Ika-3 Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 15, 2009
Mga Pagbasa: Exodo 20:1-17 / 1 Cor 1:22-25 / Jn 2:13-25
Nasa kalagitnaan ako ng pagbabasa ng isang aklat ni Fr. Robert Barron. Sa gitna ng maraming pagka-abala, nakatutuwang isipin na, bagama’t tagtuyot na, at mainit na ang panahon sa Pilipinas, may natutunghayan tayong mga babasahing nakapagbibigay ng ginhawa sa kaluluwang tigang na tigang sa init ng lahat ng uri ng kasamaang nagaganap sa lipunan.
Sa kalagitnaang ito ng Kwaresma, sa panahong tila naghihintay tayo ng bukal na makapagbibigay-ginhawa sa ating tuyot na mga bibig at kalamnan, isang mahalagang bungkos ng mga kataga ang bigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Moises. Ito ang ibig sabihin ng dekalogo sa Griego – isang bungkos ng sampung kataga, sampung salita, sampung palatandaan sa daan ng ating buhay.
Hindi kaila sa atin na ang buhay ay isang paglalakbay. Ito ay naunawaang maigi ng mga unang taga-sunod ni Kristo. Tinagurian silang maglalakbay sa DAAN, ang tunay na daan, hindi lang ang “dating daan.” Si Kristo ang tumahak sa daang ito. Si Kristo ang sinusundan natin sa daang ito, at ang Diyos ang nasa dulo ng tahaking ito – Siya at Kaniyang mga pangako.
Subali’t sang-ayon ako kay Fr. Barron nang pinamagatan niya ang kanyang aklat na “The Strangest Way: Walking the Christian Path.” Totoo nga. Taliwas sa kagawian ng balana ang pagsunod sa daan ni Kristo. Ang daan ng mundo at ng mga makamundo ay siyang namamayagpag ngayon. Wala nang nag-iisip na masama ang korupsyon, ang pandaraya sa buhay publiko. Wala nang nag-iisip na ang pagpapabayad sa eleksyon, ang pagbebenta ng boto, at pati na rin ang pagbebenta ng hustisya sa tamang halaga, ay masama. Wala nang nakakakit ng mali sa kaparaanan ng mga palabas sa TV na nagsasamantala sa kamangmangan at kahirapan.
Ito ang sinasaad ng bungkos ng sampung kataga sa dekalogo – ang sampung utos. Ipinagkaloob ito habang naglalakbay ang mga Israelita sa ilang. Ito rin ang siyang dapat nating tuntunin sa sarili nating paglalakbay sa landasin ng pang-araw-araw nating buhay sa ating panahon.
Maraming liku-likong landasin ang tinahak ng mga Israelita. Nandyan ang pagsamba sa diyus-diyusan. Nandyan ang pag-angal sa kawalan ng karne at mga pansahog sa karne na kinasanayan sa Egipto. Nandyan ang pag-atungal kay Moises sa kanyang pamumuno sa isang tila walang patutunguhang pagpaikot-ikot sa disyerto!
Sampung kataga ang ginamit ng Diyos upang bigyang-liwanag ang daang tinatahak natin. Ang daang ito ay may tatlong sanga na iisa ang patutunguhan. Ang unang sangandaan ay ang pagkilala sa Diyos bilang tanging Diyos … ang pagturing sa Diyos bilang sentro ng buhay natin. Malimit na hindi Siya ang sentro at pokus ng buhay natin. Marami sa atin ay hindi man lamang makapunta sa Simbahan sa tamang oras. Higit na marami ang nasa simbahan nga nguni’t nagtetext lamang, o nakikipagkwentuhan sa kasama. Ang Diyos ay Diyos, oo … pero dino-diyos din natin ang iba pang bagay – ang salapi, kapangyarihan, posisyon, at marami pang iba.
Ang ikalawang sangandaan ay ang pagkilala sa sarili bilang isang makasalanan. Ito ang malinaw na pahiwatig ng sampung kataga. Uso ngayon ang pagtanggi. Mga presong pinatawad at pinalaya kahit walang pagtanggap sa kanilang kasalanan … mga taong huling-huli na sa akto ay mahahaba at madudulas ang dila sa pagtanggi at pagsisinungaling sa harapan ng camera ng TV … mga taong buking na buking na ay nakukuha pang magpaawa sa publiko … ang pagkakasala ay hindi na tinatanggap ng balana … walang iniwan kay Adan at Eba na ang tanging tugon ay manisi at magsisihan, o magtago sa Diyos.
