frchito

Posts Tagged ‘Pagtanggap o Pagtanggi sa Propeta’

KINILALA, HINIRANG, ITINALAGA AT ISINUGO

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Jeremias, Taon K on Pebrero 1, 2013 at 08:31

Ika-apat na Linggo Taon K

Febrero 3, 2013

KINILALA, HINIRANG, ITINALAGA, ISINUGO

 

jeremiah-michelangeloi

 

Pagka nga naman ukol, ay talagang bubukol. Kapag ikaw na, wala nang iba. Kung ikaw ang hinirang at itinalaga, nasa balikat mo ang pananagutan at panunungkulan. Tulad ni Jeremias … batang-batang propeta na kinilala, hinirang, itinalaga, at isinugo … kahit na ayaw niya sa simula, nag-atubili, nag-alinlangan … Tumawad pa at naki-usap, humiling na huwag na siya, sapagka’t siya ay sobrang bata pa.

Nakita niya kung gaano kahirap ang magwika sa ngalan ng Diyos. Mas madali pa ang humula tulad ni Madame Ong tungkol sa hinaharap. Subali’t ang pagiging propeta ay hindi panghuhula ng darating na kapalaran, kundi ang pagsasalita sa ngalan ng Diyos.

Mahirap pa rin hanggang ngayon ang magwika sa panig ng Diyos … lalu na ngayon. Anumang sabihin mong hindi akma sa takbo ng isipan ng madla, na hinuhubog ang kamalayan ng mass media na sanib lamang sa mas malaki ang pabuya, at kampi lamang sa sinumang may hawak ng kapangyarihan at ng komersyo, ay kagya’t sasansalain, lilibakin, tutuligsain at tatagpasin nang walang patumangga sa dyaryo, sa TV, sa radyo ng mga bayarang mamamahayag, at higit pa sa social media, na pinamumugaran ng mga taong hindi lubos na nagpapakila ng sarili. Tanging avatar lamang at pekeng identidad ang iyong makikita, at panay ang batikos sa anumang hindi akma sa kanilang uri ng katotohanan.

Sa gitna ng kaguluhang ito, madali ang manghinawa. Madali ang mawalan ng sigla. Nais kong isipin na ang araw na ito ay binalak ng Diyos na maging isang tulak sa mga propetang moderno ng ating panahon: ang mga nagtataguyod sa kalikasan … ang mga nagtatanggol sa katotohanang moral, sa kabila ng metapisikal at moral na uri ng materyalismo sa ating lipunan … ang mga nagtutulak ng katotohanan at ng karapatang malaman ang katotohanan kung saan napupunta ang pera ng taong bayan … ang mga nagsusulong ng FOI law, na ayaw gawin sapagka’t mabubunyag sa lahat ang kanilang mga ginagawa sa pera ng taong bayan.

Ang marami sa nagbabasa nitong aking blog ay mga propeta … mga bata at matandang nagpupunyagi upang makilala ng mundo ang magandang balita ng kaligtasan … ang makilala nang wasto ang Simbahan sa gitna ng walang ampat at walang patid na paninira ng mga namumuhi sa kanya.

Haters just gotta hate; gonna hate! Iyan ang katotohanang malinaw pa sa sikat ng araw. Marami ang muhi sa isang katotohanang hindi naman lubos na kilala. Ang kanilang kinamumuhian ay ang palso at pekeng larawan na binuo nila sa kanilang isipan, at hindi ang tunay na larawan at kalalagayan ng Simbahan.

Mga kapwa propeta, limiin sana natin ngayon ang mga kataga ng unang pagbasa: “Nguni’t gagawin kitang sintibay ng isang lunsod na naliligid ng mga muog, sintatag ng haliging bakal, o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo sapagka’t ako ang mag-iingat sa iyo.”

Subali’t mayroon tayo bilang propeta na dapat angkinin at linangin sa ating pagkatao. Hayaan natin si Pablo ang magwika:  “Kung ako man ay may kakayahang maghayag ng Salita ng Diyos […] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan.” Ang pag-ibig ay lubhang kailangan ng isang propeta.

Marami rin akong dahilan upang magtampo sa simbahan, dahil sa mga namumunong hindi nagpakita ng pag-ibig sa pinamumunuan. Marami rin akong dahilan upang mamuhi sa mga taong ito. Subali’t iba ang tao at iba ang Simbahan ng Diyos. Masama man sila, at tunay na may mga masasamang obispo at mga pari, hindi kailanman naging mala demonyo ang simbahang itinatag ng Panginoon, tulad ng ipipinta ng mga namumuhi sa simbahan. Oo, aaminin ko … namuhi rin ako sa ilang taong namumuno sa kanya … naiskandalo rin ako sa ilan sa kanila. Pero hindi sila ang simbahan. Ang simbahan ay ako, ikaw, tayong lahat, at ang simbahan ay isang komunidad na binubuo ng mga banal at mga makasalanan. Kasama tayong lahat sa ikalawang uri … ikaw, ako, at sila.

Kung ito ay makatutulong rin sa atin, dapat natin malaman na maging ang Panginoon ay hindi lang tinuligsa, hindi lang siniphayo. Pinagsikapan rin siyang patayin: “Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at ipinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin.”

Matindi at mahirap ang nagsasabi at nangangaral ng katotohanan sa ngalan ng Diyos.!

Pero alalahanin nawa natin: Kinilala tayo ng Diyos; hinirang; itinalaga. Higit sa lahat, tayo ay kanyang isinugo upang magpahayag at maghatid ng katotohanang mapagligtas!

Kaya mo bang panindigan ito?

Advertisement

INUTUSANG MAGSALITA PARA SA KANYA

In Uncategorized on Hulyo 13, 2012 at 15:04

Image

 

Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon (B)

Julio 15, 2012

 

Mga Pagbasa: Amos 7:12-15 / Ef 1:3-14 / Mc 6: 7-13

 

May kasabihan tayo sa Tagalog na kapag gusto, maraming paraan, pero kapag ayaw, maraming dahilan. Kapag kursunada natin, mabilis pa tayo sa a las kwatro, ika nga. Kapag ayaw natin, mabagal pa tayo sa pagong.

Mahaba-haba na ring panahon akong namuno ng tao at nangasiwa ng mga gawaing nangangailangan ng maraming tao. Matagal-tagal na rin akong nagtuturo. Mula sa sarili kong karanasan at sa karanasan ko sa iba, palagay ko’y madaling maunawaan na mayroong taong napakadulas, parang si Palos, na napakagaling magpalusot. Anumang gusot ang kanilang pasukin, ay laging nakakakita ng palusot, ng paraan para makahulagpos o makaiwas sa kahihiyan. Marami silang naiisip na dahilan … maraming kadahilanan at pangangatwiran.

Noong nakaraang Linggo ay pinag-ukulan natin ng pansin si Amos at ang katotohanang kapag hindi ka kursunada ay hindi ka tatanggapin ng ibang tao. Pinag-usapan natin pati na rin ang pagtanggi ng tao sa aming mga pari. Nguni’t pinag-usapan rin natin ang pagtanggi natin sa Diyos at sa kanyang mga aral, tulad ng mga rebeldeng Israelita na nag-aklas laban sa Diyos.

Wala ni isa man sa ating lahat ang hindi nakaranas ng pagsiphayo o kawalang maluwag na pagtanggap ng kapwa. Lahat tayo ay mayroong paborito at lahat rin tayo ay mayroong ayaw na tao.

Ito ang mapait na karanasan ni Amos. Tinanggihan siya ni Amasias na nagsabi: “Bulaan kang propeta! Magbalik ka na sa Juda!”

Masasabi nating ito rin ang naging karanasan ni Pablo. Mula sa kanyang mga kwento rin natin napagtanto na tumangis rin siya sa kawalan ng pagtanggap mula sa kanyang mga pinagmalasakitan, na marahil ay naging sanhi kung bakit nagwika siya tungkol sa isang “tinik sa kanyang kalamnan” na nagpahirap sa kanya nang matagal.

Nguni’t ano nga ba ang mabuting balitang puede nating mapulot tungkol dito?

Sa aking pakiwari ay simple lamang. Tingnan natin ang sarili nating karanasan. Di ba’t kapag hindi tayo tinanggap ng iba ay nagtatampo tayo o nagagalit? Di ba’t tinatanggihan din natin sila? Di ba’t kumbaga ay nadidiskaril ang buhay natin dahil sa kawalang pagtanggap ng iba sa atin? Nasisira kumbaga ang ating diskarte?

Sa buhay ni Amos ay hindi ganito ang naging tugon niya. Sa pagtanggi ng iba, ay lalu namang namayani ang kanyang pagtanggap sa gusto ng Diyos. At sa masakit na pananalita ni Amasias, ay katotohanan lamang ang kanyang sinagot: “Hindi ako propeta – hndi koi to hanapbuhay. Ako’y pastol at nag-aalaga rin ng mga punong-igos. Ngunit inialis ako ng Panginoon sa gawaing iyon at inutusang magsalita para sa kanya.”

Sa buhay ni Pablo ay parehong pamamayani ang naging tugon niya. Sa halip na manghinawa, malungkot, magtampo at magtatambaw, ay ito ang kanyang ginawa. Sa harap ng panlalait, sa harap ng pagtanggi ng iba, sa harap ng paghihirap, ay nagbilang siya ng biyaya.

Oo … nagbilang siya ng dahilan upang magpasalamat at magpuri sa Diyos. Una, “pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espiritwal.” Ikalawa, “hinirang niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan.” Ikatlo, “itinalaga upang tayo ay maging anak niya.” Ika-apat, “tinubos tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan.” Ikalima, “binigyan niya tayo ng karunungan at kabatiran.” At ika-anim, “tayo’y naging bayan ng Diyos.”

Malimit ay ano ba ang binibilang natin? Ano ba ang nasa listahan natin? Di ba’t pawang negatibo? Di ba’t listahan ito ng mga maling nagawa ng ibang tao sa atin? Di ba’t malimit ay listahan ng mga “pagkakautang” ng iba sa atin?

Mayroon tayong puedeng gawin dito. Tulad ng salmista, tayo ay tinatawagan upang gawing sariling atin ang kanyang panalangin: “Pag-ibig mo’y ipakita; iligtas kami sa dusa.” Ito ang ating pag-asa. Ito ang hinihintay natin sa kanya. Ito ang tampulan ng ating pag-asa … “mga lingkod niya’y magiging payapa” … “ang pagtatapatan ay pag-iibiga’y magdadaup-palad; ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.” “Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay; ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam.”

Hindi ito mga hungkag na pangako. Ito ay katotohanang binigyang patotoo ni Amos at ni Pablo.

Simple lamang ang dapat natin gawin. Magbigay patotoo … mag-asal totoo … magpamalas sa mundo na tayo ay sugo, tayo ay pinagkatiwalaan, at bagama’t hindi tayo tinatanggap ng ilan, ay nasa panig natin ang Diyos at ang kanyang katotohanan. Mabuhay ang lahat ng mga sugo ng Diyos, pari man o laiko, na patuloy na nagpapagal at nagtitiyaga, meron mang pagtanggap, o puno man ng pagtanggi.