frchito

Posts Tagged ‘Pagsunod sa Kalooban ng Diyos’

ANG DAAN, ANG DUNONG, AT ANG DAPAT

In Uncategorized on Marso 9, 2012 at 10:14

Image

Ikatlong Linggo ng Kwaresma (B)

Marso 11, 2012

Mga Pagbasa: Exodo 20:1-17 / 1 Cor 1:22-25 / Jn 2:13-25

 

Puro utos, panay utos! … iyan ang panlalait na malimit marinig sa ayaw sumunod, antemano. Para sa maraming tao ngayon, panahon ng postmodernismo, (whew! Nakakain ba yan?), marami ang allergic ika nga, sa mga kautusan. Kasama rito sa kanilang isinusuka ang mg utos (daw) ng Diyos, at mg utos din ng Simbahan. Todos utos …walang paltos (may tugma ba?)

Aminin natin … mahirap ang sumunod sa utos. Di ba nuong mga bata kayo, ganyan rin kayo? Nagbibingi-bingihan kapag tinatawag ng magulang, o kaya’y nagtutulug-tulugan? Mabilis ang pulas kapag labas at “gud tym,” sabi nga nila sa jejemon. Mabagal ang kilos kapag trabaho at katungkulan ang pinag-uusapan. Maging nuong nasa seminaryo pa kami, mayroong tuwing umaga ay may sipon o may sinat. Pero pagdating ng merienda sa hapon ay magaling na at malakas pa sa kalabaw … kasi, may laro pagkatapos nito!

Mahirap ang mag-aral; mahirap ang magbunot ng sahig (may gumagawa pa ba nito?) … at lalung mahirap ang may listahan ng bawal (lalu na sa pagkain!).

Pero aminin rin natin. Kailangan natin ng daan; kailangan natin ng pamamaraan … kailangan natin ng patakaran at panuntunan … kung gusto nating makarating sa landas ng dunong at wastong kaalaman, na naghahatid sa higit pang mahalagang kahihinatnan!

Tanda! Ito ang salitang dapat tandaan natin kung sampung utos ang pag-uusapan. Mga tanda itong nagtuturo sa dapat. Mayroong bang dapat? Tumpak! Kahit naman saan ka pumunta, mayroong dapat at mayroong hindi nararapat. Mayroong tama at mayroong mali. Bagama’t itinapon na ito sa labas ng bintana ng postmodernismo, hindi maipagkakailang kailangan pa rin natin ng panuntunan, alintuntunin, at tamang pamamalakad. Kung walang batas ay walang kaayusan. At kung walang kaayusan ay walang patutunguhan.

Tanda? Oo … ang sampung utos ay hindi natatapos s utos. Ang lahat ay tumutuon at patungkol sa mga hanay ng pagpapahalagang Diyos mismo ang nagpapahalaga, una sa lahat: buhay, dangal ng tao, magandang pangalan ng kapwa, katarungan, pangangalaga sa pag-aari ng sarili at ng iba … at marami pa.

Tanda? Oo … ang utos ay hindi lamang utos. Ang lahat ng ito ay nakatuon sa pinakamahalagang katotohanan na ang pinakamalaking DAPAT ng ating buhay ay ang pagkakaroon ng isang KAUGNAYAN sa Diyos na maylikha sa atin. Siya ang puno at dulo ng ating pagiging tao. Siya ang dahilan … Siya ang Daan, Katotohanan, at Buhay. Ayon kay San Pablo, “si Kristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos.”

Huwag na tayong magmaktol ay may batas. Masiyahan tayo at ang batas ng Diyos ay walang butas … walang palusot, walang kasinungalingan, walang takas, kahit na puede nating gawin ang gusto natin … kaya nga lang ay mayroon laging kahihinatnan, may hantungan, may kabayaran.

Huwag na tayong magtaka at kumuha si Jesus ng lapnis ( o lubid, sa aming salita sa Mendez, Cavite) at ginamit niya bilang pang hagupit sa mga tampalasan sa templo. Hindi nila iginalang ang bahay ng Diyos. Hindi sila tumalima sa daan ng pagpapahalaga sa banal na lugar. Hindi nila ginawa ang dapat. Kung kaya’t nararapat lang na ipagtanggol ng Anak ng Diyos ang bahay ng kanyang Ama.

Magulo ang buhay natin ngayon. Sala-salabat ang mga kalye. May mga kuliglig na “keep right” at mga traysikel na “keep left.” Naglipana ang mga sinungaling sa gobyerno. Nagkalat ang mga mapagsamantala sa kamangmangan ng balana, lalu na ng mga dukha, na walang ibang pagkukunan ng kabatiran o kaalaman liban sa isinusulsol ng mass media (na kaakibat tuwina at kakampi ng mga may poder at may pera!). Magulo rin ang buhay pangsarili. Kay raming inosenteng buhay ang pinapatay … Mula pa sa sinapupunan, “patay kang bata ka,” ika nga! Walang kinikilalang daan … walang tinitingalang dapat, at wala ring pinanghahawakang dunong.

Ang lahat ng ito: dapat, daan at dunong ay galing walang iba kundi sa kanyang Panginoon ng Buhay, Panginoon ng katotohanan, at Panginoong naghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan. Ito ang tunay na DUNONG mula sa itaas. Sundan natin ito!

BIBIG AT DIBDIB: PUEDE BANG MAGKANIIG?

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Setyembre 23, 2011 at 09:36

Ika-26 na Linggo ng Taon (A)
Setyembre 25, 2011

Mga Pagbasa: Ez 18:25-28 / Fil 2:1-11 / Mt 21:28-32

Alam kong karanasan ng lahat ang itulak ng bibig ang maraming bagay, pero kabig naman ng dibdib. “Hele, hele pero quiere,” ika nga. Patumpik-tumpik kunwari, pero iyong iwinawaksi ay siya naman natin gusto, kalimitan.

Ang kwento ng dalawang magkapatid ay kwento natin lahat. Mayroong mabilis ang bibig sa pagsagot ng “opo.” Mayroon namang mabilis pa sa a las kwatro kung tumanggi, at sumansala, pero di maglaon ay naglulubag-loob at tumatalima.

Bilang isang punong-guro ngayon, at bilang isang nakahawak na ng sari-saring posisyon at panunungkulan, batid kong mayroong mga taong mabilis ang bibig sa pagtanggap ng anumang utos, ngunit mabagal o wala kung ang pag-uusapan ay ang pagtalima o pagsunod, o pagsasaganap ng kung ano ang ipinangako. Tulad ng aking sekretarya ngayon sa iskul, pag inuutusan ko, mabilis ang sagot na “oo.” Pero hindi madalang mangyari na hindi nagagampanan ang kanyang walang pag-aatubiling pagtugon.

Mayroon namang mabilis ang dila na sumansala at tumanggi s utos, nguni’t bukas o makalawa ay alam mong magaganap ang kanyang tinanggihan.

Ano ang kaibahan sa dalawa? Ang isa ay puro bibig ang pinaiiral; ang isa naman ay puso ang hinahayaang maghari. Ang panay bibig ang pinaiiral ay puno ng mga pangako at walang kamatayang mga pagpapahayag ng panunungkulan. Tulad ng mga politikong nabubuhay at nagwawagi dahil sa pangako. Ang mga sa simula naman ay tila ipinaglihi sa pagsalungat at pagsansala, nguni’t pinaiiral ang tunay na damdamin at puso at saloobin, ay nagbabago ng isip at ginagampanan ang hindi ipinangako. Ang salita ay pinapalitan ng paggawa. Ang sinansala at sinalungat ay napapatungan ng pagsasakatuparan.

Ito ang tinataguriang paglulubag-loob at pagbabago! At ito ang lubhang kailangan sa panahon natin.

Punong puno ang mundo ng salita … mula sa facebook, at lalu na sa twitter. Lahat na lamang yata ng ginagawa ng bawa’t isa ay nakapaskil sa social networking sites, pati pagkain, pati mga bagay na hindi na dapat ikwento na sa ibang tao. Lahat ng galit, tampo, poot, at sama ng loob sa ibang tao ay nakapaskil sa facebook, na wari baga’y inaasahan nilang mababasa o makukuha ng kinauukulan ang anumang reklamo nila. Sa mga pahayagan, naglipana ang mga kolumnista na kayang kayang manira o magpatatag sa administrasyon depende kung malaki ang bayad sa kanila o may pakinabang sila. Kay raming salita … kakatiting kalimitan ang katotohanan. Ang puso at ang bibig ay walang kaisahan, walang pagniniig, walang koneksyon.

Gusto kong isipin sa araw na ito na may pag-asa pang ang bibig at ang puso ay magkaniig at magkaisa. Si Pablo na mismo ang nagsasabi sa atin: “maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso at diwa.”

Kaisahan … hindi lamang ng mga tao, kundi kaisahan rin sa kalooban ng bawa’t tao. Ang kaisahang ito sa pagitan ng bibig at ng puso ay ang tinatawag nating katotohanan, katapatan, pagiging masunurin at pagiging handa, hindi upang tumanggi, kundi tumalima sa Diyos.

Di miminsan rin akong nag-asal na tulad ng batang sumagot ng “oo” nguni’t hindi gumanap ng ipinangako. Ito ang diwa ng kasalanan. Ito ang kahulugan ng kawalan ng kaisahan sa bibig at sa puso.

Ito ang panawagan sa atin … ang matutong pag-isahin ang tulak ng bibig, at ang kabig ng dibdib … ang matutong tumanggap, sa halip na tumanggi, at higit sa lahat, ang matutong tumunton, sa halip na sumalungat, sa hinihingi ng puso, sa tulak ng kagustuhan nating sumunod sa Diyos.

Batid natin sa turo ng mga pilosopo na ang nasa likod ng lahat ng ating nasa ay ang malalim na pagnanasa nating makamit ang Diyos. Ito ang dikta, ika nga, ng puso. At sapagkat tayo ay tao lamang, malimit na ang naghahari ay ang dikta ng bibig, ang bigkas ng bunganga, na malimit ay batay lamang sa panandaliang pansariling kapakanan.

Salain natin ang mga salitang bumabalot o pumapaligid sa atin. Salain natin ang mga naririnig natin. Tulad ng sinasaad sa liturhiya ngayon, “ang tinig ko’y pakikinggan ng kabilang sa aking kawan; ako’y kanilang susundin.”

Sa bandang huli, ang mahalaga ay ito: hindi ang tulak ng bibig, kundi ang kabig ng dibdib. At may pagkakataon pa tayong lahat na pag-isahin ang bibig at ang puso, tungo sa pagtalima at pagsunod sa balakin ng Diyos para sa atin.