frchito

Posts Tagged ‘Pandaigdigang Taon ni San Pablo’

BALIGTARAN, BALIKATAN, KABANALAN

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon B on Enero 22, 2009 at 11:33

conversion_of_st_paul-400

PAGBABAGONG-BUHAY NI SAN PABLO
Enero 25, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 22:3-16 / 1 Cor 7:29-31 / Mk 16:15-18

Uso ngayon ang baligtaran sa lipunan natin. Isa sa mga naanyayahan sa Senado ang nagsiwalat ng isang salaysay bago mag-Pasko. Wala raw siyang kinalaman sa nawawalang 700 milyong piso na may koneksyon sa abono. Nang magbagong-taon, matapos ang pista ng Poong Nazareno at Santo Nino, nabaligtad ang kanyang salaysay. Inamin niya na siya ay nagsinungaling lamang nuong Disyembre 22, 2008. At hindi siya kumita sa malaking katiwaliang umiikot sa iilang mga masisiba na nagbalangkas at nagsagawa ng isang pagnanakaw na malinaw pa sa sikat ng araw.

Subali’t hindi ito lamang ang kwento ng baligtaran sa lipunan natin. Noong taong 2000 lamang, may mga politikong pa-okray-okray pa sa Senado noong hindi pinayagang buksan ang isang envelope. Naging daan sila sa pagka-alis sa posisyon ng pinakamataas na opisyal sa ating bayan. Ngayon, 8 taon lamang ang nakalilipas, iba na ang tugtugin ng parehong mga politikong ito, na mayroon nang ibang matatayog na balak sa darating na 2010. Mayroon pang isang hinahangaan nating pinuno na humingi pa ng patawad sa kanyang pinatalsik sa puesto noong taong 2000!

Baligtaran ang kalakaran sa pulitika sa Pilipinas. Tawiran ng kampo … palitan ng mga partido … at talikuran sa mga dati-rati ay magkakasama sa parehong adhikain.

Mayroon ding mahalaga at makahulugang baligtaran sa Biblia!

Sa araw na ito, isang nakagugulantang na baligtaran ang ipinagugunita ng liturhiya – ang pagbaligtad ni Saulo, na pati pangalan niya ay naging Pablo paglaon. Ito ang baligtaran na may kinalaman sa pagtalikod sa mali at masamang kagawian. Ito ang pagbalikwas sa pagkasadlak sa gawaing masama. Ito ang pagbabalik-loob sa Panginoon, ang paggising sa mahimbing na pagkakatulog sa gawang tama at mabuti.

Nasa kalagitnaan tayo ngayon ng buong taong pagdiriwang ng ika-2000 taong kaarawan ni San Pablo (Junio 2008 – Junio 2009). Bagama’t ngayon ay ika-3 Linggo ng Karaniwang Panahon, dahil nasa taon tayo ni Pablo, pinahihintulutan tayo ng Inang Simbahan na ipagdiwang sa Misa ang napakahalagang pangyayari sa buhay ni Pablo.

Ito, sa madaling salita, ay may kinalaman sa pagbaligtad, kumbaga, ni Pablo. Siya mismo ang nagsalaysay ng pangyayaring ito. Mula sa isang taong poot na poot sa maliit na pulutong ng mga tagasunod ni Kristo, si Pablo, matapos ang karanasang ito, ay naging isang masugid na tagapagtanggol ng Santa Iglesia.

At hindi lamang ito … Si Pablo, kasama ni Pedro, ang naging matibay na pundasyon ng Inang Simbahan – ang itinuturing na apostol na sugo sa mga Hentil, na naghatid ng magandang balita sa lahat ng sulok ng kilalang daigdig nuong panahong yaon.

Isa sa pangunahing turo ng Panginoon nuong sinimulan niya ang kanyang pangangaral ay ang pagtawag niya sa pagbabalik-loob. “Magsisi at sumampalataya sa ebanghelyo.” Ito ay pagtawag sa pagbabagong-buhay o pagbaligtad sa takbo ng buhay.

Itong pagbaligtad na ito ang pinanindigan ni Pablo. Siya ang pangunahing halimbawa ng isang taong kung gaano kasugid na kalaban ng Iglesia noong una, ay ganoon ding kasugid na tagapagtaguyod ng Iglesia. Si Pablo ang halimbawa ng isang taong bumalikwas sa maling gawain at bumangon sa gawang banal at mapagligtas. At hindi lamang ito, binalikat niya at pinanindigan din ang tungkuling ipinagkaloob ng Panginoon – ang humayo at mangaral at maghatid sa lahat sa daan ng kabanalan.

Tayo man ay tinatawagan sa ganitong pagbangon. Ito ang buod ng buhay Kristiyano – ang bumangon mula sa kadiliman at lumantad sa kaliwanagan ng magandang balita.

Ang lipunan natin ay nababalot ng iba-iba at susun-susong mga kadiliman at pagkagupiling sa masasamang kagawian. Ang kultura ng politika, ng ekonomiya, at ng pangangalakal ay nababahiran ng lahat ng uri ng kadayaaan. Palasak na ang mga droga na unti-unting nagbubunsod sa atin upang maging isang ganap na tinatawag na “narco-state” na pinamumugaran ng “narco-politics.” Bayaran ang sistema ng hustisya, at nabibili ang kalayaan upang gumawa ng maraming bagay na nagsasadlak lalu sa marami sa masahol na antas ng kawalang kalayaang panloob at pansarili.

Sa ika-dalawang libong kaarawan ni San Pablo, ay mayroon tayong tinitingalang halimbawa at katuwang sa ating paghahanap ng tunay na kalayaan – ang kaligtasang dulot ng Panginoong Jesucristo. Habang pinararangalan natin si Pablo, ay angkop din na ating gunitain at isabuhay ang malaking hakbang na kanyang ginawa – ang bumaligtad, ang magbalikat ng tungkuling iniatang sa kanya ng Panginoon, at ang magpagal tungo sa kabanalan ng marami, lalu ang mga Hentil, sa lahat ng dako ng daigdig.

Ito ang buhay natin bilang mananampalataya … baligtaran, balikatan, at pagpapagal tungo sa kabanalan!

Advertisement

KATATAGAN, PAGPAPAYAMAN, AT PAGLAGANAP

In Homily in Tagalog, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hunyo 23, 2008 at 21:31

Kapistahan ni San Pedro at San Pablo
Junio 29, 2008

Mga Pagbasa: Gawa 12:1-11 / 2 Timoteo 4:6-8, 17-18 / Mt 16:13-19

Mahalaga ang araw na ito para sa lahat ng kristiyano. Bukod sa ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng dalawang matatag na haligi ng iglesya katolika, at ng pananampalatayang kristiyano, bibigyang pasinaya ng Santo Papa ang taon ni San Pablo. Ayon sa tradisyon at sa kasaysayan, isinilang si Pablo sa pagitan ng 7 – 10 BC. Samakatuwid, ika-2000 libong taon ng kanyang pagsilang sa Tarsus, Asia Minor, na ngayon ay bahagi ng Turkey.

Hindi natin mabibigkas ang ating pananampalataya sa iisang banal na iglesia, apostolika, catolica at romana kung hindi natin ipapasok sa usapin ang pangalan ng kambal na dakilang santo na si Pedro at Pablo. Sa mula’t mula pa, ay naisadiwa na ng mga kristiyano ang tambalang Pedro at Pablo.

Ngunit ito ay isang tambalang hindi batay sa pagka-pareho kundi pagkakaiba – pagkakaibang nagdulot ng yaman at tibay sa simbahan mula pa sa simula. Si Pedro ay sagisag at muog ng katatagan at pagpapatuloy. Si Pablo naman ay sagisag ng pagpapayaman at pagpapalaganap.

Katatagan … Ito ay higit na kinakailangan ng ating lipunan ngayon sa panahong ito. Kay daling mabago ang simoy ng hangin … kay daling mapalitan ang katayuan ng isang tao sa harap ng balanang nagbabago ang isipan ayon sa direksyon ng hangin. Kay daling maglaho ang pinaghihirapan ng tao sa maraming taon. Sa isang iglap, sa isang daluyong ng malakas na bagyo, tulad ni Frank, ay lubusang napuksa ang pangarap ng napakaraming naging biktima ng masamang panahon. Ang puso ko ay  nakatuon sa daan-daang taong ang buhay ay kagya’t napuksa ng kalikasan at ng kapalpakan ng Sulpicio lines. Kay daling maglaho ang anu mang ating pinahahalagahan at pinagmamalasakitan.

Katatagan … ito ang bagay na hindi natin makita sa lipunang umiikot sa isang uri ng politikang pinamumugaran ng mga sinungaling at tampalasang mga politikong sanga-sanga ang dila. Katatagan … ito ang pinaka-aasam-asam ng lahat ng taong umaasa pang ang buhay nila ay masisilayan pa ng isang bagong umaga ng pag-asa.

Katatagan … ito ang dulot ni Pedro na sa loob ng maraming dantaon, sa kabila ng napakaraming pagsubok na pinagdaanan ng barkong kanyang ginabayan … sa kabila ng personal niyang paghihirap, pagpapakasakit, at pagkapako sa krus tulad ng kanyang Panginoong si Jesucristo, ay siyang naghari at patuloy na namamayagpag sa buhay ng Inang Santa Iglesia magpahangga ngayon.

Paglaganap … ito naman ang yamang dulot ni Pablo. Noong isang buwan, nagkapalad akong makapunta sa ilang lugar na tinahak ni San Pablo. Nakita ko sa Rodos, Grecia ang isa sa mga pantalang dinaungan ni Pablo noong taong 58 AD. Naging sagisag ito para sa akin ng diwa ng kanyang pagpupunyagi upang lumaganap ang Santa Iglesia. Totoong si Pablo ay dapat itanghal bilang haligi ng pagpapayaman at pagpapalaganap ng pananampalataya.

Paglaganap … Lubha rin natin kailangan ito. Kay raming lumalaganap ngayon na kakaibang mga pangaral. Nandiyan ang New Age … Nandiyan ang mga iba-ibang uri ng science of the mind … nandiyan din ang mga palsong propetang nagsasamantala sa kawalang katig ng marami nating paniniwala dahilan sa dami ng mga salu-salungat na mga pangaral sa ating kapaligiran.

Paglaganap … Ito ang isang suliraning tila bumabalot sa buong daigdig – ang paglaganap ng globalisasyon at ang lahat ng negatibong aspetong dulot nito. Laganap sa daigdig ang pagkamuhi. Ang terorismo ay walang iba kundi malalim na pagkagalit at pagkamuhi.

Paglaganap … kay raming mga bagong sakit ang lumalaganap sa lahat ng dako ng daigdig. Laganap rin ang mga iba-ibang uri ng droga at mga bawal na gamut. Laganap rin ang kahirapan, at kamangmangan, at kawalang kakayahan sa harap ng mga makapangyarihang tao at gobyernong nagtataglay ng malaking tipak ng kapangyarihan sa mundo.

Ang dalawang katagang ito ang kumakatawan sa kapistahan natin ngayon. Si Pedro at Pablo ang haligi ng katatagan at paglaganap. Subalit kakaibang katatagan at paglaganap ang kinakatawan nilang dalawa.

Ito ang magandang balita para sa  atin ngayon. Ngunit ang magandang balita ay hindi lamang mga katagang nakapagpapagaan ng puso at damdamin. Ang magandang balitang dulot ng kambal na banal na sina Pedro at Pablo ay mga katagang paghamon – mga katagang kumakatawan sa tungkuling naka-atang ngayon sa ating balikat bilang kanilang tagasunod.

Noon pang 1989 ay binigyang-diin na ni Papa Juan Pablo II ang tungkulin nating magdulot ng katatagan at paglaganap sa ating pananampalataya. Tinawagan ng Santo Papa, Juan Pablo II ang lahat na magpagal sa ngalan ng isang bagong ebanghelisasyon. Hindi ito nangangahulugang bagong mensahe, kundi bagong pamamaraan, bagong pag-iibayo, at  bagong pagsisikap upang maipamahagi ang magandang balita ng kaligtasan.

Ito ang pamana sa atin ni Pedro at Pablo. Ito ang kanilang magandang halimbawa, at ito ang dahilan kung bakit tayo ay nagdiriwang sa araw na ito. Iisa lamang ang nananatiling dapat nating isagawa – ang magpagal, ang magsikap, ang ipagpatuloy ang kanilang sinimulan – ang maging sanhi rin ng katatagan, pagyaman, at paglaganap ng pananampalataya.