frchito

PANGAKO, PANANATILI, PAG-ASA

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Sunday Homily, Sunday Reflections on Abril 24, 2008 at 13:43

Pag-akyat ng Panginoon sa Langit (Taon A)
Mayo 4, 2008

Mga Pagbasa: Gawa 1:1-11 / Efeso 1:17-23 / Mateo 28:16-20

N.B. Ipinagpapauna ko na ang pagninilay na ito sapagka’t paalis ako sa Mayo 1, 2008 at babalik sa Junio 8, 2008. Pipilitin kong magampanan ang pagninilay na ito kahit mula sa US, Greece, Turkey, at Israel sa loob ng panahong ito. Salamat muli sa lahat!

Ang pag-akyat ng Panginoon sa langit ay malimit nating isiping isang paglisan. Kung may paglisan ay may pamamaalam. Subali’t ang mga pagbasa sa araw na ito ay malayo sa diwa ng paglisan. Umiikot ang pagdiriwang natin ngayon sa tatlong kataga: pangako, pananatili, at pag-asa.

PANGAKO … Ang unang pagbasa ay nakatuon sa isang pangako: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba ng Espiritu Santo.” Subali’t kalakip ng pangakong ito ang isang paghamon: “Kayo’y magiging saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at sa lahat ng dako ng daigdig.”

PANANATILI … Ang pangakong binitiwan Niya sa unang pagbasa ay higit niyang binigyang liwanag sa ebanghelyo: “At alamin ninyong ako’y kasama ninyo tuwina hanggang sa wakas ng panahon.”

PAG-ASA … Si Pablo na isa sa mga saksi sa mga naganap sa buhay, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Kristo ay siyang nagbibigay-buod sa diwa ng ating pagdiriwang sa araw na ito: “Liwanagin nawa niya ang inyong panloob na paningin, upang mabatid ninyo ang dakilang pag-asa na siyang panawagan niya sa inyo.”

Ang pagtitipon natin tuwing Linggo ay maraming dahilan. Bukod sa pakay nating magbigay-puri sa Diyos, kagustuhan din natin na mabigyang-kahulugan ang ating buhay, ang ating pinagdadaanang karanasan … sa madaling salita, ang ating kasaysayan. Ang kasaysayan ng kaligtasan at ang kasaysayan ng tao sa mga araw na ito ay magka-ugnay, at may koneksyon sa isa’t isa. Una sa lahat, ang Diyos ay patuloy na nagpapakilala sa atin sa pamamagitan ng ating kasaysayan.

Ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay isang makasaysayang pangyayari. Kalakip ito at kaugnay ng higit na malawak na hiwaga ng Paskuwa, ang pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesucristo. Nguni’t ito ay hindi isang pangyayaring naganap na lamang at sukat at wala nang kinalaman sa ating pangkasalukuyan at hinaharap. Ito ay kasaysayan rin natin. Ito ay may kaugnayan sa ating ngayon at bukas.

Nabubuhay pa rin tayo ngayon at nakapag-aaguanta sa pang-araw-araw na pagsubok dahil sa parehong pangako ng Diyos. Ang ating Diyos ay isang Diyos ng pangako, at Diyos ng katuparan. Tinupad Niya ang pangakong pagbaba ng Espiritu Santo. Tinutupad pa rin niya ngayon ang patuloy na pangako ng Espiritung nagtataguyod ng buhay, ng pagpapanibago, ng pagbabagong-anyo sa lipunan. Nasa likod siya ng lahat ng magagandang panukala na nagkakadiwa at naisasabuhay saanman sa daigdig. Halimbawa rito ang patuloy na kabatirang ang mga angking yaman ng daigdig ay dapat pakaingatan, at alagaan, at hindi aksayahin. Buhay pa rin ang pangako ng Diyos sa tao, at buhay pa rin ang katuparan ng mga pangakong ito.

Ikalawa, ang pananatiling ipinangako ni Jesus ay bagay na dapat nating pagyamanin, limiin, at isabuhay sa ating panahon. Marami tayong pangarap sa ating buhay sa daigdig na ito. Nariyan ang pagnanasa nating matulungan ang mga salat, ang mga walang kaya, ang mga api sa mundo. Hindi natin maitataguyod ang lahat ng dakilang hangaring ito kung wala ang Diyos, kung tayo ay nag-iisa. Ang mga dakilang hangaring ito ay nagpapatuloy, hind sapagka’t tayo ay masugid, masipag, at mapagtiis lamang. Kailangan natin ng lakas mula sa itaas. Hindi biro ang magpagal sa isang bagay na parang walang katapusan, parang naglalagay tayo ng tubig sa buslong walang ilalim, isang lukbutang walang puwit, kung baga. Hindi biro ang magpakahirap para sa mga taong hindi man lamang marunong tumanaw ng utang na loob, tulad ng mga special children, mga may kapansanan sa pag-iisip, na hindi nakakaramdam ng diwa ng pasasalamat. Sa aking karanasan bilang guro, napakahirap at lalong pahirap nang pahirap ang magturo lalu na’t ang kakayanahang matuto ng mga bata ngayon ay napakahina kung itutulad noong araw.

Nanghihinawa rin ang pinakamasugid na apostol. Nagsasawa rin ang pinakamasipag na disipulo. Subali’t sa kabila nito, ang misyon ng Simbahan ay nagpapatuloy. Bakit? Ito ay walang iba sapagka’t ang Diyos ay kapiling natin tuwina, tulad ng kanyang pangako.

Ano ngayon ang kahulugan ng lahat ng ito para sa atin? Malinaw ang saad ng mga pagbasa. Ang lahat ng ito ay dapat mauwi sa pag-asa. Ito ang binigyang diin ni Papa Benito XVI sa kanyang ensiklikal, Spe Salvi. Pag-asa ang higit na kinakailangan natin sa ating panahon ngayon. Napapalibutan tayo ng kawalan ng pag-asa sa lahat ng larangan ng buhay. Marami ang nabubuhay sa kawalang-pag-asa, na para bagang wala nang hinihintay na katugunan sa mga suliranin.

Subali’t ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay isang katugunang malinaw sa kawalang-pag-asang ito. Si Kristo ay hindi lamang buhay. Siya ay kapiling natin. Siya ay pangako at katuparan ng pangako. At ang kanyang pag-akyat ay hindi paglisan, bagkus pananatili. “At tandaan ninyo, ako’y kasama ninyo tuwina, hanggang sa wakas ng panahon.”

DVMI House of Prayer
Tagaytay City, Cavite, Philippines
April 24, 2008

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: