frchito

Archive for Agosto, 2008|Monthly archive page

MAPILIT, MAKULIT, O PUNO NG PAG-ASA?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Agosto 13, 2008 at 02:39

Ika-20 Linggo ng Taon (A)
Agosto 17, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 56:1, 6-7 / Roma 11:13-15, 29-32 / Mateo 15:21-28

Sa mga araw na ito, ang pagiging mapilit ay ginagamtimpalaan. Ang pagiging mapilit sa pagsasanay, bilang isang halimbawa, ay nagbubunga ng medalya sa Olympics sa Beijing. Napapanganga na lamang ang milyon-milyong katao tuwing mapapanood ang mga manlalarong tumatanggap ng gintong medalya sa larangang kanilang sinasalihan.

Subali’t hindi lingid sa ating kaalaman na ang marami sa mga ito ay nagdadaan sa napakaraming oras na pagpupumilit upang marating ang kanilang oras ng luwalhati. Hindi kaila sa atin na si Michael Phelps ng Baltimore, Maryland, ay walang ibang ginagawa kundi kumain, matulog, at magsanay sa paglalangoy. Ito ang kanyang “full time job,” ika nga. Ang bunga ang siya ngayong tinitingala at hinahangaan ng marami.

May katuturan ang kakulitan, tulad ng aking sinabi kamakailan sa isa ring pagninilay sa blog na ito.

Ang pagiging mapilit at makulit ay may kaugnayan sa ating mga pagbasa ngayon. Sa hula ni Isaias, natunghayan natin na ang Diyos ay nangangako ng kaligtasan sa mga taong nananatiling tapat sa kasunduan at nagpupunyagi sa pagtalima sa kanyang kalooban.

Sa ikalawang pagbasa, ipinaaalala ni Pablo sa atin kung gaano katapat ang Diyos sa tao, at kung paanong ang kaloob ng Diyos at ang kanyang panawagan ay wagas at walang pagbabago at pagkupas. Mapilit o matimyas ang pag-ibig ng Diyos sa atin at ang kanyang awa ay walang hangganan. Kakulitan sa pag-ibig ang puno at dulo ng sinasabi ni San Pablo.

Subali’t wala nang mas lilinaw pa sa sinasaad sa ebanghelyo. Ito ang kasukdulan ng kakulitan ng pananampalataya at kakulitan sa panalangin. Ang babaeng nabanggit ay hindi man lamang kapanalig ni Kristo, kung baga. Wala siyang dapat asahan, ika nga, sa Panginoon. Subali’t ang malaking pangangailangan ang nagbunsod sa kanya upang lumapit. Nguni’t hindi lamang pangangailangan kundi pananalig ang tuluyang nagbunsod sa kanya upang magpumilit sa Panginoon.

At ito ang magandang balita para sa atin sa araw na ito. May isang napakagandang panalangin ang turo sa atin ng babaeng Cananea: “Panginoon, tulungan mo ako.” Bagama’t siniphayo siya sa simula, nagpumilit siya sa kanyang panalangin, “Panginoon, tulungan mo ako.”
Tayong lahat ay nagdadaan sa matinding pangangailangan o suliranin sa buhay. Wala ni isa man marahil sa aking mga tagabasa ay makasasansala sa katotohanang ito. Lahat tayo ay ay may karanasan ng malaking pangangailangan, lalu na sa isang sitwasyong ang lipunan natin ay binabalot ng sari-sari at masalimuot na kalagayan ng katiwalian sa loob at labas ng gobyerno. Di lingid sa lahat na marami sa mga suliraning pinagdadaanan ng Pilipino ay hindi lamang galing sa kalikasan, tulad ng mga bagyo ay iba pang mga natural na kalamidad. Walang higit pang masahol sa kalamidad na dulot ng mga tampalasang mga politico na patuloy na naninipsip ng dugo ng mahihirap at walang kakayahang lumaban sa sistemang mapaniil at puno ng kadayaaan at pagmakasarili. Hindi pa man nasisimulan ang mga proyekto na utang sa ibang bansa, ay napagsamantalahan na ng mga tampalasang ito na nagkukubli sa titolong “public service.” Ang perang dapat sana ay mapunta sa pagsasaayos ng edukasyon ay napupunta lahat sa walang sawang katakawan ng mga tiwali at walang konsiyensiyang “public servants” sa ating lipunan.

Hindi kaila na ang lahat ng ito ay nauuwi sa maraming mga problema ng mga mangmang, walang kaya, at walang tinig sa lipunan.

Sila ay walang iniwan sa babaeng Cananea na ang tanging nasabi lamang ay isang panalanging punong-puno ng pag-asa at kakulitang mapagligtas: “Panginoon, tulungan mo ako.”

TAKOT NGA BA ANG PROBLEMA?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections, Taon A on Agosto 6, 2008 at 21:11

Ika-19 na Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon A
Agosto 10, 2008

Mga Pagbasa: I Hari 19:9a, 11-13 /Roma 9:1-5 / Mateo 14:22-33

Takot at pangamba ang siyang tila lumulutang sa mga pagbasa natin ngayon. Si Elias, puno ng takot dahil sa kapangyarihan ni Jesebel, ay nagkubli sa bundok ng Horeb. Si Pedro, na panandaliang nabalot sa takot, ay nagsimulang lumubog, gayong nakapaglakad na siya sa tubig, ayon sa panawagan ng Panginoon.

Takot at pangamba rin ang telon na nasa likod ng sari-saring eksena ng ating pang-araw-araw na buhay. Kung minsan, nagkukubli tayo sa iba’t ibang paraan.  May mga taong nagkukubli sa likod ng sari-saring panoorin sa TV. May iba namang nagtatago sa likod ng konsumerismo, ng walang patid na pagpapagal upang kumita nang higit pa. May mga nagsisikap lumimot sa pamamagitan ng sobrang pagkain o pag-inom, at mayroon namang nalululong sa masamang droga, at iba pang makapipinsalang bisyo tulad ng alak at sugal.

Ang takot at pangamba ay maaaring mauwi sa kaguluhan, sa kawalang-pagtititiwala, at sa iba pang mga suliranin. Ito ang isinasalarawan ng dagat, ng tubig, ng lawa ng Galilea kung saan natakot si Pedro. Ito ang larawan ng buhay natin na puno ng iba’t ibang uri ng pangamba at kaguluhan sa puso at isipan.

Marami ang dahilan upang  tayo ay madala ng pangamba. Takot tayo sa terorismo. Takot tayo sa hinaharap kung kailan ang lahat ng kalabisan ng mga tao sa kalikasan ay tuluyang hihingi ng malaking kabayaran. Takot tayo sa isang hinaharap na walang katiyakan … hindi natin tukoy kung ano  na namang mga bagong sakit ang dadapo sa sangkatauhan. Takot tayong magutom. Takot tayong maghirap. Takot tayong lahat na ang mga pangarap natin ay maaaring mawalan ng katuparan bukas o makalawa.

Subali’t ang takot ay hindi pawang masama ang bunga, depende sa kung ano ang ginagawa natin dito. Ang mga pagbasa natin ngayon ay may kinalaman sa takot na nagbunga nang maganda, sapagka’t nagamit nang tama. Ang takot ni Elias ay nagbunsod sa kanya upang magkubli sa bundok kung saan nakatunghay siya ng isang dakilang pagpapakilala ng Diyos – sa pamamagitan ng banayad na hangin. Ang kanyang pangamba ay sinuklian ng Diyos ng pagpapala – ang kanyang pagpapakilala ng sarili, o teopaniya.

Si Pedro ay may dahilan upang matakot rin. Bagaman at siya ang kinilalang pinuno ng mga apostol, si Pedro ay isang tao ring nababalot rin ng takot at pangamba. Nang siya ay palakarin ng Panginoon sa tubig at sumunod nang walang atubili, nakalakad siya. Ang kanyang pananampalataya at pagtalima ang naging tulay niya sa isang kamangha-manghang milagro. Nakalakad siya sa tubig, tulad ng kanyang Panginoon na naglakad sa tubig.

Humangin at ang alon ay nagpamalas ng kaguluhan, na hindi malayo sa mga kaguluhang atin ring pinangangambahan. Natakot si Pedro and nagsimulang lumubog. At sa sandaling yaon na lumubog siya, ang kanyang takot ay nagbunsod sa kanya sa isang napakaganda at mabungang pagsalig sa kanyang guro at Panginoon.

Ito ang pagsalig o pananalig ni Pedro. Ito ang dapat nating kapulutan ng aral at magandang balita. Hindi masama ang matakot. Hindi nakahihiya ang masagian ng pangamba. Maging si Pedro ay nakaranas at napasa-ilalim sa takot at pangamba.

Nguni’t dito siguro tayo naiiba kay Pedro. Si Pedro ay taong natakot nguni’t hindi napadala sa takot. Tinanggap niya at hinarap ang takot niya.

At ang taong humaharap at tumatanggap sa sariling takot ay nakakakita ng kahit na maliit na bintana ng pag-asa. Nanalig siya. Nanawagan at humiling nang buong puso. Nanalangin si Pedro. Nagpahayag siya ng kawalang kakayahan at kahinaan. “Panginoon, iligtas mo ako!” At ang higit na dakilang milagro ng kaligtasan ay naganap nang nanalig si Pedro sa isang higit na makapangyarihan sa kanya.

Hindi masama ang matakot. Ang masama ay ang mapadala sa takot. Ang taong tanggap ang takot niya, ay handang manawagan, humingi, at manikluhod. Batid niyang hindi niya kaya ang lahat, at nangangailangan siya ng tulong mula sa itaas.

Magulo ang mundo, tulad ng dagat ng Galilea na hinagupit bigla ng hangin. Tigib tayo ng pangamba sa maraming dahilan. Sa araw na ito, hindi takot ang problema. Ang tunay na problema ay kung marunong tayong manawagan, kung marunong tayong manalig at magtiwala sa kanyang sa atin ngayon ay nagwiwika: “Huwag kayong matakot. Ako ito!”