KAPISTAHAN NG BANAL NA KATAWAN AT DUGO NI KRISTO
(CORPUS CHRISTI)
Junio 14, 2009
Mahirap isipin na ang bagay na itinatapon ay may halaga para sa mga modernong taong tulad natin. Ang panahon natin, bukod sa iba pa, ay isang panahong ang pagpapahalaga sa maraming bagay ay hindi nagtatagal. Kay bilis maluma ang mga cellphone, mga computer, atbp. At kapag itinapon, ito ay tanda na wala nang halaga, wala nang silbi para sa nagtapon.
Subali’t alam natin na sa sinaunang panahon, ang sakripisyo ay isang pagbububo (pagtatapon) ng kung ano mang lubhang mahalaga, bilang pag-aalay sa kanilang diyos na sinasamba. Maging sa Lumang Tipan, ang pagbubuhos ng dugo ng hayop na iniaalay sa dambana ng templo sa Jerusalem ay isang tanda ng sakripisyong karapat-dapat sa Diyos. Ang dugo ay ibinubuhos sa altar bilang pagtubos o paghuhugas sa mga kasalanan. At ito ay sapagka’t ang dugo ay tanda at sagisag at simulain ng buhay, ang siyang nagtataguyod ng buhay. Ang pagbububo ng dugo ay pag-aalay ng kung anong itinuturing na pinakamahalaga sa tao noong mga panahong yaon.
Bagama’t hindi na sanay ang tao ngayon na magpahalaga sa dugo bilang pangwisik, bilang pampahid sa noo o anumang katumbas na ritwal, batid pa rin ng postmodernong tao na ang dugo ay lubhang mahalaga, tulad halimbawa sa hindi natin pagtanggi sa pagsasalin ng dugo, o pag-aalay ng dugo sa Red Cross tuwi-tuwina, o kung kailangan.
Tunay na, maging sa panahon natin, ang dugo ay kumakatawan sa buhay. Ang pagdaloy ng dugo ay tanda ng pananalaytay ng buhay sa ating katawan. Ang pagkakaloob ng dugo ay pamamahagi ng buhay, at ang pagdadanak ng dugo para sa bayan o sa isang adhikain ay tanda ng pagiging isang dakilang bayani na tinitingala ng balana.
Ang lahat ng ito, at higit pa, ang siya nating ginugunita at ipinagdiriwang sa pista ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristong ating Panginoon. Sa dakilang kapistahang ito, ang diwa ng pag-aalay ng karapat-dapat na pagkakaloob sa Diyos ay atin ngayong pinagyayaman. Sa Lumang Tipan, paulit-ulit ang pangangailangang magkaloob ng dugo sa Diyos. Paulit-ulit rin ang pangangailangang magsakripisyo sa Diyos sa templo sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tupang walang bahid, walang pintas, ganap at hindi hihigit sa isang taon ang gulang.
Ang pinakasukdulan ng kaganapan at kabutihan ang siyang binibigyang-halaga sa pag-aalay.
Sa Eukaristiya, na nagsasabuhay at muling nagsasaganap ng sakripisyo ng Kordero ng Diyos, na si Jesus, na tila isang maamong korderong inialay sa altar ng Kalbaryo, at nagbubo (nagbuhos) ng kanyang dugo para sa ikaliligtas ng santinakpan, ay ginugunita natin ang lahat ng ito. Nguni’t kakaiba sa mga alay sa Lumang Tipan, ang alay na ito ay ganap, walang kapantay, walang katumbas, dahil sa ang nag-alay at ang inialay ay walang iba kundi ang bugtong na Anak ng Diyos.
Ang itinatapon sa buhay natin ngayon ay walang silbi. Ang itinapon sa Kalbaryo naman ang nagbigay silbi sa buhay natin na dati-rati ay walang kakabu-kabuluhan dahil sa pagkakasala na minana natin lahat. Ang buhay na ipinagkaloob, ang dugo na ibinubo, at ang katawang ipinagkaloob sa atin upang pagpira-pirasuhin at tanggapin ang siyang naging daan sa ating pagtanggap ng bago at higit na mataas na antas ng pamumuhay-Kristiyano, pamumuhay kapiling ang Diyos.
Bukod sa rito, ang tapunan ng dugo na naganap sa dambana sa Lumang Tipan ay naging tanda ng isang tipanan. Nang tinanggap ni Moises at ng mga Israelita ang paanyaya ng Diyos, at silang lahat ay winisikan ng dugo ng kordero, ang Tipanan ay naganap. “Ako ang inyong Diyos, at kayo ang aking bayan,” ani Yahweh. At ang tugon naman ng mga tao ay ang buod ng kasunduang ito: “Ang lahat ng utos na galing sa Panginoon, ay aming tutuparin.” Kalahati ng dugo ay ibinubo sa altar, at ang kalahati ay iwinisik sa mga tao.
Tapunan o tipanan? Ito ang tanong natin sa araw na ito… Kung ang Eukaristiya ay walang iba kundi ang pagtatapon ng buhay ng Panginoon para sa atin, ang pagkabubo ng dugo niya sa ating kaligtasan, ang nagaganap ay hindi sayang … hindi kailanman dapat ituring na sayang … Ito ang diwa at buod ng Eukaristiya, sagisag, tanda, at katotohanan ng pakikipagniig natin sa Diyos – Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ang tapunan na nagaganap araw-araw sa pagkakaloob Niya ng katawan at dugo at hindi isang pag-aaksaya at pagsasayang na walang kinahihinatnan. Ang tapunan sa altar ay sandigan ng Tipanan sa puso ng bawa’t isa sa atin.
Walang sayang sa mga nagmamahalan. Walang tapon sa mga taong may malasakit sa isa’t isa. Walang panghihinayang sa mga tumatanggap ng lahat at ng kabuuan. Ang tanong natin sa salmong tugunan ay “ano bang maari kong ipagkaloob bilang tugon sa kabutihan ng Diyos?” Nagsasayang ba ako ng oras sa umagang ito, o sa araw na ito sa pagsisimba? Nagtatapon ba ako ng oportunidad sa paggugugol ko ng oras para sa kanya?
Malayo ito sa katotohanan. Ang tapunan sa altar ay batayan at pagtitibay ang tipanan ng Diyos at ng kanyang bayan. At sa tipanang ito, walang hihigit pang tanda sa pangakong ito: “Ang kumain ng aking katawan at uminom ng aking dugo ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”
Mayroon pa bang ibang dapat hanapin? Kailangan pa bang imemorize ito? For life!
Napakaganda ng pagninilay na ibinahagi mo para sa ipinagdiriwang na ito. Lalong nitong pinalalim ang aking pananampalataya at pagmamahal kay Hesus.Nais kong maging sandigan ng aking buhay ang mga katotohanang ibinahagi mo at makakaasa ka na ibabahagi ko din ang mabuting balita sa lahat. maraming2 salamat po.