frchito

MAKAPANGYAYARI, HINDI MAKAPAGYAYARI

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Kristong Hari, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 20, 2008 at 20:50

DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI
Nobyembre 23, 2008

Mga Pagbasa: Exequiel 34:11-12, 15-17 / 1 Cor 15:20-26,28 / Mt 25:31-46

Wala na tayong paghanga sa mga hari at reyna. Una sa lahat, kakaunti na lamang ang mga hari at reyna sa mundo. Bagama’t malaki ang pitagan ng mga taga Thailand sa kanilang hari magpahangga ngayon, at pati tayo ay medyo naiinggit sa kanilang bayan na kung may problema ay isang salita lamang ng hari ang kailangan at ang lahat ay kagya’t susunod at manggagayupapa, ang karamihan sa buong daigdig ay maliit na ang pitagan sa figura ng mga makapangyayari sa lipunan.

Sa bayan natin, tila naglaho nang lubusan ang pitagan natin sa mga makapangyayari sa lipunan. Maliit ang tingin natin ngayon sa mga politico. Bagama’t patuloy tayong tumatawag sa kanila ng bansag tulad ng “honorable” o kagalang-galang, sa totoo lang, mas nanggagayupapa pa ang madlang tao sa mga artista, sa mga mang-aawit, lalu na’t medyo mestiso o mestisa, halong Pinoy o Kano, o Canadian, hindi na bale kung sa Amerika, ang artistang ito ay isa lamang tinaguriang “hillbilly” or promdi sa ating salita sa panahon ngayon.

Sa dinami-dami ng mga eskandalong kinasasangkutan ng mga nasa “public service,” sa dami ng mga katiwaliang halos araw-araw ay natutunghayan sa pahayagan, naririnig sa radyo, at nakikita sa telebisyon, ay tila hindi na nagugulantang ang bayang Pinoy. Tanggap na yata ng Pinoy ang kalakaran sa gobyerno at sa lipunan, isang salitang salamat kay Lozada ay naging bahagi na ng kamalayang Pinoy – isang nakalulungkot na pagtanggap na lamang ng isang bagay na wala na tayong magagawa upang mabago, tila baga.

At dito papasok ang isa pang nakalulungkot na katotohanan, na kaakibat nitong kawalan ng pagtitiwala at paggalang sa mga makapangyayari sa lipunan. Ito ang isa sa mga pangunahing aspeto o elemento ng tinatawag ng mga sosyolohikong “ethos of postmodernity,” o pag-uugaling posmoderno. Wala nga tayong pitagan sa mga makapangyayari, nguni’t malaki ang paghanga natin sa mga “nakapagyayari.”

Takot tayo sa mga taong mayroong laman, ika nga, ang bulsita sa tuwina. Hanga tayo sa mga taong mayroon laging puedeng ipamudmod sa balana. May pitagan tayo sa mga taipan sa Pilipinas na nagtungo dito sa Pilipinas mula China na mahirap pa sa daga, nguni’t nakakita ng kadluan ng ginto at pilak sa Pilipinas. May paggalang tayo sa taong may magarang bahay, mas magagarang sasakyan, at nakapaglalaro sa mga lugar na hindi man lamang matutuntungan ng mga mahihirap ni sa panaginip.

Sinasamba ng balana ang maabilidad, ang mahaba ang pisi ika nga, ang malalim ang balon kung saan kinakadlo ang walang patid na yaman at kakayahan. Maraming puedeng mayari sa salapi. Marami ang puedeng mapangyari sa pamamagitan ng pera. Alam natin na pati mga kaso sa korte ay napalalawig, o naaampat dipende sa halagang kayang ilagak ng may asunto. Alam natin na kay daming mga mahihirap ang naaagnas sa kulungan, nguni’t mayroong mga makapangyayari sa lipunan ang bigla na lamang naglalaho at sukat sa kulungan, pinatawad kuno, sa kanilang diumano’y napagsisihan nang mga krimen.

Ito ang telon na nasa likod ng pagdiriwang natin sa araw na ito … isang telon na ang malaking larawan ay nagsusulong sa isang kalakarang ang tunay na hanap ng tao ay hindi kung ano, paano, at sino ang makapangyayari, kundi sino, ano, at paano mayayari ang maraming bagay.

Kung ito ang telon sa likod ng isipan natin, walang silbi at walang halaga ang pista ni Kristong Hari. Walang dating … walang kabuluhan … at walang kabig sa mga taong sigurado tayong magkukumpol-kumpol kung ang pinag-uusapan ay salaping tumataginting, kapangyarihang kumakalansing, at kakayahang nakakatusing sa balana.

At bakit hindi? Sino naman ba sa panahon natin ang maaantig sa larawan ng isang tupa? Sino naman ba sa lipunan natin ang magtatatakbo upang humabol sa isang pastol na madumi, mabaho, at mababa ang rating?

Subali’t ito mismo ang kabalintunaang dulot ng kapistahang ito. Tulad ng paghamong tapatan (SIM to SIM) na bitaw nang buong tapang ni Robin Padilla, hinahamong tapatan ng Diyos ang kalakarang ito ng lipunang nagumon na sa materyalismo at katiwalian.

Tapatan tayo … ang Hari natin ay isang maamong tupa. Iyan ang sagot natin sa unang pagbasa: “Ang Panginoon ay aking Pastol; wala na akong hahanapin pa.”

Tapatan tayo … ang Hari natin ay isang hari na natanghal at niluwalhati matapos lamang ng isang mapait at masakit na kamatayan sa krus. Siya ang unang bunga kung baga, ang unang ani, ayon kay San Pablo, sa mga nahimbing sa pagtulog. Siya ang unang nagising sa isang panibagong buhay – buhay na walang hanggan!

Matindi ang tapatan nating ito. Mahirap unawain. Mabigat arukin. At lalong mahirap tanggapin. Tapatan muli tayo … ang kapangyarihang hanap natin ay kapangyarihang makapagyayari. Di ba’t ito ang isa sa mga dahilan kung bakit tuwang-tuwa ang daigdig kay Superman, kay Batman, at kay Gagambino? May kakayahan sila pawang yariin o todasin sa dati nating salita, ang mga tiwali, ang mga kriminal, at mga tampalasan sa lipunan.

Walang ganitong kakayahang yumari o tumodas si Kristong Panginoon. Ang kanyang paghahari ay hindi mangyari, magpayari, o yumari ng kung ano mang ating ninanais bilang kagya’t na solusyon sa mga problema.

Nguni’t ang Hari natin, ayon sa ebanghelyo ay luluklok sa kanyang trono, sa takdang araw. Lahat ay magkakalipumpon sa harapan niya. Sa araw na ito ay aakuin niya ang kaganapan ng kanyang pagka-Diyos at pagka Mesias … kung kailan ang tunay niyang kalikasan na Siyang makapangyayari sa lahat ay mabubunyag.

Ito ang larawang pinta ni Mateo sa ebanghelyo. Ito ang larawang nagaganap, magaganap, at lubusang magaganap balang araw. Ito ang pag-asa natin. Ito ang panalangin natin. At ito ang awit natin kahapon, ngayon, at magpakailanman:

Mapalad Siyang dumarating sa ngalan ng Panginoon! Mapalad ang kaharian ng Ama nating si David! Alleluia!

Siya ang Haring hindi mapangyari, kundi lubos na Makapangyayari, sa takdang panahon, sa takdang matamis na panahon ng Diyos. Purihin natin Siya at pasalamantan!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: