frchito

Archive for Nobyembre, 2008|Monthly archive page

TAMPULAN NG TIWALA, O PAKAWALA?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Pananagutan, Sunday Homily, Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 11, 2008 at 06:45

Ika-33 Linggo ng Taon (A)
Nobyembre 16, 2008

Kawikaan 31:10-13, 19-20, 30-31 / 1 Tesalonika 5:1-6 / Mt 25:14-15, 19-21

Ang hinahanap ng unang pagbasa ay tila isang imposibleng pangarap – isang karapat-dapat na asawa o maybahay, na kung masumpungan ay katumbas ng pagkatagpo ng halagang higit pa sa mamahaling perlas.  Ano ba ayon sa unang pagbasa ang isang karapat-dapat na maybahay? Ang babaeng mapagkakatiwalaan, isang taong may malasakit sa dukha at may takot sa Diyos.

Muli pang idinidiin ng tugon natin matapos ang unang pagbasa ang batayan ng kahalagahan ng isang tao: “mapalad ang mga may takot sa Diyos.”

Ang taong kaaya-aya, ayon naman kay San Pablo, ay ang mga nabubuhay, hindi sa kadiliman, kundi sa liwanag. Sila ay hindi mga taong tulog o lasing, na walang pakundangan sa muling pagbabalik ng Panginoon sa anumang sandali, bagkus mga taong nakahanda sa tuwina.

Malapit na naman ang wakas ng taong liturhiko. Sa susunod na Linggo ay kapistahan na ni Kristong Hari, na siyang pinakahuling Linggo sa taon. Sa mga huling araw na ito ng taon, ang liturhiya ay paulit-ulit na nagpapagunita sa diwa ng paghahanda, ng pagwawakas, ng pagtatapos sa unang banda, at sa diwa ng paghahanda sa panibagong panahon, sa kanilang panig.

Bihasa tayong mga Pinoy sa paghahanda. Sa dami ng bagyong dumarating sa atin, ang mga taong malapit ang buhay sa lupa at sa pagsasaka ay hindi na lubos na nababalisa ng bagyo. Una, ang mga bahay na pawid ay madaling masira, nguni’t madali ring itayo. Ikalawa, ang bagyo at unos ay kaakibat na ng buhay ng Pinoy, hindi na nagtataka kung taon-taon ay hinahagupit ng bagyo ang maraming bahagi ng Pilipinas. Ewan ko sa inyo, pero ang kakayahang maghanda ay higit natin nakikita sa mga politico. Malayo pa ang eleksiyon, ay nakahanda na sila sa perang ipamumudmud. Pag-upong pag-upo pa lamang ay inaatupag na ang sunod na halalan.

Nguni’t hindi ito ang uri ng paghahandang sinasaad ngayon ng liturhiya. Ang paghahandang nabanggit kong ito ay kumakatawan sa isang taong pakawala, at hindi tampulan ng tiwala. Ang paghahandang makasarili at isang saloobing pakabig ay hindi siyang itinatanghal ng mga pagbasa. Ang paghahandang hindi sinusuklian ng tiwala ng kapwa ay paghahandang makasarili, at paghahandang angkop sa isang taong hindi karapat-dapat o kaaya-aya, sapagka’t ito ang tanda ng isang taong walang takot sa Diyos. Ito ang uri ng paghahanda ng taong ang tanging tiwala lamang ay sa kanilang sarili, mga BSS kung tawagin noong araw, mga bilib sa sarili.

Tunghayan natin ang ebanghelyo ngayon. Ang sinasaad nito ay pawang tungkol sa taong nararapat pagtiwalaan o hindi. Isang taong nakahandang maglakbay sa malayo ang tumawag sa kanyang mga utusan. Sa bawa’t isa ay nagkaloob siya ng dapat pangalagaan at isapuhunan. Sa una, limang talento ang kanyang bigay; sa ikalawa ay dalawang talento; at sa ikatlo ay isa namang talento.

Ang araw ng kanyang pagbabalik ay araw ng pagtutuos. At dito lumitaw kung sino ang nararapat at kung sino ang hindi karapat-dapat. Tanging ang namuhunan at gumamit nang wasto sa salaping ipinagkatiwala ang siyang nakatanggap ng papuri sa mamang iyon.

Ang mundo ng sangkatauhan ay maraming puhunang tinanggap. Nandiyan ang daigdig ng kalikasan, ang mga bundok, ilog, lawa, dagat at parang. Puhunan ito na ipinagkaloob lahat sa atin bilang nilkha at mga anak ng Diyos. Subali’t mayroong mga tampalasan at salaula na hindi marunong gumamit nang wasto. Mayroong mga taong ang saloobin ay pakabig, hindi pabigay, patungo sa sariling kapakanan, at hindi sa kapakanan ng kapwa. May mga taong ganid na, sa halip isapuhunan at palaguin ang ipinagkaloob sa kanila, ay itinago, ibinaon, at ipinagdamot. Itong mga ganid na ito ang hindi nakatunghay nang higit pa. Bagkus ang maliit na kamal kamal na ayaw bitawan at palaguin, ay lalo pang naglalaho sa kanila.

Sa Tagalog ay mayroon tayong napakagandang kasabihan tungkol sa kasakiman at sa mga pakawala: “Sa paghahanap ng kagitna ay sansalop ang nawala.”

Ang patuloy na lumalalang financial crisis sa buong mundo ay isang malinaw na halimbawa nito. Bagama’t ang katagang ginagamit ng mga eksperto sa pamemera ay investment o pag-nenegosyo, ang tunay na batas ng larong ito ng mga yumayaman sa pera ng iba, ay walang iba kundi pakikipagsapalaran. Ito ay walang ibang pinagmumulan liban sa kasakiman, o katakawan sa higit pa. Iyan ang naging sanhi sa pagbulusok ng pamemera sa buong daigdig at kung bakit biglang napakaraming mga nalugi. Hindi nila ginamit nang may responsibilidad ang perang ipinagkatiwala sa kanila.

Lahat tayo ay may pangarap sa buhay. Pangarap natin ang isang matiwasay, mapayapa, at saganang pamumuhay. Walang masama dito. Subali’t ngayon, ang paalaala sa atin ng Panginoon ay lalung lubhang kapana-panahon. Mahalagang tayo ay mabilang sa hanay ng utusang gumamit sa puhunang ipinagkaloob sa kanya nang wasto at nararapat. Kun gayon, tayo ay nararapat na maging tampulan ng tiwala. Ang pagiging salaula at walang pakundangan sa karapatan at kapakanan ng nagkaloob ng biyaya sa atin, ng lahat ng ating tinatanggap at pinagyayaman sa araw-araw nating buhay, ay mga taong mga pakawala.

Ang taong tampulan ng tiwala ay silang may takot at pitagan sa Diyos. Ang mga walang pakundangan at malasakit sa kaloob at pag-aari ng nagkaloob ay mga taong pakawala. Alin ba tayo sa dalawang ito?

St. Fidelis Friary
Agana Heights, Guam
November 10, 2008

BUKAL SA KABILA NG SUKAL

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Juan de Letran, Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 6, 2008 at 10:27

Kapistahan ng Pagtatalaga ng Basilica ni San Juan de Letran
Nobyembre 9, 2008

Mga Pagbasa: Exequiel 47:1-2, 8-9, 12 / 1 Corinto 3:9c-11, 16-17 / Juan 2:13-22

Masukal na di biro ang buhay natin lahat sa masalimuot na daigdig na ito. Mabuti pa ang asukal, matamis. Nguni’t sa sakahang masukal at makapal ang mga dawagan at tinikan, mahirap magtrabaho; mahirap magpagal. Mahirap maghawan ng masusukal na dawagan at halamang hindi mo itinanim. Subali’t bago ka makapagtanim ay dapat hawanin muna ang sukal. Mapait at mabigat na trabaho, ngunit wala itong tinatawag nating short cut.

Madawag at masukal ang buhay natin. Puno ng intriga. Puno ng katiwalian. Puno ng suliranin saanman at kailanman. Nguni’t kung kayo ay nakapagsaka na sa tanang buhay ninyo, alam  ninyo na ang paghahawan ng sukal ay nagbubunga ng masagana. Ang isang magsasakang bihasa magpagal, maghintay, at magdasal ay nakakakita balang araw, ng karampatang ginhawa.

Ginhawa … ito ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon. Isang pangitain ng propetang Exequiel ang ating pinanghahawakan, isang bukal ng tubig na bumabalon mula sa templo. Ang tubig na ito ay patuloy na dumadaloy patungong Arabah, patungong dagat, at ito ang nagpapasariwa sa tubig alat.  Ito rin ang nagdudulot ng buhay sa mga taong tigang, sa mga masaganang isda at lahat ng uri ng buhay, na umaasa sa tubig na dumadaloy mula sa ilog o bukal na ito.

Ewan ko sa inyo, pero ito para sa akin ay larawan ng pag-asa. At bakit ba hindi tayo dapat mapuno ng pag-asa? Tingnan na lamang natin ang karanasan ng America. Akala ng marami, wala nang pag-asa na makakatuntong ang isang taong may kulay sa White House. Akala ng marami, na ang pipiliin ng mga Kano ay isang tulad ng kanilang tiniis sa loob ng walong taon. Ngunit, nang magbotohan, nagdagsaan ang mga botante at nagpahayag ng kung sino ang nararapat. Nagapi ang mga maling akala, at nagwagi ang kalooban ng nakararami. Kay raming mga bata na ngayon lamang bumoto ang naglabasan at nagpahayag ng kanilang napupusuang kandidato.

Sa masukal na sitwasyon ng economic meltdown, sa madawag na kalagayan ng isang bansang nanghihinuhod ngayon sa ilalim ng balag ng alanganin, ay nagising ang mga kabataang dati-rati ay tulog nguni’t nagbalikwasan, at nangagsipagbotohan.

Tinatanggap ko na habang nanonood ako sa mga nagaganap sa America, ako ay napaluha sa galak para kay Obama. Napaluha ako sa pasasalamat sa katotohanang kahit puno ng sukal at kahit na ang mundo ay nababalot sa kawalang katiyakan, ay mayroong bukal na nagpapasariwa, mayroong ihip ng hanging nagpapabago sa takbo ng kasaysayan.

May Diyos na naggagabay. May Diyos na nagmamahal. May Ina na nagbabantay sa kanyang mga supling.

Ito ang diwa ng Ina ng lahat ng dambanang Kristiyano sa buong mundo – ang basilica ni San Juan de Letran. Ito ang katedral ng Papa bilang Obispo ng Roma. Ito ang simbahang tinitingala natin bilang Ina sa lahat ng mga dambana sa buong daigdig.

Angkop na angkop ang pangitain ni Exequiel. Isang ilog, isang bukal na dinadaluyan ng mapagbigay-buhay na sariwang tubig. Ito ang larawan ng pagbabantay at pangangalaga ng Inang Simbahan na pinapatnubayan ng Amang Diyos.

Ang tugon sa unang pagbasa ay hindi na mas liliwanag pa. Ang Diyos, sabi natin, ay ating muog at lakas, isang taga-tabang o tagatulong sa oras ng ligalig. Di dapat tayo sagian ng pangamba, mangyari man na ang mga bundok ay magsipagdagsaan patungong karagatan!

Tayo ani San Pablo ay gusaling itinatag ng Diyos mismo. Tayo ay walang iniwan sa isang matibay na muog na hindi magagapi na anumang puwersa ng kasukalan o kadiliman. Tayo, aniya rin, ay mga templo ng Diyos at dito nananahan ang espiritu ng Diyos.

Matindi ang pag-asang dulot ng mga pagbasa. Masukal ang mundo. Magulo ang buhay natin. Ang Pilipinas ay patuloy na nagiging higit na magulo sapagka’t walang sumusunod sa batas. Ang mga politico ay ganid at makasarili. Ang mga bus drivers ay walang magawa kundi sumunod sa “kalakaran” ng mga tsuper, na dapat ay magkarera at makamatay sa ating mga lansangan, lalu na sa EDSA. Wala na tayong magagawa kundi sumunod sa “kalakaran” – isang salitang ipinauso ni Lozada. At hindi kaila sa marami na kasama sa kalakarang ito ang pagtungga ng droga o bawal na gamot.

Masukal ang landasin natin. Magulo. At masalimuot. Parang tuyot at tigang na lupa ang larangan ng buhay natin sa pananampalataya. Mahirap magpakatino, kung lahat ng katabi mo ay masukal ang pag-uugali. Mahirap maging halimbawa kung ang lahat ng kasama mo, sa kaliwa at kanan mo ay sumusunod na lamang sa kalakaran ng mundong makasalanan.

Subali’t may isang naparito hindi upang sumunod sa uso at kalakaran kundi magturo ng landasing hindi tinatahak ng marami – the road less traveled by, ika nga. Ito si Kristo na nagpalayas ng mga manininda sa templo. Siya ay magandang balita sa gitna ng kasukalang nakakasuka sa lipunan. Siya ang simoy ng hangin na nagpapanariwa sa tunay na layunin ng kung bakit tayo nilikha ng Diyos – ang maging simulain ng buhay, buhay na ganap, buhay na nagbibigay-buhay sa kapwa, buhay na handang ialay, bilang pag-alalay sa mga higit na mahihina.

Ito ang ating Inang Simbahan. Ito ang ginugunita natin sa pagtatalaga ng basilica ni San Juan de Letran sa Roma – isang daloy ng malamig at mapanariwa at mapagbigay-buhay na tubig, mula sa bukal na siyang magpapanibago sa sukal ng buhay natin na unti-unting nalalayo sa Diyos, na siyang bukal ng buhay!