Ika-6 na Linggo ng Karaniwang Panahon (Taon B)
Febrero 15, 2009
Mga Pagbasa: Lev 13:1-2,44-46 / 1 Cor 10:31 – 11:1 / Mk 1:40-45
Maraming kaso ng ketong sa lipunan natin … mga taong walang masulingan, mga nilalang na hindi katanggap-tanggap sa nakararami, mga kaluluwang hindi napapansin, hindi pinahahalagahan – at higit sa lahat, mga mukhang iniiwasan, tinatakasan, tinatakbuhan nang papalayo, hindi papalapit.
Ang lahat ng uri ng ketong na ito ay may iisang katangiang makikita sa lahat – pawa silang tila nakakulong – kulong sa isang malarehas na piitan sa pag-iisip at pagtingin ng kapwa. Mahirap humulagpos, mahirap umungos sa pagkagupiling sa piitang ito ng guni-guning nalihis ang landas sa maling akala, maling pang-unawa, at lalung maling mga panukala.
Nagtitipon tayo bilang mga mananampalataya tuwing araw ng Linggo upang makibahagi sa magandang balitang dulot ng ating Mananakop at Tagapagligtas. Para sa marami sa atin, tanging ito na lamang ang puede nating panghawakan … tanging itong pangako na lamang ng Diyos ang pag-asa natin. Kung titingnan natin ang kalakaran ng lipunan, napakaraming mga bagong piitang nagkukulong sa atin: terorismo, katiwalian, karahasan, kadayaan, at kawalang pagtalima sa kalooban at kautusan ng Poong Maykapal.
Ang ketong sa lipunan at panahon natin ngayon ay malayo sa pangkatawang suliranin, subali’t parehong pareho ang bunga at epekto nito sa atin. Tinatawag na “new forms of poverty” – mga bagong anyo ng kahirapan o dili kaya’y panibagong uri ng alienasyon sa lipunan, kay dami sa atin ang walang tinig, wala ni gaputok na kakayahang mangusap, marinig ang hinaing, at mapakinabangan ang ating niloloob. Kay dami ngayon ang tila nakakulong sa mga maling paniwala, mga palsong hinuha at nababalot sa alkitran ng mga panlilinlang ng mga politico at ng larangan ng mass media. Pulos propaganda na lamang yata ang lahat … ang mga patalastas ay nagkukulong sa marami sa kaisipang hindi sila ganap na liligaya kung walang ganito o ganoong gamit o damit. Ang mga propaganda political ay nagkukulong sa marami sa isang larawan ng lipunan na umiinog sa tinawag na “bata-bata system.” Kulong ang mga walang kaya at mangmang sa mga pangakong hungkag ng mga politicong ang tangi namang pakay ay mapanatili ang sarili hangga’t maaari sa kapangyarihan.
Narinig natin sa unang pagbasa kung paano ang lumang kautusan ay nagsabing ang ketongin ay kumbaga’y dapat kulungin sa isang uri ng pamumuhay na dapat iwasan ng balana. Subali’t narinig din natin kung paano ang lumang kautusang ito ay pinapagpanibago ni Kristo at ang pagkakulong, ay nauwi sa pag-aalay ng sarili niya bilang isang kanlong – isang bahay na maaaring uwian, isang bubong na maaaring maging silong sa init ng pagtanggi ng kapwa. Ito ang ating ipinagmamakaingay sa araw na ito: “Bumabaling ako sa Iyo, Panginoon, sa sandali ng kapighatian, at ako’y pinupuno Mo ng kagalakan at kaligtasan.”
Ito ang magandang balita na tinutumbok ng ebanghelyo sa araw na ito. Bagama’t ang ketongin ay walang karapatang lumapit man lamang kaninuman, ayon sa lumang kautusan na narinig natin sa unang pagbasa, ang pagnanasa ng isang may ketong na kulong sa loob ng maling paniniwala ng balana, na makatagpo ng isang kanlungan sa init ng pagsiphayo ng tao ay nagbunsod sa kanya upang lumapit kay Kristo. Kanlong ang hanap niya sa init ng pagkakakulong na ito. At kanlong ang hatid ng Panginoon.
Si Kristo ay hindi lumayo, hindi tumakas, hindi umaskad ang nguso sa pagtanggi sa taong napipiit sa kulungang kinasadlakan. Bagkus lumapit siya, at hindi lamang iyon, iniunat ang kamay at hinipo ang may ketong. “Nais ko. Gumaling ka nawa.” At kapagdaka’y gumaling ang lalaking may ketong.
Ang antipona (bersikulo) sa pambungad ay angkop na angkop sa paksain natin ngayon. Hiniling natin sa Diyos: “Panginoon, ikaw ang aking muog ng katiyakan, kalakasan at kaligtasan. Alang-alang sa Iyong ngalan, ihatid Mo ako sa tamang landas.”
At ito ang isa sa tamang landas na dapat nating tahakin, matapos tumanggap ng kanlong, silong, at bagong pagsilang mula sa Panginoon.
Ang lalaking ketongin ay hindi lamang niya pinagaling. Inatangan niya ang ketongin na naging malinis ng isang tungkulin. Nang makatanggap ng kanlong at lugar upang sumilong sa init ng pagtatangi at pagtanggi ng lipunan, pinabalik ni Kristo ang lalaki sa parehong lipunan na nagsiphayo sa kanya. “Humayo ka sa mga pari at pasuri at mag-alay na nararapat ayon sa batas ni Moises. Sapat na patunay na iyon sa kanila.”
Bilang isang guro na 32 nang taong nagtuturo, bilang isang pari sa nakalipas nang 26 na taon, hanga ako sa mga nagbabalik at nagpapasalamat. Saludo ako sa mga nilalang na, sapagka’t galing sila sa isang madilim o mapait na karanasan, at naihango sila mula duon sa biyaya ng Diyos, at nagbalik upang kumilala ng kabutihang kanilang natanggap. Ito ang mga taong umahon, hindi lamang sa ketong, kundi sa pagkaka-kulong. Ang biyaya ng Diyos ay naging silong o kanlong sa ilalim ng nakapapasong init ng suliranin o pagkakaiba sa balana.
Nguni’t tulad ng kwento ng sampung ketongin sa ebanghelyo at iisa lamang ang nagbalik upang magpugay sa Panginoon, ang taong nagbubunyi at nagpupuri sa Diyos matapos makatanggap ng silong o kanlong ay siyang umaako sa utos ni Kristo upang ang pagpapasalamat ay mauwi sa pagsulong – sa pagpapalawig ng magandang balita ng kaligtasan.
Lahat tayo ay galing sa lusak ng kasalanan … Lahat tayo ay hinango mula sa kalalimang ito ng kabuktutan, kung saan tayong lahat ay nakulong. Ang naghango sa atin ang Siyang nagdulot sa atin ng kanlong at paglaya sa kulungan ng kasalanan.
Siya ring naghango sa atin ang Siya ring nag-aatang sa atin ngayon ng tungkuling tumulong sa iba upang sumulong palapit sa kahariang dulot Niya.
Ang ketong natin ay pinalitan ng kanlong ng pag-asa at kaligtasan. Tungkulin na natin ngayon ang isulong ito tungo sa ikalalaganap ng kaganapan ng kaligtasang ito.
Ang katumbas ng ketong sa panahon natin ngayon ay ang tinatawag na “AIDS” o “Acquired Insensitivity Due to Self-centerdness” at ito rin ang sakit nga karamihan sa panahon natin ngayon. Nawa’y ang bawat isa ay makalaya sa ganitong piitan upang sa gayo’y mamuhay tayo ng naayon sa ating mga pangalan. Salamat sa magandang pagninilay para sa linggong darating.