frchito

Posts Tagged ‘Pasko ng Pagsilang’

NAGHIHINTAY, NAGLALAKBAY, NAG-AASAM

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 28, 2012 at 17:34

holy_familyKapistahan ng Banal na Pamilya

Disyembre 30, 2012

Mga Pagbasa: 1 Sm 1:20-22, 24-28 / 1 Jn 3:1-2, 21-24 / lc 2:41-52

NAGHIHINTAY, NAGLALAKBAY, NAG-AASAM

Puno ng diwa ng paghihintay at paghahanap ang ating mga araw. Maraming inaanak ang naghahanap pa sa kanilang ninong at ninang na hanggang ngayon ay di pa nila matagpuan. Maraming ninong at ninang ang naghihintay pa marahil sa kanilang bonus, o baka sakaling tumama sa Lotto. Ang mga mago, sa ating pagkaunawa ay naghanap sa bagong silang na sanggol sa Belen. At ang mga anghel, na nagdala ng balita ay patuloy na umaawit ng papuri sa kaitaasan, upang makilala ang bagong silang na Mesiyas.

Pero hindi lahat ay masaya. Naghihinitay rin sila, at naghahanap rin, pero sa ibang kadahilanan. Mayroong isang nagmamaktol na hari ang hindi maka-antay makita kung nasaan ang sanggol, hindi upang bigyan ng regalo, kundi, aniya, upang siya rin ay magpugay! Ang tao nga naman, hindi mo malaman ang tunay na layunin, tulad ng mga kasapi ng party-list sa Pilipinas, na kapakanan daw ng mahihirap ang kanilang pakay, pero kapag nakatikim na ng pork barrel, ay iba na ang hanap, iba na ang tingin sa pobre, at ayaw na ayaw magpaharang sa mga nagbabantay sa parking lot! Nanggagalaiti dahil sa siningil siya ng 50 piso at naabala pa raw siya.

Mayroon ring katumbas ng hari na hindi naghahanap sa mga bata. Ayaw nga niya sila isilang. Dapat aniya, unti-unting walaing-halaga ang mga walang silbing taga-kain lamang. Hindi lahat ay natutuwa sa pagsilang ng sanggol, lalu na’t ang bagong silang ay isang parang karibal sa pagkakamal ng yaman ng bayan.

Mayroon namang isang pamilya, na sa kabila ng mga paghamon, pagsubok at kahirapan ay nagpunyagi upang pangalagaan ang bagong silang na bata. Naging migrante sila sa Egipto. Nagtago, pero hindi sapagka’t nagtatago sa mga inaanak. Nagtago sila sa isang haring ang pakay ay patayin ang mga batang 2 taon pababa.

May malaking halaga ang kapalit ng paghihintay sa isang bagong buhay. Nagbayad sila nang malaki. Naglakbay at naging banyaga sa Egipto. Subali’t ang kanilang pagiging tapon sa Egipto ay dahil sa kanilang malaking pag-aasam – ang katuparan ng pangakong binitiwan ng anghel na siya ay tatawaging Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin.

Pero hindi lang ito nangyari noong ang bata ay sanggol. Pagkaraan ng 12 taon, ay naulit ang matinding pasakit sa puso ng ina na parang niyurakan na naman ang puso ng isang balaraw. At ito ay naganap na naman sa isang mahabang paglalakbay …

Nawala ang bata. Naguluhan ang mag-asawa. Naghanap. Naglakbay muli ng isang araw, makita lamang ang binatilyo. At sa harap ng pagod at pangamba, ay isa pa ring masakit na kabatiran ang pumaso sa puso ng magulang: “Bakit n’yo ako hinahanap? Di ba’t dapat kong gampanan ang gawain ng aking Ama?” Isang malaking katanungan, na punong-puno ng pagtangis ang winika ng ina: “Anak, bakit mo ginawa ito sa amin?”

Ganito tayo sa ating lipunan ngayon … tumatangis, nangangamba, nalulungkot. Gustohin man natin na ang kalooban ng Diyos ang siyang maghari, talo tayo sa botohan, kahit hindi kailanman magagapi ang katotohanan. Talo tayo sa pondohan, sa tulak at padulas at pangako ng mga mananagana sa bagong batas na ito. At alam na natin na ang mananagana ay hindi mga mago at pantas na tao, kundi kapatas ng mga ang hanap ay hindi ang Mesiyas, kundi ang kinang ng perlas at mga hiyas.

Subali’t ang magandang balita ay ito … galing sa banal na mag-anak … naglakbay, nagpunyagi, tumakas at naghanap ng kaligtasan sa banyagang lugar, sapagka’t naniniwala silang may misyon sila at tungkulin sa ngalan ng Diyos.

Meron tayong hinihintay … tayong mga naglalakbay sa daang ito sa lupang ibabaw. Meron tayong hinahanap, at hindi mga ninong at ninang nating sa mula’t sapul ay hindi nakapagbigay sa atin ng pamasko. Ang hanap natin ay ang Diyos at ang kanyang kaligtasan, ang kanyang kapayapaan at kaluwalhatian. Mayroon tayong inaasam.

Sa pagtahak sa landasing ito ng buhay makalupa, hindi madali ang maghanap. Hindi madali ang maghintay. Ngunit turo sa atin ngayon ng banal na mag-anak na mayroong kaligtasan para sa taong naghahanap sa katarungan ng Diyos, at naghihintay sa kanyang dakilang kaligtasan.

Ang tanging kailangan ay pag-asa, pag-aasam sa tama, hindi ayon sa survey, kundi ayon sa Diyos na nagtuturo at naggagabay sa kanyang bayan

O Banal na mag-anak ni Jesus, Maria at Jose, kami’y buong tiwalang dumudulog sa inyong mapagkalingang paggagabay at pagsubaybay. Turuan Ninyo kaming tumahak sa wastong landas ng paghihirap, pagpapakasakit, pagpapahindi sa sarili at paghahanap tangi sa kalooban ng Diyos. Sa aming paglalakbay maging sa madidilim na lugar, liwanagan at gabayan kami, kahit na sa mga pagkakataong tila kami na lamang ang natitira, at ang lahat ay tila pinanawan na ng lakas at pag-asa.

Sa wakas ng aming buhay, nawa’y matunghayan namin ang dakilang kaganapan ng lahat ng pangako ng Diyos sa kanyang bayang nananatili sa katapatan at katatagan ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Amen.

PASKO … PATUNAY NA MAY PAG-ASA PA RIN!

In Homily in Tagalog, Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 24, 2012 at 18:20

imagesPasko ng Pagsilang (K)

Disyembre 25, 2012

Minsan, sa ating buhay, may nagaganap na hindi natin binalak, at lalung hindi natin inaasahan. Minsan rin, itong mga hindi binalak ang siyang tumitimo sa ating gunita, at napupunla at yumayabong sa ating alaala.

Pagod na pagod ako sa mga nakaraang araw … konting tulog, maraming pinagkakaabalahan, kasama na ang mga padalang pera ng mga kaibigan mula sa ibang lugar, bilang tulong nila sa mga nasalanta ng bagyo. Hindi biro ang maghintay, at kung minsan ay maghintay sa wala, sapagka’t ang mga kompanyang naglilipat ng pera ay hindi lahat maaasahan.

Pagod rin ang mundo. Puro trapik saan mang dako ng kapuluan. Ang daming naghambalang sa kalye. Ang dami ring mga batang nagkakaroling, o sapilitang nagpupunas ng iyong salamin na lalung dumudumi pagkatapos. Maraming nanghihingi ng tulong. Maraming suliranin at kakaunit ang kakayahan ninumang sagutin ang lahat sa isang iglap.

Ito ang laman ng aking puso at kaisipan nang nakatanggap ako ng tawag mula sa isang dating estudyante. May sakit na malubha ang kanilang kaklase – nag-aagaw-buhay.

Hindi ako nag-atubili sa kabila ng kakulangan ng tulog. Hindi ko alam kung bakit. Ngayon alam ko na. Hayaan ninyong ikwento ko.

Si Renan ay taga Sulat, Eastern Samar. Nang siya ay binatilyo ay nakilala niya ang mga Salesyano sa Borongan. Doon siya pumasok sa Training Center, at nakitira at tumulong sa mga pari. Di naglaon ay nagkaroon siya ng kagustuhang maging pari rin at kaya pumasok sa seminaryo.

Subali’t sa isang punto ay nagtatalo sa puso niya ang magpatuloy o ang tumulong sa kanyang pamilya at papag-aralin ang mga kapatid. Sa madaling salita, mabigat man sa kalooban ay lumabas siya.

Sa kanyang paglabas maraming alok na trabaho, pero ang kinuha niya sa simula ay yaong trabahong maaari siyang makatulong sa mga naghahanap rin ng trabaho. Naging call center agent at narating niya ang pagiging team leader. Nakapagpagawa siya ng bahay para sa kanyang magulang. Napag-aral ang isang kapatid at napagpatapos. Marami pa siyang adhikain at mga balak. At isinubsob niya ang sarili sa trabahong walang kapaguran, walang paghahanap sa sarili, kundi kapakanan ng pamilya.

Noong isang Linggo, natumba na lamang siya at nagkaroon ng sakit na misteryoso. Isang Linggo siyang hindi nakakakilala, nasa semi comatose na kalagayan. Noong Sabado, tinawagan ako ng kanyang kaibigan.

Pumasok ako sa hospital na mahirap pa sa kanya – walang gana, walang pag-asa, at nalulungkot sa maraming bagay na nagaganap sa mundo. Nang makita ko ang kanyang anyo, hindi ko halos matapos ang aking mga dasal. Nagimbal ako sa kanyang katayuan.

Nguni’t hindi ito ang punto ng pagninilay na ito … Nang aking pinatungan ng kamay ang kanyang ulo, dama kong nagpadama siya na nalalaman niya ang nagaganap. Ang mga matang dating umiikot at tila walang nakikita ay nagkaroon ng pokus, kahit paano. Nang matapos ang pagpapahid ng langis, nakita kong gustong-gusto niyang magwika, kahit wala ni gaputok ang lumalabas sa kanyang bibig. Ang dami niyang gustong sabihin. Nagpuputok ang kanyang damdamin. Alam kong nakilala niya kami. At nang mabigyan ko siya ng absolusyon, ay unti-unting humupa ang kanyang kalagayan.

Nais ko sanang ibahagi ang milagrong naganap sa ospital. Sa sandaling humupa ang kanyang damdamin, matapos maipadama na nakilala niya at nauwaan ang nagaganap sa kanya, isang matamis na ngiti ang ipinakita niya sa amin. Hindi na kailangan ng salita. Hindi na kailangan pang magwika. Dama ko. Alam ko. Nakita ko.

At nakita kong talaga ang isang milagrong hindi para sa kanya kundi para sa akin – isang taong medyo kulang na ang tiwala sa maraming bagay, napagod at naparam ng napakaraming suliraning sobra kong inaako at pinangangatawanan – ang kakulangan ng pag-asa at tiwala na gaganda pa ang takbo ng maraming bagay sa mundo.

Sa bisperas na ito ng pasko, dahil sa ipinamalas sa akin ng isang taong walang inisip kundi ang kapakanan ng kanyang pamilya, na pinaglaanan ng lahat na kanyang makakaya, na ibinuhos ang buhay para sa kanyang pangarap na merong natupad at hindi, nakita ko ang ngiti ng Diyos sa isang kaluluwang tulad ko na pinanawan na yata ng lubos na pagtitiwala sa Diyos na nagmamahal pa rin sa kanyang bayan.

Nabatid ni Renan marahil na nasa huling estado na siya ng kanyang paglalakbaya. Iiwan niya na ang mga pangarap na nais niya sanang magawa. Nguni’t sa loob ng 15 minutong pagpupuyos niya sa simula, na napalitan ng kapayapaan, at nagwakas sa isang ngiti ng pagtanggap at pagpapasa Diyos, nakita ko ang kahulugan ng pasko, ng tunay na diwa ng ginugunita natin sa araw na ito:

Isang sanggol ang isinilang para sa atin; isang anak ang ipinagkaloob sa atin.”  (Isaias)

“Ipinagkaloob ni Jesucristo ang kanyang sarili sa atin.” (Pablo)

“Isang manliligtas ang isinilang para sa inyo. Siya si Kristong Panginoon” (Lucas)

Ngunit sa mga tumanggap sa kanya, sila ay pinagkalooban ng kapangyarihang maging anak ng Diyos.” (Juan)

Nagpapasalamat ako sa Diyos na tumawag sa akin upang makapiling ang isang nagturo sa akin. Pumasok ako sa ospital na dukha, nanlulumo sa kawang tiwala at kawalang pag-asa. Isang nag-aagaw buhay na binata ang nagpaaala sa akin na hindi pa huli ang lahat, at hindi pa pumanaw ang pag-asa. May katuturan pa rin ang kawalan, kahirapan, karukhaan sa taong marunong tumanggap, marunong kumilala, at marunong magpasalamat, kahit sa gitna ng isang matinding pagsubok – ang kahuli – huluihang pagsubok sa oras ng kamatayan.

Salamat Renan, sa iyong napakalaking regalo sa akin sa araw ng Pasko. Nawa’y tanggapin ka ng Diyos sa langit na tunay nating bayan, kung saan wala nang luha, wala nang pasakit, at wala nang pagpupunyagi.

Ang lahat ng ito ay ipinagkaloob ng Diyos, at tinanggap natin nang maging tao ang Kanyang bugtong na Anak na si Jesus! Papuri sa Diyos sa kaitaasan!

 

Bilang pag-alaala kay RENAN LUTERIO (1979-2012)