frchito

Posts Tagged ‘Propeta Eliseo’

KALAYAAN TUNGO SA PAGLILINGKOD

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Hunyo 24, 2010 at 17:27

Ika-13 Linggo ng Taon(K)
Junio 27, 2010

Mga Pagbasa: 1 Hari 19:16b, 19-21 / Gal 5:1, 13-18 / Lk 9:51-62

Mahirap kahit kailan ang napipilitan lamang. Walang sinumang matutuwa kung ang ginagawa niya ay bunga ng pamimilit ng kapwa. Walang sinumang magagalak sa paggawa ng anumang iniatang sa kanyang balikat nang wala niyang pahintulot, ni wala siyang kaalaman, at pagsang-ayon.

Ewan ko sa inyo, pero susunod kaya si Eliseo kung wala siyang paggalang at paniniwala kay Elias? Isa itong palaisipan para sa ating lahat na naglilingkod sa Diyos, sa bayan, at sa Inang Santa Iglesya. Sa Turkey, kamakailan, isang Obispo ang pinaslang ng kanyang driver, isang muslim. Magagawa kaya ng taong ito na paslangin ang isang namumunong mayroon siyang pitagan at paggalang? Sa kanyang karumal-dumal na krimen, nagpapatunay lamang na hindi siya tulad ni Eliseo na may pitagang tumalima kay Elias, tulad ng sinasaad sa unang pagbasa.

Malungkot ang naganap sa pagpaslang kay Bishop Padovese sa Istanbul. Nguni’t ang pinakamalungkot ay ang walang pakundangang paggalang hindi lamang sa isang pinuno kundi sa kinakatawan niyang institusyong banal at hindi isa lamang samahang makamundo, hindi isang likhang-isip lamang ng tao.

Ito ang binibigyang-diin ng mga pagbasa ngayon – ang pagiging disipulo, ang pagiging tagasunod, ang paglilingkod na bunga ng kalayaan at hindi sapilitan.

Alam nating lahat kung ano ang ibinubunga ng pamimilit. Alam nating ang napipilitan ay hindi masayang naglilingkod, hindi maaasahan, hindi mapagkakatiwalaan. Kung pilit ang paglilingkod, hindi ito magtatagal. Hindi maglalaon at manghihinawa, magsasawa, at maglalaho na lamang na parang bula, pagdating ng panahon. Kahit bayaran, kung sapilitan ang ginagampanan, ay hindi rin magtatagal, hindi lalawig, at hindi makalalayo at papanawan ng pagpupunyaging maglingkod nang bukal sa kalooban.

Mahirap ang gawain ng isang tagapaghatid ng magandang balita. Malimit, ang kausap naming mga pari ay ang mga taong ebanghelisado na, ang mga taong hindi na kailangan makarinig sa aming mga pangaral. Ang tunay na nangangailangan ng pangaral at mabuting balita ay ang mga taong nagbibigay rin ng sakit ng ulo sa atin – ang mga pasaway, ang mga walang paggalang sa krus, ang mga taong nanlilibak sa doktrina ng Santa Iglesya, ang mga grupong galit sa Misa, sa Eukaristiya, sa debosyon kay Santa Maria at sa mga banal, at ang inaakala nating pagsamba sa mga diyus-diyusan.

Ito ang mga taong namumuhi sa Iglesya, hindi sapagkat ang Iglesya Katolika at tunay kamuhi-muhi, kundi sapagka’t hindi nila lubos na nauunawaan at naiiintidihan ang mga pangaral ng banal na Iglesya. Galit sila hindi sapagka’t masama ang Iglesya, kundi masama ang pagkakilala nila sa Iglesya. Galit sila sa larawan, hindi sa katotohanan ng kung sino at ano ang Santa Iglesya.

Bilang pari, di miminsan akong nakatikim at nakaramdam ng pagkamuhing ito … lalu na ngayon kung kailan ang larawan ng pagkapari ay nabahiran ng susun-susong mga karumihang nagawa ng ilan sa amin. Ang sabi ng marami, ay wala raw kami karapatang mangaral kung kami mismo ay pinamumugaran ng mga marurumi ang budhi na nagsasamantala sa kawalang-malay ng mga kabataan.

Walang iniwan dito ang karanasang tumambad sa Panginoon at sa kanyang mga alagad. Sa pagpasok nila sa Samaria, ay sinalubong sila ng pagtutol ng madla. Ngali-ngaling tawagin ng mga alagad ang kapariwaraan sa lupaing yaon, upang sila ay lipulin at puksain ng apoy.

Subali’t hindi sumang-ayon ang Panginoon … Nanatiling nakatuon ang kanilang layunin sa kanilang tungkulin, sa kanilang mithiin, sa kanilang adhikain.

Sa ating panahon, ito pa rin ang adhikain ng Simbahan, sa kabila ng kawalang tiwala ng marami sa Inang Santa Iglesya. Ito pa rin ang mithiin, ang layunin at panuntunan ng Santa Iglesya, kahit na marami na ang pinanawan na ng paniniwala at pananampalataya sa kapangyarihan ng ebanghelyo upang papagpanibaguhin ang mundo, at iayon sa landas ng kaligtasan.

Dito ngayon papasok ang bawa’t isa sa ating lahat – ang pangangailangan ng tulad ng kabataang nagwika, “susunod ako saan ka man magpunta.” Nguni’t nang ilahad ni Kristo ang kabayaran sa pagsunod na ito, malamang na napag-isip ang mga mabilis pa sa agos ng rumaragasang tubig ang bibig sa pagbibitaw ng pangako. Kailangan nito ang isang matibay at matinding pagpapasya na bunga ng malalim na kalayaan. Hindi ito isang salitang itinatapon na lamang at sukat. Ito ay katagang pinaninindigan, pinananagutan, at pinagyayaman at buong pusong tinutugunan.

Ito ang kahulugan ng pagiging disipulo… mahirap, masalimuot, mapanganib, at tigib ng makamundong pangamba, at pag-aalinlangan.

Ito ang pagiging disipulo sa panahong ito na maraming namumuhi sa aming mga pari, sa Simbahan, na hindi maipagkakailang hindi madali, mahirap, at puno ng hilahil, problema, at pagsubok.

Tama ang nanay ni San Juan Bosco … ang pagsisimulang mag-Misa, ay simula rin ng paghihirap at pagsasakripisyo – kung tutuparin lamang namin ang aming misyon, nang puno ng kalayaan, pagpupunyagi, at pagsisikap.

Ganap na kalayaan ang kailangan nito … kalayaang hindi lamang nauuwi sa pamimili sa dalawa o higit pang pagpipilian, bagkus isang kalayaang malalim na nagbubunsod sa ganap at wagas na paglilingkod – ang kalayaan sa pagbibigay ng sarili at wagas na paglilingkod.

Ang bayaran at swelduhan ay madaling manghinawa. Ang disipulo ay parang energizer na baterya … patuloy ang pagsulong, patuloy ang paggawa, tigib ng kalayaan tungo sa lubusang paglilingkod.

Advertisement

PAMANA SA TUMANA

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Eliseo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Hunyo 24, 2009 at 15:56

elijah-elisha-ap-1
Ika-13 Linggo ng Taon (B)
June 28, 2009

Nag-aararo si Eliseo sa tumana nang dumatal si Elias, na may dalang misyon mula sa Diyos. “Pahiran mo ng langis si Eliseo na anak ni Abel-meholah, bilang isang propetang hahalili sa iyo.” Bagama’t okupado si Eliseo sa pagsasaka, iniwan niya ang lahat at tumalima sa paanyaya ni Elias.

Isa itong salaysay ng pagsunod sa kalooban ng Diyos na nakapagpapainit ng damdamin natin bilang tagasunod ni Kristo. Ang halimbawa ni Eliseo na kagya’t na sumunod nang ipagkaloob ni Elias ang kanyang sariling balabal sa kaniya ay isang malinaw na aral para sa atin.

Tunghayan natin kung paano at kung bakit …
Mahirap ngayon sumunod ang mga kabataan. Mahirap silang pasunurin. Ang kanilang saloobin ay hindi nalalayo sa himig at panulat ng mga Boyzone mahigit sampung taon na ang nakalilipas: “No matter what they tell us; no matter what they teach us, what I believe is true.” Bilang isang guro at mentor sa nakalipas na 32 taon, nasa unang hanay ako ng entablado ng buhay upang malamang ang kultura ng mga kabataan ay napakabilis magbago. Una, walang masyadong nagbabasa ngayon. Ikalawa ang kulturang postmoderno ay nagbubunsod sa kanila sa isang malalim na indibidwalismo na hindi na natitinag sa harap ng sinasabing “totoo.” Walang katotohanang angkop sa lahat ng tao at sa lahat ng lugar at lahat ng panahon. Ang totoo ay nababago, nahihilot, at naiaakma sa anumang kondisyon sa kapaligiran. Ang totoo para sa akin, ay maaring hindi totoo para sa kanila.

Mahalagang maunawaan ng lahat, bata man o matanda, na may kalakip na katotohanang mahalaga ang salaysay tungkol kay Eliseo at ang kanyang bukas-loob na pagtalima sa paanyaya ng Diyos. Bagaman at mahirap ang sumunod at tumalima sa utos, batid ng lahat na kinakailangan natin ang pagsunod, ang pakikinig, at ang pagtalima sa kagustuhan ng Diyos. Alam rin ng lahat ng aking tagabasa, na mahirap iwan ang kinagawian. Mahirap baguhin ang kinasanayan na. Mahirap palitan ang ugaling pinagtandaan o nilakihan natin. Tulad ng mahirap para kay Eliseo ang iwanan ang mga hayop sa parang, kasama ng araro na kanyang gawain sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Noong ako ay bata pa, bilang isang brother na bagong graduate, ang pangarap ko ay mapadala sa isa sa malalaking escuela namin. Inaasam ko na mabago naman ang simoy ng hangin, kumbaga, at mapalayo sa Canlubang kung saan mahigit na 5 taon na ako nagtigil bilang estudyante. Subali’t hindi natupad ang aking inasam. Na-assign ako sa Barrio Mayapa, sa isang maliit at nagsisimula pa lamang na parokya sa Calamba. Hindi ako masaya. Hindi ko gustong maiwan duon. Nguni’t wala naman akong magagawa noon. Subali’t matapos ng dalawang taon, ayaw ko namang iwan ang lugar na iyon kung saan napamahal ako sa mga kabataan at sa mga parokyano. Hirap na hirap akong umalis upang simulan ang pag-aaral ng Teolohiya sa Paranaque.

Nakakamada na kumbaga ang aking mga araro at suyod sa tumana. Ayaw ko nang iwan ang pitak ng aking mundo na katumbas ng tumana ni Eliseo. Masaya na ako kasama ng mga simpleng kabataan na sa kasalatan ay napakayaman sa ginintuang mga pag-uugali na marunong tumanaw ng utang na loob, at marunong sumunod sa aming mga pangaral at pagtatagubilin.

Ang tumana ay isang pitak ng lupa na naisaayos ng isang magsasaka. Ang tumana ay pitak-pitak na hinahati at pinaghihiwalay ng mga pilapil, na parang linya na nagbibigay hangganan sa magkakatabing tumana.
Dito sa tumana, malapit sa kanyang mga araro at suyod, nagbago ng takbo ang buhay ni Eliseo. Parang isang “extreme makeover,” ang buhay ni Eliseo ay bigla na lamang at sukat na napalitan, at sa pagsunod niya kay Elias, ay naging isa rin siyang propeta ng Diyos.
Marami nang pagbabago ang naganap sa buhay ko mula noong ako ay kumalas sa aking tumana. Ang tawag ng mga manunulat dito ay “comfort zone.” Mahirap iwan ang comfort zone natin. Mahirap magbago ng takbo ang buhay natin. Mahirap mag-adjust, kumbaga, sa bagay na hindi natin ginusto sa mula’t mula pa.
Kailangan natin ng mata ng pananampalataya para harapin ang paglisan sa tumana, kung saan nagkukubli ang isang dakilang pamana: “Ikaw ang aking pamana, O Panginoon.” (You are my inheritance, O Lord.) Noong isang Linggo, pinag-usapan natin ang katatagan ng loob sa kabila ng lahat … sa kabila ng patong-patong na hilahil at pasakit ng buhay. Mahaharap lamang natin ito kung ating makikita ang nagkukubling pamana sa likod ng panimdim at pasakit.

Ang pag-ahon at paglisan mula sa tumana ay tanda ng kalayaang siyang binibigyang-diin ni Pablo. “Para sa kalayaan, pinalaya tayo ni Kristo; kung kaya’t tumayo kayo at huwag nang pasailalim sa anumang uri ng pagka-alipin.” At ang pananatiling kapit-tuko sa araro at suyod sa tumana, ay isang uri ng pagka-alipin.
Dalawang kabataan ang lumapit kay Jesus. Dalawang talubata sila na nagtanong kung ano ang dapat gawin. Dalawa silang naghanap ng anu ang tama. Subali’t dalawa silang kaluluwang hirap ang iwanan at lisanin ang kung anong kinagawian at kinasanayan. Nalubog sila sa pagkit at mapang-akit na katiwasayan sa kanilang tumana.

Hindi tayo nilikha ng Diyos para manatili sa munting pitak ng daigdig sa tumana. Tinatawagan Niya tayo sa ganap na buhay. At ang ganap na buhay para marating ay nangangahulugang nararapat tayong lumisan, tumalima, sumunod, makinig at umayon sa nag-aanayaya sa atin. Ang naghihintay sa atin sa likod ng tumana ay isang dakilang pamana. At para marating ito, dapat natin sundin ang mga katagang paalaala ng Panginoon: “Walang sinumang nagsimulang mag-araro na panay ang lingon sa likod ay karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos.”

Pamana, hindi tumana, ang dakilang panawagan ng Diyos para sa atin!