frchito

Posts Tagged ‘Pananalig’

NANG DAHIL SA PANANALIG

In Catholic Homily, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Agosto 10, 2013 at 13:43

imagesIka-19 na Linggo ng Taon K Agosto 11, 2013

NANG DAHIL SA PANANALIG

Naging tanyag maraming taon nang nakalilipas ang kanta ni Anthony Castelo … “Nang dahil sa pag-ibig,” aniya … at mahaba ang listahang kasunod sa mga unang katagang ito. May mga bagay na kapag taglay mo ay marami kang mararating. Kapag may hirap, may ginhawa, sabi nila. Kapag may isinuksok, ay may madudukot (noong uso pa ang alkansiya); kapag may itinanim ay may aanihin.

Labing-anim na taong gulang pa lamang ako nang magsimula ako mag-ipon ng mga libro. Naging kagawian ko ang magbasa nang magbasa. Marami sa mga unang mga libro ko ay naipamigay ko na, o nai-donate sa library ng seminaryo. Alam kong sa aking pagtuturo magpahangga ngayon, ay marami sa aking tinatawag na “stock knowledge” ay dinudukot ko sa mga nabasa ko magmula pa noong una.

Alam ko ring napakaraming tao na ang kanilang tinatamasa ngayon ay bunga ng kanilang pagpupunyagi, pagsisikap, at pagsisikhay. Sa normal na takbo ng buhay, ang yaman ay pinaghihirapan, pinaggugugulan nang panahon at pagpapagal (liban kung galing ito sa “pork barrel” kung kaya’t may ilan na ang yaman ay bigla at kataka-taka).

Ang kwento mula sa ikalawang pagbasa ay kwento ng isang taong binigyan kumbaga ng puhunan. Pinagkalooban si Abraham ng isang natatanging pagkakataong lumisan mula sa bayang sinilangan. Tinawag siya upang maging Ama ng maraming angkan, tungo sa lupang pangako para sa bayan ng Diyos. Pero ang puhunan ay hindi itinatago, hindi ibinabaon. Ang puhunan ay nagbubunga ng pangako kung ginagamit, o pinagyayaman.

Ito ang ginawa ni Abraham. Nakipagtulungan siya sa Diyos, at nagbunga nang sagana ang punlang ipinagkaloob ng Diyos: Nang dahil sa pananalig, tumalima si Abraham … nanirahan siya bilang dayuhan … tumira sa tolda … nagkaanak siya … Higit sa lahat, handa siyang ipagkaloob ang kanyang anak na si Isaac nang hilingin ng Diyos.

Madaling isipin na ang pananalig sa Diyos ay walang iba kundi ang pag-aasam, at paghihintay, ang takbo ng isipang sapat na na tayo ay humiling sa Diyos at magbantay lamang ng katuparan. Pero hindi ito ang sinasaad ng ebanghelyo … “Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan,” ang paalaala ng Panginoon sa atin. Hindi sapat na tayo ay may ilawan o may puhunan.

May pananagutan tayo na gamitin nang tama ang lahat ng ito. Palasak na sa ating lipunan ang umasa sa gobyerno. Kung walang nangyayari, madali ang manisi. Kung bunton ang basura, galit tayo sa dapat nangongolekta ng basura. Nakakalimutan natin na kaya bunton ang basura ay dahil rin sa ating lahat, na nagtatapon kahit saan ng basura.

May maituturo sa atin si Anthony Castelo … Nang dahil sa pag-ibig, ang Diyos ay naging tao. Nang dahil sa pag-ibig, nagdaan siya sa matinding pagdurusa hanggang sa pagkapako at pagkamatay sa krus. Nguni’t ngayo, ay turong mahalaga ay galing kay Abraham. Nang dahil sa pananalig ay naganap ang maraming bagay … Nguni’t ito ay isang pananalig na hindi lamang pagiging hinalig … walang pananagutan, walang sariling pagsisikap, parang si Juan Tamad na nakanganga lamang maghapon.

Bilang Pinoy, ito yata ang sakit nating lahat. Sanay umasa at maghintay, at bihasang manisi na lamang. Maraming angal, maraming salita, ngunit kulang sa gawa. Naghihintay at umaasa ngunit walang pinagsisikapan at ginagawa. Gising na bayan! Sindihan ang kandila at magbantay! Mahirap kaya ang maiwan sa labas pagdating ng panahon!

KUNG NAGTITIWALA TAYONG MAY MANGYAYARI!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Agosto 4, 2010 at 12:45

Ika-19 na Linggo ng Taon(K)
Agosto 8, 2010

Mga Pagbasa: Karunungan 18:6-9 / Heb 11:1-2, 8-19 / Lucas 12:32-48

Matindi ang mga pagsubok na hinaharap natin. Mahirap ang mga sagabal na nakahambalang sa daang tinatahak ng marami. Nandyan ang kahirapang umuukilkil sa buhay ng napakarami. Nandyan rin ang katiwaliang, siyang dahilang ng karamihan sa kahirapang ito. Nandyan rin ang kamangmangan, na bunga naman ng kahirapang ito. At nandyan ang kawalan ng magandang kinabukasan na kaakibat ng batayang suliraning ito.

Mahaba ang listahan natin … susun-suson … patong-patong … sala-salabat …

Di miminsan natin narinig ang unang pangungusap sa liham sa mga Hebreo sa ika-2 pagbasa: “Tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita.”

Alam natin na walang katiyakan sa maraming bagay sa mundo. Hindi tiyak na ang mga ulan at unos na darating ay magpupuno lamang ng ating mga dam at imbakan ng tubig. Maaring umapaw na naman ang mga ito tulad noong isang taon at maging sanhi ng mga baha. Sa panahong ito ng global warming na tinatawag, kung kailan ang takbo ng panahon ay nagbabago sa buong mundo, wala tayong katiyakan … walang kasiguraduhan.

Nguni’t gusto ko sanang baguhin nang kaunti sa araw na ito ang diskusyon … palitan natin sumandali ang kalakaran ng isipan natin. Sa kabila ng kawalang katiyakan ay ito ang malinaw na pangaral ng unang pagbasa: “Alam ng iyong bayan na ililigtas mo ang mga matuwid at parurusahan ang kanilang mga kaaway.” Ito ang malinaw pa sa tanghaling tapat na katiyakang pinanghahawakan ng banal na kasulatan.

Maraming halimbawa ang sinasaad sa liham sa mga Hebreo. Ang lahat ng ito ay halimbawa tungkol sa pananalig … ni Abraham, ni Isaac, ni Jacob, ni Sara at iba pa. Mahaba itong salaysay tungkol sa katapatan ng Diyos, sa isang banda; at sa pananalig ng tao, sa kabila.

Hirap na magtiwala ngayon ang Pinoy. Winaldas ng pamahalaang nagdaan, at ng marami pang ngayon ay namumuno na muli (mga recycled na mga liders ng bayan) ang tiwala ng bayan. Napaso na tayo sa lahat ng uri ng kasinungalingan, kadayaan, katakawan, at kasakiman ng maraming mga kung tawagin natin ay mga “honorable.” Di miminsang nakatikim tayo ng pait at ng galit na hindi natin makimkim dahil sa mga tampalasang ang mga bahay, rancho, at ari-arian ay hindi kailanman mabibili ng kanilang maliliit din namang sweldo bilang mga “naglilingkod” sa bayan.

Hirap na hirap tayo ngayon magtiwala. Ang ating pananalig ay di miminsang niyurakan ng mapait na katotohanang hindi lahat ng mababango ang pananalita ay nagsasabi ng tapat, at gumagawa ng wasto at marangal.

Mayroon pa kaya tayong pag-asa?

Naparito kayo sa simbahan sa araw na ito ng Linggo upang makarinig ng katagang naghahatid ng buhay … mga pananalitang nagbubunsod sa atin upang magtiwala pa kahit hindi na karapat-dapat na magtiwala pa.

Ito ang magandang balitang nais kong bigyang diin ngayon. “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” “Tumulad kayo sa mga taong naghihintay ng pag-uwi ng kanilang Panginoon mula sa kasalan …”

Noong ako ay batang paslit pa na nagkakamulat sa Cavite, isang pangungusap ang lagi kong naririnig noon sa matatanda … “pasasaan ba’t giginhawa rin tayo?” “pasasaan ba’t magbabago rin naman ang takbo ng panahon, ang kalakaran sa pangangalakal” … at marami pang iba! Pasasaan ba?

Pasasaan? Ito ang sagot ng Diyos sa aking mga kababayang pinanawan na ng pag-asa. Ito ang sagot ng Panginoon sa mga kapwa kong tila ang kanilang pakiramdam ay pinagsawaan na sila ng Diyos. Ito ang magandang balitang namamaulo sa mga pagbasa natin ngayon … ililigtas ng Diyos ang mga matuwid at parurusahan ang kanilang mga kaaway … May bukas pa … at may hustisyang naghihintay para sa lahat. Pasasaan ba at darating din ang wakas para sa mga naniniil, nandarambong, nandaraya, at nanlalamang sa kapwa!

Pero dapat natin ngayong patunayan na tayo man ay handang mamuhunan. Dapat natin ipamalas na kahit ngayon, tayo rin ay nakahanda upang magbuwis ng nararapat, magbayad nang malaki upang makamit ang siyang inaasahan natin.
Kailangan natin na mag-asal Abraham; mag mistulang Isaac at Jacob, Sara, at marami pang iba. Kailangan natin muling magtiwala. Kailangan nating isugal pati ang ating pighati at pagkabigo makamit lamang natin ang inaasam.

Kung gusto natin ang kaayusan, dapat natin iwaksi ang wangwang, ang paniningit sa kalye, ang pagwawalang bahala sa batas. Kailangan natin na tulungan ang namumuno upang mapuksa ang lahat ng uri ng katiwalian sa lipunan. At ito ay nagmumula sa bawa’t isa sa atin … ang pagbabayad ng buwis, ang pagbabayad sa homeowners’ association, ang pagsunod sa batas trapiko, ang pag-aalis ng mga hambalang sa mga bangketa, at marami pang iba.

Kung gusto natin ng kaayusan, gagawin natin ang kaayusan … tulad nina Abraham, tulad ng lahat na mga halimbawang binanggit sa ikalawang pagbasa. Ito ang gawa ng mga taong may pananalig, at “tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin.”