frchito

Archive for Hulyo 30th, 2009|Daily archive page

DI SA PAGKAING NAAAGNAS, KUNDI SA TINAPAY NA WALANG KUPAS!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon B on Hulyo 30, 2009 at 19:06

panem
Ika-18 Linggo ng Taon(B)
Agosto 2, 2009

Malimit tayong maghanap ng kung ano ang nagtatagal, kung ano ang matibay, sulit sa anumang ating ibinayad, mga bagay na hindi madaling kalawangin, di kagya’t nasisira, at di marupok sa tingin at sa gamit.

Sa kabila nito, kay dali nating mainip, magsawa, mainis, at magtampo. Tulad ng mga Israelita, na pinupog ng reklamo si Moises matapos sila dalhing palabas sa pagka-alipin sa Egipto, hindi lamang tayo naiinis. Tayo man ay nag-aalsa … nag-aalboroto, kumbaga, at nagpapahayag ng niloloob maging sa Diyos man o sa tao.

Sa gitna ng ganitong saloobin at gawain ng tao, malinaw pa rin ang pahayag ng mga pagbasa ngayon, tulad ng ating tugon sa unang pagbasa noong nakaraang Linggo: “Binubusog tayo ng kamay ng Diyos; tinutugon Niyang lahat ang ating pangangailangan.” Sa kabila ng ating pagkasuwail, ganito pa rin ang tugon ng Diyos sa atin at siya nating tugon sa unang pagbasa: “Pinagkalooban sila ng Diyos ng tinapay na mula sa langit.”

Nguni’t tunghayan natin ang tinapay na ito …

Ang puno at dulo ng reklamo ng mga Israelita ay iisa … ang kanilang tinapay ay pinagsawaan nila … ang manna … Nasabik sila sa mga karne, recado, at pangsahog na sagana sa Egipto. Nakalimutan nila ang biyaya at natuon ang puso at isipan sa pagpapasasa. Nalungkot sila sa tinapay na walang lasa … walang ulam …. Walang kasabay na masaganang mga pang-ulam sa tinapay na mula sa langit.

Kay dali nating lumimot… kay dali nating magtampo … ginusto natin ang isang bagay kahapon …. Sinisiphayo natin ngayon at kinasusuklaman sa panahong ito. Sala tayo sa init … sala rin sa lamig. Hindi kailanman tayo nasiyahan sa kung ano ang meron tayo. At sa oras na makamit ang pinakamimithi, lagi tayong nag-aasam ng bagay na wala sa atin. Mas luntian, ika nga, ang damo sa halamanan ng kapitbahay. Laging mas ganap, mas mainam, mas nakalalamang sa anumang bagay. Maging sa larangan ng politika, ayaw natin dati sa presidente. Maging ang itinatanghal natin bilang bayani ngayon ng demokrasya, ay pinagsikapan natin ibuwag sa paulit-ulit na kudeta na madugo at marahas. Ang mga nagsusulong dati ng cha-cha ay ngayon ay salungat dito, at ang pinalayas natin sa pamamagitan ng people power ang siya ngayong itinatanghal bilang tugon sa lahat ng mga suliranin nating hinaharap ngayon.

Matay nating isipin, ang lahat ng bagay na iwiwaksi natin at pinagsasawaan ang mga bagay na pansamantala … mga bagay na pangkasalukuyang sarap lamang … mga bagay na di nagtatagal. Nag-alsa ang Israelita laban sa tinapay na hindi man lamang maiipon para sa kinabukasan. Dapat silang magtipon sa bawa’t umaga ng manna. Nag-alsa sila sa bagay na hindi nananatili … hindi nagtatagal … At ang lahat ng tampulan ng atensyon ng balana ay sa mga bagay na walang kapararakan, mga bagay na naaagnas at nagwawakas.

Subali’t sa kabila ng masamang balitang ito, ay isang mahalagang balita ang tumatambad sa ating kamalayan … Ito ang balita tungkol sa Eukaristiya na nagtipon-tipon sa atin ngayon. Ito ang magandang balita na sinasaad sa tugon natin sa unang pagbasa … “Binigyan sila ng Diyos ng tinapay mula sa langit.”

Hindi sila ang pokus ng ating pagninilay ngayon, kundi tayo. Tayo ngayon ang tampulan ng pag-aalay na ito ng manna na hindi basta nabubulok; hindi basta naglalaho.

At ang tinapay na ito ay walang iba kundi ang katawan at dugo ni Jesus na ipinagkaloob nang lubusan para sa ating lahat. Ito ang kahulugan ng sinasabi ng Panginoon sa mga nangagsipagsunuran sa kaniya, matapos sila pakainin. Nagsisunod sila sapagka’t naghahanap sila ng pagkain. Pero diniretso sila ni Kristo … Hindi siya ang pakay nila, aniya, kundi ang kabusugan. Sa kabila ng kanilang kababawan, at pag-reklamo sapagka’t mahirap tanggapin ang pangaral ni Kristo, nagkaloob pa rin siya ng pinakamahalagang aral bagama’t ang kaganapan ay mangyayari sa kaniyang pagkakaloob ng sarili sa kamatayan sa krus.

At pinagtagubilinan sila ng isang mahalagang pangaral. Huwag aniya tayo masiyahan sa pagkaing naaagnas, bagkus maghanap ng pagkaing walang kupas.
Ito ang Eukaristiya … tinapay ng buhay … tinapay na mula sa langit … tinapay na dulot ni Kristo …. Walang agnas, walang kupas … pagkaing nagbibigay-buhay … pagkaing naghahatid sa buhay na walang hanggan!

Ikaw, saan ka pa? Dito na tayo, pre! Walang kakupas-kupas!

Advertisement