frchito

GISING, HINDI LASING!

In Adviento, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Nobyembre 25, 2008 at 20:51

Unang Linggo ng Adviento(B)
Nobyembre 30, 2008

Mga Pagbasa: Is 63:16b-17, 19b; 64:2-7 / 1 Cor 1:3-9 / Mk 13:33-37

Ewan ko kung ilan sa inyo ang gising sa katotohanang bagong taon na ngayon sa simbahan. Nagwakas kahapon ang huling linggo ng karaniwang panahon. Sa mga nakaraang araw, narinig natin nang paulit-ulit ang mga larawan ng pagwawakas, ang pagdatal ng mga katotohanang sa lalim, lawak, at lapad ay nakuha lamang ipinta ni Juan Ebanghelista sa pamamagitan ng mga sagisag, lalu na sa aklat ng Pahayag na ating pinagnilayan araw-araw sa loob ng nakaraang tatlong linggo. Mga katotohanang apokaliptiko ang tawag sa mga pangitaing ito, na may kinalaman sa darating na wakas ng panahon, at kaganapan ng pangakong kaligtasan ng Panginoon.

Sa loob ng apat na linggong darating sa panahon ng Adviento, hindi kahindik-hindik na wakas ang binibigyang-liwanag ng mga pagbasa at ng buong liturhiya ng simbahan, bagkus mga pahimakas at panawagan sa isang maigting at malalim na pag-asa. Pagdating ang diwang tinutumbok ng lahat ng gagawin natin sa simbahan magmula sa araw na ito. Paghihintay naman ang saloobing ikinikintal ng ating mga pagdiriwang sa liturhiya. At pagbabantay kasama ng paghahanda naman ang siyang mamumukal sa puso natin at kaisipan sa buong panahong ito ng adviento.

Pero, sandali lang … Ito nga ba ang siyang saloobin at gawain natin sa mga araw na ito? Tunay nga bang ang ating mga puso at isipan ay gising sa diwa ng paghihintay?

Kung minsan, mahirap isipin na tayo nga ay gising. Lasing na lasing ang buong mundo ngayon sa pagkabalisa. Nagbagsakan at nagkawindang-windang ang pamemera sa buong mundo. Nalansag ang inaakala ng maraming matatag na pundasyon ng ekonomiya matapos nangagsipagtalikuran ang mga taong wala nang maibayad sa kanilang pagkakautang. Lasing na lasing ang mga eksperto sa ekonomiya na, dahil sa kanilang katakawan ay unti-unting nagpundar ng isang imperyo na batay sa perang papel, na walang ampat na tumaas nang tumaas ang halaga, hanggang ang mismong mga haligi nito ay biglang bumigay at ang lahat ng nag-aasam nang kagitna ay tuluyang nawalan ng sansalop. Nabuwag ang imahinaryong gusali ng perang kenkoy at natinag ang katiyakan at kasiguraduhan ng buong daigdig.

Iisa lamang ang puno at dulo ng lahat ng ito – katakawan, at paghahanap ng higit pa sa lehitimong tubo sa serbisyo at mga produkto.

Lasing ang marami sa mga susun-susong mga balita ng katiwalian sa pamahalaang Pinoy. Lasing na lasing ang mga senador at mga kongresista sa paggawa ng sabay sabay na imbestigasyon. Hindi magkanda-ugaga ang mga mambabatas sa paghahanap ng kung sino ang magnanakaw sa mga nakaposisyon noon at ngayon sa gobyerno. Lasing na lasing ang mga nanunuod at nakikinig sa mga balita … siguro’y ang dapat na salitang gamitin at duling na duling na at tuliro na ang balana sa pagsunod sa isang walang silbing paghahanap ng katotohanang alam na naman ng lahat sa buong Pilipinas – na ang buong pamahalaan noon, ngayon, at bukas, ay pinamumugaran ng mga sinungaling, mandarambong, at mapagsamantala.

Lasing na lasing na ang lahat sa pakikinig tungkol sa 109 na libong Euro na ang tangi namang tanong na hindi masagot-sagot ay hindi kung naisauli na iyon, kundi kung saan galing antemano ang perang yaon, at kung saan at kanino ibabalik.

Lasing na lasing ang mga nasa posisyon. Lalu na’t malapit na ang halalan sa taong 2010. Pasuray-suray na ang marami sa kanila sa paghahanap ng gagastusin sa halalan. At ang mga mahihina ang pakiramdam sa tamang “timing” na nagpahayag ng kanilang pagtakbo, ay hinanapan ng lahat ng butas upang hindi matuloy ang kanilang maitim na balak. Siraan, bukingan, sumbungan at mga kudeta sa senado at sa marami pang lugar ang bunga ng lahat ng ito.

Lasing, hindi gising sa katotohanan ang marami sa ating lipunan. Hindi gising sa katotohanang ang sariwang tubig ay patuloy na nanganganib sa pag-init ng buong mundo. Hindi gising ang mga nasasa tinatawag na “public service”  sa katotohanang ang mahihirap at mga salat na salat ay patuloy na dumadami habang sila ay patuloy na nakapagdadala, o nakapagpapadala  o nakapagpupuslit laman ng mga handbag ng mga misis nila, ng mga euros sa Switzerland o saan mang lugar sa lumiliit na mundo.  Lasing, at hindi gising sa katotohanang patung-patong at sali-salimuot at sala-salabat na ang mga malahiganteng mga problema sa lipunan habang lumalaki rin ang mga balitaktakang walang patumangga sa dalawang camara ng kongreso.

Lasing at hindi gising ang mga nahirati sa kapangyarihan, sa pagiging ejecutivo, sa pagiging Usec o Assec at kung anu-ano pang mga taguring pare-pareho naman at pawang mga titolong pasaporte lamang sa katiwalian.

At ito pa ang matindi … lasing na lasing sa kawalang pansin at pagwawalang-bahala ang balana sa kalakarang ito na nagbubunsod sa kanila upang wala nang makitang mali sa lahat ng ito.

Ewan ko sa inyo, pero kung minsan, kapag ako ay nagmamaneho sa makatanghalian, ako ay biglang dinadapuan ng antok. May mga pagkakataong sa biglang pagkaidlip ay bigla rin namang mahihimasmasan at magigising. Ito ang biglang pagkagising ng mga Israelita sa unang pagbasa: “Bakit mo kami pinabayaang maligaw ng landas, at lumayo sa iyong mga tuntunin; at manigas ang aming puso, at hindi na matakot sa iyo, O Panginoon?”

Ito ay isang biglang pagkagising sa katotohanan. Ito ay walang iniwan sa isang taong nagmamanehong tukatok na tukatok at biglang mahihimasmasan.

Ito ang diwa ng Adviento … ang magising … ang mahimasmasan … ang makabatid na tayo ay nalasing sa maraming bagay. Iyan ang dahilan kung bakit dasal natin matapos ng unang pagbasa ay ito: “Panginoon, pagpanumbalikin mo kami sa Iyo; ipakita sa amin ang iyong mukha, at kami ay maliligtas.”

Lasing man daw at magaling ay mahihimasmasan din … Oo … may pag-asa pa tayo. At ang pag-asang ito ay napapaloob sa bawa’t isa sa atin na pinagtatagubilinan ng Panginoon sa ebanghelyo: “Magbantay! Maging handa! Sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang panahon.”

Saanman tayo mapadpad sa Pilipinas, may mga manggagawang kapag wala ang amo ay nalalasing at nagpapakasasa sa alak. Walang iniwan ito sa mga tao sa pamahalaan na matapos malasing sa kapangyarihan at salapi ay tuluyan na ring nalalasing sa mas masasahol pang bagay at kaugalian. Walang iniwan ito sa atin lahat na, sa tagal ng panahon, ay nalalasing na rin sa saloobing wala tayong magagawa rito at wala tayong kakayahan upang tutulan at huwag payagan ang “kalakaran” na isang salitang ipinauso ni Lozada.

Ang Adviento ay paggising. Ang Adviento ay pagmamasid at pagbabantay. At ang lahat ay tinatawagan upang manatiling gising, at hindi lasing; buo ang kamalayan, at hindi nagapi ng kawalang malay at pagmamaang-maangan.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: