noong nakaraang Linggo ay pinag-ukulan natin ng pansin si Amos at ang katotohanang kapag hindi ka kursunada ay hindi ka tatanggapin ng ibang tao. Pinag-usapan natin pati na rin ang pagtanggi ng tao sa aming mga pari. Nguni’t pinag-usapan rin natin ang pagtanggi natin sa Diyos at sa kanyang mga aral, tulad ng mga rebeldeng Israelita na nag-aklas laban sa Diyos.

Wala ni isa man sa ating lahat ang hindi nakaranas ng pagsiphayo o kawalang maluwag na pagtanggap ng kapwa. Lahat tayo ay mayroong paborito at lahat rin tayo ay mayroong ayaw na tao.

Ito ang mapait na karanasan ni Amos. Tinanggihan siya ni Amasias na nagsabi: “Bulaan kang propeta! Magbalik ka na sa Juda!”

Masasabi nating ito rin ang naging karanasan ni Pablo. Mula sa kanyang mga kwento rin natin napagtanto na tumangis rin siya sa kawalan ng pagtanggap mula sa kanyang mga pinagmalasakitan, na marahil ay naging sanhi kung bakit nagwika siya tungkol sa isang “tinik sa kanyang kalamnan” na nagpahirap sa kanya nang matagal.

Nguni’t ano nga ba ang mabuting balitang puede nating mapulot tungkol dito?

Sa aking pakiwari ay simple lamang. Tingnan natin ang sarili nating karanasan. Di ba’t kapag hindi tayo tinanggap ng iba ay nagtatampo tayo o nagagalit? Di ba’t tinatanggihan din natin sila? Di ba’t kumbaga ay nadidiskaril ang buhay natin dahil sa kawalang pagtanggap ng iba sa atin? Nasisira kumbaga ang ating diskarte?

Sa buhay ni Amos ay hindi ganito ang naging tugon niya. Sa pagtanggi ng iba, ay lalu namang namayani ang kanyang pagtanggap sa gusto ng Diyos. At sa masakit na pananalita ni Amasias, ay katotohanan lamang ang kanyang sinagot: “Hindi ako propeta – hndi koi to hanapbuhay. Ako’y pastol at nag-aalaga rin ng mga punong-igos. Ngunit inialis ako ng Panginoon sa gawaing iyon at inutusang magsalita para sa kanya.”

Sa buhay ni Pablo ay parehong pamamayani ang naging tugon niya. Sa halip na manghinawa, malungkot, magtampo at magtatambaw, ay ito ang kanyang ginawa. Sa harap ng panlalait, sa harap ng pagtanggi ng iba, sa harap ng paghihirap, ay nagbilang siya ng biyaya.

Oo … nagbilang siya ng dahilan upang magpasalamat at magpuri sa Diyos. Una, “pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espiritwal.” Ikalawa, “hinirang niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan.” Ikatlo, “itinalaga upang tayo ay maging anak niya.” Ika-apat, “tinubos tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan.” Ikalima, “binigyan niya tayo ng karunungan at kabatiran.” At ika-anim, “tayo’y naging bayan ng Diyos.”

Malimit ay ano ba ang binibilang natin? Ano ba ang nasa listahan natin? Di ba’t pawang negatibo? Di ba’t listahan ito ng mga maling nagawa ng ibang tao sa atin? Di ba’t malimit ay listahan ng mga “pagkakautang” ng iba sa atin?

Mayroon tayong puedeng gawin dito. Tulad ng salmista, tayo ay tinatawagan upang gawing sariling atin ang kanyang panalangin: “Pag-ibig mo’y ipakita; iligtas kami sa dusa.” Ito ang ating pag-asa. Ito ang hinihintay natin sa kanya. Ito ang tampulan ng ating pag-asa … “mga lingkod niya’y magiging payapa” … “ang pagtatapatan ay pag-iibiga’y magdadaup-palad; ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.” “Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay; ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam.”

Hindi ito mga hungkag na pangako. Ito ay katotohanang binigyang patotoo ni Amos at ni Pablo.

Simple lamang ang dapat natin gawin. Magbigay patotoo … mag-asal totoo … magpamalas sa mundo na tayo ay sugo, tayo ay pinagkatiwalaan, at bagama’t hindi tayo tinatanggap ng ilan, ay nasa panig natin ang Diyos at ang kanyang katotohanan. Mabuhay ang lahat ng mga sugo ng Diyos, pari man o laiko, na patuloy na nagpapagal at nagtitiyaga, meron mang pagtanggap, o puno man ng pagtanggi.