Ang ikatlong sangandaan ay ang pagkabatid na ang buhay natin ay hindi lamang atin kundi sa Diyos … na hindi kalooban natin ang masusunod kundi sa Kanya na nagsugo sa atin. Ito ay malinaw ring pahiwatig ng sampung kataga – na ang buhay natin ay hindi tayo ang may kapangyarihan at may control, kundi ang Diyos na nagkaloob nuon sa atin.
Tatlumpu’t dalawang taon na ako nagtuturo. Sa aking karanasan, ang pinakamahirap turuan ay hindi ang maleleta, ang mga tinatawag nating bobo. Ang pinakamahirap turuan at hubugin ay ang ayaw pahubog, ang matigas ang ulo, ang hindi marunong sumayaw, ika nga, sa tugtugin. May mga estudyanteng nakukuha sa tingin. Mayroong nakukuha sa isa o ilang salita. Mayroon namang kinakailangan ng ilang babala. Subali’t iisa ang tadhanang inaasam ng guro, ng mga magulang, at pati ng bata – ang matuto, ang makarating na maluwalhati sa inaasam na pangarap, ang tagumpay.
Sa kagustuhan nating hubugin ang isipan at pag-uugali ng kabataan, gumagamit tayo ng maraming daan – ang daan ng salita, ang daan ng paliwanag, ang daan ng disiplina, ang daan ng pagbibigay ng babala upang magising, ika nga, ang mga natutulog.
Nais kong isipin na sa araw na ito, ang sampung kataga – and Dekalogo – ay hindi nalalayo sa lahat ng ito. Ang sampung kataga – ang sampung utos ay mga palatandaan sa daang tinatahak natin bilang mga anak ng Diyos. Ang sampung kataga ay may laman ring babala – mga paalaala mula sa isang mapagmahal na Diyos para sa ating lahat na di-miminsa’y naliligaw ng landas.
Sa likod ng mga kataga at babalang ito ay lumulutang ang iisang katotohanan – ang iisang hantungan ng lahat ng ito – ang iisang tadhana na naghihintay para sa lahat ng mga tinawagan ng Diyos.
Ito ang tadhana na naghihintay sa mga manlalakbay tulad nating lahat. Ito ang tadhanang pinanghahawakan natin kung kaya’t ang tugon natin matapos ang unang pagbasa ay walang iba kundi ito: “Panginoon, taglay mo ang salitang nagbibigay-buhay!” Sa diwa nito, ang sampung salita ay hindi lamang kataga … hindi lamang babala … bagkus pahiwatig ng isang maluwalhati at dakilang tadhana na inihanda ng Diyos para sa mga nagmamahal sa Kaniya!
fr. chito salamat sa mga pagninilay mo. Every week hinihintay ko tlaga ung translation mo mas nauunawaan ko, sobrang ang laki ng kontribusyon ng pagninilay mo sa akin salamat talaga. sa april 13 ipagdiriwang ko ang 25th aniv ko sa pagkapari d2 sa marinduque gus2 kitang imbitahan dahil malaki ang naitulong mu sa akin bilang pari sa pamamagitan ng mga homilies mo..e2 ung number ko just in case 09108582882…or eamil mo ako. salamat kapatid!
In our times today, characterized by relativism, the message of the Decalogue becomes more distinguished in that there are still in fact “absolutes” which we cannot just let go or even water down. Your presentation of the Ten Commandments in this sermon made me appreciate them not just “commands” that prohibit, but more so, they are “words” of life from the One–the Absolute, who neither deceives us with His words, nor can we deceive by “circumventing” or even to a certain extent “bending” the “commands” He has given us as we journey like the Israelites in these “contours of hopelessness in society that baffle us at times.
[…] SAMPUNG KATAGA, ILANG BABALA, IISANG TADHANA March 20092 comments 4 […]