frchito

KAHIHIYAN, KALIGTASAN, KALIWANAGAN

In Homily in Tagalog, Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Marso 19, 2009 at 07:22

calvary23_jesus_cross

Ika-4 na Linggo ng Kwaresma(B)
March 22, 2009

Malaking kahihiyan ang sinapit ng mga Israelita … kasukdulan ng kapighatian … ang pagkatapon sa Babilonia. Marami pang ibang suliranin ang nakabuntot sa kahihiyang ito: malayo sa templo, malayo sa kinagawiang gawang banal at mga sakripisyo, malayo sa lahat ng bagay na kaakibat ng kanilang isang pagiging bayang hinirang ng Diyos.

Ito ang bungad nating salaysay sa liturhiya natin sa araw na ito. Nguni’t ang bungad nating dasal ay tila may kinalaman sa ating sariling karanasan ng kahihiyan: “sundin nawa namin ang halimbawa ni Jesucristo: nawa’y ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig namin ay magbunsod sa amin upang palitan ng pag-ibig ang poot, ang alitan ay matabunan ng kapayapaan, at ang kamatayan ay magbunga ng buhay na walang hanggan.”

Simulan agad natin sa ating kalalagayan sa bayan natin … Ilang beses na tayo nasadlak sa kahihiyan. Isa tayo sa bansang pinaka-tiwali sa buong mundo. Nililibak tayo ng maraming bansa sapagka’t bagama’t tayo ang nagpa-uso sa “people power” na mapayapa at mapagpanibago, hanggang ngayon, ang pagpapanibago ng lipunan na pinangarap natin sa EDSA, ay hindi pa nagaganap, bagkus lalu pang lumala sa maraming antas. Ang inaasam nating politika na sana ay lilinis at gaganda ay lalu pang dumumi at pinamugaran ng mga masisiba pa kay Ali Baba at ang kanyang 40 mandarambong. Sa dami ng mga imbestigasyon sa kongreso at senado, na wala namang kinahihinathan, pinagtatawanan tayo ng buong daigdig. Ngayon, sa urung-sulong na affidavit ng babaeng nilapastangan daw ng isang Kano, ay lalung nasadlak ang dangal natin na hindi malayong tinitingnan tayo ng ibang bansa bilang mga taong mabababaw at madaling mabili ng kung ano mang pabuya, mabago lamang ang unang sinumpaang salaysay.

Tulad ng mga Israelita sa Babilonia, nangangarap tayo ng dangal, ng kalayaan, at ng marami pang kaakibat ng laya sa sariling bayan.

Itong pangarap na ito ang binigyang-katuparan mismo ng Diyos sa pagsusugo kay Ciro na nagpalaya sa mga napatapong Israelita. Ito rin ang pangarap at pangako na binigyang-katuparan ng Diyos sa kabila ng lahat: “Ang Diyos ay mayaman sa habag ayon sa dakila Niyang pag-ibig sa atin. Kahit tayo ay lugmok sa kasalanan ay binuhay tayong muli kay Kristo. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.”

Kung paanong hinango ng Diyos ang mga Israelita sa kahihiyan, gayun din naman, inihatid tayo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, sa kaligtasan.

Kaligtasan …. Anu nga ba ang katuturan nito sa ating panahon ngayon kung kailan namumulaklak ang kadiliman at katiwalian? Ang Diyos ba ay nagpapadala ba ng isa pa or marami pang Ciro na handang maglubag-loob at magpalalaya sa atin? Tayo ba ngayon ay may pag-asa pang umahon sa pagkasadlak sa malaking kahihiyan na bumabalot sa ating lipunan? Ang atin bang pananampalataya bilang naturingang taga-sunod ni Kristong ay may kakayahan at kapangyarihang ipagtaguyod ang ating patuloy na pangarap na hindi nalalayo sa pangarap ng mga Israelita sa Babilonia?

Batay sa kasaysayan ng pag-ibig ng Diyos na natatala sa Biblia, batay rin sa Kanyang pagkasi sa isip at damdamin ni Ciro, mayroon pang pag-asa para sa atin. Mayroon pang nananatiling paraan upang ang ating bayan, ang lupang bayang kahapis-hapis natin, ay makakita ng liwanag.

Kaliwanagan …. Ito ang tinutumbok ng ikatlong pagbasa, ang ebanghelyo ayon kay Juan. Sa unang pagbasa, ang kaligtasan ng bayan ng Diyos ay nasalalay sa kaliwanagang natamo ng isang makapangyarihang pinuno, si Ciro. Sa ikalawang pagbasa, ang kaligtasang inaasam ay binigyang-katuparan mismo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.

Subali’t dito naman papasok ang ating pananagutan. Ang kaligtasan ay hindi isang libreng pases sa sinehan, na tinatanggap na lamang natin at sukat. Hindi ito isang papel tulad ng affidavit ni Nicole na automatikong magbibigay-daan sa isang visa patungong Amerika. Hindi ito isang smart card na makapagbubukas ng maraming pintuan sa isang high tech na gusali sa maraming bahagi ng mundo. Hindi ito isang magic wand na makapagpapawi kagya’t ng kahihiyan natin.

Ang kaligtasang galing sa Diyos ay isang kaloob nguni’t hindi makapagpapaganap ng minimithi hangga’t walang pinananagutan rin ang sinumang tumanggap.

Noong 1986, sa EDSA, ay kinasihan tayo ng Diyos upang makagawa ng hakbang tungo sa ikapapanuto. Mataas ang pag-asa natin sa isang panibagong lipunan na hindi na papayag sa paniniil, kadayaan, katakawan, at lahat ng uri ng katiwalian at kayabangan ng mga nasa poder. Isang matayog at nag-aalab na apoy ng pagpupunyagi ang nagdaig at nagliyab. Malaking liwanag ang nakita ng maraming Pinoy. Nguni’t ang liwanag na ito ay kagya’t nahalinhan ng kadiliman.

Hindi na dapat natin pahintulutan na mangyari pang muli ito. “Ganuon na lamang an pag-ibig ng Diyos kung kaya’t isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak.” Sabi ni Juan: “Ang liwanag ay dumating sa daigdig.” Ito ay hindi naiiba sa liwanag na dumating na paulit-ulit sa bayan natin. Subali’t ani San Juan, “higit na pinahalagahan ng tao ang kadiliman, sapagka’t ang kanilang mga gawa ay kasamaan.”

Matayog ang pangarap natin …masidhi at wagas. Sa kabila ng lahat, sa kabila ng susun-susong mga balakid, patuloy pa rin tayo naglalakbay sa landas na naghahatid sa kaliwanagan – sa kaligtasan. Ang inyong pabalik-balik na pagpunta dito sa Simbahan upang magsumamo sa Diyos ay patunay nito. May ilaw pa tayong tinatanaw o tadhanang tinitingala. May Diyos pa tayong tinatawagan at pinaninikluhuran. May Panginoong naggagabay pa rin sa landasin nating lahat.
Kahihiyan ang tumatabon sa ating lahat mula sa lahat ng sulok ng ating lipunan. Sa kabila nito, kaligtasan pa rin ang paanyaya sa atin ng Diyos na hindi tumatalikod sa Kanyang pangako. Subali’t para natin marating at makamit ito, ay mayroon tayong dapat ipagtaguyod – ang pagmamahal natin at pagkatig sa puwersa ng kaliwanagan. Malinaw ang mungkahi ni Juan, ayon rin sa Lumang Tipan … tumingala sa itaas … sa puno ng Krus, kung saan ang liwang ng daigdig ay nabayubay, napako, at namatay. “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa tikin sa disyerto, gayun din naman ang Anak ng Tao ay dapat matanghal, upang ang lahat ng maniwa ay magkamit ng buhay na walang hanggan.”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: