frchito

KANLUNGAN O KULUNGAN: ALIN BA ATIN DITO?

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Disyembre 14, 2007 at 14:05

Ika-3 Linggo ng Adviento (Taon A)
Diciembre 16, 2007

Unang Pagbasa (Isaias 35:1-6a, 10)

Ang ulilang lupaing malaon nang tigang ay muling sasaya,
mananariwa at mamumulaklak ang ilang.
Ang dating ilang ay aawit sa tuwa,
itó’y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Libano
at mamumunga nang sagana, tulad ng Carmelo at Saron.
Mamamasdan ng lahat ang kaningningan at kapangyarihan ng Panginoón.
Inyong palákasin ang mahinang kamay, at patatagin ang mga tuhod na lupaypay.
Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot, laksan mo ang iyóng loob
Darating na ang Panginoóng Diyós,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi.
Katulad ng usa, ang pilay ay lulundag.
Aawit sa galak ang mga pipi.
Ang mga tinubos ng Panginoón ay babalik sa Jerusalem,
masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian silá ng kaligayahan.
Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.

Salmong Tugunan:

Halina, Panginoóng D’yos upang kamí ay matubos!

Ang maaasahang lagi’y Panginoón, panig sa naaapi,
ang Diyós na hukom, may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Pinalaya niya ang mga nabihag.
Isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas, ang mga hinirang niya’y nililingap.

Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila’y doón tumatahan.
Tumutulong siyá sa balo’t ulila, masamang balangkas pinipigil niya.

Walâng hanggang Hari, ang Diyós na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyós mo, Sion!

Ikalawang Pagbasa (Santiago 5:7-10)

Kaya nga’t magtiyaga kayó, mga kapatid,
hanggang sa pagdating ng Panginoón.
Tingnan ninyo ang magsasaka.
Buong-tiyaga niyáng hinihintay
ang mahalagang bunga ng kaniyáng bukirin,
at ang pagpatak ng una at huling ulan.
Dapat din kayóng magtiyaga.
Tibayan ninyo ang inyóng loob,
sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoón.
Huwag kayóng maghinanakitan, mga kapatid,
upang hindi kayó hatulan ng Diyós,
sapagkat malapit nang dumating ang Hukom.
Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang
nagsalita sa ngalan ng Panginoón.
Buong tiyaga siláng nagtiis ng kahirapan.

Magandáng Balità     (Mateo 11:2-11)

Noong panahong iyón: Nabalitaan ni Juan Bautista, na noo’y nasa bilangguan, ang mga ginagawa ni Kristo. Kaya’t nagsugo si Juan ng kaniyáng mga alagad at ipinatanong sa kaniyá, “Kayo po ba ang ipinangakong paririto, o maghihintay pa kamí ng iba?”
Sumagot si Hesús, “Bumalik kayó kay Juan at sabihin sa kaniyá ang inyóng narinig at nakita: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
Pag-alis ng mga alagad ni Juan, nagsalita si Hesús sa mga tao tungkol kay Juan:
“Bakit kayó lumabas sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita?
Isa bang tambo na inuugoy ng hangin? Ano nga ang ibig ninyong makita?
Isang taong may maringal na kasuotan?
Ang mga nagdaramit ng maringal ay nasa palásyo ng mga hari!
Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta?
Oo. At sinasabi ko sa inyó, higit pa sa propeta.
Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng Kasulatan:
‘Narito ang sugo ko na aking ipinadadalang mauuna sa iyó;
ihahanda niya ang iyóng daraanan.’ Sinasabi ko sa inyó:
sa mga isinilang, walâ pang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista;
ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyós ay dakila kaysa kaniyá.”

Pagninilay o Homiliya

KANLUNGAN O KULUNGAN?

Ang mga pagbasa sa araw na ito ay puno at tigib ng kagalakan. Sa katunayan, ang pambungad na antipona ay siyang pinagmulan kung bakit ang Linggong ito ay tinaguriang Gaudete Sunday: “Magalak sa Panginoon tuwina. Muli kong sinasabi, magalak! Malapit na ang Panginoon” (Filipos 4:4-5).

Si Isaias sa kanyang pangitain, ay tigib rin ng kagalakan. Ang katuyuan sa ilang ay mapapalitan ng mayamang pagyabong at paglago ng halaman at iba-ibang uri ng bulaklak. At nangingibabaw sa lahat ng pangitaing ito ang kanyang matibay na pagtatagubilin: “Huwag mangamba, maging matatag. Narito na ang inyong Diyos, dumarating Siya nang may pagtatagumpay.”

Ito rin ang buod ng sinasabi ni Santiago Apostol sa kanyang liham: “Tibayan ninyo ang inyong loob, sapagka’t nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.”

Hindi natin maaaring mapagkamalian ang tinutumbok ng mga pagbasa at ng kabuuan ng liturhiya sa araw na ito. Parating na … malapit na … narito na … Ang lambong ng kawalang pag-asa ay mapapalitan ng bubong ng kapanatagan at kaganapan ng mga pangako ng Diyos.

Isang larawan ang namumuo sa ating damdamin at isipan … ang diwa ng kanlungan. Hindi mahirap para sa ating isalarawan ang kanlungan. Kapag may unos at ulan, ang hanap natin ay kanlungan. Kapag may suliranin at matinding pagsubok, ang asam natin ay isang masisilungan, isang muog na matatag na masasandalan, isang bubong kung saan tayo maaaring magkubli, magtago, at magpalipas ng pagdaaan ng unos.

Hindi mahirap isalarawan ang Diyos ayon sa una at ikalawang pagbasa na siyang gumagampan sa ating pinag-aasam sa muog, bubong, at kanlungan. Puno ng matulaing paglalarawan ng kalinga at pagmamalasakit ng Diyos ang dalawang pagbasa. Itong lahat ay nagbubunsod sa atin upang isapuso at unawaing lubos: “Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.”

Kanlungan? Tuwa at galak? Tapang at katatagan ng loob? Ito nga ba ay may lugar pa sa ating puso at damdamin sa ating panahon?

Sa kabila ng malinaw at mataginting na pangako ng Diyos, sa kabila ng hindi mapapagkamaliang pag-asa ni Isaias at ni Santiago sa katuparan ng mga pangakong nabanggit, kaisa tayo ng salmista na patuloy pa ring sumasamo at nananalangin: “Halina Panginoong Diyos, upang kami ay matubos!”

Halina Panginoon, upang kami ay matubos … Halina, sapagka’t sa kabila ng iyong pangako ay tila kami ay nasa lugar ni Juan Bautista … Halina, sapagka’t sa kabila ng iyong pananatili sa aming piling, ay nakararanas pa rin kami, hindi ng kanlungan, kundi kulungan! Kay rami sa amin O Panginoon, ang nasa kulungan ng kamangmangan. Kay rami sa amin ang nasa kulungan ng poot, kawalan ng pagpapatawad, pagsasarili, at pagkakakanya-kanya. Kay rami sa amin ang nakapiit sa kulungan ng kawalang pag-asa, sa kabila ng pangakong kanlungan ni Isaias at ni Santiago at ng Iyong Simbahan sa daigdig.

Kabalintunaan ang sitwasyong kinalalagyan naming mananampalataya. Umaasa kami sa kanlungang dulot mo, O Diyos. Ngunit umiinog ang buhay namin sa iba-ibang uri ng kulungang bumabalakid, sumisiil, at humaharang sa aming paglago, sa aming kagalakan, at sa aming pag-asa.

Nais kong imungkahi sa aking mga tagabasa at tagapakinig na ang buod, ang puno at ang dulo ng ating liturhiya ngayong araw na ito, ay walang iba kundi ang kakayahang pagsamahin, pag-isahin, at pagsabayin ang dalawang tila magkasalungat na katotohanan: kanlungan at kulungan.

Galak ang dulot ng kanlungan. Tuwa ang ibinubunsod ng kabatirang ang mga ilang at tuyot na lugar ay mapapalitan ng panibagong buhay at kasariwaan. Ito ang ating inaasam. Ito ang ating pag-asa at panagimpan. Ito rin ang pangakong nagkakadiwa na at nagkakabuhay … dito … ngayon … saan man.

Subali’t ito rin ang diwa at pangako ng isang nasa kulungan … Si Juan Bautista ay hindi isang masamang balitang binusalan ang bibig at pinosasan o tinalian at itinapon sa kulungan. Bagamat siya ay napiit ay hindi napiit ang kanyang pangaral. Hindi naposasan at natalian ang kanyang pangitain. Hindi kailanman nabusalan ang magandang balita, dahil lamang na siya ay nasa kulungan.

Opo… at ito ang buod ng pag-asa. Ito ang diwa ng matinding pag-asa at paghihintay. Ito ang tunay na kahulugan ng Adviento. Ito ang dahilan kung bakit, kaakibat ng pangako ay isang paghamon: Tibayan ang inyong loob at maging matatag. Nalalapit na ang pagdatal ng Panginoon.

Ang pag-asang Kristiano ay hindi isang hungkag na pagkapit at pagtanggap sa isang pangako. Ito ay ang pagpupunyagi na ang pangakong iyon ay maging isang katotohanan sa buhay natin.

Binigyang patotoo ni Juan Bautista ang pangakong ito. Binigyang diwa niya ang kanlungan na siyang asam ng bayan ng Diyos. At ang patotoong ito ay pinagbayaran niya nang malaki – ang pagdurusa sa kulungan.

Doon sa kulungan ay nangaral siya tungkol sa pinakaaasam na kanlungan. Doon sa kulungan ay ipinakita niya na ang pagtanggap at pananagana ng pangakong kanlungan ay isang bagay na pinaghahandaaan at pinagbabayaran ng katatagan ng loob, masidhing paghihintay, at malalim na pananampalataya sa kabila ng kapaitan sa piitan.

Kanlungan man o kulungan ang bumabalot sa ating buhay ngayon, hindi na ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang paghamon sa atin na dulot ng kagalakang batid ang kaganapan ng pangako ng Diyos. Ang kagalakang ito ang siyang dapat natin isabuhay, isa-isip at isa-puso: “Magalak tuwina. Muli kong sinasabi sa inyo, magalak. Nalalapit na ang Panginoon.”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: