Ikalawang Linggo ng Adviento – Taon A
Diciembre 9, 2007
Mga Pagbasa:
Unang Pagbasa (Isaias 11:1-10)
Sa araw na iyón:
Sa lahi ni Jesse ay lilitaw ang isang hari,
tulad ng supling mula sa isang tuod.
Mananahan sa kaniyá ang espiritu ng Panginoón,
bibigyan siyá ng katalinuhan at pagkaunawa,
ng kaalaman at kapangyarihan, ng karunungan at takot sa Panginoón. Kagalakan niya ang tumalima sa Panginoón.
Hindi siyá hahatol ayon sa nakikita, o batay sa narinig sa iba.
Bibigyan niya ng katarungan ang mga dukha,
ipagtatanggol ang karapatan ng mga kawawa.
Ang salita niya’y parang tungkod na ipapalo sa malulupit,
ang hatol niya’y kamatayan sa masasama.
Katarungan at katapatan ang paiiralin niya sa kaniyáng pamamahala. Maninirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero,
matutulog ang leopardo sa tabi ng batang kambing.
Magsasama ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanilá’y batang paslit.
Ang baka at ang oso’y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila’y magkakatabing matutulog.
Kakain ng damo ang leon na animo’y toro.
Maglalaro ang batang pasusuhin sa tabi ng lungga ng ahas.
Hindi maaano ang bata kahit laruin ang ulupong.
Walang mananakit o mamiminsala sa nasasaklaw ng banal na bundok; sapagkat kung paanong puno ng tubig ang karagatan,
laganap sa buong lupain ang pagkilala sa Panginoón.
Sa araw na iyón, isisilang ang hari mula sa lahi ni Jesse,
ang magiging palátandaan para sa mga bansa.
Ang mga baya’y tutungo sa banal na lunsod upang parangalan siyá,
at magiging maningning ang kaniyáng luklukan.
Tugón . . .
Mabubuhay S’yang marangal at sasagana kailanman!
Salmo Awit 72:1-2, 7-8, 12-13, 17
Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyós, siyá’y bahaginan;
upang siyá’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan,
at pati sa mahihirap, maging tapat siyáng tunay.
Yaong buhay na mat’wid sa kaniyáng kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kaniyáng kaharian ay paláwak nang paláwak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Kaniyá namáng ililigtas ang sinumang tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap;
sa ganitong mga tao siyá’y lubhang nahahabag;
sa kanilá tumutulong, upang silá ay maligtas.
Nawa yaong kaniyáng ngalan ay h’wag nang malimutan,
manatiling laging bantog na katulad nitóng araw;
nawa siyá ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyós,
siláng lahat dumalanging:
“Harinawa, pagpalain kamíng lahat, tulad niyáng pinagpala.”
Ika-2 Pagbasa (Taga-Roma 15:4-9)
Mga kapatid:
Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagkat lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito.
Loobin nawa ng Diyós na nagpapatatag at nagpapalakas ng loob,
na mamuhay kayóng may pagkakaisa kay Kristo Hesús.
Sa gayon, sama-sama kayóng magpuri sa Diyós
at Ama ng ating Panginoóng Hesukristo.
Kung paanong kayó’y malugod na tinanggap ni Kristo,
gayon din ang gawin ninyo sa isa’t isa
upang maparangalan ninyo ang Diyós.
Sinasabi ko sa inyó:
si Kristo’y naging lingkod ng mga Judio
upang ipakilala na tapat ang Diyós
at tinutupad ang mga pangako niya sa mga patriyarka,
at ang mga Hentil nama’y magpuri sa Diyós
dahil sa kaniyáng habag.
Ayon sa sinasabi ng Kasulatan,
“Kaya’t papupurihan kita sa harapan ng mga Hentil,
at aawitan ko ang iyóng pangalan.”
Ang Salita ng Diyós!
Magandáng Balità (Mateo 3:1-12)
Papuri sa iyó, Panginoón!
Noong panahong iyón, si Juan Bautista’y dumating sa ilang ng Judea
at nagsimulang mangaral.
Sinabi niya,
“Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyóng mga kasalanan,
sapagkat malapit nang maghari ang Diyós!”
Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin nitó,
“Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoón.
Tuwirin ninyo ang kaniyáng mga landas!’ ”
Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan,
at balat ang kaniyáng pamigkis.
Ang kaniyá namáng pagkai’y balang at pulot-pukyutan.
At pumunta sa kaniyá ang mga taga-Jerusalem, taga-Judea,
at mga naninirahan sa magkabilang panig ng Jordan.
Ipinahayag nila ang kaniláng mga kasalanan,
at silá’y bininyagan ni Juan sa Ilog Jordan.
Ngunit nang makita niyáng marami sa mga Pariseo
at mga Saduseo ang lumalapit upang pabinyag, sinabi niya sa kanilá,
“Kayong lahi ng mga ulupong!
Sino ang nagbabala sa inyó upang tumakas sa parusang darating?
Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyóng pamumuhay na kayó’y nagsisisi.
At huwag ninyong ipangahas na kayó’y anak ni Abraham.
Sinasabi ko sa inyó:
Ang Diyós ay makalilikha ng mga tunay na anak ni Abraham mula sa mga batong itó.
Ngayon pa’y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy;
ang bawat punongkahoy na hindi mabuti ang bunga
ay puputulin at ihahagis sa apoy.
Binibinyagan ko kayó sa tubig bilang tanda ng pagsisisi ninyo’t
pagtalikod sa inyóng mga kasalanan;
ngunit ang dumarating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyó
sa Espiritu Santo at sa apoy.
Siya’y makapangyarihan kaysa akin,
hindi akó karapat-dapat kahit tagadala ng kaniyáng panyapak.
Hawak niya ang kaniyáng kalaykay upang alisin ang dayami.
Titipunin niya sa kamalig ang trigo,
ngunit ang ipa’y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”
Pagninilay o Homiliya
TULAD NG SUPLING MULA SA ISANG TUOD!
Dumating na naman ang panahon ng pagdating. Sabi natin noong nakaraang Linggo na walang kahulugan ang pagdating kung walang naghihintay at naghahanda. Ang pagdating ay nagiging makahulugan kung ang puso ng sinumang naghihintay ay puno ng pag-aasam at diwa ng pagsalubong sa dumarating.
Kay bilis ng panahon. Kay tulin ng agos ng oras. Tanging dalawang Linggo na lamang ang nalalabi upang pag-ibayuhin natin ang paghihintay sa pagdatal ng pinakahihintay na Mananakop. Ang mga pagbasa ay larawan ng kung ano ang tayo ng mga naghihintay, ang tayo ng ating lipunan noong araw at ngayon. Tulad ng dati, tayo ay nababalot ng iba-ibang uri ng panunuyo at kawalan ng buhay. Ang lagay natin ngayon ay walang iniwan sa isang lupang tigang, isang tuod na walang suloy, walang buhay, walang kasariwaan. Subali’t malinaw ang hula ni Isaias: “Sa lahi ni Jesse ay lilitaw ang isang hari, tulad ng supling mula sa isang tuod” (Unang Pagbasa). Mula sa kalagayan ng kawalang-buhay ay uusbong ang isang suloy na puno o tigib ng pag-asa para sa lahat ng tao at sa lahat ng dako at panahon.
Hirap ngayon tayo manatili sa diwa ng pag-asa. Hirap tayo magtagal na nababalot ng balabal ng pag-asa at pag-aasam sa hinaharap. Bawa’t nagaganap dito man at saan man ay nagbabadya ng kawalang-katiyakan, ng matinding suliranin at walang patid na sigalot at di-pagkakaisa. Maging ang daigdig ng kalikasan ay kababasahan ng kawalang katiyakan. Hindi natin batid kung gaano kalakas at gaano katagal ang mga dumarating na mga bagyo at unos. Hindi man lamang natin alam kung saan banda ito kikilos, kung ito ay mananatili, o babalik na parang isang taong may nakalimutan sa kanyang pinanggalingan na. Hindi natin tukoy kung ang lahat ng kasapi ng lipunang matagal nang naghihinitay sa isang magandang kinabukasan ay magkakaisa sa iisang hangarin at pagsisikap makamit ang tinatawag na kapakanang pangkalahatan. Sala-salabat ang mga personal at pansariling hangarin ng mga politiko, ng mga kasapi ng naturingang “civil society.” Sanga-sanga ang dila ng mga taong dapat sana ay namumuno sa balana, at nagpapagal dapat para sa kapakanang pangkalahatang nabanggit.
Kung minsan, ang mga sine ni Fernando Poe ay sumasagi sa aking isipan. Ang pamagat ng isa sa mga ito ay “Pag Puno na ang Salop.” Kapag puno na ang salop, ito ay kinakalos, kinakahig, binabawasan, at pinapantay. May hangganan kung baga, ang lahat ng bagay. May limitasyon ang lahat sa mundong ibabaw. Subali’t alam natin na ang limitasyong ito ay hindi kawalan ng katarungan, bagkus pangako at pagsisiguro sa katarungan. Tinitiyak nito na bawa’t taong bumibili ng bigas ay pare-parehong tatanggap ng karampatang sukat, at wastong timbang.
Ang kalos ay tanda ng katarungan ng Diyos na nagmamahal at nagmamalasakit nang pantay-pantay sa lahat ng kanyang nilalang. Tila ito ang binabanggit rin ng unang pagbasa: “Ang salita niya’y parang tungkod na ipapalo sa malulupit, ang hatol niya’y kamatayan sa masasama. Katarungan at katapatan ang paiiralin niya sa kaniyáng pamamahala.”
