frchito

Archive for Enero 26th, 2008|Daily archive page

SA KABILA NG LAHAT …(Ika-3 Linggo ng Taon A)

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Ika-3 Linggo ng Taon A, Pagninilay sa Ebanghelyo on Enero 26, 2008 at 20:47

Ika-3 Linggo ng Taon (A)
Enero 27, 2008

Mga Pagbasa: Is 8:23; 9:3 / 1 Cor 1:10-13 / Mt 4:12-23

Katatapos pa lamang natin ng panahon ng Kapaskuhan at noong isang linggo lamang natin binigyang-sara ang ating pagpupugay sa banal na sanggol sa kapistahan ng Santo Nino. Subali’t sa araw na ito, ay muli nating narinig mula sa labi ni Isaias ang isang pahatid na puno ng pag-asa, nguni’t puno rin ng katotohanang hindi maipagkakaila.

Nagwika si Isaias tungkol sa kadiliman at tungkol sa kaliwanagan. “Ang bayang naglalakad sa dilim ay nakatunghay ng liwanag; sa mga nabubuhay sa karimlan ay sumikat ang kaliwanagan.”

Dilim at liwanag … ang dalawang magkasalungat na katotohanan ay ipinagparis ni Isaias. Sa gitna ng karanasan natin ng kadiliman ay sumikat ang silahis ng pag-asa. Ito ang malinaw na hula ni Propeta Isaias na tigib ng pag-asa.

Dilim at liwanag … Ito rin ang magkaagapay na katotohanang binabanggit ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Corinto. Hindi kaila sa atin na ang mga Corinto ay mga pasaway, mga palaaway, at mahilig makipagtungayaw. Maraming hirap ang natamo ni Pablo sa pamayanang ito na mistulang laging nagbabangay, laging nagkakawatak-watak, at laging walang pagkakaisa. Ito ang kadilimang bumalot sa mga Corinto – ang pagiging hiwa-hiwalay sa iba-ibang panig, sa iba-ibang grupo: “Ako ay kay Pablo; ako ay kay Apolo; Ako ay kay Cefas; Ako ay kay Kristo.”

Dilim at liwanag … ito rin ang karanasan natin bilang Pilipino. Hindi tayo kailanman tunay na nagkaisa. Sa liit ng ating bayan, nakukuha pa natin magkawatak-watak at magkampi-kampi, at mag-away-away sa isa’t isa. Sa liit ng ating bayan, ay nagpapangkat-pangkat pa rin tayo at nagkakahati-hati sa buhay politika. Tayo lamang yata ang pinamumugaran ng partido political na puedeng mabago bukas at makalawa. Tayong lamang yata ang mayroong sistema na kapag nagtampo ang isang kandidato ay biglang liliban sa katunggaling partido at kinabukasan ay parang bulang naglaho ang kanyang ipinaglalaban.

Nguni’t sa gitna ng kadilimang ito ay nakuha natin ngayon ang ideklara ang mensahe ng kaliwanagan: “Ang Panginoon ay aking liwanag at kaligtasan.”

Dilim at liwanag … ito ang dahilan kung bakit tayo nagtipon-tipon sa araw na ito. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay nagsisimba tuwing Linggo. Sapagka’t sa kabila ng dilim na bumabalot sa ating lipunan, ay mayroong liwanag na nagsisikap maghari at bumalot sa ating buhay at pagkatao.

Ito ang liwanag ng kaligtasang dulot ni Kristo. Ito ang liwanag na ating ipinagmakaingay sa buong bansa noong isang Linggo, pista ng Santo Nino.

Ang nobela ni Charles Dickens na ang pamagat ay “A Tale of Two Cities” ay nagsimula sa isang paglalarawan ng katotohanan ng pinagsamang dilim at liwanag na bumabalot sa ating lipunan. “These are the worst of times. These are the best of times.” Ito ang binanggit ng ikalawang konsilyo plenaryo ng Pilipinas noong 1991. “We live in the worst of times. We live in the best of times.”

Dilim at liwanag … ito ang katotohanang kinapapalooban nating lahat. Dilim … tayo ang ikalawang pinaka ‘corrupt’ na lipunan sa Asia. Dilim … ang ating kultura ay talagang mistulang “pasaway.” Liwanag … tayo ang tanging kristianong bayan sa malayong silangan. Liwanag … tayo ay bayang mapagmahal kay Maria at sa Diyos. Tingnan na lamang natin ang dami ng mga deboto sa Nazareno … sa Santo Nino … sa Ina ng Laging Saklolo, at maraming pang ibang debosyon.

Nabubuhay tayo sa pinakamasahol na panahon. Nabubuhay tayo sa pinakamagandang panahon.

Sa ebanghelyo tinutumbok ang paraan kung paano ang dilim ay maging liwanag. Walang paligoy-ligoy ang ebanghelyo: “magsisi, sapagka’t nalalapit na ang paghahari ng Diyos.”

Oo … puno tayo ng kadiliman … balot tayo ng lahat ng uri ng katiwalian. Ang panahon natin ay tila nalupig ng pwersa ng kasalanan. Subali’t ang liwanag na pangako ni Isaias ay nagkatotoo sa pamamagitan ng pagsunod ng mga hinirang at tinawag ng Panginoon – si Simon Pedro at si Andres … si Santiago at si Juan.

Sa kabila ng kanilang pagiging abala, tumalima sila … sumunod. At sila ay naghatid liwanag at nagpatotoo sa hula ni Isaias: “ang bayang naglalakad sa dilim ay nakatunghay ng liwanag.” Sa kabila ng lahat … ito ang daan tungo sa liwanag … ito ang pamamaraan upang ang dilim ay magapi ng liwanag … sa kabila ng lahat.

Tulad ng sinabi ko noong mga nakaraang Linggo sa aking pagninilay sa Ingles ( sa Pan de la Semana blog), kinopya ko ang sinabi ng isang dokumento ng mga Hospitaller Sisters of the Sacred Heart: “Somos llamados a celebrar en tierra de sombras.” Tinatawag tayo ng Panginoon upang magdiwang sa isang daigdig na tigib ng kadiliman … celebrar a pesar de todas las sombras … sa kabila ng lahat!

Advertisement