frchito

BINHING NAMUMUNGA, HINDI LAMANG BUNGA

In Homily in Tagalog, Ika-15 Linggo ng Taon(A), Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Hulyo 9, 2008 at 21:32

Ika-15 Linggo ng Taon (A)
Julio 13, 2008

Mga Pagbasa: Is 55:10-11 / Rom 8:18-23 / Mt 13:1-13

Marami sa mga tao ngayon, bata man o matanda, ay hindi na nakakakita ng binhi, o ng butong pananim. Halos lahat ng nakikita natin sa mga palengke, sa mga malls, supermart, o hypermart ay mga bunga, mga dahon, prutas, o maliliit na halamang umusbong na at wala nang ibang dapat gawin kundi ilipat o itirik sa hardin, o halamanan, o di kaya’y kainin na lamang. Kay raming mga bata ngayon ang hindi man lamang matukoy kung ano ang hechura ng punong santol, at ang kaibahan nito sa punong mangga.

Sanay tayong mamitas, nguni’t hindi ang magtanim. Sanay tayong mag-ani subali’t wala tayong kinalaman sa pagpupunla. Bihasa tayong kumain ng bunga ng mga nagpunla at nagtanim, nguni’t ang pagpupunla, pag-aalaga, at pagpapayabong ng isang punla ay malayo na sa ating karanasan.

Madaling mamili kung bunga lamang o dahon o talbos lamang ang ating hanap. Ang lechugas na nabibili natin kahit saan ay nakalagay na sa mga plastic. Wala na tayong gagawin pang iba maliban sa hugasan o gayatin ang gulay, o balatan ang prutas, at kainin na lamang.

Nguni’t ang kaloob ng Panginoon sa atin ngayon ay hindi lamang talbos, hindi lamang bunga, o dahong wala nang dapat gawin pang iba.

Sa talinghaga ng Panginoon, hindi talbos ang kanyang binibigyang-diin kundi binhi – binhi na ipinunla sa iba ibang uri ng lupa. At batay sa kung saan naipunla ang binhi, ang mga ito ay yumabong, nagbunga ng marami, o dili kaya’y natuyot, nanlupaypay, at tuluyang namatay. Ang binhing naipunla sa wastong lupa ay yumabong, lumago, at nagbunga.

Sa ating panahon, lubhang kailangang maikonekta natin ang talinghagang ito sa ating buhay. Bagama’t tulad ng nasabi ko sa itaas, talbos, dahon at bunga na lamang ang ating nakikita at pinahahalagahan ngayon, malinaw ang pangaral sa atin ng Panginoon. Dalawang bagay ang mistulang binibigyang-diin. Una, binhi, hindi bunga ang mahalaga. Ang binhi ay simulain ng pangakong darating at katotohanang inaasam. Ang bunga ay bagay na hindi na natin mababago, at hindi na natin magagawan ng paraan. Ikalawa, para bagang ikinikintal ng Panginoon sa atin ang pangangailangang kilatisin natin kung anong uri ng lupa tayo – batuhan, dawagan, o magandang lupa.

Marami nang masasamang bunga ang ating nakikita araw-araw. Isa rito ang masamang bunga ng binhi ng kadayaaan, ng katiwalian, at ng kawalan ng propesyonalismo sa ating lipunan. Nandiyan ang baha, ang paglubog ng barko, ang patuloy na paghihirap ng higit na nakararami sa ating lipunan. Kay daming masamang bunga at mapapait na dahon ang dapat kainin ng napakarami. Ang mga ito ay bunga ng kawalang katarungan, ng kadayaan, at ng kasalanan. Habang sinusulat ko ito, ang aking isipan ay hindi ko matanggal sa patuloy na komedyang nangyayari na naman sa imbestigasyon tungkol sa trahedya ng Sulpicio. Ang lahat ng ito ay walang iba kundi mapait na bunga ng katotohanang ang ating kultura, ang ating lipunan, ay malayong-malayo sa mga pagpapahalagang kristiyano.

Ang talinghaga ng Panginoon ay tumutumbok sa kung ano ang higit na mahalaga. Binhi, hindi bunga. Ang binhi ay may kinalaman sa pananagutan. Hindi ito basta na lamang itinatapon o inihahagis sa kung saan man. Ito ay pinangangalagaan, at pinagsisikapang mapapunla sa lupang mapagyabong, mayaman, at mainam. Ang binhi ay puspos at lipos ng pangako, na tumutuon sa maraming posibilidad. Ang binhing inaalagaan ay pangako ng marami at mainam na bunga. Ang binhi ay sagisag ng pag-asa.

Sa ating panahon, na pinalilibutan ng napakaraming suliranin, kay daling mapadala sa agos, at masiyahan na sa kung anong bunga o talbos ang nakikita sa kapaligiran at sa lipunan. Marami ang sumusuko na sa katotohanang wala nang iba pang magagawa sa isang lipunang panay kabulukan ang bungang napipitas natin sa lahat ng antas ng lipunan. Marami ang nadadala na lamang sa agos ng kalakaran ng lipunan. Talamak at palasak ang kadayaan … may magagawa pa ba tayo rito? Nasadlak tayo sa lahat ng uri ng pagkakanya-kanya at pagkamakasarili. Mayroon pa ba tayong mababago dito? Hindi ba mas madali ang mamitas na lamang ng bunga kaysa sa magpunla ng binhi?

Magtanim ay di biro, maghapong nakayuko … ito ang sabi ng isang katutubong awitin na noong araw ay kinakanta pa sa mga eskwela. Mahirap ang magpunla. Mas madali ang masiyahan na lamang sa mga bungang madaling nakikita. Nguni’t ang magandang balita ng Panginoon ay walang kinalaman sa pamimitas lamang. Ito ay may kinalaman sa pagpupunla ng magandang binhi, at matapos magpunla, ay magbunga nang marami.

Mahirap ang magpaka –kristiyano, tulad nang mahirap din magpaka-tao nang tunay. At sa larangan ng pagpapaka-kristiyano, ang panawagan sa atin ay malinaw – ang maging binhi, at ang mapapunla sa magandang lupa – at magbunga. Mahirap ang maging tapat sa ating pakikitungo sa kapwa. Ngunit tayo ay binhi na tinatawagan upang magbunga. Mahirap ang maging tapat sa batas ng Diyos. Subalit tayo ay binhing dapat mapunla at magbunga. Mahirap ang ipagdasal ang kaaway. Mahirap tanggapin ang mga taong nagpapahirap sa atin. Ngunit ang panawagan ng Diyos ay malinaw… tayo ay binhi na dapat magbunga.

Hindi tayo dapat masiyahan sa talbos lamang, o sa bungang madaling pitasin. Hindi tayo dapat masiyahan sa kung ano na lamang ang napipitas batay sa takbo ng lipunan. Tinatawagan tayo upang maging asin ng sanlibutan, hindi “icing” ng cake. Tinatawagan di tayong maging ilaw ng sanlibutan, hindi lamang isang palamuti. Pamumunga, hindi lamang bunga, ang dapat nating bigyang diin.?

Advertisement
  1. the story was featuring about the couple who cant have a child. It should be a lesson to have faith in GOD and believe in the love of one another

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: