frchito

Archive for Enero 22nd, 2009|Daily archive page

BALIGTARAN, BALIKATAN, KABANALAN

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon B on Enero 22, 2009 at 11:33

conversion_of_st_paul-400

PAGBABAGONG-BUHAY NI SAN PABLO
Enero 25, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 22:3-16 / 1 Cor 7:29-31 / Mk 16:15-18

Uso ngayon ang baligtaran sa lipunan natin. Isa sa mga naanyayahan sa Senado ang nagsiwalat ng isang salaysay bago mag-Pasko. Wala raw siyang kinalaman sa nawawalang 700 milyong piso na may koneksyon sa abono. Nang magbagong-taon, matapos ang pista ng Poong Nazareno at Santo Nino, nabaligtad ang kanyang salaysay. Inamin niya na siya ay nagsinungaling lamang nuong Disyembre 22, 2008. At hindi siya kumita sa malaking katiwaliang umiikot sa iilang mga masisiba na nagbalangkas at nagsagawa ng isang pagnanakaw na malinaw pa sa sikat ng araw.

Subali’t hindi ito lamang ang kwento ng baligtaran sa lipunan natin. Noong taong 2000 lamang, may mga politikong pa-okray-okray pa sa Senado noong hindi pinayagang buksan ang isang envelope. Naging daan sila sa pagka-alis sa posisyon ng pinakamataas na opisyal sa ating bayan. Ngayon, 8 taon lamang ang nakalilipas, iba na ang tugtugin ng parehong mga politikong ito, na mayroon nang ibang matatayog na balak sa darating na 2010. Mayroon pang isang hinahangaan nating pinuno na humingi pa ng patawad sa kanyang pinatalsik sa puesto noong taong 2000!

Baligtaran ang kalakaran sa pulitika sa Pilipinas. Tawiran ng kampo … palitan ng mga partido … at talikuran sa mga dati-rati ay magkakasama sa parehong adhikain.

Mayroon ding mahalaga at makahulugang baligtaran sa Biblia!

Sa araw na ito, isang nakagugulantang na baligtaran ang ipinagugunita ng liturhiya – ang pagbaligtad ni Saulo, na pati pangalan niya ay naging Pablo paglaon. Ito ang baligtaran na may kinalaman sa pagtalikod sa mali at masamang kagawian. Ito ang pagbalikwas sa pagkasadlak sa gawaing masama. Ito ang pagbabalik-loob sa Panginoon, ang paggising sa mahimbing na pagkakatulog sa gawang tama at mabuti.

Nasa kalagitnaan tayo ngayon ng buong taong pagdiriwang ng ika-2000 taong kaarawan ni San Pablo (Junio 2008 – Junio 2009). Bagama’t ngayon ay ika-3 Linggo ng Karaniwang Panahon, dahil nasa taon tayo ni Pablo, pinahihintulutan tayo ng Inang Simbahan na ipagdiwang sa Misa ang napakahalagang pangyayari sa buhay ni Pablo.

Ito, sa madaling salita, ay may kinalaman sa pagbaligtad, kumbaga, ni Pablo. Siya mismo ang nagsalaysay ng pangyayaring ito. Mula sa isang taong poot na poot sa maliit na pulutong ng mga tagasunod ni Kristo, si Pablo, matapos ang karanasang ito, ay naging isang masugid na tagapagtanggol ng Santa Iglesia.

At hindi lamang ito … Si Pablo, kasama ni Pedro, ang naging matibay na pundasyon ng Inang Simbahan – ang itinuturing na apostol na sugo sa mga Hentil, na naghatid ng magandang balita sa lahat ng sulok ng kilalang daigdig nuong panahong yaon.

Isa sa pangunahing turo ng Panginoon nuong sinimulan niya ang kanyang pangangaral ay ang pagtawag niya sa pagbabalik-loob. “Magsisi at sumampalataya sa ebanghelyo.” Ito ay pagtawag sa pagbabagong-buhay o pagbaligtad sa takbo ng buhay.

Itong pagbaligtad na ito ang pinanindigan ni Pablo. Siya ang pangunahing halimbawa ng isang taong kung gaano kasugid na kalaban ng Iglesia noong una, ay ganoon ding kasugid na tagapagtaguyod ng Iglesia. Si Pablo ang halimbawa ng isang taong bumalikwas sa maling gawain at bumangon sa gawang banal at mapagligtas. At hindi lamang ito, binalikat niya at pinanindigan din ang tungkuling ipinagkaloob ng Panginoon – ang humayo at mangaral at maghatid sa lahat sa daan ng kabanalan.

Tayo man ay tinatawagan sa ganitong pagbangon. Ito ang buod ng buhay Kristiyano – ang bumangon mula sa kadiliman at lumantad sa kaliwanagan ng magandang balita.

Ang lipunan natin ay nababalot ng iba-iba at susun-susong mga kadiliman at pagkagupiling sa masasamang kagawian. Ang kultura ng politika, ng ekonomiya, at ng pangangalakal ay nababahiran ng lahat ng uri ng kadayaaan. Palasak na ang mga droga na unti-unting nagbubunsod sa atin upang maging isang ganap na tinatawag na “narco-state” na pinamumugaran ng “narco-politics.” Bayaran ang sistema ng hustisya, at nabibili ang kalayaan upang gumawa ng maraming bagay na nagsasadlak lalu sa marami sa masahol na antas ng kawalang kalayaang panloob at pansarili.

Sa ika-dalawang libong kaarawan ni San Pablo, ay mayroon tayong tinitingalang halimbawa at katuwang sa ating paghahanap ng tunay na kalayaan – ang kaligtasang dulot ng Panginoong Jesucristo. Habang pinararangalan natin si Pablo, ay angkop din na ating gunitain at isabuhay ang malaking hakbang na kanyang ginawa – ang bumaligtad, ang magbalikat ng tungkuling iniatang sa kanya ng Panginoon, at ang magpagal tungo sa kabanalan ng marami, lalu ang mga Hentil, sa lahat ng dako ng daigdig.

Ito ang buhay natin bilang mananampalataya … baligtaran, balikatan, at pagpapagal tungo sa kabanalan!

Advertisement