frchito

Posts Tagged ‘Pananampalataya’

PIKIT MAN ANG MATA, DILAT NAMAN ANG PUSO!

In Uncategorized on Oktubre 24, 2015 at 10:23

CSCZgd3VEAAhmMS images

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-30 Linggo Taon B

Oktubre 25, 2015

PIKIT MAN ANG MATA, DILAT NAMAN ANG PUSO!

Nagdudumilat ngayon ang katotohanang ang buong Pilipinas ay nahumaling sa Al-Dub phenomenon. Wag kayong mabahala … kasama ninyo ako sa paghanga kay Yayadub. Sa sandaling ito, libo-libo na ang nakapasok at libo-libo rin ang nagpalipas ng gabi sa labas.

Lahat sila ay naghahanap … naghahanap ng ilang oras na kasiyahan at tawanan at iyakan. Walang masama rito. Ako man, ay naghahanap rin ng lahat ng ito.

Ang mga pagbasa ngayon ay nakatuon rin sa paghahanap. Sa kabila ng mga pagdurusa at kalungkutan, sinabi ni Jeremias na “umawit” sila sa kagalakan dahil sa sila ay iniligtas ng Panginoon. Isa itong paanyaya sa mga Israelita na tumingin nang higit pa sa kanilang nakikita.

Isa itong panawagan sa pag-asa. At ang sinumang may pag-asa ay nakakakita nang higit, hindi kulang.

Maraming kabulagan sa ating kapaligiran. Maraming bulag sa korupsyon ng kanilang paulit-ulit na inihahalal. Maraming bulag sa kadayaan ng mga taong tinatawag nating kagalang-galang. Maraming bulag sa katotohanang ang trapiko ay hindi lamang problema ng hindi pagdaloy ng mga sasakyan – na ito ay bunga rin ng kawalan nating lahat ng disiplina at pagpapahalaga sa kapakanang pangkalahatan!

Pero naghahanap tayo. Nag-aasam pa rin tayo. At ang pagdagsa ng mga tao sa Tamang Panahon concert ay tanda na mayroon tayong hinahangad pang iba, na mayroon tayong inaasam pang higit.

Sabi ni Fr. Rolheiser na sa likod ng ating pagnanasa at pag-aasam ay ang malalim nating paghahanap sa Diyos. Sa likod ng ating kagustuhang kiligin sa Tamang Panahon ay ating masugid na paghahanap sa kung ano ang magbibigay sa atin ng kaganapan ng kaligayahan at kahulugan sa buhay.

Naghahanap tayo ng kaliwanagan.

Mabuti pa si Bartimeo. Pikit ang mga mata niya, pero dilat ang kaisipan at ang puso. Nang marinig niyang papalapit ang Panginoon, nilisan niya ang kinauupuan sa bangketa at humiyaw sa Panginoon: “ANAK NI DAVID, MAHABAG PO KAYO SA AKIN!”

Maraming bulag sa ating lipunan. Hindi tayo napapalibutan ng masidhing pananampalataya sa Diyos. May kababawan rin tayo. Masaya na tayo sa kilig factor, at sa mababaw na tawanan at iyakan.

At dito ngayon pumapasok ang Tamang Panahon … Sapagka’t uhaw tayo sa magagandang asal at wastong pagkilos, tuwa at galak ang ating isinukli sa Yayadub. Sa likod ng kagustuhan nating matawa at maiyak, ay naghahanap tayo ng mga pagpapahalagang dati-rati ay ginagawa natin at isinasabuhay.

Huwag tayong padala lamang sana sa agos. Tularan natin si Bartimeo, na bagama’t pikit ang mata ay dilat ang puso sa paghahanap ng liwanag at katotohanan.

At hindi siya nag-atubiling tumayo at sumigaw: “Ibig ko pong makakita!”

Advertisements

LUWALHATI SA KABILA NG PIGHATI

In Uncategorized on Pebrero 28, 2015 at 11:19

transfiguration

Ikalawang Linggo ng Kwaresma B

Marso 2, 2015

LUWALHATI SA KABILA NG PIGHATI!

Hindi biro and pinagdaanan ni Abraham. At lalung hindi madali ang karanasan ni Isaac – ang magmistulang isang bisirong tupa na gigilitan na lamang at sukat ng kanyang sariling ama.

Ilagay natin kahit sandali ang sarili sa katatayuan ni Abraham. Binigyan siya ng kaisa-isang anak at tapos ay sisingilin siya ng Diyos, at ang kabayaran o sukli ay ang parehong kaisa-isang anak na si Isaac.

Mahirap rin ang pinagdadaanan natin bilang bayan. 29 na taon pagkatapos ng isang payapang pagbabago na ginawa nating tampulan ng lahat ng pag-asa natin, ay tila kabaligtaran ang nangyari: 1) bumalik ang mga tiwaling politico at mga mambabatas na akala natin ay napatalsik na natin; 2) muling tumambad sa ating harap ang katotohanang niloloko lamang ang taong bayan sa kanilang kunwaring paglilingkod subali’t puro pala mga ahas na naghihintay ng matutuklaw; 3) ang mga malalaking kompanya ay patuloy na kakampi ng mga namumuno, ng mga mambabatas upang mapanatiling ang sitwasyong hawak sa leeg ang mga taong walang kamuang-muang sa tunay na nangyayari, dahil pati mga mamamahayag at kakampi rin ng mga namumuno at naghahawak ng kapangyarihan.

Mahirap ang pinagdadaanan natin sapagka’t magpahanggang ngayon ay lalu pa tayong naging hati-hati at walang pagkakaisa sa maraming bagay.

Sa araw na ito, matindi ang pahatid sa atin ng mga pagbasa. Pighati ang pinagdaanan ni Abraham. Sino sa atin ang handang magsukli sa Diyos ng isang pinakamamahal natin, o isang bagay na hindi natin kayang ipagkaloob?

Nguni’t ito ang diwa ng tunay na kabanalan! Ito ang kahulugan ng tunay na pagtalima o pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang kwento ng isang taong may pananampalataya at dahil rito ay naging handa siyang gawin ang ipinag-uutos ng Diyos na nagkaloob sa kanya ng lahat.

Posible pa ba ito sa buhay natin?

Mabuti na lamang at bago ko isulat ito ay natunghayan ko ang isang kwentong nakapagpatayo ng aking balahibo at nakapagpaiyak rin sa akin. Nang maganap ang 9/11 na atake ng mga terorista sa New York, 52 eroplanong galing Europa ang pinababa muna sa Newfoundland, Canada. Mahigit na sampung libong tao ang bumaba at tinanggap bilang bisita ng Lewisporte, na ang populasyon ay hindi kasing dami ng mga bisitang dumating. Hindi pa nila alam noon kung ano ang nangyari sa Twin Towers sa New York.

Nang nalaman na nila at nang sila ay pabalik na sa America, isang tao ang nagbalak magpakita ng pasasalamat sa mga taga Lewisporte. Nagkolekta siya ng pondo para sa mga scholarship ng mga taga Lewisporte na mga bata. Sa araw na yaon, ay nakakolekta agad siya ng 14,000 na dolyar. At sa araw ng pagsulat ng kwentong ito ay mahigit na sa isa at kalahating milyong dolyar na ang pondo!

Ito ay isang kabutihang parang nagmula sa isang kasamaan … isang kwento ng biyaya na tila naging bunga ng kabaligtaran … isang luwalhati na tila nagmula sa isang pighati.

Ito ay naging posible sapagka’t may naniwala, may taong may taglay na pananampalataya.

Ang bagay na ito ay hindi kayang gawin ng taong walang pinanghahawakang pananampalataya … Ito ay isang himalang magaganap lamang kung may handang mag-alay hindi lamang ng pinakamamahal, kundi ng buong pagkataong nagbibigay tiwala sa kakayahan ng Diyos na gumawa ng mabuti kahit mula sa masama.

Maraming masasama ang bumabalot sa mundo kahit saan. Dalawa lamang ang landas na puede nating tahakin: ang landas ng kawalang pag-asa, o landas ng pananampalataya. Piliin sana natin ang pangalawa. Piliin natin ang Diyos at ang pagtitiwala sa kanyang kapangyarihan: “Sa piling ng Poong Mahal, ako’y laging mamumuhay!” “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin?”

Tumingala tayo ay tumingin sa Panginoon!

“Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!”

Sino ba tinitingala at pinakikinggan natin?