frchito

TUNAY, TOTOO, AT MAKATOTOHANAN

In Uncategorized on Agosto 15, 2015 at 10:02

Detail_of_the_'Christ_Feeding_the_People'_mural_by_Fyffe_Christie

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-20 Linggo ng Taon B

Agosto 16, 2015

TUNAY, TOTOO, AT MAKATOTOHANAN

Tatlong ulit ko sinabi ang parehong bagay sa pamagat. Gaya-gaya lang ako, kasi ang tatlong pagbasa ay tumutumbok nang tatlong beses sa iisa rin katotohanan – ang KARUNUNGAN!

Isang paanyaya ang dulot ng unang pagbasa: “Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay, at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”

Isang paalaala naman ang hatid ni San Pablo: “Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang.”

At sa ebanghelyo naman, ay malinaw na ipinahihiwatig ni Kristong siya ang pagkaing binanggit sa Aklat ng Kawikaan: “Halikayo’t inyong kainin ang pagkain ko, at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.”

Sabi nga sa salitang ginamit kamakailan ni Lacierda at Joey Salgado, “trulalu” na ang dulot ng Panginoon ay di lamang pagkain, kundi tunay na karunungan.

Talagang kailangan natin ngayon ng karunungan. Litong lito tayong lahat. Hindi natin alam kung alin ang totoo at tunay … ang sinasabi ba ng mainstream media? Ang sinasabi ng mga survey? Ng SWS, o Pulse Asia? Ang sinasaad sa New York Times? Ang ipinangangalandakan ng ABS-CBN, GMA-7 at Interaskyon 5?

Madaling mahilot ang “totoo” at nabibili sa panahon natin ang “tama.”

Nais kong isipin na sa araw na ito, ang ganap at buong karunungan ang alay ng Diyos para sa atin. Hindi tayo tulad ng mga taong pinakain lamang ng Panginoon sa ilang at nagutom na muli. Hindi rin tayo katulad ng mga taong nagsipagsunuran sa Panginoon, hindi sapagka’t naghahanap sila ng dagdag pang pangaral kundi sapagka’t sila ay nabusog at gustong maka-libre muli ng McDo sa ilang.

Sa araw na ito, hindi lang sandwich o tapsilog ang bigay ng Panginoon. Ang tunay na kaloob Niya at ganap na karunungan: ang kapakanang pang kaluluwa at kapakanang pang katawan nating lahat.

Malinaw na hindi lang sandwich ang alay ng Panginoon. Malinaw na tunay at ganap na karunungang naghahatid sa tunay na buhay ang kanyang alay sa atin ngayon: “Ako ang pagkaing nagbibigay buhay na bumaba mula sa langit.”

Malinaw na buo at ganap ang kanyang pakay para sa atin – ang ganap at tunay na buhay na hindi kailanman magwawakas. “Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito.”

Hindi lang tsibog ang kanyang dulot. Hindi lang pangkatawang kapakanan ang kanyang pakay. Ang hanap niya ay kapakanang pangkaluluwa, o pang espiritwal, higit sa lahat.

Di ba’t ito ang paalaala ni San Pablo? “Huwag kayong mga hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.”

Wag lang tayo tumayo at tumunganga sa Misa. Huwag lang tayo maupo sa labas at mag-text habang nagsesermon ang pari. Huwag lang tayong masiyahan na sumilay o magpakita lamang sa Simbahan, para masabing gumawa tayo ng ating tungkulin sa Diyos.

Hanapin natin ang tunay … sige na – ang trulalu! Ang tapat, ang totoo at makatotohanan!

Tikman at tingnan ang kabutihan ng Panginoon! Taste and see the goodness of the Lord!

Tunay na wala na kayong ibang hahanapin pa! “Ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.”

PAGLISAN AT PAGTANGGAP

In Uncategorized on Agosto 8, 2015 at 09:45

O Jesu vita mea

bread-of-life-1

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-19 na Linggo Taon B

Agosto 9, 2015

PAGLISAN AT PAGTANGGAP

Para sa aming mga pari at relihiyoso, bihasa kami sa palipat-lipat ng misyon. Pabago-bago ang aming tungkulin, at palipat-lipat kami tuwina ng ginagalawan.

Hindi ibig sabihing kami ay hindi nahihirapang lumipat o magbago ng trabaho tuwina … lalo na’t nakasanayan mo na ang iyong ginagawa at ginagalawan.

Alam ni Pablo ito … siya na naglibot sa buong daigdig upang ipamahayag ang magandang balita ng kaligtasan. Pero alam rin niyang sapagka’t mahirap ito, narito rin ang luklukan ng mga suliraning may kinalaman sa paglisan, pag-iiwan, at ang iwanan ang dapat iwanan.

Minsan dumarating sa buhay namin na parang ayaw na namin… tao rin kaming napapagod, nanghihina at nanghihinawa. Minsan, sa dinami-dami ng ginagawa namin, parang ang lahat ay binabale-wala at hindi pinahahalagahan. Sa kabila ng marami naming mga sakripisyo, kalimitan ay pinagdududahan pa kami sa aming tunay na balakin o hangarin.

Kaya, gaya nga ng sabi ngayon ng mga bata, “relate much” ako kay Elias. Relate much ako kasi, ako man ay nanghihinawa rin kung minsan. Dumarating ang pagkakataong tinatanong ko ang sarili: “May katuturan pa ba ang lahat?”

Pero nais kong ipabatid sa lahat na relate much din ako sa nangyari kay Elias. Matapos pumunta sa ilang at nagnanais na magwakas na ang kanyang buhay, dumulog naman sa kanya ang mapagkalingang Diyos, na siyang nasa likod ng lahat ng gawang mabuti at gawang makabubuti sa iba …

Nagpadala siya ng anghel na nagdulot kay Elias ng pagkain. Relate much ako dito … Sapagka’t sa buhay ko, itong makalangit na pagkaing ito ang naging dahilan ng aking patuloy na paglilingkod, at patuloy ring pagpupunyagi at pagsisikap para sa kaharian ng Diyos.

Hindi kailang mahirap ang misyon namin. Lalo ngayon, na marami nang pasaway at akala ay alam nilang lahat. Anumang sabihin mo sa ngalan ng tama at wastong pagkilos at asal, ayon sa turong moral ng simbahan ay mayroong sumasalungat, sa ngalan ng personal na kalayaan, at free choice. Ang tama at mali ay ayon na, hindi sa sabi ng iba, kundi ayon sa sariling pagpapasya.

Pero malinaw ang turo ni Pablo sa atin: Lumisan sa dating gawi. Iwan ang mali, at iwanan ang mga hindi nakatutulong … “Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit at poot; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait, at mananakit ng damdamin ng kapwa.”

Pero ang buhay Kristiyano ay hindi panay paglisan, hindi panay pang-iiwan at pag-alis. Ang buhay ng manlalakbay at nababalot rin ng pagtanggap, ng pagkokomunyon sa Diyos na may-akda ng buhay at ganap na buhay …

Dito ngayon pumapasok ang kaloob niyang pagkain … Dito ako relate much … sa Eukaristiya, na pagkaing nagbibigay lakas upang hindi naming lisanin, iwan, at iwanan nang lubusan ang misyong naka-atang sa balikat namin.

Isa sa mga kantang hindi makatkat sa isipan ko ay tungkol sa Eukaristiya, patungkol kay Jesus na pagkain ng mga naglalakbay:

O Jesu, vita mea es tu, sine te est mors.

Tu viaticum es, sine te labor.

Tu laetitia es, sine te dolor.

Quies mea es tu, sine te pugna. O Jesu!

O Jesus, aming buhay, kung wala ka ay kamatayan.

Ikaw ang aming pampalakas, kung wala ka ay panay pagpapagal.

Ikaw ang aming galak, kung wala ka ay panimdim.

Ikaw ang aming pahinga, kung wala ka ay panay pakikitunggali.

O Jesus, tinapay ng buhay, palakasin Mo kami!

HANAP AY HIGIT PA!

In Uncategorized on Agosto 1, 2015 at 22:02

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

i_am_the_bread_of_life_by_caillteone-d3f0ych

Ika-18 Linggo ng Taon B

Agosto 2, 2015

HANAP AY HIGIT PA!

Mahirap paligayahin ang tao, kung minsan. Kasama ako diyan. Sala sa init; sala rin sa lamig. Laging kulang; laging kapos. Biniyayaan na’t lahat, ay tumatawad pa, himihirit pa. Ito ang kwento ng mga Israelitang pinalaya na nga sa pagka-alipin ay nakuha pang umangal nang makitang ang pagkain nila ay kapos sa lasa, kulang sa rekado, at paulit-ulit araw-araw. Mabuti pa raw noong sila ay alipin sa Egipto!

Bilib rin ako sa mga pinakain ni Jesus ng tinapay na sebada at isda. Gaya nga ng sinabi ko, humirit pa. Naghanap pa. At hindi sila naglakad bagkus sumakay sa mga bangka, nagtungo sa Capernaum at hinanap si Jesus.

Iba talaga ang nakatikim ng biyaya. Pero diniretso sila ni Jesus: “Hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog.”

Mali ba at masama ang mag-asam nang higit pa? Kasalanan ba ang maghanap pa ng dagdag at higit na matayog na pangarap?

Hindi naman. Pero bago natin bigyang liwanag ito, tunghayan muna natin ang sinasaad sa ikalawang pagbasa galing kay San Pablo. Iminumungkahi niya sa mga taga Efeso na iwanan na ang “dating pamumuhay,” “hubarin ang dating pagkatao, na napahamak dahil sa masasamang pita.”

Hindi masama ang maghanap pa at mag-asam nang higit pa. Sa katunayan, ito ang turong hatid ni Kristo ngayon sa mga taong ang hanap lamang ay libreng tsibog at libreng McDo.

Ito rin ang pamulat ni Moises sa mga umangal dahil sa pagkain nilang paulit-ulit at walang sapat na rekado sa ilang. OK lang ang mag-asam, basta’t alamin natin na ang hinahanap natin ay ang tamang adhikain.

Malinaw ang turo ni Moises: “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ng Panginoon.”

Lahat tayo ay naghahanap ng higit, ng mas matayog, ng mas mainam, at ng mas kaaya-aya. Sa likod ng lahat ng paghahanap na ito ay ang tunay na hantungan ng lahat ng ating hinahanap – ang Diyos at ang kanyang kaloob ng buhay na walang hanggan.

Kung nagkamali man ang mga nagsipagsunuran kay Jesus sa Capernaum, ay malamang na kahit iilan man lamang sa kanila ang natuto at nakabatid nang tama … na ang nasa likod ng lahat ng ating hanap ay walang iba kundi ang Diyos mismo na nagpunla ng uhaw at gutom sa kaibuturan ng puso natin.

At sa araw na ito, malinaw kung ano ang tugon ng Panginoon sa ating lahat na nagugutom at nauuhaw sa tunay na buhay, sa Diyos mismo.

Malinaw ang kanyang tugon. Sa kahilingang mabigyan tayo ng pagkaing dulot at hatid ng Panginoon, ito ang kanyang tugon: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.”

Ano pa ba ang hahanapin natin?

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 379 other followers