frchito

PAG-AHON SA TAMANG PANAHON!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo on Marso 24, 2009 at 21:36

st-philip-the-apostle

Ika-5 Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 29, 2009

Mga Pagbasa: Jer 31:31-34 / Hebreo 5:7-9 / Jn 12:20-33

PAG-AHON SA TAMANG PANAHON

Noong isang Linggo ay Laetare Sunday kung tawagin sa Latin at Ingles. Ibig sabihin nito ay Linggong nakatakda upang magsaya. Sa kalagitnaan ng kwaresma, ay ipinagunita sa atin ng Simbahan ang napapanahong paggunita sa wakas at hantungan ng lahat ng ating pagpupunyagi at paghihirap. Kaya’t ang paalaala sa atin ay “magalak … ang kaligtasan ay malapit nang dumating.”

Ang kagalakang inaasam ay naganap sa kasaysayan noong isang Linggo sa pagdating ni Ciro na nagpalaya sa ipinatapong mga Israelita sa Babilonia. Ang mithiin ay nakamit. Pinalaya sila at binigyang-kalayaan upang sumamba muli sa templo ni Solomon sa Jerusalem, upang mangasi-uwi at magbalik-bayan sa lupang ipinangako sa kanila ng Diyos.

Naganap ang lahat sa takda at wastong panahon.

Sa mga lumaking katulad ko sa probinsya at may karanasan pa sa pamimitas ng mga bungang-kahoy, malaki ang kaibahan sa prutas na tinatawag na hinog sa puno at hinog sa pilit. Ang hinog sa puno ay nagdaan sa wastong pagbilang ng araw upang mahinog nang tama. Ang hinog sa pilit ay nagdaan sa init ng kalburo upang mapadali ang pagkahinog. Iba ang lasa ng hinog sa tamang panahon. Iba ang lasa ng hinog na wala sa panahon. Huwag na ninyo tanungin kung ano ang kaibahan!

Sa mga bihasa sa pagpuputol ng kawayan, mayroon rin tayong tinatawag na taga sa panahon. Ang taga sa panahon ay hindi bukbukin, matibay, at malakas sa anumang pagsubok. Matatag ang kawayang taga sa panahon sa pagpabago-bago ng takbo ng klima, at sa anumang iba pang pagsubok sa katibayan ng kawayan.

Ang taga sa panahon ay naghintay sa tamang panahon … sa kinakailangang pagdaan ng mga buwan, linggo, at mga araw ayon sa batas ng kalikasan. Ang taga sa panahon ay isang sagisag ng tamang paghihintay, ng wastong pagsisikhay bago mag-ani, bago makinabang, at bago magbunga ang lahat ng pinagpagalan.

Isa sa katangiang gusto ko sa mga magsasaka ay ito … Hindi sila katulad ng mga kabataan ngayong hindi na makahintay. Ang posmodernong tao ngayon ay wala nang kakayahang maghintay. Lahat halos ay “instant.” Andyan ang instant noodles, ang instant coffee, instant copies, instant pictures, instant puto at instant bibingka. Ang lahat ay nakalagay sa karton na pagkabukas ay tubig at init na lamang ang kailangang ilapat para magkaroon ng puto, bibingka, o anu pa man. Wala nang makahintay sa pagdidikdik ng pansahog sa lutuin. Ang lahat ay nakukuha sa sobre … tulad ng Knorr, Maggi at marami pang mga “instant food mix” na ginagamit sa pagluluto. Pati kare-kare ngayon ay daya na. Sampu ng adobo na nagagawa sa pamamagitan ng adobo mix, o ginisa mix at iba pa.

Hirap tayong maghintay. Hirap tayo ngayon umunawa na may akma at wastong panahon para sa lahat. Noong araw ang sinaing na tulingan ay magdamag na nakasalang sa palayok at kalan. Ang bulalo ay magdamagan ding hinihintay, at alam ng lahat na ang pilitin ang pagkaluto ay hindi puede. Wala sa panahon ang lasa ng sabaw. Wala sa panahon ang lambot ng karne. At walang silbi ang pilitin ito at madaliin.

