Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay-Taon A
Abril 27, 2008
Mga Pagbasa: Gawa 8:5-8.14-17 / 1Pedro 3:15-18 / Juan 14:15-21
N.B. Humihingi ako ng paumanhin kung hindi ako nakapagpadala ng pagninilay sa mga nakaraang Linggo. Naging abala ako sa mga sunud-sunod na retreats sa iba-ibang grupo at kongregasyon. Sana’y magampanan ko ito nang tuluyan hanggang makakaya ko. Maraming salamat sa inyong pagtangkilik!
Lakas at kapangyarihan mula sa itaas ang malinaw na lumulutang sa ating mga pagbasa sa araw na ito. Sa unang pagbasa, natunghayan natin si Felipe na tumulak patungong Samaria upang ipahayag ang Mesiyas. Doon, maraming himala ang naganap, matapos ang kanyang pahayag. Higit sa lahat, tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, ayon sa aklat ng mga Gawa. Lakas at kapangyarihan din na kalakip ng pag-asa ang tagubilin ni Pedro: “Maging handang magpaliwanag sa dahilan ng iyong pag-asa.” At siya mismo ay naging handa upang ipaliwanag ito: “Ito ang dahilan,” aniya, “kung bakit si Kristo ay namatay para sa mga kasalanan … upang maihatid kayo sa Diyos.”
Sa ebanghelyo, narinig naman natin ang kaloob na siyang simulain ng tunay na kalakasan mula sa Diyos – ang kaloob ng Espiritu: “Hihingin ko sa Ama, at magpapadala Siya ng isa pang Parakleto – upang makapiling ninyo sa tuwina – ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng daigdig.”
Sa paglawig ng panahon at paglapit ng paggunita sa pag-akyat ng Panginoon sa langit, at pagbaba ng Espiritu Santo, naririnig natin kung paano unti-unting ikinikintal ng liturhiya ang diwa ng mabibigyang taguri natin sa tatlong salitang ito: KALOOB, KASAMA, KAISA.
Batid natin bilang Katoliko na ang ating pananampalataya ay isang makasaysayang pananampalataya. Ang ibig sabihin nito ay simple lang … ang Diyos ay nagpakilala sa atin sa pamamagitan ng kasaysayan. Ginamit Niya ang kasaysayan upang unti-unti at dahan-dahan Niyang ipakilala ang kanyang sarili sa tao. Samakatuwid, ang kanyang pagpapahayag ay napapaloob at nakalakip sa kasaysayan ng bayang Israel, na pinili Niya sa mula’t mula pa, at kung saan nagmula ang mga patriarca, mga hari, mga hukom, mga propeta, na ginamit Niya sa takbo ng panahon upang magwika para sa Kaniya.
Ang huling naganap ay ang pagdatal ni Kristong Mananakop. Nakilala siya sa kasaysayan bilang isang guro, taga-gawa ng mga himala, at sa mga huling araw ay nag-alay ng kanyang buhay, namatay sa krus, at muling nabuhay.
Ito ang mga ginunita natin sa mga nakaraang mga Linggo – sa panahon ng Pagkabuhay na muli.
Subali’t sa araw na ito, patuloy nating tinutunghayan ang kasaysayan ng kaligtasan ng tao. Sa araw na ito, ay ginugunita natin ang unti-unti niyang pagpapabatid sa atin ng isa pang mahalagang katotohanan tungkol sa kaniyang pagka-Diyos. At ito ay ang katotohanang ang Diyos ay SANTATLO, TRINIDAD … ang Diyos ay iisa ngunit may tatlong Persona. Ipinakilala Niya na ang Diyos ay isang Banal na Santatlo.
Sa Kanyang muling pagkabuhay ay nakilala ang kaniyang pagiging Diyos, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ay Diyos rin tulad ng kanyang Ama, na binabanggit niya sa ebanghelyo sa araw na ito. Nguni’t hindi lamang ito, unti-unti rin niyang ikinikintal sa atin, na ang Ama at ang Anak ay binubuo sa kanilang pagka-Diyos ng isa pang Persona, na tinagurian niyang Parakleto – ang Espiritu Santo, ang ikatlong Persona sa Banal na Santatlo.
Subali’t ang mga pagbasa ngayon ay hindi isang simple at tahasang leksiyon lamang ng katesismo tungkol sa Banal na Santatlo, bagkus ang mga pagbasa ay isang pagpapakilala o isang pahimakas tungkol sa Banal na Espiritu at ang kanyang papel na ginagampanan sa ating buhay bilang mananampalataya.
Tatlong kataga ang aking mungkahi upang maunwaan natin ang kanyang papel na ginagampanan sa atin ngayon, noon pa man, at magpakailanman: KALOOB, KASAMA, KAISA.
KALOOB … Tulad nang ang Anak ng Diyos ay kaloob ng Ama, ang Banal na Espiritu Santo ay kaloob ng Ama at ng Anak. Ito ay pagkilala ng Diyos sa atin bilang kanyang bayang pinili. Ito ay pagkilala rin ng Diyos sa atin bilang mga ampong anak ng Diyos, na inangkin ng Ama sa sandali ng ating Binyag. Kinilala Niya tayo bilang kasapi ng Kanyang pamilyang maka-Diyos.
KASAMA … Ang pangako ni Kristong muling nabuhay ay mataginting pa sa ating mga tainga: “Hindi ko kayo iiwanang nag-iisa … isusugo ko sa inyo ang Parakleto.” Ang buhay bilang Kristiyano ay buhay na parang mahabang lakbaying tinatahak natin … isang lakbaying punong puno ng kadiliman kung minsan, punong puno ng pangamba, at hilahil. Ang Banal na Espiritu ay tinaguriang Parakleto, isang puede nating pagsakdalan, isang tagapayo, isang kasama sa daang tinatahak.
KAISA … Ang Banal na Espiritu ay tanda ng ating pakikisalamuha, tanda at katotohanan ng pagka-hugpong (grafted) natin kay Kristo Jesus, pangako at patunay ng ating pakikibahagi sa buhay ng Diyos na naganap noong tayo ay binyagan. Ang Espiritu ay hindi lamang sakdalan. Siya ay ating sandalan, isang muog na matibay na puede nating katigan, sa masalimuot na landas ng buhay.
Ang liturhiya natin sa araw na ito, tulad ng binanggit ko sa simula ay isang salaysay ng kalakasan mula sa itaas. Ito ay ay salaysay ng pag-asa. Ang mundo natin ngayon ay nababalot ng pangamba … higit sa lahat ng kawalang katiyakan sa pagkain. Pamahal nang pamahal ang pagkain, ang bigas, at lahat na. Binabalot tayo ng takot at kawalang katiyakan.
Sa araw na ito, pinapawi ng Diyos ang pangambang ito sa puso natin. Sa halip na takot ay isang katiyakan ang kanyang dulot sa atin – ang pangako ng pagdatal sa buhay natin ng isang KALOOB, KASAMA, AT KAISA.
DIYOS AMA, PURIHIN KA! DIYOS ANAK, LUWALHATIIN KA! DIYOS ESPIRITU SANTO, KALOOB, KASAMA, AT KAISA NAMIN, PAGPUGAYAN KA!