frchito

Posts Tagged ‘Taon B’

PUNO, PUNA, PUNO’

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Taon B on Mayo 8, 2009 at 20:32

vine_branches1
Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay(B)
Mayo 10, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 9:26-31 / 1 Juan 3:18-24 / Juan 15:1-8

Sa araw na ito, tatlong kataga ang lumulutang sa aking guniguni bilang simulain ng isang pagninilay sa ikalimang linggo ng pagkabuhay. Ang una ay katagang ginamit mismo ng Panginoon – puno … “Ako ang puno ng ubas; kayo ang mga sanga.” Ang puno ay may kinalaman sa katatagan, katibayan, kalakasan, siyang dinadaluyan ng buhay ng isang halaman, ang pinaka-haligi alalaumbaga, ng isang matayog na halaman. Kung walang puno ay walang sanga, walang dahon, at walang buhay, sapagka’t walang dinadaluyan ng sustansiya at lakas na kailangan ng buong halaman.

Hindi namumunga ang puno (ang haligi). Walang prutas na napipitas sa puno, kundi sa sanga. Subali’t walang sanga ang maaaring mamunga kung hindi nakakabit sa puno. Walang sanga ang maaring makapag-sarili liban sa pagiging kadugtong ng puno. Ang sanga na humiwalay sa puno ay kagya’t nalalanta, natutuyot, at namamatay.

Malinaw ang turo sa atin sa araw na ito. Bilang mga sanga lamang, hindi kailanman tayo makaaasang maging hitik ng bunga kung hindi kaakibat ng puno.

Ito ang pangunahing puna na dapat nating isapuso at isaisip sa araw na ito. Noong isang Linggo, ginunita natin ang katotohanang tanging is Kristo lamang ang nakapagsabi at nakapagpatunay sa kanyang buhay at kamatayan at muling pagkabuhay sa kanyang pagiging isang butihing pastol. Isa sa kanyang pagiging butihing pastol ay ang katotohanang ang buhay niya ay laging kaakibat ng kanyang kawan. Ang kawan ay nakikinig sa kanyang tinig at kilala rin naman ng pastol ang kanyang kawan. Mayroong isang maigting at matibay na koneksyon ang namamagitan sa pastol at kawan.

Sa Linggong ito, koneksyon pa rin ang ating unang puna sa mga pagbasa …. Koneksyon ng puno at ng sanga, ng haligi at ng bunga, tulad sa koneksyon na naghahari sa pagitan ng pastol at ng kawan.

Malalim at malinaw ang pang-unawa ng tao ngayon sa koneksyon. Una sa lahat, hirap tayo kung walang koneksyon ang selfon, kung walang signal. Hindi tayo makapamumuhay nang matagal ng walang load, walang signal, at walang selfon. Pakiramdam ng isang taong walang selfon ay parang hubad, o parang sundalong walang armas. Hindi tayo makaalis ng bahay ng walang selfon, walang signal, at para tayong yagit na yagit kung walang load. Koneksyon ang usapan natin dito. Koneksyong pisikal at elektronika, sa pamamagitan ng iba-ibang “bands” na tinatawag. Sa dalawang linggong nakaraan, sira ang internet koneksyon namin. Dalawang Linggo rin akong pilay. Hindi ako nakapagpaskil ng homiliya ko sa blogsite. Parang hindi ako makapamunga sapagka’t ang puno ay walang sanga, o ang sanga ay hindi kaakibat ng puno.

Ito ang malinaw na turo sa atin ni San Pablo. Noong siya ay sumampalataya kay Jesucristo, kinailangan niyang makisama at maki-ugnay sa puno ng Simbahang nagsisimula pa lamang. Kinailangan niyang maging kaugnay at kadugtong ng katawang mistiko ni Kristo. Kung kaya’t sa kabila ng mga puna at duda ng mga tao sa kanya, na hindi kaagad naniwala sa kanyang pagbabalik-loob, ay nanatili siyang nakakabit sa katawang mistiko ni Kristo, kahit noong siya ay isugo sa Cesaria at sa Tarso, kung saan siya isinilang.

Ang kaugnayang ito ni Pablo kay Kristo ang siyang naging muog ng katatagan ng kanyang pangangaral sa mga pagano, sa mga Helenista, na kung tawagin ay hentil.

Naging puno ng bunga ang buhay at ministerio ni Pablo. Siya ay naging tagapaghatid ng magandang balita sa mga hentil, sa mga hindi orihinal na Judio ang paniniwala. Dinala niya sa malalayong lugar ang magandang balita ng kaligtasan. Isa siyang mahaba ay mayabong na sanga na, bagama’t sanga, ay nanatiling kaakibat ng puno na walang iba kundi si Jesus. “Ako ang puno ng ubas; kayo ang mga sanga.”

Mayabong na rin ang mga sanga ng orihinal na puno ng simbahan. Malago at malawak na rin ang narating at naabot. At dito papasok ang pangunahing puna na pinag-usapan natin. Walang punong namumunga liban sa pamamagitan ng sanga, at walang sangang namumunga liban kung kadugtong ng puno. Wala tayong kayang gawin sa ganang sarili natin at limitadong kakayahan. Kung hindi ang Diyos ang nagpasya, ay walang kabuluhan ang paggising natin nang maaga, walang kabuluhan ang ating pagpupuyat at pagsusunog ng kilay.

Walang kapunuan kung walang pananatili sa puno, at pagbabata ng puna na may kinalaman sa paglago natin sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Sine me, nihil potestis facere. Liban sa akin, ay wala kayong anumang magagawa.

Isang puna lamang para sa ating lahat sa araw na ito. Hindi tayo mapupuno, kung malayo sa puno na siyang maydulot ng kaganapan at tunay na kapunuan. Tayo ay mga hamak na mga sanga lamang, hindi haligi, hindi puno. At ang kapunuan natin ay galing sa pakikpagniig at pagkadugtong lamang sa pinagmumulan at dinadaluyan ng tunay na buhay – ang buhay na walang hanggan.

ARAL, ASAL, DASAL

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Abril 17, 2009 at 10:39

doubting_thomas
Ika-2 Linggo ng Pagkabuhay (B)
Abril 19, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 4:32-35 / 1 Juan 5:1-6 / Juan 20:19-31

Mayroong mga pangyayari sa buhay ng tao na hindi maaring hindi magpabago sa atin. May mga pagtatagpo sa buhay na hindi maaaring bale walain, at mga karanasang hindi lamang makabagbag-damdamin, kundi lubos na nakapagpapabago sa takbo ng buhay ng isang tao o ng maraming tao sa daigdig.

Lahat ng nagaganap sa buhay natin ay may butil ng aral … may binhi ng pagbabago, at may dalang tulak tungo sa kaibahan. Ang pagsilang ng isang sanggol, lalu na’t panganay, sa isang pamilyang nagsisimula pa lamang, ay isa sa mga mapagbagong pangyayaring ito. Lahat ng may kinalaman sa isang bagong buhay, o isang panibagong buhay ay mapagbago, nakapagpapanibago, at nakapagbabago sa daloy ng buhay ng sinumang nagkapalad na makaranas nito, sampu ng mga taong nakatutunghay lamang nito.

Nguni’t hindi lamang dahilan sa isang bagong silang na sanggol ito nagaganap. Sapat nang malamang ang isang tamad na mag-aaral ay naging masipag, naging mapagsikhay, at lahat ng may pananagutan sa kaniya ay natutuwa, nagagalak, at napupuno ng pag-asa. Sapat na ring mabatid na isang talubatang nalulon sa droga at sa bisyo ay magbangon sa pagkadapa sa masasamang ugali at ang lahat ay nababalot ng bagong pag-asa at pagtitiwala sa kakayahan ng taong umahon sa lusak na kinabuliran, o sa sapot na kinapuluputan.

Anumang pagbabago, pagpapanibago, at pagsisikap magbago ay isang malaking aral. At ang bawa’t aral ay may kaakibat na bagong asal sa nakakatunghay at nakikibahagi dito.

Malinaw ito sa unang pagbasa. Ang komunidad ng mga sumasampalataya, ayon kay Lucas, ay nabuhay na parang iisa ang puso at kaisipan. Hindi lamang ito … wala ni isa man sa kanila ang umangkin sa kanilang sariling pag-aari bilang kanila lamang. Hindi lamang ito … Sila ay naging saksi sa muling pagkabuhay ni Jesus. Ito rin ang tinutumbok ng ikalawang pagbasa, na nagsasabing ang tanda ng tunay na pagmamahal sa Diyos ay ang pagtalima sa Kanyang utos at kalooban. Ayon sa salaysay sa aklat ng mga Gawa, isang malakas na daloy ng pagbabago ang rumagasa at tumabon sa buhay ng mga mananampalataya.

Ang bagong aral na dulot ng muling pagkabuhay ni Kristo ay nauwi sa isang panibagong asal!

Subali’t may higit pa sa lahat ng ito ang naganap. Ang kanilang dasal, na dati-rati ay puno ng pahingi niyon, at pahingi nito, parang bilmoko no’n, bilmoko n’yan, ay naging dalisay at wagas at nabatay sa pinakamatayog na dahilan kung baki’t ang tao ay dapat magdasal – ang magbigay-puri sa Diyos: “Magpasalamat sa Panginoon; Siya ay mabuti at ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan” (Tugon sa Salmo).

Ayon sa mga dalubhasa, isa sa mga dahilan kung bakit hindi agad nakilala ng mga disipulo ang Panginoong muling nabuhay, ay ito … nangagsipagbalikan sila sa dati nilang asal pansamantala. Si Pedro ay bumalik sa pangingisda, sa dalampasigan ng Capernaum, kung saan ginawa ni Jesus ang isa sa mga una niyang himala. Pagod at puyat noon si Pedro at ang kanyang mga kasama, at wala sila ni isa mang huling isda. Dumating ang Panginoon ay nagsabi sa kanila na ilagak ang lambat sa kabilang bahagi ng bangka. At nakahuli sila ng marami. Duon sa parehong lugar, nagpakita kay Pedro ang Panginoong muling nabuhay. Doon sa parehong lugar kung saan siya pinagtagubilinang maghasik ng lambat sa tamang bahagi ng bangka … duon rin siya pinagtagubilinan ng Panginoong muling nabuhay ng isang bagong gawain … isang bagong pananagutan … “gagawin ko kayong mamamalakaya ng tao.”

Parang isang “back-to-back” na plaka o CD ang naganap kay Pedro! Isang bagong asal ang isinukli sa isang bagong aral.

Subali’t mayroong iba pa … Naruon din si Tomas, na medyo parang isang estudyanteng laging “cutting classes” o laging huli. Nang magpakita ang Panginoong muling nabuhay, wala si Tomas. Lumang aral at lumang asal ang kanyang taglay: “Hindi ako maniniwala hangga’t hindi ko nahipo ang kanyang mga kamay, at ang kanyang tagiliran.” Medyo makunat si Tomas. Hindi siya nakuha sa sabi-sabi at mga text messages lamang, kumbaga. Hindi siya agad napadala sa isang “press release” ng kanyang mga kasamahan.

Nguni’t nang tumambad sa kanyang paningin ang katotohanan, hindi na siya umasa sa eksperimento at mga survey … Kagya’t nagbago ang kanyang kanyang asal na nagbunga sa isang bagong dasal ng pananampalataya, pag-asa, at wagas na pag-ibig: “Panginoon ko at Diyos ko!”

Luma ang mga balita sa ating paligid. Walang bago sa mga madadayang tao sa mundo. Maging si Levi, si Zaqueo at iba pa, na naging disipulo ni Kristo, ay nagdaan din sa lumang asal, batay sa lumang aral ng Lumang Tipan. Lumang tugtugin na rin ang salaysay ng kapalaluan at pagkamakasarili sa lipunan, saan man at kailan man. Subali’t laging bago ang Diyos … laging bago ang kanyang aral … Siya ang Alpha at Omega … ang simula at katapusan. Ang Kanyang hininga ang siyang nagpabago sa kaguluhan sa kalawakan ayon sa Genesis … At ang buhay ay naganap … Ang lahat ay nalikha … At ang Kanyang Espiritu ang siyang umihip at nagbigay pagpapanibago sa lahat ng sangnilikha.

Umiinog ang buhay natin sa tila magkasalungat na luma at bago. Luma ang kasalanan. Bago ang biyaya ng Diyos tuwina. Luma ang pagsuway sa kalooban ng Diyos. Bago ang balitang maging ang makasalanan tulad ni Pedro, ni Zaqueo, ni Levi (Mateo) at iba pa, ay may kakayahang magbagong-asal, ayon at batay sa bagong aral, lalu na ng bagong aral ng Panginoong muling nabuhay … “tingni, pinagpapanibago ko ang lahat … ako ang Alpha at Omega, ang simula at katapusan!”
Umiikot ang mundo, at sa bawa’t pag-inog ay pagdatal sa buhay natin ng panibagong aral. Sa bawa’t pagsikat ng araw sa buhay natin ay may paalaalang taglay: “pinagpapanibago ko ang lahat…”

Sa oktabang ito ng Pasko ng Pagkabuhay, malinaw ang luma at bago at ang kaibahan sa dalawang ito. At malinaw rin ang dapat nating tuntunin: isang bagong asal, batay sa isang bagong aral, na siyang nag-uudyok sa atin sa isang bagong dasal: “Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, magalak at matuwa, Aleluya!”