frchito

SAMBIT NG PUSO, HINDI LANG SABI-SABI

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Agosto 19, 2008 at 10:55

Ika-21 Linggo ng Taon (A)
Agosto 24, 2008

Mga Pagbasa: Isaias  22:19-23 / Roma 11:33-36 / Mt 16:13-20

May pagkakataon sa buhay na humaharap ang tao sa isang napakahalagang katanungan na hindi dapat ipagpaliban. May mga katanungang ang hinihingi ay hindi isang butil ng kototohanan, kundi ang  wagas na totoo, ang lubhang mahalaga, ang perlas na walang kapantay, ang wagas na katotohanang may malaking kahihinatnan sa takbo at himig ng buhay ng isang tao.

Ito ay isang katanungang hindi masasagot ng Oo o Hindi lamang. Ito ay katanungang ang dulot sa buhay ay walang iniwan sa isang pagbabagong nagmumula sa kung ano ang anteparang suot ng isang tao sa mata. Kung ang salamin ay de color o may kulay, ang lahat ng makikita ay may kulay rin. Kung ang pananaw o punto de vista ay malawak, malawak din ang makikita ng isang tao. Kung palpak ang pananaw o simulain, kapalpakan din ang pawang makikita.

Sa Linggong ito, isang lubhang mahalagang tanong ang nakatambad sa atin, at hindi lamang kay Pedro.  Hindi ito isang tanong na kayang sagutin ng Oo o Hindi. Hindi ito isang tanong na maaaring ipagpaliban o bale walain. Ito ay may kinalaman sa lahat ng kinasasaligan ng buhay ng tao.

Ako ay isang guro na halos walang patid na nagtuturo magmula pa noong taong 1977. Kung minsan, may mga tanong na napakadaling sagutin kung ang mga ito ay tinatawag natin na objective o factual na katanungan. Subali’t sa 31 taon ko nang pagtuturo, alam kong may mga tanong ang mga estudyante na hindi madaling sagutin. Ang unang tanong ng Panginoon ay tulad ng madaling tanong na ito: “Sino ba ako ayon sa mga tao?” Kung gaano kadali ang tanong, ganoon din kadali ang sagot. Mabilis pa sa kidlat ang sagot ng mga disipulo: “Sabi nila, ikaw raw si Juan Bautista. Ang sabi ng iba ikaw daw si Elias, at ang iba pa ang sabi ay ikaw raw si Jeremias o isa sa mga propteta.”

Madaling sagutin ang tanong na ito – isang tanong na hindi humihingi ng pamumuhunang ng sarili. Ito ay isang factual o objetivong tanong na hindi nangangailangan ng anu pa man liban sa tahasang sagot na hindi humihingi ng iba pang bagay.

Subali’t may isa pang tanong ang kasunod nito na hindi de kahon, at hindi madaling bigyang tugon. “Nguni’t kayo … sino ako para sa inyo?”

Hindi nag-atubili si Simon Pedro. Sumagot siya kaagad nang buong linaw at buong katiyakan: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” At sapagka’t ang tanong na ito ay lubhang mahalaga, lubhang mahalaga rin ang bunga ng kanyang kasagutan – isang dakilang pagbabasbas mula sa Panginoon: “Mapalad ka Simon Pedro, anak ni Jonas. Sapagka’t hindi laman at dugo ang nagpahayag sa iyo nito, kundi ang aking Amang nasa langit. “

Isa sa mga tanda ng ating panahon ngayon ay ang kawalang kakayahang magtanong at magbigay-tugon hinggil sa mga lubhang mahahalagang bagay.  Sa ating panahon, tila baga lahat ay tinatanggap na lamang bilang normal, bilang bagay na hindi na dapat suriin. Tanggap na ng marami na ang tinatawag na kalakaran ng gobyerno ay ang sumunod sa landas ng katiwalian, ng kadayaan, at ng pagsasamantala sa mga mangmang at mahihirap. Tanggap na rin ng balana na ang mga pagpapahalagang nakikita sa larangan ng mga sine at palabas sa TV, ang mga programa na tinatawagang “entertainment” ay siyang tama. Wala nang nakikitang mali sa mga masasalimuot na buhay ng mga artista, ng mga taong tinitingala ng milyon-milyong katao sa bayan o sa buong mundo.

Tila baga naglaho na ang kakayahan ng tao na magtanong at maghanap ng kasagutan na hindi napapako sa diwang “ganoon talaga, eh,” o “iyan ang kalakaran ng lipunan, eh … wala tayong magagawa diyan.”  Tila nawala na ang pagsisikap na maghanap ng kasagutang wagas sa likod ng mga pangyayari sa lipunan.

Nais kong isipin na ang mahalagang katanungan ng Panginoon sa mga disipulo ay may katumbas din sa ating buhay ngayon. Sino nga ba si Kristo para sa atin?
Siya ba ay isa lamang na kahanay ng mga dakilang tao tulad ni Gandhi, ni  Buddha, o ninumang dinadakila at pinararangalan saanman?

Ibig kong imungkahi na ang tanong na ito ay lubhang mahalaga para sa atin ngayon. Bakit? Una sa lahat, sa ating panahon, na pinaliligiran ng saloobin na parang ang lahat ay pare-pareho lamang (genericism), madaling mabulid sa kamaliang tunghayan si Kristo bilang isa lamang taong dakila, tulad ng mga dakilang bayaning tinitingala ng marami. Sa saloobing ito, ang pananampalataya ay parang isang gallup poll o survey na nagpapalutang lamang ng kung ano ang iniisip ng marami. Sa madaling salita, ang pananampalataya ay katumbas lamang ng isang popularity contest, kung baga. Kung ang sabi ng nakararami ay ganito, iyon na rin ang aking sinasabi. Kung ang saloobin ng marami ay ganito, ganoon na rin ang aking saloobin.

Sa ganitong paraan, ang pananampalataya ay hindi isang personal na pagtugon, kundi bunga ng isang survey o ng mga estatisko. Ang pagsunod sa takbo o kalakaran ng tao ang siyang panukat ng aking paniniwala.

Nais kong imungkahi na ang tanong ng Panginoon para sa atin ay lubhang mahalaga at may malaking kahihinatnan sa ating buhay. “Kayo … sino ako para sa inyo?”

Mayroon tayong malinaw na halimbawa sa katauhan ni Papa Benito XVI. At ang tugon niya rito ay isa sa sampung mahahalagang bagay na nais niyang ipadama at ipabatid sa atin. Ito ay ang katotohanang si Kristo ay Panginoon, ang katotohanang si Kristo at ang Iglesya ay hindi maaaring paghiwalayin, ang katotohanang iisa lamang at tanging iisa ang tagapagligtas.

Subali’t matay nating isipin, ang tanong na ito sa mga disipulo ay hindi isang tanong na maaaring ihanay sa ibang ordinaryong tanong na puedeng sagutin ng Oo o Hindi. Ang hinihingi ng tanong ay hindi Oo o Hindi, kundi isang sagot na may puhunang personal, may malaking halaga na dapat pagbayaran, ika nga. Ang sagot na ito ay humihingi ng ating buong puso, buong kaluluwa, at buong pagkatao. “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Ito ang sagot ni Pedro. Ito ang dahilan kung bakit iniatang sa kanya ang isang karangalan at tungkuling hindi mapananagutan ng isang simpleng Oo at Hindi. “Ikaw ay bato, at sa ibabaw ng batong ito ay itatatag ko ang aking Iglesya.”

Hindi ito batay sa sabi-sabi. Ito ay siyang sambit ng puso, sambit ng pananampalaya.

Ikaw … anong masasabi mo? Sabi-sabi lamang ba, o sambit ng pusong nananalig at nagmamahal?

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: