Ika-20 Linggo ng Taon (A)
Agosto 17, 2008
Mga Pagbasa: Isaias 56:1, 6-7 / Roma 11:13-15, 29-32 / Mateo 15:21-28
Sa mga araw na ito, ang pagiging mapilit ay ginagamtimpalaan. Ang pagiging mapilit sa pagsasanay, bilang isang halimbawa, ay nagbubunga ng medalya sa Olympics sa Beijing. Napapanganga na lamang ang milyon-milyong katao tuwing mapapanood ang mga manlalarong tumatanggap ng gintong medalya sa larangang kanilang sinasalihan.
Subali’t hindi lingid sa ating kaalaman na ang marami sa mga ito ay nagdadaan sa napakaraming oras na pagpupumilit upang marating ang kanilang oras ng luwalhati. Hindi kaila sa atin na si Michael Phelps ng Baltimore, Maryland, ay walang ibang ginagawa kundi kumain, matulog, at magsanay sa paglalangoy. Ito ang kanyang “full time job,” ika nga. Ang bunga ang siya ngayong tinitingala at hinahangaan ng marami.
May katuturan ang kakulitan, tulad ng aking sinabi kamakailan sa isa ring pagninilay sa blog na ito.
Ang pagiging mapilit at makulit ay may kaugnayan sa ating mga pagbasa ngayon. Sa hula ni Isaias, natunghayan natin na ang Diyos ay nangangako ng kaligtasan sa mga taong nananatiling tapat sa kasunduan at nagpupunyagi sa pagtalima sa kanyang kalooban.
Sa ikalawang pagbasa, ipinaaalala ni Pablo sa atin kung gaano katapat ang Diyos sa tao, at kung paanong ang kaloob ng Diyos at ang kanyang panawagan ay wagas at walang pagbabago at pagkupas. Mapilit o matimyas ang pag-ibig ng Diyos sa atin at ang kanyang awa ay walang hangganan. Kakulitan sa pag-ibig ang puno at dulo ng sinasabi ni San Pablo.
Subali’t wala nang mas lilinaw pa sa sinasaad sa ebanghelyo. Ito ang kasukdulan ng kakulitan ng pananampalataya at kakulitan sa panalangin. Ang babaeng nabanggit ay hindi man lamang kapanalig ni Kristo, kung baga. Wala siyang dapat asahan, ika nga, sa Panginoon. Subali’t ang malaking pangangailangan ang nagbunsod sa kanya upang lumapit. Nguni’t hindi lamang pangangailangan kundi pananalig ang tuluyang nagbunsod sa kanya upang magpumilit sa Panginoon.
At ito ang magandang balita para sa atin sa araw na ito. May isang napakagandang panalangin ang turo sa atin ng babaeng Cananea: “Panginoon, tulungan mo ako.” Bagama’t siniphayo siya sa simula, nagpumilit siya sa kanyang panalangin, “Panginoon, tulungan mo ako.”
Tayong lahat ay nagdadaan sa matinding pangangailangan o suliranin sa buhay. Wala ni isa man marahil sa aking mga tagabasa ay makasasansala sa katotohanang ito. Lahat tayo ay ay may karanasan ng malaking pangangailangan, lalu na sa isang sitwasyong ang lipunan natin ay binabalot ng sari-sari at masalimuot na kalagayan ng katiwalian sa loob at labas ng gobyerno. Di lingid sa lahat na marami sa mga suliraning pinagdadaanan ng Pilipino ay hindi lamang galing sa kalikasan, tulad ng mga bagyo ay iba pang mga natural na kalamidad. Walang higit pang masahol sa kalamidad na dulot ng mga tampalasang mga politico na patuloy na naninipsip ng dugo ng mahihirap at walang kakayahang lumaban sa sistemang mapaniil at puno ng kadayaaan at pagmakasarili. Hindi pa man nasisimulan ang mga proyekto na utang sa ibang bansa, ay napagsamantalahan na ng mga tampalasang ito na nagkukubli sa titolong “public service.” Ang perang dapat sana ay mapunta sa pagsasaayos ng edukasyon ay napupunta lahat sa walang sawang katakawan ng mga tiwali at walang konsiyensiyang “public servants” sa ating lipunan.
Hindi kaila na ang lahat ng ito ay nauuwi sa maraming mga problema ng mga mangmang, walang kaya, at walang tinig sa lipunan.
Sila ay walang iniwan sa babaeng Cananea na ang tanging nasabi lamang ay isang panalanging punong-puno ng pag-asa at kakulitang mapagligtas: “Panginoon, tulungan mo ako.”
Napakagandang reflection po! napadaan lang po dito sa site nyo habang naghahanap ako ng mga reflection tungkol kay San Pablo kasi kailangan ko sa aking assignment sa parokya ukol sa Jubileo ni San Pablo.
ate Babes
Parokya ni San Francisco ng Assisi
Pulo, Cabuyao, Laguna
Katekista, Lektor/Commentator
member: Neo Cathecumenal Way