LINGGO NG PALASPAS(B)
Abril 5, 2009
Mga Pagbasa: Mk 11:1-10 / Is 50:4-7 / Filipos 2:6-11 /Mk 15:1-39
Dumating na ang takdang panahon! Sa hinaba-haba at tagal ng mga taong nagdaan magmula na ang pahimakas ng ebanghelyo ay natunghayan sa aklat ng Genesis – ang tinatawag na “proto evanggelion,” ay dumating na ang itinadhanang panahon ng Diyos upang ang lahat ng hula at pahatid ng mga patriarka, ng mga propeta, at maging si Juan Bautista, ay maganap at magkatotoo.
Sa araw na ito, araw ng pasyon, araw ng palaspas, ay tiniteleskopyo, alalaumbaga, ng Inang Simbahan, ang kaganapan at kabuuan ng hiwaga ng gawang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristong Mananakop.
Noong isang Linggo, pinagnilay natin kung paano ang Diyos ay magpapaganap ng lahat ng inihula ng mga propeta sa tamang panahon. Pinanghawakan natin ang mga kataga ni propeta Jeremias, na nagsabi: “Darating ang mga araw, wika ng Panginoon, na ako ay gagawa ng isang bagong kasunduan sa pagitan ko at ng bayan ng Israel.” Narinig nating kung paano ipinakita naman ni Pablo ang mga naganap nang “dumating ang takdang panahon.” At narinig natin sa ebanghelyo ni Juan kung paanong ang “takdang oras ng pagluluwalhati” ay dumating na – kung kailan itataas at itatanghal ang Anak ng Tao.
Sa araw na ito, ang lahat ng hula magmula sa Lumang Tipan ay nagaganap noon, ngayon, at magpakailanman.
Ito ang ginagampanan natin sa liturhiya ng Simbahang Katoliko … pag-aalaala, paggunita, pagsasakatuparan, at pagsasariwa ng bagay na naganap na, nagaganap pa, at magaganap pang muli.
Ang araw ng palaspas ay isang malinaw na halimbawa nito. Dito tineleskopyo natin ang kabuuan ng gawang pagliligtas ni Kristo: ang makasaysayang panimula ng Kanyang pagsuong sa daan ng krus, ang maluwalhating pagsalubong sa Kanya ng isang bayang nagupiling sa pagka-alipin na naghihintay ng kaligtasan, at ang kanyang pagsulong tungo sa kaganapan ng kanyang gawang pagliligtas, na ang kasukdulan ay narating niya sa rurok ng bundok ng Golgotha sa kalbaryo, kung saan ang “pagtataas at pagtatanghal ng Anak ng Tao” na hula sa Lumang Tipan ay nagkaroon ng kaganapan.
PAGSUONG … Batid ni Jesus kung ano ang naghihintay sa Kanya sa pagpasok sa Jerusalem. Alam niya na bagama’t ang bayang Israel ay naghihintay sa Mananakop, ang mga namumuno at nangangasiwa sa bayang ito ay hindi makatatanggap, hindi makauunawa, at lalung hindi makasusunod sa kaganapan ng kalooban ng Diyos. Ayon nga sa ebanghelyo ni Juan, “dumating Siya upang maghatid ng liwanag, subali’t mas ninais pa nilang mabuhay sa kadiliman” at “ang sarili niyang bayan ay hindi tumanggap sa Kanya.”
Sa araw ng pasyon, ginugunita natin ang pagsuong ni Jesus sa daan ng krus, daan ng kalbaryo, at daan ng kaligtasan – bagaman at batid niyang pumapasok siya sa isang mundong hindi pa lubos na handa upang tumanggap sa kanya.
Sa ating buhay ngayon, hindi lahat ay plantsado, ika nga. Hindi lahat ay patag ang daan, at lalung hindi lahat ay matuwid. Patuloy pa rin ang kadayaan at karahasan sa lipunan. Patuloy pa rin ang katiwalian, at kawalang pagpapahalaga sa buhay, tulad ng ginagawa ng mga teroristang walang maisip gawin kundi ang mandukot, mandakip, at manakot … tulad ng ibang uri ng teroristang walang ibang malaman gawin kundi kumitil ng inosenteng buhay sa sinapupunan.
Subali’t ito ang mundo kung saan tayo isinugo ng Diyos. Sa Diyos na ito dapat rin tayo sumuong at humarap sa iba-ibang mga paghamon at pagsubok. Tulad at kasama ni Jesus sa araw na ito, tayo ay nagpapasyang sumuong at pumasok sa mundong ito na nangangailangan pa rin ng kaligtasan.
PAGSALUBONG … Ang araw ring ito ay araw ng kaluwalhatian … sumandaling nakatikim si Kristo ng admirasyon at adulasyon ng balana sa Kanyang pagpasok sa Jerusalem – isang pahimakas ng adorasyon na nararapat sa Kanya, bilang isang Hari na maluluklok sa krus, di maglalaon. Karapat-dapat siya ng ganuong adorasyon at adulasyon. Siya nga ang hulang Mesiyas, na darating – ang Anak ni David na maghahari magpakailanman, bagama’t di maglalaon ay itatatuwa siya at ipagkakanulo ng maraming sa araw na ito ay sumisigaw ng “hosanna.”
Tayo man ay sumasama sa pagsalubong kay Kristong Mananakop. Subali’t alam din natin, sa kaibuturan ng ating puso, na tayong lahat ay mga salawahan. Tayong lahat ay mga taksil sa Panginoon. Di miminsan isang araw tayo ay tumatalikod sa mga hosanna at papuring ating sinasambit. Di pa nga tayo nakalalabas ng Simbahan ay tayo ay pinamumugaran na kung minsan ng galit at poot sa kalooban … ng tampo o sama ng loob sa Diyos na tila hindi nakikinig sa panalangin at kahilingan natin. Ang buhay natin ay isang pagsalubong at isang pagtalikod; pagtanggap at pagtanggi; paghanga kay Kristo at pagiging hangal kapagdaka. Tayong lahat ay mga makasalanan.
PAGSULONG …. Si Jesus ay sumuong, tinanggap ang pagsalubong na maluwalhati, at gumawa pa nang higit pa rito. Sumulong siya at pinangatawanan ang kalooban ng Ama. Ang mga katagang ginamit ni Pablo dito ay “usque ad mortem” …. Naging masunurin aniya si Jesus, magpahanggang kamatayan – kamatayan sa krus!
At sa kanyang pagsuong, sa gawang pagsalubong sa kanya, ay pinasulong Niya ang balakin ng Ama na iligtas ang buong sangkatauhan. Sa kanyang pagsuong sa kamatayan ay sinasalubong natin ang isang maluwalhating tadhana at kinabukasan. At hindi lamang ito, naisulong Niya ang kaganapan ng lahat ng pangako at katuparan ng hula sa lumang tipan. Sa pagsuong niya sa kamatayan sa krus ay nasulong ang isang panibagong bukas natin … “by his wounds we are healed … sa pamamagitan ng kanyang mga sugat ay napagaling tayong lahat.”
Isang malinaw na halimbawa ang ipinakita ni Kristo sa atin. Sumunod, sumuong, tumanggap ng salubong sa balana, at isinulong ang kaligtasang hatid Niya mula sa Ama.
Isa lamang ang tanong para sa atin sa mahal na araw na ito … Saan ba tayo sumuong? Ano ba at sino ba ang ating sinasalubong? At higit sa lahat, ano ba ang ating isinusulong? Tayo ba ay kasama ni Kristo, o kasangga? May araw pa para tayo magpasya.
A blessed and meanigful holy week to you fr. chito..
salamat po sa iyong mga post..marami po akong nakukuhang magagandang aral.