frchito

Posts Tagged ‘Todos los Santos’

BANAL AT DAKILA SA MATA NG DIYOS

In Uncategorized on Oktubre 31, 2015 at 16:21

Unknown

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Kapistahan ng Lahat ng mga Banal

(Todos los Santos)

Nobyembre 1, 2015

BANAL AT DAKILA!

Uhaw ang bayang Pilipino sa mga bayani. Ito marahil ang dahilan kung bakit pati mga boksingerong lumaki sa America ay inaangkin nating Pinoy. At basta ang apelyido ay Pinoy ang tunog, kahit na sa California isinilang at lumaki, kapag nanalo sa American Idol ay nagiging Pinoy o Pinay.

Malungkot isipin na ang buhay ng tao ay parang eroplano. Hindi pinag-uusapan ang libo-libong lumilipad at lumalapag araw-araw sa lahat ng dako ng mundo, pero kapag may nag-crash o na-aksidente, ay laman ng radio at dyaryo sa maraming araw.

Ganoon din ang buhay naming mga pari. Walang nag-uusap dahil sa libo-libong nag-aalay ng buhay at panahon at kakayanan para maglingkod sa iba, pero kapag may nagkamali at nagkasala, ay paksa ng walang patumanggang usapan sa social media, sa radio, sa TV, sa dyaryo at sa iba pa.

Wag na tayo lumayo pa. Kung hindi pa ginawang sine ang buhay ni Heneral Luna, at hindi siya titingalain ng mga taong wala nang alam sa kasaysayan. Kung hindi pa natanong kung bakit laging naka-upo si Mabini sa sine ay hindi malalaman na siya pala ang utak ng himagsikan.

Mga bayani sila, pero hindi dinarakila. Mga dapat silang tularan, pero hindi pinag-uusapan.

Lumaki ako kasama ang isang mamang dumating na lamang sa aming buhay isang araw. Hindi niya alam kung taga saan siya. Ang alam lamang niya ay nakatakas siya sa Death March sa Bataan patungong Pampanga. Dumating siya sa amin na walang natatandaan. Tinanggap ng aking mga magulang at pinatuloy. Kakang Gorio ang kinagisnan kong tawag ko sa kanya.

Tahimik, walang imik, pero masipag. Walang kibot pero walang tigil sa pagtatrabaho. Tumulong siya sa aking Ama sa bukid nang ilang taon. Siya ay dakila, pero hindi bayani. Dakila pero hindi kilala. Ni kamag-anak niya ay hindi siya hinanap. Wala ni isang kamag-anak niya ang nabanggit niyang naghahanap sa kanya.

Ang araw na ito ay para sa mga dakilang banal na hindi kilala, at sapagka’t hindi kilala ay hindi rin dinarakila. Araw ito ng mga banal na walang pangalan, walang mukha subali’t kasama sa isang daan at apatnapung libong hinugasan sa dugo ng kordero.

Sila ang kindi kilala nguni’t kinilala ng Diyos, na pinagkalooban Niya ng dakilang pag-ibig, at tumugon sa kaloob na pag-ibig.

Sila ang mga dakila sapagka’t dukha, mababa ang loob, ang mga walang inaasahan liban sa Diyos, mga nahahapis, mga mapagpakumbaba, nagmimithing tumupad sa kalooban ng Diyos, mga mahabagin, malinis ang puso, at gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, bagama’t sila ay inuusig dahil sa Diyos, at inaalimura ng mundong mababaw at mapagbalatkayo.

Banal sila. Kahit hindi kilala. Dakila sila, bagamat hindi nga dinadakila ng balana. Sa harap ng Diyos na siya nating pinupuri at sinasamba ngayon sa pamamagitan ng mga banal … Siya na may akda ng lahat ng kabanalan, ang mga ito ay banal at dakila sa mata ng Diyos.

Tingnan natin sila muli at tingalain. Papuri sa Diyos na nagdakila sa mga banal!

Advertisement

BAYANG DUMUDULOG, BANAL NA LUMULUHOG

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Taon B on Oktubre 27, 2009 at 18:33

blog-all-saints
Kapistahan ng Lahat ng mga Banal
Todos los Santos
Nobyembre 1, 2009

Mga Pagbasa: Pahayag 7:2-4,9-14 / 1 Juan 3:1-3 /Mateo 5:1-12a

Hindi na ako masyado nagbabasa ng mga kasaysayan ng mga banal. Hindi sapagka’t hindi ako naniniwala sa kanilang kabanalan. Sampalataya ako sa kababalaghang ginawa ng Diyos para sa mga banal. Sampalataya ako sa masugid nilang paghahanap sa mukha ng Diyos. Sampalataya rin ako sa biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos na siyang may-akda at simulain ng lahat ng kabanalan.

Hindi nga lang ako masyadong hanga sa mga lumilipad sa alapaap, tulad ni San Jose de Cupertino. Hingi nga rin lang ako masyadong nabibighani ng mga banal na nakikipag-usap sa mga hayop, tulad ni San Francisco de Asis. Hindi rin ako masyadong natutulala sa mga kwentong ang mga banal ay nakita ng mga tao na nasasa dalawang lugar sa iisang parehong pagkakataon, tulad ni Don Bosco, na diumano ay nakita sa Torino at nakita rin sa Barcelona sa parehong magkasabay na araw at oras.

Huwag ninyo ako pagdiskitahan. Hindi ako suwail na walang pagsampalataya sa mga banal. Wala akong sinabing hindi ito totoo. Wala akong sinabing ang lahat ng ito ay mga kasinungalingan. Ang akin lamang sinasabi ay ang mga kababalaghang gawa ng Diyos ay hindi dahilan upang humanga tayo sa mga banal. Ang sinasabi ko lamang ay ito … ang mga banal ay malapit at pinagpala ng Diyos. At ito ang dahilan kung bakit sila ay pumailanlang tulad ni San Jose de Cupertino. Ito ang dahilan kung bakit sila nakapagwika sa mga hayop, o nakapunta sa dalawang lugar sa parehong araw at oras.

Ang mga banal ay kinasihan ng Diyos dahilan sa isang katotohanan. Dumulog sila sa Kanya, naghanap, nagsikap lumapit.

Ito ang aking hinahangaan sa mga banal. Ito ang hindi lamang dapat hangaan. Ito rin ang dapat tularan. Sila ang mga huwaran na dapat itanghal at ipagmakaingay sa lipunan.

At ito nga ang ginaganap natin sa araw na ito. Pagunita sa ating sarili ngayon ang tugon sa unang pagbasa: “Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa Iyo!”

Subali’t ang dumudulog ay siyang hinahanap ng Diyos na dinudulugan. Ito ang katotohanang dulot sa atin ni Juan: “Isipin natin kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag Niya tayong mga anak ng Diyos at iyan ang totoo.”

Ito ang panawagang dininig at sinunod ng mga banal. Hindi ito mga panawagan upang lumipad at pumailanlang at maging mga salamangkero o magikero. Hindi ito panawagan upang tayo ay makagawa ng mga malalaking kababalaghan. Panawagan ito upang dumulog sa Kaniya at tumalima tulad ng isandaang libo, apat na daan at apatnapu’t apat na mga tagasunod sa kordero na nararamtam ng puting damit na hinugasan sa dugo ng kordero.

Ito ang itinatanghal natin sa pistang ito … ang kabanalang kaloob ng Diyos nguni’t nagkabuhay sa pagdulog ng tao, na lumuhog sa paanan ng Maykapal at naging banal. Ang kabanalang ito ay may malaking halagang pinagbayaran ng mga santo.

Sila ay naging banal at tinaguriang mapalad … hindi sapagka’t sila ay gumawa ng mga kababalaghan, kundi sapagka’t sa kanilang paghihirap ay naganap ng Diyos ang kababalaghan ng kabanalan sa kanilang pagkatao.

Ito ang pagiging mapalad na nakita natin kay Papa Juan Pablo II … ang kaniyang katapatan at matimyas na pag-ibig sa Diyos … ang kanyang matinding paghihirap dahil sa karamdaman, ang kanyang matibay na pagkapit sa pangako ng Diyos na nangahulugan ng matinding paghihirap at pag-uusig.

Ito ang diwa ng katagang “mapalad” na makailang ulit natin narinig sa ebanghelyo. Walang kinalaman ito sa nakatutuwang pangitain ng kabanalang walang kinalaman sa tunay na buhay ng taong may dugo at laman, sa mundong ibabaw.

Ang mga banal ay banal sapagka’t sila ay nagdusa … tulad ni Mother Teresa na nagdusa kasama ng mababaho at nanlilimahid … Ito ang kabanalang walang kinalaman sa mga mababangong rosas na bumalot sa kanilang katawang makatao …

Walang kapalaran at kasiyahan sa taong hindi nagdaan sa pagsuong sa kahirapan. Ang mga banal ay silang nanguna sa pagdulog ng bayan ng Diyos. Sila ang huwaran at tampulan ng lahat ng ating paghahanap at pagsisikap. Sa kanilang paghahanap sa mukha ng Diyos, sila ay nagdusa. Sa kanilang pagdulog, sila ay nahulog at nasuong sa lahat ng uri ng paghihirap at pag-uusig.

At ito ang dahilan kung bakit sa ngalan nilang lahat, ang bayan ng Diyos ay hindi lamang dumudulog sa Diyos. Kasama nila at sa ngalan nilang lahat, tayo ngayon bilang simbahan ay lumuluhog, tulad ng ginawa nila habang nabubuhay sa mundong ibabaw.

Lahat kayong mga banal sa kalangitan, ipanalangin ninyo kami!