Nagsimula ang mga pagbasa natin sa isang pahimakas sa tamang panahon …. “Darating ang mga araw na gagawa ako ng isang bagong kasunduan sa pagitan ng bahay ni Israel at bahay ni Judah.” Darating ang panahon … at ang bunga ng tamang panahong ito ay walang iba kundi ang pangarap ng bayang Israel: “Ang lahat mula sa silangan hanggang sa kanluran ay makakakilala sa akin, wika ng Panginoon, sapagka’t patatawarin ko ang kanilang masasamang gawa at hindi na nila gugunitain ang kanilang kasalanan.”

Darating ang panahon …

Subali’t ang pagdating ng panahon, tulad ng awit ni Aiza Seguera, na kinatha ni Moi Ortiz, ay nababalot sa paghihintay nang may kaakibat na pag-asa. Sa bawa’t pagdating ng panahon ay may kaakibat na pag-aasam, paghihintay, at diwa ng pag-asa. Maging si Kristong Panginoon ay nagpamalas ng ganitong pag-asa: “Bagama’t Siya ay Anak, natuto siyang sumunod sa daan ng paghihirap; at nang maganap ay naging bukal siya ng walang hanggang buhay para sa lahat ng sumusunod sa Kanya.” (Ika-2 pagbasa).

Darating ang panahon …

Subali’t ito ba ay isang paghihintay sa kawalan? Ito ba ay isang pagnanasang walang kahihinatnan?

Ang tugon ng ebanghelyo ay malayo sa paghihintay sa kawalan. Itong paghihintay na aktibo na binabanggit natin ayon sa diwa ng pag-asa, ay isang paghihintay na mapaghanap … isang pagnanasang may handang gawin upang makita ang hinahanap. Ito ay isang pag-aasam na may handang pambayad upang matupad ang inaasam. Sa ebanghelyo natin, isang grupo ng mga Griego ang nagtungo kay Felipe at nagwika: “Gusto naming makita si Jesus.” Kagya’t sinabi ni Felipe kay Andres. At silang dalawa ay nagwika kay Jesus. At si Jesus naman ay tumugon ng isang sagot na parang walang kinalaman sa hiling ng mga Griego.

Walang kinalaman? Hindi, bagkus kabaligtaran nito. Ang sagot ni Jesus ay ang buod ng kanilang hanap … ang bunga ng kanilang pangarap, at inaasam-asam: “Dumating na ang oras kung kailan ang Anak ng Tao ay luluwalhatiin.”

Dumating na ang panahon. Ito na ang takdang panahon. Ito na ang tamang sandali. Oras na. Panahon na. Ngayon na. …

Kung hindi ngayon, kailan pa? Kung hindi dito, saan pa? Ito ang larangan ng kaligtasan natin. Ito ang daigdig na pinagbayaran ng buwis ng Panginoon at tinubos para sa kaligtasan ng lahat. Kung hindi natin pupuksain ang katiwalian, kailan pa? Kung hindi natin pagpupunyagian ang kasalanan dito, saan pa? Kung hindi natin pagsisikapan na mapabuti at mapanuto ang Pilipinas, kailan pa? At para saan pa? Para kanino pa, kung hindi tayo ngayon magbabanat ng buto sa pag-alsa laban sa lahat ng uri ng kasalanan?

Taga na tayo sa panahon. Hindi tayo mga hinog sa pilit. Dumating na ang takdang oras. At sumapit na ang sandali ng ating kaligtasan. “Ngayon na ang oras kung kailan ang hustisya ay bumaba sa daigdig; sa sandaling ito ang pinuno ng daigdig ay itataboy na. At sa sandaling ako ay maiangat sa mundong ito, ay hahanguin ko ang lahat sa aking sarili.”

Panahon na … oras na! Dito, doon, saanman … AHON NA, PANAHON NA!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: