frchito

Archive for Hulyo 17th, 2009|Daily archive page

GABAY, TULAY, BUHAY

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Mabuting Pastol, Pagninilay sa Ebanghelyo on Hulyo 17, 2009 at 14:29

jesus the good shepherd
Ika- 16 na Linggo (B)
Julio 19, 2009

Linggo na naman … araw ng pahinga, araw ng pagninilay, araw ng pagkilatis ng ating buhay at pagkilala sa kung ano ang nagpapaikot at nagpapainog sa buhay nating lahat. Noong araw, ang Linggo ay madaling maramdaman at makilala. Wala pa noong mga call centers, walang mga supermarket na 24/7 … wala pang mga 7/11 na bukas maghapon at magdamag, anumang araw, anumang dahilan, anumang lugar sa buong kapuluan!

Madali ang makakita ng gabay sa panahong malinaw ang kaibahan sa Linggo at sa ordinaryong araw. Halos lahat ay tumitigil sa trabaho noon sa araw ng Linggo. Karamihan ay nagsisimba … marami ang nagpapahinga. Ibang-iba ang turing sa Linggo at ibang-iba ang pinagkakaabalahan ng balana. Simbahan, sine, at sistehan ang inaatupag noon ng marami. Masaya na ang karamihan sa panaka-nakang simpleng mami at siopao … sa Mamonluk, sa Hen Wah, o sa simpleng pondohan saanman.

Subali’t sa panahon ng globalisasyon na bumabalot sa buong daigdig, ang Linggo ay nagiging Lunes at ang gabi ay nagiging araw. Wala nang kaibahan sa araw ng trabaho at araw ng pahinga.

Sa kontekstong ito ang daigdig na puno ng pagkakaabalahan, narinig natin ngayon ang mataginting na paanyaya ng Panginoon: “Halina sa isang liblib na lugar upang makapagpahinga at makapagnilay.” Sa konteksto ng kawalan ng gabay at guia ang maraming tao sa gitna ng kaguluhan, ating itinatanghal ang katotohanan tungkol kay Kristong Panginoon … “Ang Panginoon ay aking Pastol, wala na akong hahanapin pang iba.”

Sa gitna ng kaguluhan sa lipunan, kay raming “pastol” ang tumatawag ng pansin ng tao. Kay raming “tulay” ang nagpapanggap na maghahatid sa buhay ng kaginhawahan. Kay raming “gabay” ang nagpapakilalang sila ang maghahatid sa kariwasaan at katiwasayan. Ilan ang mga showbiz na personalidad ang halos ituring bilang diyos ng marami? Ilang mga politico ang siyang halos ay sambahin ng kanilang mga tagasunod? Ilang mga artista ang itinatanghal bilang modelo ng mga kabataan, kahit na ang kanilang halimbawa ay malayo sa tama at magaling?

Nagdalang-habag ang Panginoon sa mga taong nagmistulang mga tupang walang pastol, ayon sa ebanghelyo ng araw na ito.

Ito ang magandang balita na parating sa atin ngayon. Sa gitna ng kaguluhan at kawalang kaayusan, nagpapakilala siya sa atin ngayon bilang butihing pastol.

Subali’t ano bang uring pastol and kanyang parating at turo sa atin ngayon? Ito ba ay kagaya ng mga iba-iba at salu-salungat na pastol na nakikita natin sa TV? … ang mga nangagsisituro ng marami sa pamamagitan ng paninira sa ibang relihiyon? Ang mga tampalasang mga “naglilingkod daw” sa bayan na walang inatupag kundi pahabain ang kanilang “paglilingkod?” ang mga lobong nararamtan sa anyo ng tupa na nagsasamantala sa kamangmangan ng maraming ang tanging layunin na ngayon sa buhay ay makasama sa isang dambuhalang stasyon ng TV upang maging bigatin?

Sa magandang balita ngayon, hindi silaw ng salapi, hindi busilak ng bibig, at lalung hindi ningning ng pagmumukha ang dulot ni Kristong mabuting pastol. Nang siya ay nahabag sa madla, ang ginawa niya ay hindi isang “praise release” o papuri sa pamamagitan ng “envelopmental journalism,” hindi isang pakagat sa mass media, o pakitang-tao lamang sa TV at walang katapusang video grabs. Ang dulot ng butihing pastol ay ang “pangangaral” sa madlang nagmistulang tupang walang pastol.

Malinaw ang pahatid ng unang pagbasa …. Ayaw ng Diyos ng mga nagpapanggap na pastol na naghahatid ng pagkakawatak-watak ng mga tupa. Ayaw ng Diyos ng mga mapagsamantala. At ang kanyang pangarap ay ang magpa-usbong ng isang magmumula sa angkan ni David, na maghahari magpakailanman.

Naganap na ang pagsapit ng usbong na ito ni David sa katauhan ni Kristo. Siya ang butihing Pastol. Siya ang naghahatid sa atin at gabay natin. Siya ang tulay na naghahatid sa buhay. Wala nang iba. Wala nang iba pang dapat hanapin.

Nawa’y ang butihing pastol na walang iba kundi si Kristo ay pumukaw sa damdamin at isipan nating lahat sa araw na ito, upang makinig, matuto, at sumunod sa kanya na siyang tanging gabay, at tulay patungo sa buhay na walang hanggan.

Advertisement