frchito

Posts Tagged ‘Tagalog Homily’

MAGTIPON AT MAKINIG!

In Adviento, Catholic Homily, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 15, 2009 at 12:33


Ika-2 Araw ng Simbang Gabi(K)
Diciembre 17, 2009

Mga Pagbasa: Genesis 49:2, 8-10 / Mateo 1:1-17

Marami pa rin ang nasa simbahan sa ikalawang araw ng simbang gabi. Taun-taon, ang unang araw ay laging punong-puno ng tao. Ang ikalawang araw ay marami pa rin, nguni’t sa ikatlo hanggang sa kalagitnaan ng nobena, ay unti-unting nababawasan ang nagsisimba, liban kung tumama sa araw ng Linggo ang kalagitnaan ng Simbang Gabi.

Kahapon, binigyang-pansin natin ang isang mataimtim na panalangin na nagmula kay Isaias: “ibuhos nawa sa atin ng kalangitan ang Makatarungan!”

Sa araw namang ito, dalawang kataga ang lumulutang sa unang pagbasa … mga katagang nagbibigay-lagom sa buod ng ating pagiging kasapi ng Santa Iglesya o Simbahang Katoliko. Malimit na makitid ang pagkaunawa ng tao sa pagiging kasapi ng Simbahan. Malimit na para sa marami, ang pagiging kasapi ng Simbahan ay napapaloob sa pagkabilang dito, sa pakikisalamuha sa grupo, sa pagsama sa pagsamba tuwing Linggo o pistang pangilin.

Kung ganito lamang ang kahulugan ng iglesya o pakikibahagi sa simbahan, sapat na ang makisalamuha o makisama sa grupo upang mapabilang sa santa Iglesya.

Tingnan muna natin sumandali ang kinapapalooban ng unang pagbasa. Si Jacob ay may 12 anak na lalaki. Sa kaniyang pagtanda, inisip niya ang kinabukasan, at kung sino ang nararapat mamuno sa kanyang malaking angkan. Sa pag-iisip niya sa mahalagang bagay na ito, tinipon niya ang kanyang angkan at sinabi nang buong linaw: Magtipon kayo at makinig!

At sa pagtitipong ito lumitaw ang kalooban ng Diyos para sa kanyang angkan. Ang lahi ni Juda ang siyang mamamaulo at maghahari. Sa kanya magmumula ang Mananakop, ang siyang titingalain ng buong bayan bilang tagapag-hawak ng pamumuno sa lupaing Israel.

Ito ang pangakong pinanghahawakan natin. Ito ang hulang ang kaganapan ay hinihintay natin, at ginugunita natin tuwing Adviento o panahon ng pagdating. Ito ang nagbibigay sa atin ng marubdob na damdamin ng paghihintay at pag-asa. Naganap ito sa kasaysayan sa pagdating ni Kristo noong araw ng Pasko, na pinaghahandaan natin sa panahon ng pagdating. Nagaganap pa rin ito magpahangga ngayon sa ating simbahan. Patuloy siyang dumarating sa hiwaga, sa pamamagitan ng sakramento ng Simbahan at sa pitong sakramentong alay ng Simbahan.

Ngunit sa Adviento, may isa pang pagdating tayong hinihintay – ang pagdating Niya sa wakas ng panahon.

Sa kanyang pagdatal sa araw ng kanyang pagsilang at sa kanyang muling pagbabalik, mayroong panahong pagitan. Ito ang panahon ng Santa Iglesya. Ito ang ngayon at dito – sa lupang bayang kahapis-hapis.

At para maging ganap na kasapi ng Simbahan, ng mga sumasampalataya at naghihintay sa kaganapan ng pangako ng Diyos, dalawang magkatuwang na bagay ang dapat natin gawin: magtipon at makinig sa Panginoon.

Sa lumang tipan, ang katipunan ng mga Israelitang sumampalataya kay Yahweh, na tumugon sa Kanyang panawagan ay tinawag na qahal. Ito ang mga tinawagan at tinipon ng Poong Maykapal. Ito ang “ekklesia”, ang mga katipunan ng mga “ekkletoi” – mga salitang Greko na pawang galing sa katagang “kaleo” na ang kahulugan ay “tumawag.”

Kung gayon, ang katipunan ng sumasampalataya na tinawag ng Diyos ay ang ekklesia o iglesya. Hindi isang tao ang tumawag sa atin kundi ang Diyos.

Pero may isa pang salita na dapat tayong unawain – makinig. Hindi sapat ang magtipon. Ginagawa natin yan tuwina. Maraming tao ang nagtitipon upang manood ng palabas sa Araneta coliseum. Maraming tao ang makikitang nagtitipon sa MOA tuwing Sabado, Linggo, at pista opisyal. Pero hindi sila iglesya. Hindi sila simbahan. Ang simbahan ay kung ang mga tinipon ay nakikinig. At alam ba ninyong ang salitang “obedience” o pagsunod sa Ingles ay galing sa salitang “audire” (ob-audiens), na ang kahulugan ay makinig?

Walang taong makasusunod sa utos kung hindi man lamang makikinig. Walang pagtalima kung walang pakikinig. At walang pananampalataya (obedience of faith) kung walang pakikinig sa salita. Sa katunayan, sinabi ni Pablo nang malinaw: “ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig” (Roma 10:14).

Kay raming iba-ibang tinig ang naririnig ng tao ngayon. Kay raming iba-ibang pangaral ang matutunghayan natin sa panahon natin. Sa araw na ito, dalawang paalaala ang ating pinanghahawakan: magtipon at makinig.

Ito ang ginagawa natin sa Misang ito. Nagtipon tayo nguni’t kung walang pakikinig, namasyal lang kayo o nag-date … o dili kaya’y nag-text o nagpalipas ng oras kasama ng barkada. Nagsimba lang kayo, pero hindi sumamba. Marami ang sumisimba sa Simbang Gabi. Pero hindi ganoong karami ang sumasamba sa Simbang Gabi. Ang pagsisimba at pagsamba ay ang bunga ng dalawang utos ni Jacob na ngayon ay umaalingawngaw sa pandinig natin: magtipon at makinig.

Advertisement

HARABAS, PALABAS, TUBOS, LUBOS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kristong Hari, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon B on Nobyembre 16, 2009 at 01:33

Christ_the_King

DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI
Nobyembre 22, 2009

Mga Pagbasa: Daniel 7:13-14 / Pahayag 1:5-8 / Juan 18:33b-37

Marami ang manonood ng sineng 2012. Kasama ako dito. Kahit ano sabihin natin, nakabibighani ang sine na may kinalaman sa trahedya, sa wakas, sa mga nakasisindak na mga bagay na maaaring mangyari sa daigdig na kinalalagyan natin. Nakapagtataka, nguni’t sa panahong ito kung kailan maraming mga natural na trahedya tulad ng lindol, baha, tsunami, at iba pa ang nagaganap sa maraming bahagi ng mundo, ang mga palabas na nagpapakita ng pagka-harabas ng lahat ng kalikasan ay dumadami.

Madaling madala ng takot dahil sa mga ito. Ang panghaharabas ng kalikasan sa mundo ay magandang paksa sa maraming mga palabas na nagdudulot ng pangamba sa isipan at puso ng marami.

Ngunit ano ba ang kaibahan ng sineng 2012 sa sinasaad ng mga pagbasa ngayon? Ang mga pagbasa ay tumutuon sa pagdatal ng mananakop. Subali’t tulad ng nakagawian ng mga manunulat noong panahong yaon, ang balitang ito ay isinapaloob nila sa isang uri ng panitikang tinaguriang apokaliptiko — isang uri ng panulat na kinapapalooban ng marami at kahindik-hindik na mga sagisag o simbolo, na nakatuon at naglalayon, hindi sa pagdudulot ng takot at pangamba, kundi sa isang karunungang espiritwal.

