Ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon (B)
Julio 21, 2009
Unos at bagyo ang pasimulang tumatambad sa atin sa mga pagbasa. Sa kalawakan ng dagat na binabayo ng bagyo, isang mapagpayapang mga katanungan ang bigkas ng Panginoon kay Job. Ang larawang ipinipinta ay walang iba kundi ang Diyos na siyang nagpapahinahon sa nagngangalit na mga alon, unos, at hagupit ng hangin.
Katiwasayan … Kapayapaan … kahinahunan. Ito ang magandang balita para sa atin ngayong araw na ito. Sa gitna ng unos at nangaglakihang mga alon na humahampas sa bangkang kinalululanan ng mga nahintakutang mga disipulo, isang mapaghupang kataga mula sa Panginoon ang nagpatahimik sa dagat. “Tahimik! Maghupa ka!” Kagya’t naghari ang katiwasayan at ang takot ng mga disipulo ay napalitan ng pagkamangha.
Ang buhay ng tao ay parang isang bangkang nababalot ng pangamba at takot. Takot ang laman ng puso ng mga marinerong naglalayag sa bandang Somalia. Pangamba ang laman ng damdamin ng mga sundalong nadedestino sa Afghanistan o Iraq. Malaking kaba ang dulot ng mga girian ng North Korea at ng ibang bansang hindi nila ka aleado at kapanig. Malaking mga katanungan ang nasa isipan ng mga taong hindi tiyak kung ang kanilang trabaho ay magtatagal pa, o lalamunin ng mga murang bilihin angkat mula sa China.
At tulad ng karanasan ng mga disipulo, tila natutulog lamang ang Diyos at mistulang walang pansin sa mga nagaganap.
Subali’t tayo ay nagtitipon tuwing Linggo sapagka’t ang Linggo ang araw ng Panginoon. Ito ang araw ng Panginoon kung kailan ang pinakamalaking dahilan ng takot at pangamba ng tao ay nagapi at napagwagian nang lubusan. Ito ang araw ng muling pagkabuhay ng Panginoon.
Kung mayroong isang tao na dapat sana ay nagapi ng takot at tampo sa Diyos, ito ay si Job. Susun-suson, sapin-sapin, tagni-tagni ang mga suliraning dumapo sa kanya. Subali’t sa araw na ito, naghupa ang kanyang damdamin sa kabila ng unos at bagyo dahil sa paliwanag ng Diyos.
Sa kabila ng lahat … ito ang punto de vista ng taong may tiwala at pananampalataya sa Diyos. Ito ay sapat para mamutawi mula sa kanyang labi ang mga kataga tulad ng ating tugon sa unang pagbasa: “Magpasalamat sa Diyos; ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.”
Hindi kaila sa atin na ang suliranin ay patuloy na sasagi sa buhay ng tao. Ang mga pagsubok ay patuloy ring darating sa buhay ng bawa’t nilalang. Hindi magwawakas ang pagdating ng bagyo sa lupang Pilipinas, mahigit sa 26 bawa’t taon. Patuloy tayong dadalawin ng takot at pangamba. Subali’t iba na ang punto de vista ng taong may tiwala at pananampalataya sa Diyos. Para siyang isang halamang nakatanim sa tabi ng sapa. Matatag siya at tiyak sa pagkakatubo … sa kabila ng lahat.
very inspiring blog… a very inspiring post…
😉