frchito

Archive for Mayo 8th, 2009|Daily archive page

PUNO, PUNA, PUNO’

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Taon B on Mayo 8, 2009 at 20:32

vine_branches1
Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay(B)
Mayo 10, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 9:26-31 / 1 Juan 3:18-24 / Juan 15:1-8

Sa araw na ito, tatlong kataga ang lumulutang sa aking guniguni bilang simulain ng isang pagninilay sa ikalimang linggo ng pagkabuhay. Ang una ay katagang ginamit mismo ng Panginoon – puno … “Ako ang puno ng ubas; kayo ang mga sanga.” Ang puno ay may kinalaman sa katatagan, katibayan, kalakasan, siyang dinadaluyan ng buhay ng isang halaman, ang pinaka-haligi alalaumbaga, ng isang matayog na halaman. Kung walang puno ay walang sanga, walang dahon, at walang buhay, sapagka’t walang dinadaluyan ng sustansiya at lakas na kailangan ng buong halaman.

Hindi namumunga ang puno (ang haligi). Walang prutas na napipitas sa puno, kundi sa sanga. Subali’t walang sanga ang maaaring mamunga kung hindi nakakabit sa puno. Walang sanga ang maaring makapag-sarili liban sa pagiging kadugtong ng puno. Ang sanga na humiwalay sa puno ay kagya’t nalalanta, natutuyot, at namamatay.

Malinaw ang turo sa atin sa araw na ito. Bilang mga sanga lamang, hindi kailanman tayo makaaasang maging hitik ng bunga kung hindi kaakibat ng puno.

Ito ang pangunahing puna na dapat nating isapuso at isaisip sa araw na ito. Noong isang Linggo, ginunita natin ang katotohanang tanging is Kristo lamang ang nakapagsabi at nakapagpatunay sa kanyang buhay at kamatayan at muling pagkabuhay sa kanyang pagiging isang butihing pastol. Isa sa kanyang pagiging butihing pastol ay ang katotohanang ang buhay niya ay laging kaakibat ng kanyang kawan. Ang kawan ay nakikinig sa kanyang tinig at kilala rin naman ng pastol ang kanyang kawan. Mayroong isang maigting at matibay na koneksyon ang namamagitan sa pastol at kawan.

Sa Linggong ito, koneksyon pa rin ang ating unang puna sa mga pagbasa …. Koneksyon ng puno at ng sanga, ng haligi at ng bunga, tulad sa koneksyon na naghahari sa pagitan ng pastol at ng kawan.

Malalim at malinaw ang pang-unawa ng tao ngayon sa koneksyon. Una sa lahat, hirap tayo kung walang koneksyon ang selfon, kung walang signal. Hindi tayo makapamumuhay nang matagal ng walang load, walang signal, at walang selfon. Pakiramdam ng isang taong walang selfon ay parang hubad, o parang sundalong walang armas. Hindi tayo makaalis ng bahay ng walang selfon, walang signal, at para tayong yagit na yagit kung walang load. Koneksyon ang usapan natin dito. Koneksyong pisikal at elektronika, sa pamamagitan ng iba-ibang “bands” na tinatawag. Sa dalawang linggong nakaraan, sira ang internet koneksyon namin. Dalawang Linggo rin akong pilay. Hindi ako nakapagpaskil ng homiliya ko sa blogsite. Parang hindi ako makapamunga sapagka’t ang puno ay walang sanga, o ang sanga ay hindi kaakibat ng puno.

Ito ang malinaw na turo sa atin ni San Pablo. Noong siya ay sumampalataya kay Jesucristo, kinailangan niyang makisama at maki-ugnay sa puno ng Simbahang nagsisimula pa lamang. Kinailangan niyang maging kaugnay at kadugtong ng katawang mistiko ni Kristo. Kung kaya’t sa kabila ng mga puna at duda ng mga tao sa kanya, na hindi kaagad naniwala sa kanyang pagbabalik-loob, ay nanatili siyang nakakabit sa katawang mistiko ni Kristo, kahit noong siya ay isugo sa Cesaria at sa Tarso, kung saan siya isinilang.

Ang kaugnayang ito ni Pablo kay Kristo ang siyang naging muog ng katatagan ng kanyang pangangaral sa mga pagano, sa mga Helenista, na kung tawagin ay hentil.

Naging puno ng bunga ang buhay at ministerio ni Pablo. Siya ay naging tagapaghatid ng magandang balita sa mga hentil, sa mga hindi orihinal na Judio ang paniniwala. Dinala niya sa malalayong lugar ang magandang balita ng kaligtasan. Isa siyang mahaba ay mayabong na sanga na, bagama’t sanga, ay nanatiling kaakibat ng puno na walang iba kundi si Jesus. “Ako ang puno ng ubas; kayo ang mga sanga.”

Mayabong na rin ang mga sanga ng orihinal na puno ng simbahan. Malago at malawak na rin ang narating at naabot. At dito papasok ang pangunahing puna na pinag-usapan natin. Walang punong namumunga liban sa pamamagitan ng sanga, at walang sangang namumunga liban kung kadugtong ng puno. Wala tayong kayang gawin sa ganang sarili natin at limitadong kakayahan. Kung hindi ang Diyos ang nagpasya, ay walang kabuluhan ang paggising natin nang maaga, walang kabuluhan ang ating pagpupuyat at pagsusunog ng kilay.

Walang kapunuan kung walang pananatili sa puno, at pagbabata ng puna na may kinalaman sa paglago natin sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Sine me, nihil potestis facere. Liban sa akin, ay wala kayong anumang magagawa.

Isang puna lamang para sa ating lahat sa araw na ito. Hindi tayo mapupuno, kung malayo sa puno na siyang maydulot ng kaganapan at tunay na kapunuan. Tayo ay mga hamak na mga sanga lamang, hindi haligi, hindi puno. At ang kapunuan natin ay galing sa pakikpagniig at pagkadugtong lamang sa pinagmumulan at dinadaluyan ng tunay na buhay – ang buhay na walang hanggan.