Ika-10 Linggo ng Karaniwang Panahon
Junio 8, 2008
Mga Pagbasa: Osias 6:3-6 / Roma 4:18-25 / Mateo 9:9-13
Pag-asa muli ang paksa ng ating mga pagbasa sa araw na ito. Kung ating titingnan ang mga sinasaad ng tatlong pagbasa, hindi natin mapagkakamalian ang paksang tinutumbok – pag-asa na puedeng ihalintulad sa isang bukal na hindi nauubusan ng tubig.
Alam kong lubha nating kailangan ngayon ang pag-asa. Ito ang dahilan marahil kung bakit ito ang paksang pinili ng Papa Benedicto XVI sa kanyang ikalawang ensiklikal noong isang taon. Malamang na sasang-ayon kayo sa akin kung sasabihin kong tunay na humuhulagpos ang pag-asa sa maraming lugar sa mundo. Ang mga naganap na trahedya sa Myanmar, sa China, at sa iba pang lugar ay hindi madaling tanggapin, lalu na para sa mga naulila at nasalanta ng mga trahedyang ito. Nguni’t ang mga trahedyang natural, ang mga suliraning dulot ng kalikasan ay higit madaling unawain kaysa sa ibang trahedyang dulot ng kasakiman, katakawan, at pagkamakasarili ng tao.
Ang trahedyang galing sa hiwaga ng kalikasan ay bagay na hindi maglalaon ay maaaring matanggap, mahirap man. Subali’t ang trahedyang dulot ng kasakiman ng tao ay bagay na siyang pinagtutunan ng ating liturhiya ngayon.
Ito ang kahulugan ng kaligtasan. Ito ang dulot ng ating Mananakop. At ito ang magandang balita na siyang dapat nating pagnilayan ngayon.
Ang unang pagbasa ay galing kay Osias. Si Osias ay hindi isang taong nahilata sa kagalakan at kawang suliranin. Si Osias ay isang taong nagdusa tulad ng lahat ng propeta. Tanong niya sa mga kapanalig niya: “Ano pa ba ang dapat kong gawin sa inyo O Efrain at Juda? Ang inyong pananampalataya ay mistulang hamog na narito ngayon at mamaya’y wala na, natutuyo sa pagsikat ng araw!” Mga kataga ng pag-asa ang dulot niya sa kanila. Binigyang kahulugan niya ang mga suliraning bumabalot sa kanila, bilang pagpapaalala ng Diyos sa kanila.
Sa ikalawang pagbasa, ang paksa ni Pablo ay walang iba kundi ang kanilang ama sa pananampalataya – si Abraham na nanatiling tapat sa kabila ng lahat. Isa siyang larawan ng katapatan sa gitna ng lahat ng pagsubok. Nanatili siyang matatag na nakakapit sa Diyos at sa kanyang pangako – bagay na nagpabanal sa kanya, at nagtulak sa kanya upang maging huwaran natin ng katatagan.
Sa ating panahon, maraming umuukilkil sa ating pag-asa at pananatiling matatag. Higit pa sa mga pariseo na hindi nakakita sa ginawang mabuti ni Jesus, bagkus pinulaan ang kaniyang mabuting gawa, napapalibutan tayo ng mga taong walang Diyos, walang tiwala sa Kaniya, at walang paniniwala na Siya ay may kinalaman sa ating buhay maging ngayon. Maraming bumabatikos sa papel na dapat gampanan ng pananampalataya sa buhay. Ito ang tinatawag ng ilang manunulat na parang eklipse ng Diyos sa daigdig natin ngayon. Natatabunan ang kanyang larawan ng iba-ibang uri ng kamunduhan at pagkamakasarili.
Ito ay mas masahol pa sa mga trahedya ng kalikasan. Higit itong makapipinsala sapagka’t ang mga ito ay napagpaplanuhan, napag-iisipan, at madaling naisasakatuparan.
Ang mga trahedyang gawa ng tao ang higit na nakapipinsala sa ating pag-asa. Ang kahayupan ng tao sa kanyang kapwa tao ang higit na nagiging sanhi ng kawalang pag-asa. Halimbawa na lamang ay ang katakawan ng marami na nagsasamantala sa kahirapan at kamangmangan ng iba. Halimbawa rito ang mga tampalasang politico sa ating lipunan, na masahol pa sa mga buwaya at buwitreng sumisipsip at lumalaplap sa laman ng tao.
Dito ngayon papasok ang pinapaksa ng ebanghelyo. Ang balita nito ay kaligtasan – kaligtasan para sa mga maysakit. Ang nangangailangan nito ay ang may kapansanan, hindi ang mga walang karamdaman. At si Jesus ay naparito upang sagipin ang mga may kapansanan.
Ito ang balita ng kaligtasan. Ito ang pag-asang pinanghahawakan natin. Ngunit ito rin ang pag-asang naghihintay sa ating lahat upang gampanan at gawing makatotohanan. Ito ang pag-asang hindi nauuwi lamang sa paghihintay kundi sa paggawa.
Ito ang pag-asang dapat nating patunayan sa ating sarili at sa isa’t isa. Ito ang mabuting balitang naghihintay sa bawa’t isa sa atin upang gampanan at isabuhay.
May pag-asa pa kaya tayo sa ating bayan? May pag-asa pa kaya ang daigdig? Ang mga trahedyang galing sa kalikasan ay may bagong umaga. Ang kasaysayan ng mundo ay nababalot ng patuloy na pagbabago at paglago at patuloy na pagtataguyod sa buhay. Nguni’t ang trahedyang gawa ng tao ang dapat nating bigyang-pansin. Ito ang mabuting balitang dapat natin pagtuunan ng pansin at pag-ukulan ng panahon. At bawa’t isa sa atin ay may angking kapangyarihan at kakayahan upang papagbaguhin ang takbo ng buhay sa mundong ito. Ang pag-asa ay nabubuhay at namumuo sa puso ng bawat tao, bawa’t nilalang sa daigdig ng mga buhay.
Kung ito ang ating pag-asa, tunay na totoo ang binabanggit natin sa ating salmong sagutan: “Sa mga matuwid ay ipakikita ko ang pagliligtas ng Diyos.”
N.B. Humihingi ako ng paumanhin kung hindi ko nagampanan ang pagninilay na ito sa nakaraang mga Linggo. Nasa pilgrimahe ako sa Grecia, Turkia, at Israel. Maari ninyong tunghayan ang ilan sa aking karanasan doon sa Per Agrum ad Sacrum blogsite.