Takot ang dulot ng 2012. Takot ang dulot ng mga mabababaw na hula na nagsasabing gugunaw na ang daigdig sa taong 2012 at iba pa. Nguni’t ang pagdatal ng Anak ng Tao na binabanggit ni propeta Daniel ay hindi takot ang layon, kundi pag-asa, paghihintay, pagnanasang banal, at pananampalataya sa Diyos na hindi nanghaharabas ng kanyang nilikha bagkus nagliligtas at nagtutubos nang lubos!

Ito ang diwa ng paghahari ni Kristo. Hindi niya kailangang maging Hari. Hindi niya kailangan ng anumang titolo. Nguni’t kailangan natin ng isang ituturing na Hari, upang ang ating kamalayan at pagkatao ay matuon sa iisa at parehong layunin at balakin.

Maraming hari o naghahari-harian sa atin. Sapat nang makita ang mga trahedya na dulot ng mga naghahari-harian sa bayan natin – ang mga tampalasang nagwawasak ng kagubatan, ang mga politikong walang hanap kundi posisyon, poder, at pera … ang lahat na ang sinasanto at sinasamba ay hindi ang espiritwal na katotohanan kundi ang sariling pansamantalang kapakanan. Mahaba ang listahan … at kasama tayong lahat dito.

Ang diwa ng paghahari ni Kristo ay para sa atin, at hindi para sa kanya. Malinaw ba kaya ang ating pinipili? Malinaw bang tunay ang hangad natin?

Nakatutuwang isipin na tayo ay nababagabag ng mga imahenes sa sineng 2012. Subali’t matanong natin ang sarili natin … nababagabag ba tayo sa mga bahang kagagawan natin? Nababagabag ba tayo sa katotohanang hindi na natin kailangan ang init ng araw upang wasakin ang hinaharap natin? Natatakot ba tayo sa mga trahedyang dulot ng katakawan natin, pagkamakasarili, at pagkaganid sa mga dulot ng kalikasang mabilis natin ngayon sinisira at winiwindang?

May taglay na aral ang wakas ng panahon sa atin. At hindi takot ang aral na ito kundi karunungan. May taglay na aral ang matuto nating ituring ang Panginoon bilang Hari, sapagka’t sa ganitong paraan, ay mababatid natin na hindi tayo ang “bosing” ng kalikasan na walang pakundangan sa katotohanang ito ay may hangganan. May malaking aral ang kapistahang ito para sa atin na pawang naghahari-harian sa mundo at sa lahat ng alay ng mundong ito.

Sa araw na ito, pista ni Kristong Hari, matuto nawa tayong ilagay ang sarili sa wastong luklukan, hindi sa luklukan ng mga masisiba, matatakaw, madadamot, at mapagkamal at tampalasang politico na walang inisip kundi palawigin ang sariling poder, posisyon at pananalapi. Matuto nawa rin tayo na alalahanin tuwina na may wakas ang lahat, ang buhay, ang hininga, ang pananatili natin sa mundong ibabaw.

Ang Kristong Hari ay dapat tunay na maghari sa puso ng bawat isang Pinoy.

Ang dulot ng Haring ito ay hindi harabas na makikita natin sa palabas. Ang hatid ng Haring ito ay hindi mga paingay na dala ng mga taong sanga-sanga ang dila na buktot at baluktot ang pag-uugali sa lipunan. Ang hatid ng haring ito ay karunungang espiritwal, na maalam tumingin sa aral ng wakas, ng hantungan at ng hangganan ng lahat.

At ano ba ang hantungan at hangganan na ito? Ang tubos at kaligtasan natin lahat … katubusan at kalubusan. Ang haring ito ay naparito upang maghatid sa atin ng tubos na lubos …. “siksik, liglig, at nag-uumapaw.”

Purihin ang Cristo Rey!

Chicago, IL 60605
Nobyembre 15, 2009
11:30 AM