Ika-22 Linggo ng Taon (B)
Agosto 30, 2009
Mga Pagbasa: Dt 4:1-2, 6-8 / Santiago 1:17-18, 21b-22, 27 / Mk 7:1-8, 14-15, 21-23
Marami ang mabait na tao sa mundo. Kay daming mababait na politico sa bayan natin, mababait na mga pinuno ng bayan. Sa kanilang kabaitan, namumudmod ng pera, tulad ni Robin Hood, namimigay ng kung ano-anong pabuya, tulad ng mga mayor na namimigay ng cake sa pagsapit ng kaarawan ng mga senior citizen ng bayan.
Marami rin ang marurunong sa lipunan natin. Magagaling, mahuhusay, maraming pinag-aralan. Kay dunong nila kung kaya’t lahat yata ng problema ay meron silang solusyon, tulad ng mga nag-aasam maging presidente na pawang may taglay na solusyon kahit na hindi pa man nagaganap ang eleksyon.
Marami ang masisipag sa bayan natin. Marami ang dedikado sa trabaho, na nagbubuhos ng kanilang oras sa anumang pinagkakaabalahan. Ang dami ng mga patakbo-takbo, pahingal-hingal, paparuon at paparito, na wari’y laging naghahabol ng hininga.
Kung ang pag-uusapan ay dunong, kabaitan, kasipagan, marami ang nararapat maging pinuno ng bayan; marami ang dapat ay may tangang kapangyarihan sa lipunan.
Nguni’t tingnan natin sumandali ang mga pagbasa sa araw na ito …
Sa unang pagbasa, malinaw ang koneksyon ng dalawang bagay – karunungan at pakikinig. Hindi mahalaga ang dunong kung walang kakayahang makinig at tumalima sa batas ng Panginoon. At ang pakikinig ay nagbubunga ng paggawa ng makatarungan … karunungan na kaakibat ng katarungan.
Ang tugon matapos ng unang pagbasa ay isang pagdidiin sa parehong katotohanan: “Ang gumagawa ng katarungan ay mamumuhay sa harapan ng Panginoon.”
Hindi rin nalalayo ang sinasaad sa ikalawang pagbasa. Paggawa, hindi lamang pag-ngawa ang inaasahan sa atin. Pagtupad, hindi lamang masusing paghahangad, ang siyang dapat pag-ukulan ng pansin ng lahat. Ang katarungang hinihingi ni Santiago ay may kinalaman sa pagmamalasakit sa mga ulila, mga biyuda, at mga mahihina.
Ito ang matinding problema ng mga Pariseo at mga eskriba. Alam nila ang batas. Alam nila ang tama. Alam nila kung ano ang sinasaad ng kautusan. Alam nila ang batas at ang butas nito upang makalusot sa maraming bagay.
Mahalaga na maunawaan natin ang tinutumbok ng mga pagbasa. Karunungan, hindi katalinuhan … kabutihan, hindi kabaitan. At ang kabutihang ito ay makikita sa paggawa ng katarungan, hindi sa pag-ngawa kapag malapit na ang eleksyon, hindi sa paninira ng kalaban, kundi sa pagtupad sa tawag ng kabutihan.
Maraming mababait, matatalino, at masisipag sa lipunan. Pati mga Pariseo at eskriba ay maalam at matatalino. Maraming naghahangad na maging pinuno ng bayan ang mababait, tulad ng isang lasenggero at sugarol na namumudmod ng salapi sa mahihirap. Mabait, nguni’t hindi mabuti.
Ang kabaitan ay isang birtud. Malinaw ito. Nguni’t sa hanay ng mga birtud, ay mayroong higit na mahalaga kaysa sa iba. Ang kabaitan ay puedeng hatid ng makasariling mga layunin, na malimit ay lingid rin sa kaalaman ng isang tao. Ito ang motivacion, ang siyang nagtutulak sa isang tao upang maging mabait, masunurin, o magalang. Ang puno at dulo ng kautusan ay hindi ang gawin tayong mabait, kundi mabuti … tulad ng Diyos, na modelo at simulain ng lahat ng kabutihan. Ang kabaitan ay puedeng magmula sa isang makasariling layunin, upang makakuha ng papuri ng madla. Ang kabutihan ay nagmumula sa dalisay na kagustuhang matulad sa Diyos, hindi upang palakpakan ng balana.
Malapit na naman ang halalan. Kay daming maaalam at matatalino ang nangagsisipaglabasan. Biglang dumami ang napakagaling sa pagtutuos kung ilang classroom ang magagawa sa halaga ng dinner na mamahalin ng mga nagsipuntahan sa New York! Biglang nagdamihan ang mga ekonomista, na biglang nakakita ng solusyon sa mga problema ng bansa. Biglang dumami ang nagmamalasakit sa mahihirap, na kahit hindi marunong pumadyak ay walang ginawa kundi pumadyak sa TV at sa harapan ng camera. Mababait silang lahat. Tulad ng mabait na syang tawag ng mga Tagalog sa mapanirang daga.
Malaki ang pananagutan natin lahat. Tayong lahat ay nag-asal Pariseo sa buhay natin … tulad ng eskribang kay husay magsulat at magsalita. Sa buong Asia, Pinoy ang silang kilala sa mga talumpati, sa mga debate, at sa pag-ngawa. Kasama ako rito, at kayong lahat na nagbabasa nito.
Sa araw na ito, malinaw ang panawagan. Malinaw ang magandang balita. Hindi katalinuhan o kaalaman, bagkus karunungan. Hindi kabaitan, kundi kabutihan. Tulad ng Diyos, na Siyang bukal ng dilang kabutihan at kabanalan!
Mangilao, Guam
Agosto 26, 2009
2:25 PM
Dear Father,
Thank you for this homily. Mas lalo ko pong naintindihan ang salita ng Diyos. Ako po ay sumusubaybay sa website na ito. Maraming Salamat po talaga. Sana’y di po kayo magsawa.
salamat, Jun. salamat sa puna na nakapagbibigay ng dagdag pang pagnanais na magsulat.
salamat po sa pagliwanag ng salita ng diyos,
sa pagsasaulo po sa akin ng tunay na kahulugan nito”
salamat po.. at kapayapaan sa inyo!