Napapanahon para sa ating mga Pilipino na isipin ang kalos na ito ng makatarungang Diyos. Kay rami na at palasak na sa ating lipunan ang kawalan ng katarungang panlipunan. Ang mga tampalasan at matatakaw ay patuloy sa pagyaman. Ang mga madadaya at mga tuso ay patuloy na nananagana, habang ang higit na nakararami ay patuloy sa paghihikahos. Ang bunga ng lahat ng ito ay tila isang disyerto, isang ilang na tigang at walang buhay. Uhaw na uhaw at tuyot na tuyot ang buhay nating pangkalahatan at panlipunan. Ang lahat, mapasa gobyerno man o hindi, ay pinaghaharian ng kagustuhang masunod ang sariling balak, ang sariling tuntunin ng tama at wasto.
May katiwalian sa pamahalaan. May katiwalian sa pribadong sector … sa daigdig ng pangangalakal, sa mga paaralan, maging sa mga mundong iniikutan ng mga mahihirap at dukha. Walang umiiral na batas sa maraming lugar. Walang sumusunod sa batas trapiko, at ang mga namumuno sa ating mga ciudad ay hindi magka-isa, hindi magtulungan, bagkus, nagkakainggitan.
May pag-asa pa kaya si Juan de la Crus? May titingalain pa kaya tayong bundok kung saan magmumula ang kaligtasan?
Ito ang magandang balita na dapat natin pagtuunan ng pansin sa araw na ito. Hindi malayo sa kalos ang kalaykay na binabanggit sa ebanghelyo. Hindi malayo sa diwa ng katarungan ang tinutukoy ng Panginoon: “Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoón.
Tuwirin ninyo ang kaniyáng mga landas!”
Subali’t ang daang ito ay dalawa ang daloy – ang parito at ang paroon. Salubungan ang daang binabanggit ng Manliligtas. Ang buhay-Kristiyano ay parang sabayang-bigkas at sabayang-galaw. Ang Panginoon ay parating, at ang taong naghihintay ay pasalubong. Hindi tayo basta na lamang nakatingala at nakatangla sa kawalan. Salubungan ang tao at ang Diyos. Ang Diyos ang nagliligtas, ngunit ang tao ay nagpapaligtas, nakikipag-cooperar, at nakikipag-tulungan. Di ba’t kasabihan natin na “nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa?”
Malimit nating ikalungkot at ikamuhi ang pagdami at pananatili ng mga jueteng lords na tinatawag. Galit tayo sa kanila. Gusto natin sila mawala. Subali’t kakaunti sa atin ang nakababatid ng isang simpleng katotohanan – na walang jueteng lords kung walang tumatataya at tumatangkilik sa jueteng. Nasa Dios ang awa, ngunit nasa tao ang gawa.
Nakatutuwang isipin na ang ikalawa at kabibigay pa lamang na ensiklikal ng Santo Papa ay may kinalaman sa pag-asa – pinamagatang SPE SALVI, na ang kahulugan ay “iniligtas ng pag-asa.” Angkop na angkop sa ating usapin ang nilalaman ng turong ito ni Papa Benito XVI. Ito ang diwang bumabalot sa kabuuan ng panahon ng pagdating.
Ipinaaala-ala sa atin ni Papa Benito na ayon sa Kasulatan, ang pananampalataya at pag-asa ay magka-akibat, magkadaop-palad, at magkahugpong. Ang taong may pagsampalataya ay maalam tumaya sa katiyakang ang Diyos ay puno ng pangako. Ang taong nagtataya ng sarili sa katotohanang ang Diyos ay buhay, ay nagtataya rin ng paghihintay sa mga pangakong may tiyak na katuparan, kahit na palibot siya ng tuyot at tigang na katotohanan.
Tunay at totoo ang pangako ng Diyos. Nabasa ito sa buhay ni St. Josephine Bakhita, gaya ng binabanggit ng Papa. Sa kabila ng kapaitan at lubos na tagtuyot sa kanyang mahirap na buhay na puno ng lahat ng uri ng pasakit at pagdurusa, nakuha niyang itaya ang sarili, ialay ang buo niyang buhay sa kanyang “Paron” o “panginoon” na higit sa lahat ng kanyang pinanginoon sa mahabang karanasan niya bilang isang aliping walang halaga sa mata ng tao.
Oo, may pag-asa ang tao. May pag-asa ang mundo. May pag-asa tayong lahat. Ito ang mataginting na aral, hindi lamang ng mga pagbasa, kundi ng buong panahon ng pagdating. Buhay ang ating Diyos. Puno siya ng pangako. At lalung puno siya ng katuparan ng kanyang pangako.
Kahit puno na ang salop natin at dapat kalusin, nakukuha pa nating sumamba at magpugay, sapagka’t ang ating tinatayaan ay “tulad ng supling na mula sa isang tuod.”
Fr. Chito Dimaranan, SDB
Paranaque, Diciembre 5, 2007 (3:30 PM)