frchito

PAG-UNAWA O PANGHIHINAWA? TIGAS NG PUSO O NINGAS NG PANANAMPALATAYA?

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 2, 2007 at 19:56

Ika-27 Linggo ng Taon (K)
Oktubre 7, 2007

Mga Pagbasa: Hab 1:2-3; 2:2-4 / 2 Tim 1:6-8, 13-14 / Lucas 17:5-10

Dalawang tila magkasalungat na saloobin ang naghihilahan sa araw na ito, nagpapaligsahan sa ating atensyon … panghihinawa o pag-unawa, sa isang banda … katigasan ng puso o pagniningas ng pananampalataya, sa kabila.

Panghihinawa ang tila diwa at paksa ng panulat ni Habakuk. “Hanggang kailan, Panginoon? Panay ang aking panawagan, subali’t tila hindi mo ako pinakikinggan.” Panay karahasan at kaguluhan ang tila natutunghayan ni Habakuk.

Pag-unawa naman ang isinusulong ni San Pablo. Bukod rito, ipinagtatagubilin niya sa atin: “Papagningasin ang kaloob ng Diyos na tinanggap mo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.”

Tagubilin naman ng salmista na tila pinamimili tayo sa dalawang saloobin – ang katigasan ng puso o pag-unawa at pakikinig sa Salita ng Diyos. “Kung sa araw na ito ay nakikinig kayo sa tinig ng Diyos, ay huwag hayaang tumigas ang inyong mga puso.”

Ito ang katayuan ng bawa’t tao habang tumatahak sa landas ng buhay. Sa kadahilanang hati ang puso tuwina, at sapagka’t laging hinihila ng magkasalungat na puwersa – ang puwersa ng kabutihan at puwersa ng kasamaan, ang tao’y naguguluhan, nagsasalawahan, o nanghihinawa.

Ang karanasan ni Habakuk ay siya ring karanasan nating lahat. Alam ko … sapagka’t ito rin ang aking sariling karanasan. Sa harap ng napakaraming kaguluhan, karahasan, at katiwalian sa loob at labas ng pamahalaan, tila naghahari sa hindi kakaunting pagkakataon ang kawalan ng pag-asa, ang pagsasawa sa paggawa ng mabuti … sa madaling salita, ang panghihinawa.

Parang kung kailan lamang na milyon-milyong Pilipino ang nakibaka at nagsuong ng sariling kaligtasan sa harap ng kapangyarihan ng baril at karahasan. Pag-asa natin nuong 1986 na ang pagbabago sa lipunan ay tuloy-tuloy nang magaganap. Subali’t makalipas ng 21 taon, batid natin na ang mga kanser ng lipunan ay higit na lalong kumalat, at ang mga sugat sa ating bayan ay lalong nagnanaknak. Sapat nang pakinggan at tunghayan ang mga walang katapusang baliktaktakan at imbestigasyon sa Senado at sa loob at labas ng gobyerno.

Panghihinawa at kawalang pag-asa ang tila humihilang pababa sa ating puso. Para sa iba, paninigas ng puso at pagtitiim-bagang na lamang ang tanging magagawa.

Tila ito ang bumabalangkas ng masamang balitang patuloy na bumabagabag sa puso at kaisipan ng bayang Pilipino.

Subali’t naparirito tayo sa simbahan at nagtitipon tuwing Linggo upang bumalangkas ng isang naiibang katotohanan, at gumuhit ng lalung naiibang tadhana. Sa ating pagbalangkas ng isang bagong kaayusan, lubhang mahalaga na liwanagin natin ang saligan o batayan ng pagpapanibagong ito. Sa kabila ng mga masasamang balita, sa kabila ng mga kabulukan sa ating lipunan at sa pamahalaan, mayroon tayong kinakatigang muog at sandalan.

Ito ang malinaw na binabanggit ni Habakkuk. Isang pangitain o vision ang ipinagkaloob kay Habakkuk. Nang makita niya ang visiong ito, ay nagwika ang Panginoon: “Isulat nang malinaw ang pangitaing ito sa talaan, upang ito ay mabasa nang maliwanag. Sapagka’t may panahon pa ang pangitaing ito, at hindi ito mabibigo; kung mahuli man ay maghintay; tiyak na ito ay darating, hindi maglalaon.”

Mapusok ang tao … kay daling panawan ng pag-asa … kay daling magsawa sa paggawa ng mabuti. Sa pagkakataong ito, tulad ng panahong kinasasadlakan natin lahat, kung kailan tila puro karahasan, kadayaan, at katiwalian ang kalakaran sa lipunan, lubhang mahalagang kumatig tayo sa isang vision, sa isang pangitain, sa isang panagimpan. Ang pangitaing ito ay isinasakatawan at binibigyang-halimbawa ng kahilingan at panalangin ng mga apostol: “Panginoon, dagdagan mo ang aming pananampalataya.”

Ang panalanging ito ay panagimpan rin natin, adhikain at pagnanais man natin. Ito rin ang ating kahilingan sa mga araw na ito … dagdagan mo pa, Panginoon, ang aming pananalig.

Kung tutuusin, napakalaki na ng pananalig ng mga Pinoy. Saan man tayo naroroon, tayo ay kilala sa pagiging matiisin, mapunyagi, at mapagpaanyo para sa kinabukasan ng mga mahal sa buhay. Hindi alintana ng marami sa atin ang lahat ng pasakit, lahat ng suliranin at pagsubok … lahat man ng kahirapang tumataginting. Napagtitiisan natin ang mawalay sa pamilya ng matagal na panahon. Napagtitiisan natin ang hindi pag-uwi ng maraming taon, ang lahat ng pagmamalabis ng mga among banyaga … ang lahat ng pangungutya at pagaalipusta ng mga mapag-imbot na pinaglilingkuran sa ibang bansa. Matatag ang pananalig ng Pinoy at malalim ang pag-asa at paghihintay sa higit na magandang buhay. “Di maglalaon” … ito ang bukam-bibig natin tuwina … “pasasaan ba’t giginhawa rin tayo” … ito ang malimit mamutawi sa ating mga labi.

Subali’t tulad ng mga apostol, dagdag pang pananampalataya ang ating dasal. “Panginoon, dagdagan mo ang aming pananampalataya.”

Sa Linggong ito, tunay na ito nga ang matinding hiling natin mula sa Panginoon. Matindi ang paghamon sa atin lahat. Pinakamadali ang magpadala sa agos, sumuko sa problema, at sumama sa kalakaran ng lipunang pinamumugaran ng mga makasalanan at tiwaling mga taong-bayan at mga pinuno. Pinakamadali ang magsabing wala na tayong magagawa sa sitwasyong ito.  Hinihila tayo magkabila ng puwersa ng katigasan ng puso at panghihinawa. Nguni’t tumatambad sa ating harapan ang magandang balita ng kaligtasan – kaligtasang kaloob ng Diyos at kaligtasang bunga rin ng makataong pagpupunyagi. Sa panalanging ito ng mga apostol na inaangkin rin natin bilang panalangin, ang pangitaing kinakatigan natin ay pang-unawa at pagniningas ng pananampalataya, tulad ng tagubilin sa atin ni San Pablo: “Papagningasin ang kaloob ng Diyos na tinanggap ninyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay.”

Panginoon, dagdagan mo pa ang aming pananampalataya!

Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon sa mga Kristiyano
Paranaque City  – Oktubre 2, 2007  Ika-7:45 n.g.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: