KAPISTAHAN NG SANTO NINO
Enero 20, 2008
Mga Pagbasa: Isaias 9:1-6 / Efeso 1:3-6, 15-18 / Mt 18:1-5,10
SENYOR SANTO NINO: LIWANAG SA DILIM
Matindi ang pagtingin at pagpapahalaga ng Pinoy sa bata, sa isang paslit na sa biglang wari ay walang kamuang-muang. Ang puso ng bawa’t Pinoy ay nabibihag ng isang musmos na nagpapakitang gilas, nagpapamalas ng kanyang kakayahan, sa kabila ng kabataan.
Hindi malayo na ang ganitong pagpapahalaga ay nagmumula sa isang kabalintunaan. Ang bata ay inaasahang maging hinalig o nakasandal sa pader ng may angking kapangyarihan. Ang bata ay inaasahang umasa lamang at maghintay lamang ng biyaya mula sa mga nakatatanda. Hindi karaniwang pinagpipitaganan ang isang sanggol ng mga matatanda. Hindi karaniwang ang isang batang paslit ay tingalain ng mga taong may kanya-kanyang angking kakayahan at kapangyarihan. Nguni’t kung ang isang bata ay kakitaan ng gilas at kakayahan, kagalingan man, o kapangyarihan, ang Pinoy ay nanggagayupapa sa paghanga. Tingnan na lamang natin ang paghanga natin sa batang artista, sa mga batang mang-aawit, o mga batang matatalino.
Ang pamimintuho at paghanga, at pagluluklok sa sanggol na si Jesus sa dambana ng puso ng bawa’t Pinoy sa araw na ito, ay may kinalaman dito. Ganoon na lamang at sukat ang ating pitagan, ang ating paggalang sa Santo Nino. Subali’t hindi lamang dahil dito kung kaya ang buong Pilipinas ay abalang-abala sa araw na ito. Ito ay hindi lamang sa kadahilanang tayo ay mataas ang pitagan sa isang sanggol na itinanghal ng kasaysayan at tradisyong Cebuano bilang isang milagrosong imahen, na dapat parangalan. Hindi lamang ito sa kadahilanang ang Pinoy ay naghahanap ng isang paraan upang magdiwang, upang mag-piesta, at magsayawan sa mga lansangan.
Ito ang diwa ng mga pagbasang ating natunghayan sa araw na ito. Una, hindi para sa atin bilang tao ang maglukluk sa luwalhati sa anak ng Diyos. Ito ay nasa kamay ng Ama, nagmumula sa puso ng Diyos. At ang luwalhating ito ay kanya na sa mula’t mula pa – ang luwalhating pati na ang mga propeta sa Lumang Tipan ay nagwika, kasama si Isaias na humula: “Isang sanggol ang isinilang para sa atin … sa kanyang balikat ay nakasalalay ang kapangyarihan.” Ang luwalhati ng Diyos ay isang tugtuging hindi tayo ang gumawa. Sumasaliw lamang sa tugtuging ito ang ating mga tinig, sumasabay sa mga anghel at mga santo sa pagpuri – isang kakayahang natanggap natin noong tayo ay binyagan, ang pagkapari natin lahat bilang mga anak ng Diyos, bilang mga binyagan.
Subali’t bukod rito ay may isang katotohanang dapat natin bigyang diin. Ang simula ng sipi na binasa natin mula kay Isaias ay puno ng pangako, puno ng pag-asa: “Ang isang bayang nagupiling sa kadiliman ay nakatunghay ng liwanag na dakila …”
Nais kong isipin na ito ay isang mataginting at magandang balita para sa isang bayan na nababalot ng iba-ibang uri ng kadiliman. Nais kong isipin na ang pagtatanghal natin at pagdiriwang natin bilang parangal sa Santo Nino ay nagmumula sa isang pag-asang hindi kailanman magagapi ng anu mang balakid o suliranin.
Ito marahil ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang ating pagmamahal sa Santo Nino. Ang sanggol na dinadakila natin ay hindi isang walang kayang sanggol na puedeng sipa-sipain. Ang sanggol na ating dinadakila ay hindi isang manyika na maaaring itapon-tapon saan man. Ang sanggol na ito ay tampulay at sagisag ng lahat ng pag-asa ng bayang Pilipinong kung ating tutuusin ay dapat wala nang kakayahan at karapatang magdiwang, sa dami ng mga susun-susong mga problemang sumasagi sa ating lipunan.
Matinding umasa ang pinoy kapag ang pinag-uusapan ay mga bata. Ginagastusan ng katakot-takot ang mga bata, lalu na sa unang kaarawan, pati sa mga escuelang pinapasukan. Pinag gugulan ng malaking salapi ang mga bata sa maraming mga pagkakataon. Walang magulang ang hindi magsisikap maghanda kahit kaunti sa binyag ng kanilang anak.
Ganito katindi umasa ang pinoy. At ang pag-asang ito ay nakatuon, nakapako, o nakakapit sa isang sanggol. Ang sanggol, ang bata ang siyang tunay na sagisag ng pag-asa ng lipunan, tulad ng sinabi ni Jose Rizal.
Bongga ang fiesta santo nino! Bongga ang Pit Senyor sa Cebu at sa maraming lugar sa Pilipinas. Angkop lamang ito at tama.
Subali’t ang pagdiriwang ng pag-asa ay dapat lakipan ng pagpupunyagi at pagpapagal. At dito naman tayo dapat magising. Dito naman tayo dapat bumangon. Kung ang bayang nahirati sa dilim ay nakakita ng liwanag, ang liwanag na ito ay tulad ng isang ilawan na hindi dapat manatiling nakakubli sa isang pahapyaw na pagdiriwang, sa isang mababaw na pagtatanghal na parang isang showbiz affair, na narito ngayon at bukas ay maglalahong parang bula.
Ang sanggol na itinatanghal natin ay sanggol na lumago sa biyaya at kaalaman at karunungan. Ang sanggol ay lumaki at naging tao – tao at Diyos na nakipamayan sa atin. At ang pakikipamayang ito ay hindi lamang sa isang araw ng sayawan at tugtugan, kundi sa bawa’t araw hanggang sa kamatayan sa krus at muling pagkabuhay sa kaluwalhatian. Isinilang siya para sa atin. Lumago siya para sa atin. Namatay siya para sa atin. At muling bumangon para sa atin. Pit Senyor! Luwalhati sa Anak! Luwalhati sa kaitaasan!